Elise
"THAT'S bullsh*t, Elise! You're in the middle of love making tapos ibang pangalan binabanggit niya?"
"E-Eka! Hinaan mo naman ang boses mo, baka may makarinig sa 'yo," pagsuway ko sa best friend ko.
Lumingon ako sa paligid sa loob ng restaurant na kinaroroonan namin ni Erika, nababahalang baka may makarinig sa aming dalawa at kilala nila ang aking asawa.
"Bakit? Ayaw mong malaman ng mga tao na manloloko ang asawa mo?"
Muli akong napalingon sa kanya nang marinig ko ang sinabi niya. Nagsimulang kumirot ang aking puso at bumalik ang alaala ng gabing iyon, nang gabing hindi pangalan ko ang binabanggit ni Bryan habang hinahalikan niya ang leeg ko.
"Oh! Kita mo? Umiiyak ka na naman."
Mabilis akong napahawak sa aking pisngi nang sabihin sa 'kin ni Erika ang bagay na iyon. Doon ko lang napagtanto na lumuluha na pala ang aking mga mata nang hindi ko namamalayan.
Marahan akong kumuha ng tissue sa ibabaw ng lamesa na nasa aming harapan, saka pinahid sa aking luha. Hinawakan ko ang baso ng tubig na nakapatong sa lamesa gamit ang dalawa kong kamay, saka ako lumagok mula rito. Matapos iyon, muli akong huminga nang malalim saka sumagot sa kanya.
"Baka naman idol niya lang na isang celebrity–"
"F*ck, Elise!" Mariin akong napapikit dahil sa gulat nang malakas na hampasin ni Erika ang lamesa gamit ang kanyang palad. "Harap-harapan ka nang niloloko ng asawa mo nagpapakatanga ka pa rin? Ano ba? Wake up, girl!" galit na galit niyang wika.
Nang mga oras na iyon, hindi ko na kinaya ang bigat sa aking dibdib. Mabilis akong napahikbi at mariing naitakip ang mga palad sa aking mukha upang maikubli ko ang mga luha.
Nagsimulang tumayo si Erika at lumapit sa aking kinaroroonan, sak ito umupo sa aking tabi at mahigpit akong niyakap. Kailangan ko ang yakap na iyon upang maibsan ang sakit sa aking puso. Kailangan ko ngayon ang balikat ng best friend ko upang kahit paano, maramdaman kong hindi ako nag-iisa.
"Sshh... Tahan na, Elise. I'm sorry sa mga sinabi ko. Naiinis lang talaga ako sa 'yo."
Tumango ako bilang tugon sa kanya. Naiintindihan ko kung saan siya nanggagaling. Naiintindihan ko ang nararamdaman niya ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko alam kung bakit mas nais ko pa ring magpakatanga. Kung bakit nais ko pa ring isiping ako lang ang mahal ng asaw ko at wala siyang ibang kinakasama.
Mahal na mahal ko si Bryan, ayokong mawala siya sa 'kin.
***
Matapos kaming kumain ni Erika sa paborito naming restaurant, nagtungo na kami sa kotse niya upang ako ay ihatid pauwi.
"Ayos ka na ba?" tanong niya sa 'kin.
"Ang totoo, hindi. Pero ano bang magagawa ko?" tugon ko na hanggang ngayon ay namumugto ang mga mata at madala na nakayuko ang ulo.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Erika, saka marahang hinawakan ang aking balikat.
"Pag-isipan mong mabuti ang sinabi ko, Elise. I think that is the right thing you can do. Release your self, hindi ikaw 'yan. Ang kilala kong Elise ay 'yong masayahin at malakas ang loob," sunod-sunod niyang wika.
Kahit may pait, pilit kong ningiti ang aking labi dahil sa mga bagay na sinabi niya.
"Tama ka, Erika. Siguro nga ay hindi na ako ito," tugon ko. "Pero hindi ko kayang i-give up ang marriage namin nang ganoon lang," muli kong wika saka humarap sa kanya.
Nakita ko ang pag-iling ni Erika, siguro ay iniisip niyang ang tigas ng ulo ko at ayokong sundin ang sinasabi niya. Pero para sa akin, sagrado ang kasal at hindi ko ito maaaring buwagin nang ganoon na lang.
"Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa 'yo, best friend," dismayado niyang tono. Mariin siyang humawak sa manibela saka diretsong tumingin sa akin. "Ganito na lang, next month kasi ay may party na gaganapin sa bagong bar na itatayo ko. Grand opening iyon at hindi pwedeng hindi ka pupunta to support me, okay?" masaya niyang wika sa akin.
"Gano'n ba? Magbubukas ka na naman pala ng business."
"Oo naman. Alam mo naman ako, wala akong ginawa kung hindi ang magpalago ng pera." Saka siya tumawa nang malakas.
Dahil sa nakita kong kasiyahan sa kanyang mukha, nagsimulang sumilay ang ngiti sa aking labi. Tila nabuhayan naman ako dahil kahit paano, mayroon akong kaibigan na nakukuha ang mga bagay na gusto niya.
Ako, ano bang gusto ko? Ano nga bang pangarap ko sa buhay?
"Hoy! Natulala ka na diyan?"
Mabilis akong napakurap nang tawagin ni Erika ang aking pansin. Noon ko lang napagtanto na nakatulala na pala ako sa ere.
"I'm sorry, ano nga ulit ang pinag-uusapan natin?" wika ko.
Impit naman siyang natawa.
"Ayon nga! 'Yong grand opening ng bago kong bar. So, ganito ang plano. Gusto ko suotin ko 'yong regalo ko sa 'yong dress, ha?" excited niyang wika.
"Alin 'yong dress na mayro'n ka rin?"
"Tumpak! Gusto ko same tayo ng damit at tayo ang maggugupit ng ribbon," sunod-sunod niyang wika.
Hanggang ngayon ay natatawa pa rin ako dahil may pagka-isip bata talaga ang best friend ko, pero sa ganoong ugali ko siya minahal.
"Oo na. Sige na," pagsang-ayon ko na lang at ngumiti nang malaki. Napansin ko namang nakangiti lang siya sa 'kin habang nakatingin. "Bakit?" tanong ko.
"Wala naman. Natutuwa lang ako dahil masaya ka na ngayon, sa wakas."
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa kanyang sinabi. Ngayon ko lang din napagtanto na ang lungkot ko kanina ang napalitan ng tuwa.
"The best ka kasi, eh."
Nag-okay sign pa ako sa kanya at ngumiti nang malaki.
Matapos ang usapan na iyon, nagsimula na akong lumabas mula sa kanyang at pumasok sa bahay namin ni Bryan. Doon, nagsimula na namang bumigat ang aking balikat dahil nakita ko na namang ang tahimik naming bahay.
Kahit isang supling lang sana para sa akin ay sapat na, sa isip-isip ko.
***
Mabilis na lumipas ang ilang araw. Wala ni isa ang nagbabanggit sa amin ni Bryan patungkol sa nangyari noong pinagsaluhan namin ang isang gabi. Sa tingin ko rin ay wala siyang naaalala dahil sa tindi ng kanyang kalasingan, kaya naman ay hindi na rin ako nagsalita pa.
Ang totoo, ayoko siyang konprontahin dahil ayokong masaktan sa bagay na maririnig ko mula sa kanyang bibig. Para sa 'kin, mabuti na ang ganito, pikit-mata, bulag-bulagan. Tanga na kung tang, siguro nga ay tanga magmahal ng asawa.
Nang gabing iyon, napansin kong nagmamadaling nagbibihis si Bryan sa aming silid kaya agad akong nagtanong.
"Hon, saan ka pupunta?"
Tila nanliit ang aking katawan nang batuhin niya ako nang matalas na tingin bago tumugon sa aking sinabi.
"Kailan ka pa natutong magtanong kung saan ako pupunta? Hindi ka naman ganyan, hindi ba?" sunod-sunod niyang wika habang inaayos ang kuwelyo ng damit na suot niya.
"K-Kasi–"
"Nag-message kasi 'yong empleyado ko na nag-resign, despedida niya ngayon," iyon lang ang kanyang sinabi saka nagsimulang lumakad sa pinto at binuksan ito.
Bago siya lumabas, muli siyang tumingin sa 'kin.
"'Wag mo na kong hintaying umuwi."
Matapos niyang sabihin ang bagay na iyon, sinara na niya ang pinto at tuluyang lumabas.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko dahil halo-halong emosyon ang bumabalot sa aking puso. Alam ko kung saan siya pupunta. Alam kong doon sa kabit niya ang punta niya.
Umupo ako sa gilid ng aming kama upang mag-isip. Hanggang sa maya-maya lang, tumunog ang aking cell phone na nakapatong sa lamesang kalapit ng aming kama at nakita ko ang pangalan ni Erika sa screen.
Kinuha ko ito at sinagot ang tawag na iyon.
"Hello?"
"Hello, Elise. Nasaan ka na? 'Di ba may usapan tayo?"
Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi, hanggang sa maalala ko ang usapan na iyon, na opening ng kanyang bagong bar at kaming dalawa ang mag-o-opening.
Napa-facepalm na lang ako sa aking noo at agad na humingi ng tawad kay Erika.
"Oo nga pala! Sige, sige! Magbibihis na ko."
Ngunit bago ko ibaba ang tawag na iyon, muli siyang nagsalita.
"'Yong pinag-usapan nating damit ha?"
Napangiti ako at halos natatawa sa kanyang sinabi. Oo nga pala, ang nais niya ay terno kami ng damit.
"Oo na! Oo na!" tugon ko saka nagmamadaling tumayo matapos ang tawag naming iyon.
Kinuha ko ang regalong damit sa akin ni Erika at iyon ang sinuot. Dahil sa nagmamadali ako, kailangan kong gamitin ang aking kotse upang makadaan sa mga shortcut, dinala kasi ni Bryan ang isang kotse kaya personal car ang gagamitin ko.
Matapos akong mag-ayos, agad na akong nagtungo sa kotse at nagmaneho patungo sa binigay na address ni Erika.
"Girl! Akala ko hindi ka na darating!" bungad na pagbati ni Erika nang dumating ako sa loob.
"Sorry, ang totoo nakalimutan ko talaga," pilit kong pagngiti sa aking labi.
"Okay lang! Naku... kung hindi lang talaga kita best friend," aniya habang tila kukurutin na ako.
Impit naman akong natawa dahil sa kanyang expression. Sa paglingon ko sa paligid, nakita ko ang mga bisita ni Eka na nakatingin sa aming dalawa, marahil ay nagtataka sila kung bakit pareho kami ng damit.
Tila napansin naman ni Eka ang mga taong ito kaya agad niyang inangkla ang kamay sa aking braso.
"Hayaan mo ang mga 'yan," bulong sa akin ni Eka.
Matapos ang ilang oras, opisyal nang nabuksan ang bar ni Erika nang maputol na namin ang ribbon. Nagsagawa na rin ng blessing sa loob at nagsimula ang kainan sa loob. Ang lahat ay masaya lalong-lalo na ang best friend ko. Hindi ko rin maikakaila na ang lungkot ko kanina ay bigla na lang nawala. Sa tuwing kasama ko ang best friend ko, nawawala ang lahat ng nararamdaman ko.
Ngunit hindi ko akalain na ang gabing iyon ay ang gabing magpapabago sa aking buhay.
Habang nagkakasiyahan kami at puno ng ngiti ang aking labi, naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cell phone mula sa bulsa.
Wala na sana akong plano pang tingnan ang kung sino ito dahil gusto ko na lang i-enjoy ang gabi, ngunit may kung ano sa aking isip ang nagsasabing kunin ko ito.
Wala sa sariling kinuha ko ang cell phone sa aking bulsa. Napakunot ang aking noo nang makitang may nagpadala ng mensahe sa akin. Sa pagbukas ko ng mensahe, doon ko napagtanto na isa itong litrato.
Ang lahat ng sakit ay bumalot sa aking katawan. Tila isang libong karayom ang tumusok sa aking puso. Bigla na lang pumatak ang luha mula sa aking mga mata habang nakatitig sa litrato na pinadala sa akin.
Sa litratong ito, naroon ang aking asawa habang kayakap ang isang babaeng ngayon ko lang nakita. Ngunit ang pinakamasakit, ang dalawang ito ay nakangiti habang walang suot na damit.