"Maam?" "Miss Castanio?" Mahinahong pagtawag sa 'kin ng kung sinuman. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata at natagpuan ang isang ginang na nakatayo sa tabihan ng aking pinaghihigaan na sofa. Marahang kumunot ang aking noo at inilibot sa paligid ang paningin ko. Agad akong nakaramdam ng panlulumo at kirot sa 'king dibdib, sa ikal'wang pagkakataon ay iniwanan na naman ako ni Adrian. Maingat akong bumangon dulot nang panghihina ng aking katawan at muling tumingin sa hindi pamilyar na babae sa harapan ko. "Ahmm. Pasensya na po, maari ko po bang malaman kung sino kayo? Paano po kayo nakapasok sa opisina ko?" magalang at sunud-sunod kong tanong. Isang ngiti naman ang ibinigay niya sa akin. "Ako po si Matilda. Kinuha po ako ni Ser Adrian bilang taga asikaso sa inyo," tugon ng matanda.