HINDI ko mapigilang makaramdam ng pagkailang. Habang tumatagal kasi ay parami nang marami ang mga bisitang nagdadatingan sa malawak na lawn ng malaking bahay nina Chelsey para sa debut party ng kakambal nitong si Charlie.
The whole place was perfectly and elegantly decorated. At lahat ng malingunan kong naroon ay halatadong maykaya sa buhay at nasa mataas na antas sa lipunan.
“Happy birthday to our princess!”
“Tito Vince!”
Naagaw ang atensiyon ko dahil sa tili na iyon ni Chelsey. Nakita ko siyang tumayo at sinalubong ang isang lalake na nasa late twenties. Yumakap at humalik ito sa kaniya.
“Akala ko hindi ka makakarating?” bumalik sa upuan si Chelsey kasunod ang tinawag na Tito Vince.
“Kunwari lang ‘yon. I wanted to surprise you and Charlie.” Naupo na rin ang lalake sa tapat ko. Nang mag-angat ito ng tingin ay agad akong nakita. Bahagya kong iniyuko ang aking ulo sa tiyuhin ni Chelsey.
“Thank you, Tito! Nasurpresa talag ako. But… where’s my gift?” tawa ni Chelsey. Nakitawa rin dito ang lalake.
“Later, my princess. Sabay kong ibibigay ang mga regalo ko sa inyo ni Charlie.”
“All right! Oh, by the way, Tito Vince, ito pala ang kaibigan ko sa university, si Ysolde. Solde, siya ang Tito Vince ko. Bunsong kapatid siya ni Mommy.”
Agad na nag-abot ng palad niya sa akin ang tiyuhin ni Chelsey. Tinanggap ko naman iyon.
“Magandang gabi po!”
“I’m glad to meet you, Ysolde. You have such a beautiful name.”
Isang maliit na ngiti ang iginanti ko sa sinabi ng lalake bago ko binawi ang kamay ko sa kaniya.
“Pero hindi lang ang pangalan ni Ysolde ang maganda sa kaniya, Tito Vince. Do you agree with me?”
Nailang ako sa sinabi ni Chlesey. Pasimple ko siyang siniko sa tagiliran habang nahihiyang tumingin sa tiyuhin niya.
“Of course! I agree,” sagot naman ni Vince at saka ngumiti sa akin.
“And you know, Solde, my uncle is still single at twenty-nine. Successful. May sariling architectural firm na pinapatakbo sa Manila. What do you think about my tito, Solde?”
“Ha?” Napamaang ako sa tanong ni Chelsey. “Okay. Maganda. Nakaka-inspire po kayo, Sir Vince.”
Sumimangot si Chelsey sa akin. Napatawa naman si Vince. Naasiwa tuloy ako at inisip kung may mali ba sa aking isinagot.
“Princess, pupuntahan ko muna si Charlie para mabati ko rin.”
Tahimik akong nagpasalamat na nabaling ang usapan.
“Baka bigla kang umalis, Tito Vince? Magkukwentuhan pa tayo ulit mamaya.”
“I won’t. Dito ako sa inyo titigil hanggang bukas ng gabi. Isa pa, may hinihintay akong tao. I invited him to come over. Maiwan ko na muna kayo ng kaibigan mo. Enjoy the night. Solde… I’ll see you around.”
Nang makalayo si Vince ay saka ako hinarap ni Chelsey.
“Solde, ano bang klaseng sagot ‘yon? I said that my uncle is single. Hindi mo ba siya type? Ayaw mo ba nang mas matanda sa’yo? Pero bakit ayaw mo rin kay Charlie?”
“Chelsey, ano ka ba? H’wag ka ngang mag-matchmaking. Sinabi ko na sa’yo na ayoko ng ganiyan!”
Last year, sinubukan akong ipag-blind date ni Chelsey sa kakambal niya. Ang sabi, may gusto raw makipagkilala sa akin. Nalaman lang namin ni Charlie ang plano ni Chelsey noong pareho na kaming nasa restaurant. Inamin ni Chelsey na gusto niya ako para sa kapatid niya. Pero agad ko ring sinabi na kaibigan lang ang tingin ko kay Charlie.
“Ayaw mo kay Charlie, pero ayaw mo rin kay Tito Vince? Anong klaseng lalake ba ang gusto mo?”
“Wala, Chelsey, dahil hindi ko priority ‘yan. Alam mo naman na wala akong panahon at isa pa, ayokong makasagabal sa pag-aaral ko. Mas importante sa’kin na makatapos.”
Ilang minuto pa kaming nagkwentuhan ni Chelsey nang makita naming lumabas si Charlie mula sa backdoor ng bahay nila. May mga sumalubong agad dito para bumati at yumakap. Niyaya akong tumayo ni Chelsey para sumalubong din. Sa dami ng bisita na naroon sa maluwang na backyard ay ang tagal bago namin nalapitan ang birthday celebrant.
“Happy birthday, Charlie!” malugod kong bati sa kaniya. Okay naman talaga ang isang ito, gwapo, mabait at matalino. Kaibigan ko pa ang kakambal niya. Pero wala talaga kong malisya kay Charlie. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko sa tabi niya bilang girlfriend.
“Thank you, Solde. And thank you as well for coming! You look beautiful in that dress!”
Ngumiti ako. May ilan nang pumuri sa akin sa suot kong damit, pero ang Lola Pacing ko pa lang ang nagtanong kung saan ko ito nakuha. Sinabi kong ipinahiram lang sa akin ng isang kaibigan. Si Chelsey na sobra rin ang papuri sa akin nang makita ako kanina ay hindi man lang nagtaka na may damit akong ganito kaganda at mukha pang mamahalin. O baka umiiwas lang siyang usisain dahil ayaw niyang maka-offend. Ang kagaya kong dukha kasi ay malabong makabili man lang ng ganitong klaseng dress.
Maya-maya ay umalis na si Charlie para libutin ang ilan pang mga bisita niya. Inabutan naman ako ni Chelsey ng isang baso ng cocktail drink. Kanina ay tumanggi ako at sa halip ay humingi ng juice sa isa sa mga crew. Pero ngayon ay pinagbigyan ko na si Chlese.
“Una at huli ito, Chelsey. Alam mo nang hindi ako sanay at ayokong umuwi nang lasing. Mapagalitan pa ako ng tatay ko.”
“Fine, Solde! Don’t worry, isa lang ‘yan!” tawa nito.
“Hi, girls, are you enjoying the party?”
“Tito Vince, you’re back!”
Paglingon ko ay nakita ko agad ang tumatawang tiyuhin ni Chelsey, pero halos ikasamid ko nang makita ko kung sino ang mga kasama niya. Binundol agad ako ng kaba. Nagtama ang mga mata namin ni Sir Ali bago pa makapagsalita ulit si Vince.
“I told you, princess, I’m going to stay. Anyway, please, meet my visitors. This is Alistaire, my high school buddy and college friend. And the beautiful girl beside him is Geneva, his girlfriend.”
“Oh, hi, Alistaire!” Nahimigan ko ang excitement sa boses ni Chelsey.
“Ali, siya ang pamangkin kong si Chelsey, twin sister ng debutant. So it’s also her birthday tonight.”
“Happy birthday,” pormal na bati ni Sir Ali at muling tumingin sa akin.
Iniiwas ko ang mga mata ko sa kaniya. Nahihirapan pa rin akong tingnan siya. Naroon pa rin ang pagkailang bagaman hindi na iyon gaya ng nagdaang dalawang araw.
“Thanks. And it’s nice to meet you, Ali.” May pagkislap sa mga mata ng kaibigan ko nang sabhin iyon.
“Happy birthday, Chelsey! I think I know the girl beside you,” ani Ma’am Geneva matapos niya akong makita.
Parang nagulat naman si Chelsey sa narinig at nilingon ako.
“Oh, yes, Geneva! This is my my friend… Ysolde.”
Nakangiting tumango si Ma’am Geneva. “I actually know her. Hi, Ysolde! Ito pala ang party na pupuntahan mo? Mabuti at nakarating kami kahit biglaan ang imbitasyon ni Vince, I have the chance to see you tonight. You’re stunning in that dress, Ysolde! Bagay na bagay sa’yo!”
“Salamat po...” tahimik na sagot ko.
“Now, this is becoming exciting! Magkakilala pala ang girlfriend mo, pare, at ang kaibigan ng pamangkin ko?”
“Yes, Vince. Actually, schola-”
“She’s one of the househelpers,” biglang sabad ni Sir Ali na ikinatahimik naming lahat. Napatingin ng may pagsimpatiya sa akin si Ma'am Geneva.
“Hmm? House…what?” kunot-noong tanong ni Vince.
“Ysolde. Nagsisilbi siya bilang katulong sa mansion ko kaya kilala rin siya ni Geneva. Hindi ba niya nasabi ‘yan sa inyo?”
Nahihiyang ngumiti ako kay Vince. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko. Totoo lang naman ang sinabi ng amo ko, pero hindi ko alam kung bakit para akong nainsulto roon. I felt so embarrassed. Okay lang naman na sabihin niya na katulong ako sa mansion niya. Hindi naman sa ikinahihiya ko at may plano akong itago ang trabaho ko sa ibang tao. Pero hindi ko alam kung bakit ganito ang pakiramdam ko. Alam ni Chelsey ang katayuan ko sa buhay, pero hindi naman niya iyon binanggit sa tiyuhin niya.
“Oh, yes… it’s true,” ani Ma’am Geneva. “At iyon ay dahil scholar siya ni Ali. Ysolde works in the mansion kapalit ng pagpapaaral sa kaniya.”
Tumaas ang mga kilay ni Vince sa narinig. “Talaga, p're? Wow! At kailan ka pa naging mapagkawanggawa, Alistaire?”
“I don’t have a choice. Iniwan sa akin ni Papa ang mga negosyo niya at kasama na roon ang pagiging benefactor sa gaya ni Solde.”
“But that’s good, pare! Para hindi naman puro pagpapayaman lang ang ginagawa mo. You’re already on the top, bro!” nasisiyahang komento ni Vince bago bumaling sa amin. “Alam n’yo ba, guys, mahirap talunin saan mang larangan si Alistaire, mula pa nang high school hanggang sa nag-college na kami sa isang university sa Manila. He’s always focused. Goal-oriented. Tawag ko nga sa kaniya, The Great Alistaire.”
“Oh, wow! That’s so impressive, Ali!” sambit ni Chelsey.
“It is. Name any game, walang makapagpabagsak sa kaniya. Kahit pagdating sa negosyo o sa mga babae, si Alistaire Aguilar ang kampeon.”
“Talaga ba?” napapangiting sagot ni Ma’am Geneva sabay tingin kay Sir Ali. Wala namang reaksiyon doon ang aking amo.
“May tanong lang ako kay Ysolde,” ani Vince na bumaling pa sa akin. “Mabait bang amo si Alistaire?”
Hindi ako agad nakasagot. Napatingin ako kay Sir Ali. Nakita ko ang paggalaw ng muscles sa pisngi niya habang tila nag-aantabay sa isasagot ko. Noon ko naramdaman ang matinding pagkalampag sa loob ng aking dibdib. Iniwas ko ang mga mata ko at bahagyang tumango kay Vince.
“O-opo… mabait po si Sir Ali…”
Ilang minuto pa ang lumipas bago nagyaya si Vince na maupo na kami. Hindi na sana ako sasama sa kanila subalit, hawak na ako sa braso ni Chelsey.
Sa dating mesa kami pumuwesto, pero kasama na namin doon sina Vince, Sir Ali at Ma’am Geneva.
“Mabuti pa, kumuha na tayo ng pagkain bago natin ituloy ang kwentuhan?” suhestiyon ulit ni Vince. Ito talaga ang pinakamadalas magsalita sa aming lima na sinesegundahan naman lagi ni Ma’am Geneva. Bihira kong marinig si Sir Ali. Si Chelsey naman ay hindi ko alam kung saan napunta ang atensiyon at hindi ako halos kausapin.
Nagtayuan kami para sumunod sa mga taong nakapila na ngayon sa magarbong buffet table. Subalit pare-pareho kaming napahinto nang magsalita si Sir Ali matapos hugutin ang cellphone mula sa kaniyang bulsa.
“I’ll just take this call. Mauna na kayo.” Tatalikod na sana siya sa amin nang sabay na magsalita sina Ma’am Geneva at Chelsey.
“Ikukuha na lang kita, honey.”
“I’ll bring your plate, Ali.”
Napataas ang mga kilay ko. Nakita kong natulala si Vince sa pamangkin. Natigilan si Ma’am Geneva, nakatingin rin siya ngayon kay Chelsey.
Paglingon ko kay Sir Ali ay sa akin na nakapako ang mga mata niya. Iniiwas ko ang tingin ko at narinig ang malakas na tawa ni Chelsey.
“Sorry! Of course, Geneva will get Ali’s food. Let’s go now, guys, and check what’s on the buffet!” Hinila pa ako ni Chelsey at nauna kaming umalis sa mesa.
Isa-isa kaming nakabalik matapos makakuha ng pagkain. Napuna agad ni Vince ang maberdeng laman ng pinggan ko. Gayundin ang komento ni Ma’am Geneva.
“Hindi po kasi ako kumakain ng karne.”
“Kaya siguro ganiyan ka ka-slim. I think I will have to consider your diet.”
Hindi natapos ang mga tanong nila sa akin. Ang dami pa nilang sinabi.
“Let’s just eat. Hayaan n’yo na ‘yong tao kung ano ang gusto niyang kainin,” wika ni Sir Ali na siyang tumapos ng pag-uusisa nila.
Halos isang oras din kaming kumain at sa wakas ay nakawala ako sa circle nina Vince. Nagyaya kasi si Chelsey sa comfort room upang makapag-retouch. Ako naman ay dumirecho sa cubicle at inibsan ang panlalamig na kanina ko pa nararamdaman. Nakahinga talaga ako nang maluwag ngayong hindi ko kailangang iwasan ang mga mata ni Sir Ali. Gagawa siguro ako ng paraan para hindi na ako bumalik sa mesa nina Vince.
Paglabas ko ng cubicle ay nakita kong nakatulala si Chelsey sa sariling reflection nito sa salamin.
“Bakit? Anong iniisip mo?”
Suminghap si Chelsey sabay baling sa akin. “Solde, hindi mo binanggit sa akin na gwapo ang amo mo?”
Hindi ako sumagot. Bakit ko kailangang banggitin? Naghugas ako ng kamay at saka humila ng paper towel.
“Ang hirap pumapel. Mukhang bantay-sarado ng girlfriend niya si Ali.”
Kumabog ang dibdib ko at tiningnan si Chelsey sa salamin. Tama ba ang pakiramdam ko sa ginawi niya kanina?
“A-anong ibig mong sabihin?”
Tumawa ito. “Am I not obvious? Crush ko si Alistaire!” direchahang amin nito bago ako tuluyang hinarap. “What do you think, Solde? Seryosohan na ba ‘yong sa kanila ni Geneva?”
Natilihan ako nang ilang sandali bago nakasagot. “E-ewan ko! Hindi naman ako nakikialam sa personal matters ni Sir Ali.”
“Can you do something for me? Alamin mo lang kung may pag-asa ba ang gaya ko sa kaniya. He’s just the same age with my uncle. I-matchmake mo kaya kami?”
Kumunot ang noo ko. “Ano ka ba, Chelsey? Hindi pwede ‘yan. Gusto mo bang matanggalan ako ng scholarship?”
Napanguso ito. Minsan lang humingi ng pabor sa akin si Chelsey, pero tinanggihan ko pa. Kaya lang ay hindi naman talaga pwede ang gusto niya.
“Pasensiya na, Chelsey, pero hindi ko magagawa ‘yan. Isa lang ako sa mga househelpers ni Sir Ali. Wala akong karapatang magtanong sa kaniya ng mga personal na bagay lalo na ang ireto pa siya sa ibang babae. Saka… hindi ko ‘yon magagawa kay Ma’am Geneva. Mabuting tao ang isang ‘yon.”
“So are you saying na wala akong pag-asa?”
“Chelsey, crush lang ‘yan!” giit ko. “At maraming lalakeng nagkakagusto sa’yo sa university, mga gwapo rin.”
“Pero iba si Alistaire! Lahat na ng katangian ng tunay na lalake, nasa kaniya. And I’ll be a happiest girl on earth kapag naging girlfriend niya ako!”
Ngumiwi ako. Gayunman ay ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit. Parang lahat ay gagawin ko magbago lang ang isip ni Chelsey kay Sir Ali.
“Alam mo… bago lang kasi sa paningin mo si Sir Ali kaya ganiyan ang epekto sa’yo. Lilipas din ‘yan, Chelsey.”
Sumimangot sa akin si Chelsey. “Ikaw, ba, Solde, hindi mo ba naging crush si Alistaire? Kahit noong unang beses mo siyang nakita? ‘Yong totoo lang?”
Natigilan ako sa tanong niya. “H-hindi, ah! Ano ka ba, ilang beses kong sasabihin na wala akong panahon sa ganiyan? Wala sa isip ko ‘yan!”
“Okay. I believe you. Pero gusto ko talaga si Alistaire. At kung hindi magbabago ang feelings ko, I swear, ako mismo ang gagawa ng paraan para makalapit sa amo mo!”