Chapter 7

2161 Words
Elise NABABAKAS ang pagtataka sa mukha ni Marco. Alam kong sa mga oras na ito, gulong-gulo na ang kanyang isip sa mga bagay na aking sinasabi. "I'm sorry, Elise. I don't get it. Paano kita matutulungan?" kunot-noo niyang wika sa 'kin. "Pwede mo bang ayusin ang mukha ko? Kahit ito na lang ang bumalik sa 'kin. Kahit maibalik lang ang kompiyansa ko sa sarili ay masaya na ako," sunod-sunod kong wika at pagmamakaawa sa kanya. Tila naintindihan naman ni Marco ang nais kong sabihin dahil tumango lang ito at ngumiti. "Kung gano'n, sige. Maaari naman kitang matulungan. May litrato ka ba ng dati mong mukha?" tanong niya. "Gusto ko sanang humingi ng bagong mukha, isang magandang mukha," diretso kong wika. Muling nagtaka si Marco dahil sa aking sinabi. Napasandal na lang ito backrest ng kinauupuan niya at napabuntonghininga. "That’s interesting Bakit mo naman kailangan ng bagong mukha?" "I'm sorry, Doc. Pero pwede bang huwag na lang nating halungkatin ang nakaraan ko? Gusto ko na kasing makalimot sa sakit." Noong una, handa akong ipagtapat kay Marco ang lahat ng sakit na dinanas ko, ngunit tila may kung anong bagay ang bumulong sa aking isip na huwag itong gawin. Hindi ko siya kilala. Hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan ko siya. Hihingi lang ako ng tulong sa kanya ngunit hanggang doon lang iyon. Handa akong magbayad ng kahit magkano, mapalitan lang ang mukha kong ito. "I do respect your decision, Elise, but–" "Hindi mo ba kaya?" pagputol ko sa kanyang sasabihin. Marahan akong umayos ng upo sa kama saka akmang hihiga na lang dito. "Kung ganoon, sa iba na lang ako magpapagawa," muli kong wika saka tuluyang humiga at tumalikod sa kanya. Narinig ko naman ang malalim niyang buntonghininga at ilang sandali lang, muli siyang nagsalita. "Ang totoo hindi ko alam kung bakit ka nagkakaganito, pero may kung ano sa 'yo ang nagpapa-alala sa akin sa kanya." Kumunot naman ang noo ko nang sabihin niya iyon. Marahan akong humarap muli kay Marco. "What do you mean?" Umiling lang siya at nagpamulsa, saka marahang tumayo. "Okay, I'm willing to help you, Elise. Just tell me when you're ready," aniya saka tuluyang lumakad palabas ng aking silid. Naiwan naman akong nakatanaw sa kanyang likuran hanggang sa isara niya ang pinto. *** Kinabukasan, dahil buo na ang aking loob, lumabas ako ng aking silid at nagtungo sa opisina ni Marco. Ilang pagkatok ang ginawa ko sa kanyang pinto bago siya tumugon. "It's open, come in," tugon niya mula sa likod ng pinto. Marahan ko namang hinawakan ang pihitan at binuksan ang pinto ng opisina na iyon. Bumungad sa akin ang lalaking iyon na naka-upo sa swivel chair habang nakasuot ng puting lab gown. Mayroon siyang tinitingnan na dokumento at mukhang seryoso siya rito. "Excuse me?" pagtawag ko sa kanyang pansin matapos kong isara ang pinto. Tumaas naman ang tingin niya sa aking direksyon at nang makita niya ako. Marahan niyang tinanggal ang reading glasses na nasa kanyang mata. "It's you, Elise. Have a seat," pag-aya niya sa akin. Ngumiti naman ako at diretsong lumakad palapit sa kanya. Umupo ako sa isang upuan na nasa tapat ng kanyang lamesa, ngunit agad niya rin akong pinalipat sa isang examination chair. "Let's see," aniya nang lumapit siya sa akin. Isang malaking ilaw ang tinapat niya sa aking mukha. Naglagay siya ng gloves at nilapat ang mga daliri sa aking pisngi nang paunti-unti. Hinawakan niya ang bawat detalye ng aking pilat at sinuring mabuti ang mga ito. Aksidente akong napatingin sa kanyang mukha. Ngayon ko lang napansin na napakakinis nito na animoy wala kang pores na makikita. Halatang alagang-alaga si Marco sa kaniyang sarili. Naputol ang aking iniisip nang makita ko ang pagngisi ng mapula niyang labi. "Bakit ganyan ka makatingin sa mukha ko? Ang gwapo ko ba?" may angas niyang wika nang mahuli niyang nakatulala ako sa kanya. Agad ko namang iniwas ang tingin at mabilis na napakurap. "I-I'm sorry," nauutal ko pang wika. Saan ba kasi ako dapat tumingin? Wala naman kasi akong makikita rito habang nakatutok siya sa mukha ko. Hindi naman ako pwedeng tumitig sa ilaw dahil sasakit lang ang mata ko. Maya-maya lang, naramdaman ko ang daliri ni Marco sa aking labi. Tila sinusuri niya rin ang detalye nito, dahilan upang mapatingin akong muli sa kanya at mapagtantong napakalapit ng mukha niya sa 'kin. Mariin akong napalunok sa hindi malamang dahilan. Mahigpit din akong napahawak sa arm rest ng kinauupuan ko dahil sa kaba na aking nararamdaman. Hanggang sa maya-maya lang, lumayo na rin siya sa akin. Nakahinga naman ako nang maluwag nang gawin niya ito. "Ang ganda ng face figure mo. I guess I know what is the perfect face for you," sunod-sunod na wika ni Marco habang nakatingin sa isang papel na ngayon ay sinusulatan niya. Matapos iyon, binigay niya sa 'kin ang papel at pinapirmahan. "Para saan to?" "It's and agreement," aniya. Binasa ko ang mga nakasulat doon at kumunot ang noo. Nakasulat doon na hindi maaaring gamitin ang mukha na ibibigay sa akin sa masamang gawain. Ang lahat ng nakasulat doon ay tungkol sa bago kong mukha at hindi ko maintindihan kung may ganitong agreement ba talaga ang ganitong operasyon. Akala ko ay bills ang ibibigay niya sa akin ngunit mali ako. Wala naman akong magagawa kung hindi pumirma sa kasunduang ito, kaya iyon ang aking ginawa. Matapos akong pumirma, sinabi sa akin ni Marco ang schedule ng aking operasyon upang makapaghanda pa ako. Upang maihanda ko raw ang sarili at ang aking isip. Ngunit alam kong handa na ako at wala nang makapagbabago pa ng aking desisyon. Sisiguraduhin kong hindi ako makikilala ni Bryan sa pagbabalik ko. *** Sa pagdating ng itinakdang araw, doon ko palang naramdaman ang matinding kaba sa aking dibdib. Sa pag-upo ko sa wheelchair, alam kong wala nang atrasan, kailangan ko nang panindigan ang desisyon ko. Sa oras na pumasok ako sa loob ng operating room, magbabago na ang lahat. Tuluyan nang makakalimutan ng lahat si Elise. Maging ang mukhang iyon ay wala nang makaka-alala, maging ako. "Are you ready?" tanong sa 'kin ni Marco nang pumasok kami sa operating room. "Oo," matapang kong tugon at diretsong tumingin sa kama na nandoon. Marahan akong tumayo mula sa wheelchair, saka dumiretso nang lakad at humiga sa surgical bed. Sa paglapat ng aking ulo sa higaan, natanaw ko ang malayong kisame. Maya-maya lang, tinapat na ni Marco ang LED light sa akin. Ramdam ko ang pagguhit ng kung anong pen sa aking mukha. Tila naglalagay siya ng detalye sa mga babaguhin sa akin. Malalim akong huminga upang maibsan ang aking kaba. Sa tanang buhay ko, hindi ko akalain na gagawin ko ang bagay na ito – ang magparetoke Matapos ang mala-artist na pagsusulat ni Marco sa aking mukha, isang nurse ang lumapit sa akin at kinuha ang aking braso. Mariin akong napapikit nang maramdaman ang dulo ng karayom na tumama sa ibabaw ng aking balat. Maging ang unti-unti nitong pagbaon sa aking laman ay hindi ko maiwasang hindi maramdaman. Hanggang sa maya-maya lang, tuluyan nang umepekto ang anesthesia na tinurok sa akin. Nagsimulang bumigat ang talukap ng aking mga mata. Maging ang buong katawan ko ay hindi ko na maramdaman. Hanggang sa tuluyan na akong nagpabalot sa antok na aking nararamdaman. Hindi ko na namalayan ang oras. Nawala na rin sa aking isip ang lahat, ngunit isang bagay ang tila panaginip na nagpakita sa akin – ang araw na iyon. Ang araw ng kasal namin ni Bryan. Animoy pelikula ang nakikita ko sa aking panaginip. Malaking ngiti ang nababakas sa aking labi habang masayang nakikipag-usap sa lalaking nangako sa akin ng habambuhay. Ngunit ang mga bagay na aking nakikita ay bigla na lang nabasag at nagkapirapiraso. Nagkalat ang bubog sa sahig at nabalot ng dilim ang aking paningin. Sa lugar na iyon, sa loob ng aking panaginip, mag-isa na lang akong nakatayo sa gitna ng malawak na kadiliman. Hindi tiyak ang mangyayari at kung ano ang patutunguhan. Unti-unti kong nilakad ang aking paa. Wala akong suot na tsinelas o sapatos kaya nararamdaman ko ang malamig na sahig na aking nilalakaran. Hanggang sa maya-maya lang, isang maliit na liwanag ang natanaw ko mula sa malayo. Sinundan ko ito kahit hindi ko alam kung ano ang liwanag na iyon. Hanggang sa isang lalaki na animoy anino ang nakatayo sa likod ng liwanag. Kumunot ang aking noo dahil hindi ko maaninag ang mukha niya. Maya-maya lang, isang mainit na bagay ang naramdaman ko sa aking palad. "Are you okay?" Kahit mabigat ang talukap ng aking mga mata, marahan ko itong binuksan nang marinig ko ang malalim na tinig ng isang lalaki. Nang tuluyan kong maibukas ang aking mata, tumambad sa akin ang isang mukha. Noong una ay malabo ngunit unti-unti itong lumilinaw. M-Marco? sa isip ko nang makita ko siya. "Mahigit dalawang araw ka nang natutulog, mabuti naman at nagising ka na," wika niya. Halata sa kanyang tinig ang pag-aalala. Naisin ko mang ngumiti ay hindi ko magawa dahil sa makakapal na benda na nakabalot sa aking mukha at katawan, ngunit kahit ganoon, alam kong ramdam niya ang pasasalamat ko. "Magpahinga ka lang, pagnatapos ang recovery mo, pwede na nating tanggalin ang benda sa mukha mo," aniya. Matapos niyang bitiwan ang pagkakahawak sa aking kamay, marahan siyang tumayo at lumakad patungo sa pinto. Ngunit bago pa siya lumabas, isang huling sulyap pa ang ginawa niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit, ngunit iba ang tingin niyang iyon, may halong pagkasabik at awa. Ako lang ba? O baka masiyado lang akong nag-iisip. *** Mabilis na lumipas ang panahon. Si Marco ang aking surgeon ngunit animoy naging personal nurse ko siya nang mga araw na nasa ospital ako. Malaki ang pasasalamat ko kay Marco dahil hindi niya ako iniwan. Inalagaan niya ako sa ospital at ginabayan. Maging ang pag-aalaga sa aking mukha ay pinagtuunan niya ng pansin. Naging matagal ang paggaling ng aking mga sugat dahil hindi biro ang operasyon na iyon. Ngunit makalipas ang isang taon, tuluyan ko na ring matatanggal ang benda na nakabalot sa akin mukha. *** "Excited ka na bang makita ang resulta?" nakangiting tanong sa akin ni Marco. Tumango ako habang nakaupo sa tabi ng kama rito sa aking silid. Mariin kong kinuyom ang aking kamay dahil nararamdaman ko ang kaba sa aking puso. Maging ang aking mga mata ay mariin ko ring pinikit. Maya-maya lang, sinimulan nang hawakan ni Marco ang benda at unti-unti itong tinatanggal sa pagkakabalot nito sa akin. Tila napakatagal ng kanyang ginagawa dahil sa bawat pag-ikot ng bendang iyon sa akin, patuloy sa pagbilis ang t***k ng aking puso hanggang sa tuluyan nang maging malaya ang balat ko mula sa mga bendang iyon. "Open your eyes, Elise," utos sa 'kin ni Marco. "Look at your self in the mirror," muli niyang wika. Dahan-dahan, unti-unti, minumulat ko ang talukap ng aking mga mata, hanggang sa tuluyan ko nang makita ang isang bilog na hand-held mirror na hawak ni Marco sa aking harapan. Halos maluha ang aking mukha nang makita ko ang sarili. "A-Ako ba to?" wika ko. Tumango naman si Marco sa akin. "You're so beautiful," aniya na nagpakunot sa aking noo, ngunit hindi ko na pinansin ang bagay na iyon dahil mas naka-focus ang aking atensyon sa mukha na nasa aking harapan. Ibang-iba ang mukha na ito. Malayong-malayo sa hitsura ko noon ngunit napakaganda nito. Tila perpekto ang pagkakahulma sa mukhang binigay sa akin ni Marco. "A-Ang ganda," wala sa sarili kong nabanggit. Isang matamis na ngiti naman ang sumilay sa ngiti ni Marco nang sabihin ko ang bagay na iyon. Matapos iyon, marahan na siyang tumayo at pinayuhan akong magpahingang muli, saka lumabas ng silid na kinaroroonan ko. Hanggang ngayon ay hindi mawala ang tingin ko sa magandang mukha na pag-aari ko na ngayon. Napakaganda: Mapulang labi, magandang hugis ng mukha, bilugan at maamong mata, may mahaba at makapag na pilik-mata. Halos lahat ng sulok sa mukhang ito ay napakaganda, isang perpektong obra na tanging si Marco lang ang nakagawa. Masasabi kong, napakagaling niyang doktor. *** Nang gabing iyon, hindi pa rin ako makatulog sa kaiisip dahil sa pagkasabik na aking nararamdaman. Nasasabik akong humarap muli sa mundo gamit ang bago kong mukha. Nasasabik akong simulan ang pagbawi sa buhay na ninakaw sa akin. Dahil hindi ako makatulog, marahan akong tumayo mula sa higaan at lumakad patungo sa full-body mirror na nasa loob ng aking silid. Pinagmasdan ko ang sarili at hanggang ngayon, namamangha pa rin ako sa aking hitsura. Sinong mag-aakala na galing ako sa isang aksidente. Gamit ang aking daliri, maingat kong hinawakan ang aking mukha. hanggang ngayon ay hanggang-hangga pa rin ako sa hitsura nito. Sinubukan kong igalaw at ingiti ang aking labi. Maging ang pagngiti ko ay napakaganta. Sa pagkakataong ito, isang matalas na tingin ang aking ginawa, diretsong nakatingin sa salamin sabay sa aking pagngisi. Sa muli kong pagharap sa mundo, tuluyan kong babaguhin ang aking pagkatao. Wala na si Elise. Hindi na ako ang Elise na iyon. Simula ngayon, kikilalanin ako bilang Andrea Madrigal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD