Chapter 4
Ilang segundo akong nakatitig sa kanya, nagbabakasakaling namamalik-mata lang ako pero mukhang totoo talaga na nandito siya.
“B-bakit ka nandito?” hindi makapaniwalang tanong ko.
Napatingin ako sa kaliwang kamay niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang hawak nito ang kulay gintong envelope.
Ibig sabihin, dito rin siya mag-aaral!
“Alis!” aniya.
Marahas niya akong tinulak palayo sa pintuan. Nagpasok siya ng susi sa doorknob. Binuksan niya ang pinto at pumasok na sa loob.
“Ibang klase, Waiz. Mukhang sinusuwerte ka nga naman. Roommate mo pa yata si gago,” mahina kong sabi habang matalim na nakatingin sa kanya.
Akala ko, mawawala na siya sa landas ko pero bakit ganito?
Napangisi na lang ako habang umiiling. Kinuha ko na ang mga gamit ko at sunod na pumasok.
Nilibot ko ang tingin sa paligid. Malaki ang kuwarto na mayroong double deck na kama. Kung iisipin, higit pa sa dalawang tao ang magkakasya rito. May maliit na wooden table sa kanang bahagi na sinamahan ng dalawang upuan. Sa kabilang gilid malapit sa kama ay makikita ang isang maliit na aparador. Sa bandang likuran naman matatanaw ang malaking bintana na natatakpan ng kulay asul na kurtina.
“Akala mo ba pinalampas ko na ang ginawa mo?” Tumingin ako kay Xyrus nang magsalita siya. Lumingon siya sa akin at nagbigay ng masamang tingin.
Nagsalubong ang dalawang kilay ko habang pinapakiramdaman ang susunod niyang gagawin. Mariin kong kinuyom ang kamao ko bilang paghahanda kung sakali man na mauna siya sa pagsuntok.
“Lintik lang ang walang ganti, Waiz!” nagngangalit na sigaw niya.
Sinubukan niya akong suntukin pero agad akong nakaiwas. Mabilis akong umatras para hindi niya mataaman.
“Sh*t!” singhal ko nang matamaan ang maleta sa likuran.
Sa kasamaang palad ay nawalan ako ng balanse. Hindi ko na makontrol pa ang sarili ko na bumagsak.
“F*ck!” Napahawak ako sa likod dahil sa lakas ng pagtama nito.
Pumatong siya sa akin para hindi na makawala at inambahan ng suntok ang mukha ko.
“Waiz, bakit ang tagal mo? Kanina ka pa namin hinihintay ni Va… nna.”
Gulat kaming napalingon sa direksyon ng pinto. Bumungad ang nakangangang reaksyon ni Win na nakatingin sa ganitong posisyon namin ni Xyrus.
“Sa susunod, huwag n’yong kalimutang isarado ang pinto,” wika niya at hinawakan ang doorknob.
“W-win, teka mali ang iniisip–” Hindi ko na naituloy ang sasabihin nang sinarado niya na ang pinto.
Nagkatinginan kami ni Xyrus. Bigla akong kinilabutan nang napagtanto na ang lapit ng mukha namin sa isa’t isa.
“Yuck!” magkasabay naming sigaw.
Agad ko siyang tinulak para makawala. Hindi naman maipinta ang kanyang mukha nang dumistansya. Tumayo ako nang hindi inaalis sa kanya ang atensyon para makapaghanda kung sakaling susugod ulit siya. Pareho kaming napangiwi at nagbigayan ng tingin na may pandidiri habang nagpapagpag ng sarili.
Biglang sumagi sa isip ko si Vanna. Sigurado akong naghihintay na siya sa baba.
Tiningnan ko siya ng masama. “Bahala ka na riyan, ayoko na ng gulo,” saad ko at nagsimula nang maglakad.
“Sandali.” Huminto ako at lumingon sa kanya.
“Hindi ka nababagay sa Kaizen kaya gagawin ko ang lahat para mapatalsik ka,” walang emosyon niyang sabi. “Walang lugar dito ang mga walang utak na katulad mo,” dagdag niya sabay ngisi.
“Magiging bobo ka talaga kung palagi mong iisipin ang sinasabi ng iba!” Biglang pumasok sa isip ko ang sinabi ni Tita.
Bumuntong-hininga ako at binigyan siya ng mapang-asar na ngiti.
“Mapapagod ka lang dahil hindi ‘yan mangyayari,” puno ng kumpiyansang sagot ko.
Kaya ako nandito sa Kaizen Academy dahil may kakayahan akong higit na natatangi at mananatili ako rito para alamin ‘yon.
Hindi ako mapipigilan ng isang katulad mo.
Lumabas na ako ng room at dumiretso sa elevator para puntahan sina Vanna sa baba. Pumasok na ako sa loob at pinindot ang first floor button. Ilang segundo lang ay nagbukas na ‘to.
“Ay!”
Nanlaki ang mga mata ko nang may isang babae na babagsak sa harapan ko kasama ng mga dala niyang libro. Sa sobrang pagkabigla ay mabilis kong sinalo ang mga libro isa-isa at hinanda ang dibdib sa pagbagsak ng babae.
Nakahinga ako ng maluwag nang masalo ko siya.
“Miss ayos ka lang?” tanong ko.
“Huh?” Itinaas niya ang tingin sa akin.
Natigil ako nang mapansin na ilang inches lang ang pagitan ng mukha naming dalawa. Kaunting galaw lang ay malaki ang posibilidad na mahalikan ko siya.
Napalunok ako ng laway habang tinitingnan ang kanyang mukha. Inaamin ko, ang ganda niya.
Napatingin ako sa kanyang labi, malarosas ito na parang–
“Ay, sorry!” Nabalik ako sa reyalidad nang umayos siya ng tayo at agad na kinuha ang mga libro sa kamay ko.
”Salamat,” nahihiya niyang sabi at pumasok na sa loob.
Lumabas ako na bakas pa rin sa mukha ang gulat. Nilingon ko siya bago tuluyang nagsara ang pinto ng elevator.
“Teka? Dorm ‘to ng mga lalaki, bakit nandito siya?” Nanlaki ang mga mata ko habang nag-iisip. “Ibig sabihin, lalaki rin siya? Pero…” Napahawak ako sa dibdib ko.
“Pero, ang lambot ng tumama, eh.” Natigil ako sa ginagawa. “Hoy Waiz! Hindi ka manyak,” mahinang sabi ko na may halong pagkadismaya.
Napailing na lang ako at tumuloy sa paglalakad papunta sa bench kung saan kami magkikita-kita.
Agad kong natanaw sina Vanna at Win na nag-uusap. Tumingin sila sa akin nang makalapit ako.
“Nakaraos ba?” nakangising biro ni Win.
“Gago, hindi,” sagot ko at umakto na kinikilabutan. Tumawa lang silang dalawa.
“Tara na,” pag-aaya ni Vanna.
Naglakad na kami papunta sa gym para sa Orientation. Napansin ko na parang hindi pa aabot sa isang daan ang mga estudyante na narito. Pero sa tindig at presensya nila, parang may mga ibubuga talaga.
Ako lang yata ang mukhang tanga rito.
Nagsimula na ang orientation. Tulad ng ginagawa ko sa mga dati kong school, hindi ako nakinig at itinuon ang atensyon sa kawalan. Nabalik lang ako sa reyalidad nang magpalakpakan at nakipalakapak din ako para kunwaring alam ang nagaganap.
“Tapos na ba?” walang kaide-ideyang tanong ko kay Vanna habang pumapalakpak.
“Oo, bukas daw magsisimula ang klase. And nga pala, guys. Huwag kalilimutan ang papel kung saan nakalagay ang class natin,” nakangiting saad niya.
Tumango ako bilang tugon. Ang haba ang mga sinabi kanina pero ito lang siguro ang maiintindihan ko.
“See you tomorrow, guys,” pagpapaalam niya.
Bumalik na kami sa dorm. Huminto ako sa tapat ng room ko at binuksan ang pinto. Bumungad agad sa loob si Xyrus na nakahiga sa ibabang kama. Hinintay ko siyang bumangon at pag-initan ulit ako pero hindi niya ginawa. Nakapagtatakang hindi niya na ako pinansin pa. Pero mabuti ‘yon dahil pagod na rin ako at kailangan nang magpahinga.
Umakyat na ako sa taas at nagsimula nang pumikit.
Ihahanda ko na ang sarili dahil siguradong magbabago na ang buhay ko bukas.