5 Bjorn

1747 Words
Napahikab ako nang makalabas na ako ng event center. Pasado alas-nuebe na at kakatapos lang ng trabaho ko. Gutom, pagod at antok na ako, pero fulfilling ang pakiramdam dahil nag-enjoy ako sa buong event. Bukod sa bagong trabaho, bagong kaibigan at nakilala, masaya ako dahil madami akong natutunan. Madami akong tanong na nasagot ng mga kapwa ko models na medyo beterana na din. Sinali pa nila ako sa group ng mga models para mas madami pa akong matutunan tungkol sa trabaho. Tatlong araw lang ang event, kaya naman nagtanong-tanong na din ako sa kanila ngayon pa lang kung may alam silang raket. Ayaw kong mabakante, gusto ko tuloy-tuloy lang ang trabaho ko at pasok ng income. "SABAY ka na sa amin, Cecilia," aya ni Mimi sa akin. "Hindi ba nakakahiya sa boyfriend mo?" nag-aalangang tanong ko. Baka kasi makaistorbo ako sa kanila. "Hindi 'yan. Sayang ang ipapamasahe mo at saka mas komportable ang biyahe mo pauwi kung sa amin ka na sasabay," pangungumbinsi naman niya. Sabagay, ilang sakay pa ako ng jeep bago tuluyang makauwi sa bahay. Pagod na din talaga ako at inaantok na. Late na din kaya naman pumayag na ako. Madadaanan naman daw nila ang sa amin kaya hindi ako makakaabala. Saktong pagtawid namin ay naroon na din ang nobyo ni Mimi na naghihintay. Matangkad, guwapo at mukha siyang pormal at base sa magarang sasakyan niya na nasa kaniyang likuran natitiyak kong nakaangat siya sa buhay. Ang swerte naman ni Mimi sa nobyo niya. Mukha din siyang mabait at sweet. Napaiwas ako ng tingin ng nagyakapan at halikan sila. Ako kaya? Kailan ko din kaya ma-e-experience ang ganiyan? "Si Cecilia pala. Kasama ko sa event," pakilala ni Mimi sa akin. Ngumiti ang boyfriend niya saka nakipagkamay. "Pasensya na, ha, kung maaabala ko kayo." "Ayos lang. Doon din naman ang daan namin. Sumabay ka lang sa amin hanggang sa last day ng event." Ngumiti ako. Papasok na ako ng sasakyan ng mapansin ko sa di kalayuan ang bulto ng lalake na nakatingin sa banda namin. Nakasandal siya sa labas ng kaniyang sasakyan na akala mo modelo. Matangkad siya at medyo malaki ang katawan. Medyo madilim na at ang ilan sa mga ilaw sa gawi roon ay hindi ganoon kaliwanag kaya hindi ko makita ng malinaw ang kaniyang mukha. Dito ba siya nakatingin? Dagli na akong pumasok sa sasakyan. Nang umandar ang sasakyan ay tumingin ako sa labas ng bintana. Sakto namang nadaanan namin ang lalake na kanina. Nanlaki ang mata ko ng makilala ko siya. Si Jetro! Tama, siya nga! Kaya pala may iba akong pakiramdam kanina kahit hindi ko naman siya namumukhaan pa. Anong ginagawa niya dito ng ganitong oras? Hinihintay kaya niya ako? Lumingon pa ako sa likod ng sasakyan ng malagpasan na namin siya. Nasampal na naman ako ng katotohanan. Nakumpirma ko na mali ang iniisip ko nang may lumapit na babae sa kaniya. Mapait na lang ako na ngumiti. Pero ayos na din iyon na nakita ko. Baka hindi ako makatulog magdamag sa kakaisip kung bakit siya naroon. Malamang iisipin ko na ako talaga ang dahilan. Ayan ka na naman. Hindi ka na nadala. Akala ko ba kakalimutan mo na? Jetro, ilang araw akong nag-effort na kalimutan kita. Nakita lang kita kanina, nagulo mo na naman ang isip ko. Ano ba ang ginawa mo sa akin? Nababaliw na yata ako. KINAUMAGAHAN bumangon pa din ako ng maaga kahit pa masakit ang mga binti ko at talampakan dulot ng mahabang oras na pagtayo kahapon sa trabaho. Kakayanin ko bang tumayo ng walong oras? tanong ko sa sarili habang pinapakiramdaman ang buong katawan ko. Bumuntong hininga ako. Kaya mo 'yan! Para sa pangarap! Go, Cecilia! Cheer ko sa sarili ko. Ganito talaga sa umpisa. Kapag nasanay na, sisiw na lang ang pagtayo-tayo na 'yan. Masasanay din ako. Ang mahalaga may trabaho at may pera sa bulsa. Naligo na ako at nagbihis saka nagmadaling umalis. Sabado ngayon at baka ma-stuck ako sa traffic. Sumakay ako ng tricycle hanggang sa tawiran papuntang MRT. Abot na hanggang kalsada ang pila ng mga pasahero pero mukha namang mabilis ang usad. Medyo mainit na ang sikat ng araw kaya naman panay ang punas ko sa mga namumuong pawis sa mukha ko. Mabuti na lang talaga at nagsuot muna ako ng pang-civilian dahil inaasahan ko na ang ganitong ganap ngayon. Ayaw ko namang pumasok na basa ang uniform ko dahil sa pawis. Simula pa lang ng trabaho pero mukha na akong panis. Nakakahiya, nabansagang B.A s***h model tapos amoy pawis at haggardo na. Mabilis umusad ang pila hanggang sa makasakay na ako ng MRT. Maaga akong nakarating sa trabaho. Pumasok muna ako sa restroom na nasa labas ng event center para dito magsuot ng uniporme. Pagkatapos ay humarap ako sa salamin upang simulan nang mag-ayos ng mukha. Una kong nilabas ang pangkilay na binigay sa akin ni Almira noon. Bago ako magguhit ng linya ay napatingin ako sa kasama kong babae na tila eksperto sa paglagay ng kolorete sa kaniyang mukha. Napatingin din sa akin ang babae kaya agad akong nag-iwas ng tingin. Gumuhit ako ng arko sa aking kilay gamit ang brown na lapis. Napatigil ako at nahiya dahil hindi talaga ako marunong maglagay. Kahapon ay inayusan lang ako nina Aileen. Muli akong napatingin sa kasama ko na may ngiti sa labi habang nag-a-apply ng blush on. Ang ganda ng pagkakagawa niya ng kaniyang eyebrow. Kapansin-pansin din ang kaniyang eye shadow. Tipid akong ngumiti sa kaniya at muli nang tinuon ang aking pansin sa sariling mukha. Sa repleksyon sa salamin ay kita ko ang pagkunot niya ng noo habang nakatingin sa akin. "Gusto mong ayusan kita?" tanong niya sa akin gamit ang palakaibigan na boses. "Talaga?" mangha kong tanong. "Gaya ng ayos mo?" tanong ko pa sa kaniya. Gustong-gusto ko talaga ang ayos niya. Tumango siya at tipid na ngumiti. Binigay ko sa kaniya ang make up kit na galing kay Almira. "Wow! High end brands pa ang gamit mo," aniya nang makita ang laman ng make up kit. "Ahm... Bigay lang 'yan ng isang kaibigan." Tumango siya at namili sa mga make up. Binura niya ang ginuhit kong eyebrow kanina. Naglagay siya ng serum na laman ng make up kit bago nag-apply ng primer at ibang mga product na nasa kit. Wala talaga akong kaalam-alam sa mga make up na 'yan. Isa sa dapat kong matutunan ay ang paglagay ng make up kahit iyong simple lang. Hindi ako makapaniwala habang nakatingin sa salamin. Mangha ako sa ayos ko at kay Kaye na nag-make up sa akin. No offense, Almira. Mas magaling siyang mag-make up sa'yo. Panay ang pasalamat ko sa kaniya ng lumabas na kami parehas sa restroom. "Basta tandaan mo lang iyong tinuro ko sa'yo," aniya bago kami naghiwalay ng daan. Habang inaayusan niya ako kanina ay tinuturo niya ang tamang paraan ng paggamit. NAGSIMULA ang trabaho at mas dumoble pa ang mga tao sa event kaysa kahapon. Ramdam ko pa din ang pagkirot ng talampakan ko pero hindi ko na ininda. Nag-focus ako sa trabaho. Gusto kong ma-reach ang quota ko ngayong araw, at kung puwede nga lang ay mas mataas pa doon. Nag-sales talk at todo push ako ng product. Bago breaktime ay quota na kaming lahat. Ganado kaming kumain ng lunch ng dalawang kasamahan ko. Pinagkuwentuhan namin ang mga plano namin sa buhay at pati na din ang mga raket na nakaabang next weekends. Laking pasalamat ko talaga at ni-reserve nila sa akin iyong isang slot sa susunod na event. Parehas ang rate, may food and transportation allowance at mas malaki ang incentives. Ang saya pala talaga ng trabahong ito. "Cecilia, may naghahanap sa'yo kanina," sabi ng kasamahan ko ng matapos kaming mag-lunch. "Sino?" tanong ko habang kunot ang noo. Naglilista siya ng benta niya saka binigay ang record book sa TL namin para makapag-break na din siya. "Hindi ko kilala eh. Matangkad, guwapo, yummy at yayamanin," tugon niya habang may kilig sa kaniyang boses. Tinaas baba pa niya ang kilay niya. Sino naman kaya iyon? Madami namang matangkad, guwapo mayaman dito. Puro ganiyan ang ginagamit nilang description. Dumaan kaya si Kuya Adrian ulit dito? O di kaya'y? Bumuntong hininga ako. Nasa trabaho ako kung ano-ano na naman naiisip ko. ALAS-SINGKO nang sinesenyasan ako ng isang kasamahan ko. May tinuturo siya sa unahan at may binibigkas na salita na hindi ko man lang maintindihan. Tinignan ko ang tinuturo niya. Matangkap, guwapo at mukhang mayaman panggagaya ko sa mga description na ginagamit nila. "Hi," bati sa akin ng lalake ng makalapit siya sa akin. Magalang akong bumati sa kaniya saka hinawakan ang produkto ko. Napangiti siya sa akin at bahagya pang nilagay ang dalawang daliri sa kaniyang baba. Sinimulan kong mag-sales talk. Nakangiti lang siya habang nagsasalita ako at tutok na tutok sa akin at sa sinasabi ko. Hindi naman ako naiilang sa mga ibang customer na binebentahan ko pero siya nakaramdam ako ng pagkailang. Kaunti lang naman. "Give me twenty bottles," aniya na kinalaki ng mata ko. Malabo namang gagamitin niya ang lahat ng 'to. "Naku, sir. Tiyak na matutuwa sa'yo ang girlfriend o asawa mo," sabi ko. "Too bad, wala akong girlfriend o asawa," aniya at mahina pang tumawa. "Sa guwapo mong 'yan, Sir, tiyak na madali ka lang makakahanap ng girlfriend," tugon ko. Biglang naging palagay ang loob ko sa kaniya. Nginitian niya ako. "Sa tingin mo?" tanong niya. "Oo naman, Sir. Ang lakas kaya ng dating mo," puri ko sa kaniya. Grabe, pa-humble naman 'to masyado. O gusto lang purihin ko siya. "Parang ayaw kong maniwala sa sinasabi mo," tugon naman niya. May pagkamangha sa kaniyang mukha. Kumunot ang noo ko. "Grabe si sir. Ang humble mo po masyado." Tumawa siya ulit kaya mas lalo tuloy siyang gumuwapo. "Bjorn." Napalingon kami parehas ng may nagsalita sa harapan. Nakangiti si Ate Tasha sa akin. Kasama niya si Kuya Adrian. Si Kuya Adrian naman at ang customer ko ay nagtanguan. Mukhang magkakilala sila. Binalingan ulit ako ni Bjorn. Naalala ko na bibili pala siya ng twenty bottles ng lotion kaya agad kong kinuha ang mini push cart sa aking gilid saka nilagay ang mga lotion. "Thank you, Sir," pasalamat ko sa kaniya. "You're welcome. My name is Bjorn, by the way," pakilala niya sa kaniyang sarili. "Cecilia," pakilala ko habang may nahihiyang ngiti sa labi dahil nakatuon sa amin ang mata ng love birds sa aming harapan. Pagkakuha ng cart ay nagpaalam na din siya agad. Tumango siya kay Kuya Adrian at kay Ate Tasha bago tuluyang tumalikod habang tulak ang cart.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD