Chapter One
Chapter One
"Macey Dominique Satte!" napahinto ako sa akmang pag-akyat ng hagdan dahil sa malakas na sigaw ng aking ina. Pasimpleng napasipat ako sa orasan. 5:24 am na. Ang aga namang nagising ng nanay ko at umagang-umaga pa lang ay mainit na ang ulo nito.
Nang lingunin ko ito ay ngumiti ako rito.
"Mommy, good morning!" pinilit kong pasiglahin ang tinig ko.
"Lintik kang bata ka. Anong oras na---"
"5:24 am po---"
"Pilosopo ka pa? Alam mo bang alalang-alala na kami ng daddy mo sa 'yo? Inumaga ka na sa pag-uwi mo. Uwi ba ng babae iyan? Buti sana kung lalaki ang inaatupag mo kaso tiyak kong hindi," agad akong napangiwi. Nagpasya akong bumaba at harapin ang aking ina.
"Mommy, sorry na. Napasarap ang tambay with friends. Bakit ba hindi ka masaya na ang anak mo'y hindi nanlalalaki sa labas? At least party-party lang ang inaatupag ko. Wala kang anak na mapapasok sa teenage pregnancy. Win-win sa 'yo iyon." Mabilis na napitik ni mommy ang noo ko.
"Gaga! Anong teenage pregnancy? Patrenta ka na. Nakalimutan mo yata iyon, Macey Dominique Satte?" asik ni mommy.
Ay! Patrenta na nga pala ako. Nakalimutan ko. Para kasing teenage pregnancy pa rin ang pakiramdam. Hindi na nga pala ako teenager.
"Mommy, huwag ka nang magalit---"
"Sinong hindi magagalit? Lintik ka. Wala ka bang balak bigyan kami ng daddy mo ng apo? Imbes na bigyan kami ng apo ay mas inuuna mo pa ang pumarty sa labas? Apo! Apo! Iyon ang kailangan namin ng daddy mo. Ang tanda-tanda na ng ama mo, Macey Dominique! Wala pang apo. Baka naman uugod-ugod na iyan bago ninyo bigyan? Maawa naman kayo."
Napakamot ako sa noo ko.
"Mommy, next time na natin pag-usapan. I'm tired. Matutulog muna po ako---"
Nagsalubong ang kilay ng ginang. "Nag-usap na kami ng daddy mo, Dominique. It's either mag-uuwi ka ng lalaki para ipakilala sa amin o kami ang mag-uuwi ng lalaki para pakasalan mo. It's up to you, anak. Kung kailangan makialam na kami para lang mag-asawa ka na ay gagawin namin."
Alam ko namang hindi seryoso si mommy roon. Naggagalit-galitan lang din naman ito kaya naman yumakap ako rito.
"I love you, mommy. Hayaan mo bukas bibigyan na kita ng apo---"
"Son-in-law muna, Dominique!" parungit nito sa akin.
"Okay, okay! Uuwian kita ng son-in-law sa susunod. Rest muna ako ngayon, mommy. Bye." Humalik pa ako sa pisngi nito bago nagmadaling pumanhik ng hagdan. Kung hindi pa ako aalis ay tiyak hindi rin ito hihinto.
Ang nanay ko... dati iyong regla ko lang ang mino-monitor niya. Ngayon bawat lakad ko'y nakamatiyag. Umaasang lalaki ang pagkakaabalahan ko.
Pagpasok ko sa kwarto ay agad ko ring isinara iyon. Isa-isa ring hinubad ang saplot. Bago pa makarating sa banyo ay hubad na ang lahat ng telang tumatakip sa katawan.
Pagpasok naman sa loob ng banyo ay ipinatong ko lang sa countertop ang mga alahas na nahubad ko na rin bago ako tumapat sa shower.
Ang malamig na tubig ay umagos sa aking katawan pababa. Hindi ko ininda ang lamig. Mas gugustuhin ko pa ring maligo bago humiga sa kama kaysa humiga sa kama ng walang ligo.
"Ang aga naman kasing nagising ni mommy," himutok ko. Akala ko'y kapag nagpaumaga ako ay hindi niya ako mahuhuli. Pero mali... kasi huling-huli niya.
Saan naman ako kukuha ng lalaki na ipakikilala sa kanila?
Tsk. Hindi ko rin naman nanaisin na sila pa ang magdala ng lalaki sa harap ko. Tiyak pumapasok na sa isip niya at ni daddy na i-arrange marriage ako sa kung sinong poncio pilato d'yan. Damn. Baka kapag mainip sila ay ipaasawa na lang ako bigla.
No way! Hindi iyon pwedeng mangyari. Kailangan kumilos ako.
Natapos ako sa pag-shower na iyon ang laman ng isip ko.
Gets na gets ko naman ang nanay ko. Pa-trenta na ako. Panganay. Iyong mga kaibigan nila ni daddy ay may mga apo na. Sila na lang ang wala at ingit na ingit na sila.
What if... what if mangidnap na lang ako ng ibibigay kong apo nila?
Nope! Baka masapak ako ni mommy.
Ano bang dapat kong gawin?
Nakatulugan ko na lang ang mga isiping iyon.
Nang nagising ako ay napangiwi pa ng nakitang 2 pm na. Naku po! Kung nasa baba si mommy ay sesermunan na naman ako no'n.
Hays. Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya samantalang... samantalang nagmana lang naman ako sa kanya.
Nang lumabas ako ng silid ay narinig ko agad ang boses ng nanay ko. May kausap sa phone. Nagra-rant na naman.
"Ate, hindi ko na alam ang gagawin ko kay Macey. Wala yata talagang planong mag-asawa. Apo lang naman ang gusto ko pero sakit sa ulo ang ibinibigay sa akin," kausap nito ang Auntie Jas ko at rinig na rinig ko ang naging sagot ni auntie.
"Mace, nagmana lang naman sa 'yo ang anak mo. Bakit parang gulat na gulat ka na kapareho mo ang bunga? Anak mo iyan, Mace." Natatawa pa si Auntie Jas sa kabilang linya.
"Ate, gusto ko na ng apo. Ikaw meron na... ako wala pa. Kailan ako bibigyan ng apo ng anak ko?" mas lalong naghimutok ang mommy ko.
Habang nakikinig ako ay may biglang umakbay sa akin.
"Kung hindi lang kita anak ay tiyak kong sa sako ang bagsak mo. Sa lahat ng ayaw ko ay iyong nalulungkot ang pinakamamahal kong misis," bulong ng aking ama na pabiro akong sinakal pero agad ding iniayos ang pagkakaakbay.
"Excited naman kasi si mommy, daddy. Hayaan n'yo mangingidnap ako ng apo---" pinisil tuloy nito ang pisngi ko.
"Iyan ang huwag na huwag mong gagawin dahil talagang masasakal ka na ng mommy mo. Maawa ka naman sa mommy mo, anak."
Saktong lingon ni mommy sa amin.
Kaya agad akong kumaway sa aking ina.
"Gusto mo ba ng apo na may apat na paa, mommy?" napatayo ang mommy ko at napapadyak. Agad naman itong nilapitan ni daddy at inalo.
"Wife, wala naman tayong magagawa. Gusto mo ba subukan pa natin gumawa ng isang anak?" napasimangot ako.
"Dad!" diring-diri kong bulalas. "Nirarayuma na kayong dalawa---"
"Hoy! Itong daddy mo lang ang may rayuma. Matibay pa ang tuhod ko."
This time si daddy naman ang mukhang magta-tantrums dahil sa takbo ng aming usapan.
"Macey Dominique Satte," biglang ani ni mommy. "Bibigyan kita ng isang buwan. Oras na wala kang maiharap sa amin... maghahanap na kami ng pwedeng maging son-in-law."
Patay na talaga! Lagot na. Ramdam kong seryoso ang mommy ko sa binitiwan niyang salita.