MASAYANG-masaya si Papa nang malamang buntis ako. Dala ng labis na kaligayahan ay hindi na ako nakapaghintay na ibalita sa kanya sa telepono ang magandang balita at ngayon nga ay heto na kami sa probinsya, kaharap ito na kulang na lang ay maglulundag sa sobrang saya pagkatapos niya kaming pauwiin dito ni Reagan. Nagkatay pa ito ng ilang native na manok na akala mo naman ay lumabas na ang apo niya. Tuwang-tuwa naman si Reagan na nagpa-inom pa. Ilang kapitbahay pa ang tinawag nito sa ilalim ng punong mangga para makisalo. Samantalang hindi sinasadyang napadaan si Mang Damian at nakita ang umpukan. Sa huli ay nakisali rin ito. Kung sabagay ay hindi naman na ako dapat magtaka. Kahit saan naman talagang inuman ay hindi nito pinapalampas. "Ingatan mo ang ipinagbubuntis mo, anak, ha? Mahirap a

