“HIJA, I’M so glad you came!”
“Hello, ‘La.” Niyakap niya ang kanyang lola at hinalikan sa pisngi ang kanyang lolo na sumalubong sa pagdating. “Sorry, ngayon na lang uli ako nakadalaw sa inyo. Alam naman siguro ninyo kung gaano ka-hectic ang buhay sa Maynila.”
“Ang importante, nakapunta ka dito ngayon. Ang totoo nagulat kami ng lolo mo nang tumawag ka at sinabing pupunta ka dito. Ang alam kasi namin, sa Disyembre pa ang balik mo uli dito.”
“Pero mas masaya kami ngayon na nagkusa ka ng pumunta rito kahit walang okasyon.”
Niyakap niya sa magkabilagn braso ang dalawang matanda. “Huwag na ninyo akong kunsensiyahin. Nahalikan ko na naman kayo, di ba? Hindi pa ba ninyo ako patatawarin?”
“Ikaw na lang ang nag-iisa naming apo dito sa Pilipinas, itatakwil ka pa ba namin?” madramang wika ng kanyang lola. “Pero sana ay mas dumalas ang pagdalaw mong ito.”
“Titingnan natin, ‘La.” Hinalikan niya uli ito sa uno. “Ano ba ang makakain dito? Nagugutom na ako, eh.”
“Nagluto ang lola mo ng paborito mong sinigang na baboy.”
“Patatabain nyo na naman ako nito, eh.”
Sabay-sabay na silang nagtungo sa komedor. Ang mga ito na lang ang natitirang alaala sa kanya ng kanyang ama. Ang mga kamag-anak kasi niya sa father side ay kung saan-saan ng bahagi ng mundo naninirahan. Kunsabagay, pati naman ang mga lolo at lola niyang ito ay madalas na lumalabas ng bansa sa pag-aasikaso ng mga negosyo ng mga ito. Pero naibahagi na ng mga ito ang mga iyon sa iba pa nilang mga anak bilang pamana. And since her father was already dead, sa kanya ibinigay ng mga ito ang pamanang iyon. Na hindi naman niya naasikaso dahil may sarili siyang negosyo. Kaya ang ginawa ng mga ito ay pina-liquify ang mga partikular na assets na iyon at saka isalin sa bank account niya.
She’s secured financially for life. But still, she feels there’s still emptiness in her heart that could never be filled with all that wealth.
“Napansin kong nakapag-ani na kayo ng palay, ‘Lo. Pero parang hindi pa yata kayo naghahanda para sa bagong pagtatanim.”
“A, iyon ba? Hindi na talaga kami magtatanim sa ngayon. Balak kasi naming ibenta ang malaking bahagi ng lupain natin dito.”
“Ibebenta?”
“Matanda na ako, Winry. Hindi ko na kayang subaybayan ang ganito kalaking lupain. Huwag kang mag-alala. Magtitira pa naman ako pero ‘yung sa kaya ko na lang i-supervise. Naipaalam ko na ito sa mga tauhan natin. At sa tingin ko, tinanggap na rin nila iyon.”
“Pero…bakit, ‘Lo? Mahal na mahal ninyo ang lupain ninyong ito, hindi ba?”
“Oo, kaya nga sinisiguro kong pahahalagahan din ng bagong magmamay-ari nito ang lupaing ito, pati na rin ang pangangalaga sa mga tauhan nating matagal ng nagsilbi rito sa hacienda.”
“Huwag kang mag-alala, apo. Alam ng lolo mo ang kanyang ginagawa.”
“Unless, of course, magbago ang isip mo at magdesisyon kang i-take over itong hacienda.”
“Ernesto, hayan ka na naman. Sinabi na sa iyong hayaan mo na ang apo natin sa gusto niyang gawin. She wasn’t born to be like you, you know. May sarili siyang buhay.”
“Nagbabakasakali lang naman ako.”
Lalo tuloy niyang na-miss ang kanyang ama. Ito kasi ang alam niyang papalit sa lolo niya sakaling buhay pa ito hanggang ngayon. Her father always told her the things he wanted to do with their vast land. Gusto sana niyang panatilihin sa kanilang pamilya ang lupaing iyon. Pero ano naman ang gagawin niya kung wala naman siyang alam sa pagpapatakbo ng isang malaking hacienda. Nasa Maynila ang buhay at puso niya. At ilang beses din naman siyang sinabihan ng kanyang ama noon na huwag siyang patatali sa pangarap ng ibang tao. Kaya ngayon ay sinusunod niya ang kanyang gusto at wala pa naman siyang pinagsisisihan.
“May napili na kayong bidder, ‘Lo?”
“Wala pa. Pero merong isa na napakakulit. Mukhang interesado talaga siya rito dahil minsan na nga siyang nagpunta rito para personal akong kumbinsihin.”
“Sabi ko nga sa lolo mo, sa kanya na lang ibigay. Mukha siyang mabait. At napakaguwapo pa.”
“Mabait at guwapo?”
“At wala pang asawa,” excited na dugtong ng kanyang lola. “Nakita kong wala pa siyang wedding ring, apo.”
“Bagay ba kami, ‘La?” Natawa lang ang kanyang lolo. “Magkano kaya siya?”
“Ay, ano ba namang tanong iyan, Winry? Bakit kailangan kang bumili ng lalaki? Susmaryosep.”
“E, kasi wala pa rin akong nagiging boyfriend hanggang ngayon. Gusto ko na rin namang mag-asawa na. E, mukhang wala na akong pag-asang ma-inlove pa kaya maghahanap na lang ako ng may magandang lahi para maganda rin ang magiging anak ko.”
Muntik na siyang mabulunan sa katatawa nang makita ang reaksyon ng dalawang matanda sa sinabi niya.
“Huwag ka ngang magbiro ng ganyan, bata ka,” wika ng kanyang lola. “Kahit magbiro ay huwag mong gagawin. Baka bumangon sa hukay nila ang mga magulang mo.”
“Kung mapapangasawa lang ang kailangan mo, irerekomenda ko sa iyo ang bidder ko na iyon,” singit ng lolo niya. Kahit tatahi-tahimik ito sa isyu, mukhang hindi rin ito papayag na gawin niya ang binabalak. “Tamang-tama. Inimbitahan ko siyang pumunta rito para obserbahan ang buong hacienda ngayong tapos na ang anihan. He should be arriving today.”
“Hindi na ninyo kailangang mag-alala. Nagbibiro lang naman ako. although I wouldn’t mind meeting that guy.”
Exciting. Ngayon lang siya magkakaroon ng blind date, courtesy pa ng mga lolo at lola niya. Masarap talagang magkaroon ng kunsintidor na mga grandparents. She was still thinking of that upcoming meeting when she went to the terrace and saw a black Pajero pulled up to their front house. At parang lumaki ang ulo niya nang makilala ang lalaking umibis mula roon.
“Neiji Villaraza,” sambit niya sa sarili. “What in the world are you doing here?”
Pero imbes na maasar ay agad gumana ang utak niya para sa kanyang sariling kasiyahan. Naaalala niya ang walkie-talkie na ginagamit ng lolo niya kapag tinatawagan nito ang mga tauhan. Kinuha niya iyon at tinawagan ang head ng security ng hacienda.
“Bakit kayo nagpapasok ng tao nang hindi ipinapaalam kay Lolo?”
“May nakapasok ng hacienda, Señorita? Pero isa lang naman—“
“Alamin ninyo kung sino iyon. Delikado na ang panahon ngayon kaya mabuti na ang nakakasiguro tayo. Lalo pa at mainit ang nangyayaring bidding sa lupain ni Lolo. Baka mapahamak siya. Nasa harapan na ng bahay ngayon ‘yung taong tinutukoy ko. Kapkapan nyo lang para makasiguro tayo.”
“Opo, Señorita.”
Nakangisi na siya habang nakatanaw sa terrace. Lalo pang lumapad ang kanyang ngisi nang lapitan ng apat nilang tauhan si Neiji at pigilang makapasok ng bahay. Halatang nagrereklamo pa ito nang itaas nito ang mga kamay at kapkapan ng mga tauhan nila. Pagkatapos ay itinuro siya ng isa sa mga ito. When he looked up to her direction, she smiled sweetly at him and waved her fingers.
“Hello,” she mouthed. Kitang-kita niya ang unti-unting pagkinis ng pagkakakunot ng noo nito habang titig na titig sa kanya.
At may kung anong tila sumipa sa dibdib niya nang mapagmasdan din ito. Okay…now what? She wasn’t liking that weird feeling at the moment, kaya laking pasasalamat niya nang lumabas na ang kanyang lolo mula sa bahay at sitahin ang mga tauhan nila. Saglit lang na pag-uusap ay mukhang nagka-intindihin na ang mga ito. Pero bago pa man siya makita roon ng kanyang lolo ay umalis na siya sa terasa. Kaya lang, mukhang hindi naman naalis sa isipan niya ang kakaibang naramdaman niya nang magtama ang paningin nila kanina.
“I hate that guy,” aniya sa sarili. “Makausap nga si Lolo. Hindi siya dapat nagpapapasok dito ng mga masasamang nilalang.”
Pero hindi na siya nakalayo pa dahil nakasalubong na niya ang kanyang pakay. Kasama ng ‘masamang nilalang’.
“Winry, mabuti at nakita kita. Ito nga pala si Neiji Villaraza. Nasabi ko na sa iyo ang tungkol sa kanya.”
“Kilala ko na siya, Lolo. Pinalayas nga niya ako sa bahay niya, eh.”
Halatang nagulat ang lolo niya sa narinig. At kung hindi siya nagkakamali, anomang sandali ngayon ay paliliparin na rin ng lolo niya ang Neiji Villaraza na ito palabas ng kanilang hacienda. Ngunit tila walang epekto sa binata ang posibleng mangyari rito. He just kept looking at her as if he was memorizing her face. And she was getting uneasy.
Bakit ba ganito ito kung makatingin? Hindi tuloy niya maiwasang isipin na ganito rin ang naramdaman niya noon sa tuwing nakikita ang lalaki, bago nangyari ang eksena sa Stallion Riding Club.
“Teka,” singit ng lola niya mula sa likuran niya. “Ano nga ang sinabi mo? Pinalayas ka ng lalaking iyan sa bahay niya?”
“Opo.”
“Hindi kita pinalayas,” sa wakas ay nagsalita na rin si Neiji. Pero nahiling niyang sana ay hindi na lang ito nagsalita pa. Dahil tila nagatungan ng pagkakarinig niya sa boses nito ang nararamdaman niyagn iyon. Idagdag pa ang pagkakatitig nito sa kanya.
Ano ba!
“Kung pinalayas ka niya, apo…ano ba ang ginagawa mo sa bahay niya? Magkasama ba kayo sa iisang bubong?”
Bago pa siya nakasagot ay naunahan na siya ni Neiji. “We were dating for a couple months now. Pero nagkahiwalay din kami last week lang dahil inisip niyang may iba akong babae. I didn’t throw her out.” He turned to her, a smile was visible in his eyes. “She walked out on me.”
Napasinghap ang mga lolo at lola niya. Siya man ay hindi makapaniwala sa narinig. The jerk! Halatang gumaganti ito sa ginawa niyang pagpapahiya rito kanina!
“Kahit itanong pa ho ninyo sa mga kasamahan ko sa Stallion Riding Club,” patuloy na panggagatong nito. “They knew what really happened between me and your granddaughter. Itong si Winry lang ang ayaw talagang maniwala.”
“Stallion Riding Club ba kamo? I heard about that place. Exclusive riding club for the boys.” Napakamot na lang sa noo ang kanyang lolo. “Mukhang malala nga ang kinahinatnan ng relasyon ninyo dahil naghahanap na agad itong apo ng bagong kasintahan.”
The guy had the nerve to looked hurt. “Did you hate me that much?”
Tse! Mukha mo! Sapakin pa kita riyan, eh! Halata naman kasing pinagti-trip-an lang siya nito.
“Kung mahal mo pa rin ang apo namin,” wika na ng kanyang lola. “Gawin mo ang lahat ng paraan para maayos ang relasyon ninyo. Sayang kasi, eh. Bagay pa naman kayo. Lalo pa nga at ganyang…nagkasama na pala kayo sa iisang bubong.”
“I’m willing to try it out once again.” Bumaling na uli sa kanya ang lalaki. Ngayon ay mas malinaw na ang amusement sa mga mata nito. He was enjoying her being on the hot seat. Damn the man! “Winry? Will you let us try again?”
Hindi siya patatalo rito. At mas lalong hindi rin siya magpapa-apekto sa nararamdaman niya. Minsan na siyang nagmukhang tanga nang pakinggan niya ang damdaming iyon. Well, hindi na ulit mangyayari iyon.
“Okay lang.” Muntik ng sumemplang ang nauna na niyang pangako sa sarili nang makita ang ngiting iyon. Damn it! Huwag mo nga akong mangiti-ngitian ng ganyan! Nakakalimot kasi siya. “Pero manligaw ka uli mula umpisa. Pagkatapos, saka ko pag-iisipan kung tatanggapin pa kita uli o hindi.”
“Ang g**o mo yata, apo. Akala ko ba okay lang na magkabalikan na kayo? Bakit may mga kondisyon ka pa ngayon?”
“Ernesto, hayaan mo ang apo natin. Aba, siya ang babae kaya natural lang na siya ang magsasabi kung ano ang mangyayari sa relasyon nila. Hayaan mo silang ayusin iyan sa sarili nilang paraan.”
“Kung ganon, Neiji, dumito ka na muna sa amin hangga’t hindi mo napapasagot uli ang apo ko. We could talk business later.”