AYAH
Naiwan akong tulala at umiiyak dito sa silid kasama si Kuya Aliandre. Hindi ako makatingin sa kaniya ng diretso dahil pakiramdam ko ako ang may kasalanan ng lahat dahil iyon ang sabi ni Mommy, kaya hindi ko magawang ipagtanggol ang aking sarili.
Nakayuko lamang ako habang nagbibihis si Kuya Aliandre. Wala kaming imikan hanggang matapos siyang magbihis at humakbang palapit sa akin.
“Marami kang dapat ipaliwanag sa akin, Ayah!” matigas na sabi ni Kuya Aliandre. “And you better explain this properly, or else you won't like the consequences of this mess.”
Sumulyap pa siya sa kama at napailing nang makita ang pulang bahid ng dugo sa kobre-kama.
“Magbihis ka na dahil may problema tayong haharapin.”
Matapos sabihin ito ni Kuya Aliandre, tinalikuran niya ako. Humakbang siya palapit sa pintuan at marahas itong binuksan at hinatak para sumara, kaya halos magiba ito at kumalabog ng malakas.
Halos mabingi ako at nakaramdam ng paninigas ng kalamnan habang nakatingin sa pintuan. Nangangatog ang mga tuhod ko, at nakakaramdam rin ng panghihina, kaya hindi ko agad nagawang humakbang para sundan siya.
Kahit nandito ako sa loob ng silid ko, narinig ko ang malakas na tinig ng aking ama mula sa labas, kaya nanlaki ang aking mga mata at dali-dali kong pinulot ang nagkalat kong mga damit sa sahig at kama.
Kahit nanginginig ang aking mga kamay at binti, kasabay ng labis na sakit ng aking katawan, nagawa kong magbihis at lumabas ng silid ko.
Kasabay ng bawat paghakbang ng aking mga paa palapit sa sala, kung saan naghihintay ang aking mga magulang pati na rin ang kapatid kong si Kuya Dexter, sinasabayan ito ng napakalakas na kabog ng aking puso.
Lahat sila ay nakatingin sa akin. Matalim ang kanilang mga mata, at nakikita ko sa kanilang matigas at malamig na ekspresyon.
Mabagal ang bawat hakbang ko. Para akong kuting na humahakbang palapit sa mga leon na naghihintay ng pagkain na gagawin nilang hapunan, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng kaba at takot na harapin silang lahat, lalo na si Kuya Aliandre.
“Maupo ka, Katelyn!” malakas ang tinig at matigas ang ekspresyon na utos ni Daddy sa akin.
Himala, narito siya sa bahay ngayon at hindi lasing. Maging si Mommy ay hindi umalis para mag-majong at puntahan ang kaniyang mga sugarol na kaibigan.
Tahimik akong umupo sa bakanteng upuan sa sofa. Yumuko ako at piniling huwag na silang tingnan dahil kahit nakayuko na ako ay ramdam ko pa rin ang talim ng kanilang mga titig sa akin.
“Hindi ko na kayo tatanungin kung anong nangyari kagabi, pero bilang magulang ni Katelyn, gusto kong panagutan mo ang anak ko, Lian,” narinig kong sabi ni Daddy sa kaibigan ni Kuya.
“Daddy—”
“Huwag kang sumabat, Katelyn, at baka hindi ako makapagtimpi at masaktan ka!” galit na banta sa akin ng aking ama.
Muli akong napayuko at napakagat-labi dahil naguguluhan rin ako, pero hindi ko alam kung paano ko ipauunawa sa kanilang lahat na hindi ko ito ginusto at ayaw kong pilitin si Kuya Aliandre na pakasalan ako dahil alam ko naman na hindi niya ako mahal.
“Anong gusto mo, ang kumalat ang balitang gumawa kayo ni Lian ng kalandian dito sa pamamahay natin, pero hindi ka niya pinanagutan?”
Namasa ang aking mga mata at nanlabo ang aking paningin. Mariin kong kinagat ang aking ibabang labi. Ramdam ko ang hapdi at sakit, at nalasahan ko na rin ang metallic na lasa ng dugo sa bibig ko dahil nasugatan ito nang bumaon ng mas mariin ang mga labi ko dahil hiyang-hiya ako kay Kuya Aliandre.
“At ikaw, Lian,” sabi ni Daddy kay Kuya Aliandre nang bumaling siya dito.
“Usapang lalaki tayo ngayon. Dahil sa nangyari sa inyong dalawa ni Katelyn kagabi, gusto kong makausap ang iyong mga magulang dahil hindi ako papayag na abandonahin mo ang anak ko.”
“Dad, huwag na po,” napahikbi kong sabat sa usapan nila, pero pinaningkitan ako ni Mommy ng kaniyang mga mata.
“Hindi na po kailangan, Tito,” sagot ni Kuya Aliandre. “I’m old enough to handle my personal affairs.”
Madilim ang ekspresyon niya. Nakakunot ang kaniyang noo at salubong ang kilay, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng takot at kaba dahil nakikita ko ang galit sa kaniyang ekspresyon habang hindi inaalis ang tingin sa akin.
“Kailangan mong pakasalan ang anak ko sa lalong madaling panahon bago pa lumobo ang tiyan niya at pag-usapan siya ng mga tao, Lian,” utos ni Daddy kay Kuya Aliandre.
“Oo, hindi ako papayag na makaladkad kami sa kahihiyan,” galit na sabi ni Mommy kay Kuya Aliandre. “Nakuha mo ang virginity niya kagabi, kaya may pananagutan ka sa kaniya.”
Napalunok ako nang makita ko ang pagkuyom ng kamao ni Kuya Aliandre.
“Before you urge me to marry your daughter, gusto ko munang malaman kung paano ako napunta sa silid ni Ayah? Hindi ako lasing at kaunting alak lang ang ininom ko, kaya paano ako nalasing at napunta doon?”
Nagkatinginan ang mga magulang ko. Si Kuya Dexter naman ay napatingin sa akin at itinuro ako.
“Bakit hindi natin tanungin si Katelyn dahil lasing rin ako, kaya wala akong maalala,” sabi ng kapatid ko.
Pinandilatan pa ako ni Kuya Dexter habang ako naman ay napamaang dahil naguguluhan ako kung bakit sa akin napunta ang sisi.
“Sagutin mo ang tanong ni Lian, Katelyn!” utos ni Mommy sa akin.
“Wala akong maalala,” umiiyak na sagot ko. “Bigla akong nahilo at—”
“Huwag ka nang magdahilan pa, Katelyn!” sigaw ni Kuya Dexter sa akin. “Matagal ko nang alam na may gusto ka sa kaibigan ko, kaya hindi na ako nagtataka kung bakit nagawa mo iyan kagabi!”
“Hindi totoo iyan, Kuya!” malakas kong sagot para ipagtanggol ang sarili ko, pero para silang bingi dahil ayaw nilang makinig sa akin.
“Hindi kita pinalaking desperada, Katelyn,” sabi ni Mommy.
Umiling pa siya na para bang disappointed siya sa akin, pero hindi ko na alam kung paano ko pa ipagtatanggol sa kanilang lahat ang sarili ko dahil ayaw nilang makinig sa akin.
“Wala po akong kasalanan sa nangyari kagabi,” nakayukong paliwanag ko, pero pinili nilang lahat na huwag akong paniwalaan.
“Para na kitang anak, Lian, at alam kong wala kayong relasyon nitong si Ayah dahil hindi naman siya kagandahan, pero ayaw ko rin namang masira ang buhay niya kung hindi mo pananagutan ang nangyari sa inyong dalawa kagabi,” sabi ni Mommy, kaya napatingin ako sa kaniya.
“Mommy, okay lang po sa akin kahit hindi panagutan ni Kuya Aliandre ang—”
“Manahimik ka, Katelyn!” singhal ni Kuya Dexter sa akin.
Gusto kong linisin ang pangalan ko dahil may duda ako kung bakit nangyari iyon sa amin ni Kuya Aliandre, pero wala akong sapat na ebidensya ngayon para ipagtanggol ang sarili ko.
Napaiyak na lamang ako habang nakikinig sa usapan nilang lahat. Ramdam ko ang bigat ng kinakaharap kong sitwasyon dahil sa akin nabunton ang sisi kahit wala naman akong natatandaan sa nangyari.
Alam ko sa sarili ko na kahit mahal ko si Kuya Aliandre at matagal ko na siyang gusto, ay hinding-hindi ko magagawang lagyan ng kahit ano ang alak o inumin niya dahil tanggap ko naman na hindi niya ako gusto. Kaya hanggang pasulyap-sulyap lang ako sa kaniya at palihim na sinusundan siya ng tingin.
Napaluha ako nang sabihin ni Mommy na nakita raw niya akong nasa kusina habang nag-iinuman sila Kuya Aliandre at ang kapatid ko sa sala. Ang sabi pa niya, hinintay ko raw na makatulog silang lahat at doon ko ginawa ang aking plano.
“Mom,” tawag ko sa aking ina bilang protesta.
Tiningnan ako ni Daddy ng masama. “Kapag sumabat ka pa, masasaktan ka na sa akin, Katelyn!”
Napapikit ako dahil dumagondong ang malakas na tinig ni Daddy dito sa sala. Si Mommy naman, matalim rin ang mga mata na para bang isa itong babala para sa akin, kaya kahit labag sa aking kalooban ay pinilit kong manahimik na lamang dahil ayaw ko rin namang masaktan.
“Pananagutan ko ang nangyari sa amin ni Ayah, but don't expect a grand wedding.”
Bawat katagang binitiwan ni Kuya Aliandre ay para itong patalim na bumaon sa aking puso.
“Sige,” sagot agad ni Daddy. “Ang mahalaga lang naman sa amin ng Tita mo bilang magulang ay panagutan mo ang anak namin dahil ayaw kong makaladkad ang aking pamilya sa kahihiyan.”
“Kailan mo pakakasalan ang anak namin, Lian?” tanong agad ni Mommy kay Kuya Aliandre.
“Huwag po kayong mag-alala, may isa akong salita,” matatag na sagot ni Kuya Aliandre.
“Mabuti naman kung ganoon nga, Lian. Hindi na kami mag-aalala ng kaibigan mo at ng asawa ko.”
Sa nakikita kong kinikilos ng aking mga magulang, alam kong may pinaplano sila. Kakaiba ang pinapakita nila ngayon. Para silang mabait at responsableng mga magulang sa akin at mahalaga sa kanila ang reputasyon ko, pero sila naman ang sumisira sa aking pagkatao.
Tumayo na si Kuya Aliandre at nagpaalam sa aking mga magulang. Sa kabila ng nangyari, may respeto pa rin siya sa aking pamilya kahit napilitan siyang pumayag na pakasalan ako, kaya lalo lamang akong humanga sa kaniya.
“Samahan na kita palabas, ‘tol,” sabi ng kapatid ko sa kaniyang kaibigan.
Tumayo na rin si Kuya Dexter at lumapit kay Kuya Aliandre. Tinapik niya sa balikat ang kaibigan at pagkatapos, dinuro ako.
“Magpasalamat ka na mabait itong kaibigan ko dahil kung hindi, kanina ka pa nakatikim ng kamao ko.”
Napalunok ako at agad na nag-iwas ng tingin dahil hindi ko kayang salubungin ang mga nagbabagang titig ni Kuya Aliandre.
Isang matalim na sulyap ang iniwan niya sa akin at pagkatapos, humakbang na siya palabas ng bahay kasama si Kuya Dexter, kaya naiwan ako dito sa sala kasama ang mga magulang ko.
“Anong pinainom ninyo sa amin ni Kuya Aliandre kagabi, Mommy?” agad kong tanong nang makalabas na sa pintuan ang kapatid ko at ang kaniyang kaibigan.
Nginisihan ako ni Daddy. Si Mommy naman, inirapan niya ako at pagkatapos, narinig mo na naman ang kaniyang mga pagbabanta.
“Manahimik ka at itikom mo ang bibig mo kung ayaw mong masaktan, Katelyn!”
Nagtaas ako ng mukha at tiningnan ko siya ng diretso sa kaniyang mga mata dahil gusto kong ipakita sa kaniya na matatag ako, pero humakbang siya palapit sa akin at sinampal ako.
“Ano, lalaban ka na ba ngayon na babae ka? Ganoon ba, Katelyn?” galit na tanong sa akin ni Mommy.
“Ano ba ang binabalak ninyo at pati si Kuya Aliandre ay dinama pa ninyo, Mommy?” lakas-loob kong tanong sa aking mga magulang dahil ayaw kong maging bahagi ng plano nila, lalo na't magiging daan pa ito para masira ang taong mahal ko. Pero imbes na sagutin ng aking ina ang tanong ko, ay sinabunutan niya ako.