BES

1501 Words
"San tayo magla-lunch guys?" tanong ni Mitch. "Tara! Opening ngayon ng Tito Doc’s Buffalo Wings dyan sa tapat ng school..." sabat ni Becca. "Type ko yan!" segunda ni Amy. "Sa canteen na lang ako. May baon ako eh," sagot ko naman. "Ano ba yan, Hannah. Two weeks ka nang nagbabaon ah...hindi ka pa ba nagsasawa sa luto ng Nanay mo?" tanong ni Mitch. "Okay lang... tipid mode ako ngayon eh," sagot ko. "May pinag-iipunan yan! Pustahan tayo!" pang aasar ni Becca. Sa aming apat, si Becca ang pinakamalakas mang-asar. "At ano naman ang pinag-iipunan mo ha, Hannah?" tanong naman ni Amy. "Wa-Wala lang! Tamang ipon lang. Big deal agad?" yun lang ang pinakamabilis kong naisip na isagot. "Pwede ba, bukas… huwag ka namang magbaon para makakain naman tayo dun sa Tito Doc’s?' sabi ni Mitch. "Okay lang, mga tol. Sige na. Kain na kayo dun ngayon. Okay lang ako sa canteen. Promise," sagot ko dito. "Sure ka, Hannah?" tanong ni Amy. "Oo! Okay lang ako. Sige na. Alis na kayo. Kita na lang tayo mamaya," saka ako tumalikod na, para pumunta sa Canteen. PUMILI ako ng puwesto sa pinakadulo ng canteen at saka nag-umpisang kumain. This is my plan A. Ako lang ang nakakaalam kung anong plano ko. Nagtitiyaga akong magbaon para makapag-ipon ako. Kahit sa mga barkada ko ay hindi ko kayang sabihin ang balak ko. Bakit nga ba ako nag-iipon? Balak ko lang namang magpa-rebond. Yes. Rebond. Tama lang na kapag nakaipon na ako ay medyo mahaba-haba na din itong buhok ko. Naiisip ko pa lang ngayon na magpapa-rebond ako ay excited na agad ako! Mapapansin na kaya ako ni Adam pag na-rebond na ang buhok ko? Magmumukha na akong babae siguro nun! Napapangiti pa ako habang sumusubo ng baon kong pagkain nang may tumawag sa akin. "Tol?" Tumingala ako para lang manlaki ang mga mata ko sa kung sino ang nakatayo ngayon sa aking harapan. Adam?? Naupo ito sa tapat ko. Hindi ko naman alam kung paanong lulunukin agad ang pagkaing nasa bibig ko. Shet! Ano kayang itsura ko ngayon? Punung-puno ang bibig ko. May dumi kaya ako sa mukha? "Hindi mo ba kasama si Mitch?" tanong nito. Dali-dali kong inabot yung lalagyan ko ng tubig sa harap ko at saka uminom. "Sorry ha..." hingi ko ng paumanhin dito, pagkatapos kong lumagok ng tubig. Napansin kong parang malungkot to. "Ano...dun sila kumain sa labas eh. May...may baon kasi ako kaya dito lang ako sa canteen," paliwanag ko. "Ganun ba? Sige hintayin ko na lang siya dito. May practice si Chad ng soccer team niya, eh. Ako pinapakuha sa pera niya." "Ah..." Gusto ko pa siyang tanungin kung okay lang siya, pero wala akong lakas ng loob. Hindi naman kami ganun ka close. Isa pa, baka amoy ulam ang bibig ko. "Mukhang masarap yang Adobo mo ah. Ikaw ang nagluto?" Bahagya itong nakangiti habang nakatingin sa baunan ko na may lamang Adobo. Mula kaninang dumating ito ay ngayon ko lang siya nakitang ngumiti. "Nanay ko. Luto niya iyan." "Pwedeng patikim? Ang bango eh. Mukhang masarap..." nakangiti pa din niyang sabi. Napatitig ako sa pantay-pantay niyang ngipin. Nagulat na lang ako nang bigla niyang inagaw ang tinidor na hawak ko at saka tumusok ng piraso ng karne sa tupperware na dala ko. Napamaang ako nang isubo nito ang tinidor sa bibig niya. “Hmmm....sabi na nga ba! Ang sarap nga!" Nakagat ko ang ibabang labi ko. Ang suwerte naman nung tinidor.... "Ganito yung gusto kong luto ng Adobo eh," nakangiti nitong sabi habang parang lutang na nakatitig sa adobo. "Adam?" Napalingon naman kaming pareho sa tumawag. Dumating na pala sila Mitch. Agad namang binalik sa akin ni Adam ang tinidor at saka tumayo papunta kay Mitch. Ano ba yan?? Hindi pa nga nagtatagal na kausap ko si Adam eh! Hindi ko na inalam kung anong pinag-uusapan nila. Tinitigan ko na lang iyong masuwerteng tinidor. Maya-maya ay ipinantusok ko ito sa huling piraso ng karne sa lalagyan ko at saka isinubo sa bibig ko. Nang nakagat ko na at nginunguya na ang karne ay dahan-dahan kong ipinadaan ang tinidor sa mga labi ko. Bakit feeling ko tumamis yung lasa ng Adobo?? MULA noon ay naging close na kami ni Adam. Lagi ko na din siyang pinagdadala ng Adobo ni Nanay. Hindi matatawaran ang sayang nakikita ko sa mukha niya tuwing kakainin niya ang Adobo ni Nanay. Mas madalas na din akong manood ng practice niya sa basketball. Magkakasama sila sa team nila Chad, Judd at Klarence, iyung dalawa pa nilang ka-barkada ni Chad. Ngayon ko lang din nalaman na sikat pala silang apat sa school. Palibhasa nga kasi at nasa Star Section at puro mayayaman. Lahat sila ay galing sa mayayamang pamilya. Hindi katulad naming nila Amy at Becca, mga nasa average lang ang mga pamilya naming. Siyempre, exempted si Mitch sa average dahil pinsan niya ni Chad. Magkapatid ang mga ina nilang dalawa. Kapag pagmamasdan mo iyung apat na magkaka-ibigan, tunay namang wala kang itulak-kabigin sa kanila. Pero siyempre, para sa akin, nangingibabaw ang kaguwapuhan ni Adam! Kada manonood ako ng practice nila ay pinagdadala ko si Adam ng Adobo pero after practice at kakain sila ng mga ka-team niya ay hindi niya nilalabas iyon. Katwiran niya ay para sa kanya lang iyun. Tuwang tuwa naman ang puso kong mamon na ngayon sa lambot. "Bes!" Napalingon ako sa bagong dating. Si Adam pala. Nakangiti itong pumasok at saka nakipag-appear sa akin. Oo nga pala. Bes na ang tawag niya sa akin mula sa dating ‘tol’. Feeling ko nag level-up na ang kung anumang meron kami. Level up talaga? Feelingera... Andito kaming lahat ngayon sa bahay nila Mitch. Lately, dito na ang tambayan namin. Lalo na kapag kailangan nang kunin ni Chad ang allowance niya mula kay Mitch, na padala ng Mama nito na nasa US. Nagluluto sila Mitch, Becca at Chad sa kusina. Since wala naman akong alam sa pagluluto, pinagdiskitahan ko na lang ang gitara ko. Si Adam naman pagkadating ay dumerecho sa terrace at kanina pa may kausap sa cell phone niya. Malamang si Gracie na naman ang kausap niya. Yung babaeng kasama niya sa canteen nung nakaraan. Kay Adam ko din nalaman na Gracie ang pangalan nun. Hindi ko alam kung girlfriend na ba niya si Gracie o niligawan pa lang. Wala naman akong karapatang magtanong. Sino ba ako kay Adam? Si Bes lang naman ako. Isang hamak na bes... Mayamaya ay narinig kong lumakas ang boses ni Adam. Hanggang sa naging sigaw na ang naririnig ko. Pasimple ko itong sinilip at nakita kong pulang-pula ang mukha nito. Lagi silang ganyan ni Gracie. Away-bati. Siguro nga ay may something na sa kanila ni Adam. Nakita mo na ngang magka-holding hands, nagdududa ka pa na girlfriend talaga?? Marami kasi silang hindi napagkakasunduan ayon sa kuwento ni Adam. Mahilig si Gracie sumali sa mga beauty pageants. Gusto niyang maging beauty queen pagdating ng araw kaya ngayon pa lang kina-career na niya. Isa yun sa hindi nila pinagkakasunduan. Ang gusto ni Gracie, tuwing may contest siya ay andun din si Adam, which is hindi naman magawa nung isa dahil busy naman ito sa basketball. Bilang team captain ng basketball team nila ay mas may responsibilidad ito sa team nila. Napabuntung-hininga na lang ako sa nakikita kong itsura ni Adam sa terrace. Naaawa ako dito. Parang mas lamang yung away nilang dalawa kaysa sa magkasundo sila. Sa tingin ko, hindi nakakabuti si Gracie kay Adam. Eh sinong nakakabuti? Ikaw ba, Hannah Erin?? Napabuga ako ng hangin. Kung may magagawa lang ako para pagaanin ang nararamdaman ngayon ni Adam. Naisip ko tuloy na tugtugin ang isang kanta. Bes By Migz Jaleco Bes, bakit lumuluha? Ano ba ang nangyari? Sabihin mo sa'kin at nang Masampolan ko ang kanyang mukha Makinig sa'king payo, 'di mo siya kailangan Pero may katanungan dito sa aking isipan Masyado akong nadala ng kanta. Feel na feel ko kasi. Parang tugmang-tugma sa amin ni Adam. Possible nga ba yun? Pwede nga bang kapag hindi na sila ni Gracie, pwedeng ako naman? Kami naman? Pero may lakas ng loob ba akong magtanong o magsabi man lang kay Adam? Paano kung kaibigan lang naman talaga ang tingin nito sa akin? Kaya ko bang tanggapin? "Bes??" Napahinto ako sa pagtugtog ng gitara at pagkanta. Nilingon ko si Adam at nakita ko ang malungkot na mukha nito. Sa isang iglap, iyung pakiramdam ko ay para na ding pinagbagsakan ng langit at lupa. Sobrang nakakahawa ang nakikita kong bigat ng nararamdaman ni Adam ngayon. Nagulat na lang ako nang tumabi sa akin ito ng upo at saka ipinatong ang ulo niya sa balikat ko. Para naman akong biglang nanigas. Alam kong hindi dapat pero gusto ko sanang magsisigaw ngayon. Kung pwede lang hilingin na tumigil muna ang pag-ikot ng mundo para ganito lang muna si Adam sa tabi ko. Kung pwede lang na pawiin ko iyung lungkot na nararamdaman niya ngayon. Kung pwede lang na yakapin ko siya para aluin siya. Pero hindi naman pwede. Kasi nga, si bes lang ako… ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD