ISANG mabait na kapitbahay raw ang napakiusapan ni Tatay na samahan si Lola Pacing kapag nasa ospital ito at nagbabantay kay Kuya. Isang linggo na rin mula nang huli kong uwi sa bahay. Sa cellphone ko na lang nakakausap si Lola. Ganito na muna kami habang hindi ko pa nababago ang isip ni Tatay. “Marami po kasing ginagawa ngayon sa school, Lola, kaya hindi ako nakakauwi. Hindi ko naman po pwedeng iwan basta ang trabaho ko rito.” Madalas na ganito ang dahilan ko. Hindi ko masabi kay Lola Pacing ang totoo. Hindi ko maipagtapat na ang anak niya ang may ayaw na umuwi ako ng bahay. Baka kapag ginawa ko iyon ay lalo lang magalit sa akin si Tatay. “Nami-miss na kita, Apo. Kapag maluwag ang oras mo, magpaalam ka sa amo na payagan kang umuwi. Pakiusapan mo, Apo. Mabait naman siya sa'yo dahil tin