ANAK sa pagkadalaga si Cruzette. Disiotso anyos lang ang kaniyang inang si Mariel Romero nang mabuntis ng naging nobyo at ayon sa mga tiyuhin niya ay hindi na muling binalikan ang Mama niya.
Tubong Sta. Catalina – katabing bayan ng San Carlos, ang pamilya ng ina niyang si Mariel. Isang siastre ang ama nito, ulila na sa ina at may dalawang nakatatandang kapatid na lalake. Mahirap ang buhay ng mag-anak, subalit sa tulong ng tiyahing DH sa ibang bansa ay nakakapag-aral noon si Mariel at nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Pero dahil nga sa nangyari ay naputol ang tulong na ibinibigay ng tiyahin kaya hindi na din naituloy pa ang pag-aaral.
Aminado naman si Mariel sa nagawang pagkakamali. Kaya sa kabila ng kalagayan ay nagkusa itong maghanap ng trabaho upang may maitulong sa ama at may maisustento sa sarili at sa batang ipinagbubuntis. Ngunit dahil din sa kalagayan ay nahirapan itong makahanap agad ng trabaho. Hanggang sa isang manpower agency ang tumulong dito na makapagtrabaho bilang piece rate worker sa pabrika ng mga damit sa San Carlos. Palibhasa'y marunong naman kahit paano sa pananahi, naging taga-kabit ng mga butones at kung anu-anong aksesorya ng mga damit si Mariel. Sa gayong trabaho ay hindi nito kinailangang pumasok sa pabrika araw-araw. May mga namamahala sa pagawaan na siyang naghahatid ng mga produkto sa piece rate workers at isa na nga doon ay ang kaniyang Ninang Lottie.
Kung ang Mama niya ay hindi pinanagutan ng kaniyang ama, si Lottie naman ay nagkusang humiwalay sa dating asawa na saksakan na umano ng babaero ay nananakit pa ng babae. At palibhasa'y parehong single mother, naging magkasundo at matalik na magkaibigan ang dalawa sa kabila ng anim na taong agwat ng edad ni Lottie sa kaniyang ina.
Noong bata pa siya, hindi niya naiintindihan kung ano ang halaga ng pagiging magkaibigan nina Lottie at Mariel. Hanggang sa unti-unti, nakita at naramdaman niya kung paanong mas ang pagmamalasakit ng kaniyang Ninang para sa kanilang mag-ina kesa sa tunay na pamilya ni Mariel. At hanggang sa umedad siya ng beinte dos ay walang ipinagbago sa pagtingin at pag-aaruga ng babae sa kaniya.
"Kaya mo na ba?" tanong sa kaniya ni Lottie isang umaga ng Lunes, matapos niyang sabihing aalis siya para maghanap ng trabaho. Dalawa lamang sila noon sa hapag dahil maagang umaalis si Roswell patungo sa workplace nito.
"Opo, 'Nang, okay na'ko! Kaya ko na," masiglang sagot niya at saka nagsalin ng juice sa baso.
Magtatatlong linggo na noon mula nang maaksidente siya at nakwento na niya sa Ninang na hindi na siya makakabalik sa dating trabaho. Hindi na nga lang niya sinabi ang buong katotohanan kundi aniya'y dahil sa aksidente, kinailangang humanap na ng kahalili niyang vocalist. At dahil matagal-tagal ang naging pagpapagaling ay tuluyan na aniya siyang pinalitan ng dating banda.
Naisip niya tuloy kung ano ang maaari niyang i-alibi sa Ninang kung hindi siya naaksidente. Na ayaw na niyang kumanta? Na ayaw na niya sa banda? Hindi kasi ito maniniwala. Hindi naman niya masasabi rito na dahil tinraydor siya ng walanghiyang si Nicko kaya ayaw na niyang bumalik sa banda nito.
"Palipasin mo na nga ang isang buwan," ani Lottie habang nilalagyan ng kanin ang pinggan. "Hindi mo kailangang madaliin ang katawan mo."
"Pero, 'Nang, hiyang-hiya na'ko sa inyo ni Roswell..."
“At bakit ka mahihiya?” anito sabay lapag ng bandehado ng ulam sa mesa at tiningnan siya. “Anak kita, Cruzette. Hindi ka man sa akin nanggaling ay anak kita at walang kahit sino ang makaka-kwestiyon n'yan!"
Natahimik siya. Siya man ay hindi kukwestiyon. Mas naging nanay pa nga si Lottie sa kaniya kaysa sa tunay na ina. Sampung taon lang kasi siya noon nang iwan ni Mariel para magtrabaho sa Hongkong. Tinulungan ito ng tiyahing DH na makahanap ng employer doon. Muntik pa daw hindi matuloy sa pangingibang-bansa ang kaniyang ina dahil isang linggo bago ang nakatakdang paglipad ay inatake sa puso ang lolo niya na siya sanang pag-iiwanan sa kaniya. Ang mga kapatid naman ni Mariel ay may sari-sarili na ding pamilya at duda pa ang Mama niya kung magiging maayos ang trato sa kaniya gayong makailang beses ng mga itong pinakitaan silang mag-ina ng masamang ugali. Pero sa tulong ni Lottie ay natuloy sa Hongkong si Mariel. Ito kasi mismo ang nag-alok sa kaibigan na dito siya iwan. Tutal naman daw ay nag-iisa lang ang anak nitong iniintindi - si Roswell na noo'y katorse anyos na ay may sariling yaya pa.
Kung susuriin, maayos naman talaga ang buhay ng mag-ina kahit wala ang padre-de-pamilya. Matalino kasi ang kaniyang Ninang simula't simula pa at hindi puro puso ang pinaiiral. Ito ang malaking pagkakaiba nito sa kaniyang ina.
Pinagbigyan naman niya ang kaniyang Ninang Lottie. Pero ilang araw lang iyong pinalipas niya bago siya muling nagpaalam dito.
"'Nang, nabanggit po kasi ni Toto na nangangailangan ng female singer sa resto-bar malapit sa talyer ni Roswell," kwento niya na ang tinutukoy ay ang isa sa mga mekaniko ni Roswell. "Ngayong araw daw po ang audition. Sayang naman po kung palalampasin ko ang pagkakataon."
"Kuu, talaga namang ubod ng daldal niyang si Toto..." iiling-iling na komento ni Lottie. Natawa na lamang siya sa reaksiyon nito.
Hindi nga gusto ni Lottie ang ideya at sa tingin niya ay hindi ito lubusang pumayag, pero wala na rin itong nagawa. Napatunayan na rin namann niya sa ina-inahan na maayos na maayos na ang pakiramdam niya.
Pinuntahan niya agad ang resto-bar na tinutukoy ni Toto at nag-apply nga na singer. Pero sa kamalasan, hindi siya ang napili. Apat silang nag-apply at ang tatlo ay mga mas bata at mas magaganda. Isa lang sa kanila ang kinuha ng may-ari.
Laglag ang balikat niya nang lumabas ng bar at naglakad patungong auto repair shop na pag-aari ni Roswell. Hindi kalakihan ang talyer ng kinakapatid na may dalawang taon nang nakalipas mula nang buksan. Galing sa trust fund na iniwan ng namayapang ama ni Roswell ang ipinuhunan sa talyer.
Si Toto na may hawak na breaker bar ang unang bumati sa kaniya pagpasok niya ng shop. May katabi itong isa pang mekaniko na mas marungis kesa dito.
"Ano'ng balita?"
"Malas, e." Itinaob pa niya ang kaniyang hinlalaki.
"Hindi ka yata nagpractice?"
Pinagtaasan na lang niya ito ng kilay at hindi na sinagot. Baka humaba ang usapan ay oras pa man din ng trabaho.
Umalis na siya doon at tumuloy na sa maliit na opisina ni Roswell. Sabay pang nanlaki ang mga mata nila nito.
"Buddy!"
"The f*ck!" tili ng seksing babae na naabutan niyang kahalikan habang kalong-kalong ng kaibigan. Halos itapon na ito ni Roswell sa sahig nang makita siya sa pinto.
Tinakpan niya ng mga daliri ang bibig at pinanood ang nakakatawang reaksiyon ng kababata. At least, naka-recover agad siya sa shock. Kailan pa natutong magdala ng babae si Roswell sa opisina nito?
"B-Buddy, ano bang ginagawa mo dito?" tanong ng binata at pasimpleng pinunasan ang bibig. Lalo na siyang natawa.
"What's wrong, Roswell? Sino ba siya?" mataray na tanong ng babae at sinibat siya ng tingin.
“Buddy ko, si Cruz,” sagot ni Roswell bago siya nito binalingan. "Bakit ka umalis ng bahay? May problema ba?"
"Wala naman. Pauwi na nga rin ako nung maisip kong dumaan-"
"Dumaan? Bakit, saan ka ba galing?" napataas ang boses nito kaya napalingon tuloy siya sa babaeng nananatiling nakatayo sa sulok at nagdududang nanonood sa kanila.
Tumingin siya kay Roswell. Pagkuwa’y tumalikod siya at lumabas ng opisina nito. Alam niyang susundan siya ng kinakapatid. Dumirecho siya sa wash area kung saan walang tao at makakapag-usap sila nang maayos nito.
"Saan ka ba talaga galing, Buddy? Huwag mong sabihin na pinuntahan mo si Nicko?"
"Hindi ako nagpunta kay Nicko!" mariing sagot niya.
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit nagmamadali siyang ibalik sa normal ang buhay ay dahil kay Nicko. Kailangan naman niyang maipaghiganti ang ginawa nito sa kaniya dahil ayaw niyang isipin ng gunggong na tuluyan siyang natakot nito. Nagkakamali ito! Maghintay lang si Nicko! Bumubwelo pa siya!
"Saan? Sa presinto? Umalis ka ng bahay hindi ka pa gaanong okay?"
"Okay na 'ko, Buddy!" giit niya. "Nag-apply na nga ako d'yan sa kalapit na resto-bar nitong talyer mo bilang singer kaya nga lang hindi ako natanggap. Hindi ako sa presinto nanggaling."
Isa pa nga iyon. Gusto niya na siya ang personal na mag-follow up ng kaniyang kaso. Wala na kasi silang balita kung anong nangyari sa imbestigasyon. Binalewala na yata ng mga ito ang tungkol sa kaniya. Nasaan na ang sinasabing CCTV footage ng mga pulis?
"Bakit ka ba nagmamadaling magtrabaho, Buddy? Delikado ang ginawa mo. Pa'no kung nakita ka ni Nicko sa daan at kung anong gawin sa'yo? For all we know, siya ang nakabangga sa’yo para hindi mo na siya maisumbong sa mga pulis."
Napatingin siya dito. “Buddy, imposible ‘yang hinala mo. Kilala ko ang sasakyan ni Nicko kaya sigurado akong hindi siya ‘yon. Isa pa, kung siya nga iyon at pipigilan niya akong magsumbong sa mga pulis, bakit niya sinubukang iiwas sa akin ang kotse?”
Natahimik si Roswell. Tila nakumbinsi sa kaniyang mga sinabi.
"Isa pa, wala dito sa San Carlos ang banda ni Nicko,” imporma niya. “Nalaman ko kay Sir Paul nung minsang tawagan niya ako para kumustahin na may mga shows daw ang banda sa Maynila. Pagkatapos ng ginawa niya sa akin, mukhang gumaganda pa ang takbo ng career ng banda niya.”
Napabuntung-hininga si Roswell. Pagkatapos ay masuyo siyang pinagmasdan. “Hindi magtatagal ‘yan, Buddy. Believe me, hindi pa man nakakaangat ‘yang si Nicko, babagsak na din agad siya.”
Tumingin siya kay Roswell.Isa lang iyon sa hindi mabilang na mga pagkakataon na naramdaman niyang totoong may kakampi siya.
“Lagi kang mag-iingat mula ngayon, Buddy. At kung may plano ka, sabihin mo agad sa akin.”
Tumango na lang siya at inayos na ang back pack. “Uuwi na'ko. Sinilip lang talaga kita dito.”
"Ihahatid na kita."
"Hindi na,” tanggi niya sabay tapik nang malakas sa tiyan ng kababata. "Kaya kong umuwing mag-isa."
Pag-uwi ay sinalubong naman agad siya sa gate ni Sol, ang kasambahay nina Lottie. Ang babae ay ang yaya pa ni Roswell nang sila ay mga musmos pa lang.
"Salamat at dumating ka na, Cruz. Gayak na kasi ako ng pagpunta sa palengke.”
"Nakaalis na ang Ninang?" usisa niya. Nagsabi kanina si Lottie na bibisitahin ang maysakit na kamag-anak na taga-kabilang bayan.
"Oo, kani-kanina lang. May ipapabili ka ba?"
"Wala, Ate Sol. Ingat ka sa daan."
"Oo. Kumain ka na din. Nagluto na 'ko ng tanghalian."
"Good afternoon po!"
Kapwa silang napatingin sa nagsalita sa may gate at nakita ang dalawang matataas na lalaki na nakatayo sa labas. Parehong naka-polo shirt, bagaman ang isa ay may nakapatong na jacket at naka-RayBan. Sa likod ng mga ito ay nakaparada ang isang puting van.
"Miss Cruzette Romero..." anang isa sa mga ito na nakatuon ang tingin sa kaniya.
Natigilan siya saglit bago alanganing tumango. Sa tono ng lalaki ay nakatitiyak ito na siya ang may pangalan. Naramdaman niya ang pagkalabit sa kaniya ni Sol.
"Pasensiya na po kung nakakaabala kami. May gusto pong kumausap sa inyo, Ma'am. Kailangan n’yo pong sumama sa amin."
Napanganga siya. Sa kaniya? May kakausap? Sino? At kailangan niyang sumama sa mga lalaki? Bakit? Saan siya dadalhin ng mga ito?
"H'wag kang sumama..." bulong sa kaniya ni Sol at hinawakan siya sa braso. Nalilitong nilingon niya ito.
"Hindi natin kilala ang mga 'yan. Malay ba natin kung mga miyembro ng sindikato ang mga lalaking 'yan! Huwag kang magtiwala basta por que maaayos ang bihis. Baka kasamahan pa ang dalawang ‘yan nung mga kumukuha ng bata at dalaga na pagkatapos patayin ay ipagbibili ang mga lamang-loob!"
Hindi niya alam kung mahihindik o madidiri siya sa sinasabi ng babae. Pero naguguluhan talaga siya kung sino ang mga ito. Wala naman sigurong kinalaman kay Nicko ang dalawang lalaki?
"Hindi po tayo lalayo. Dito lang sa sasakyan namin kayo dadalhin. Naghihintay po ang gustong kumausap sa inyo."
"H'wag!" Napalakas na sabi ni Sol at hinigpitan pa siya sa braso. "Oras na sumakay ka, sisibat paalis ang sasakyan na 'yan at tangay ka na!"
"Hindi po kami kidnappers," anang lalaki na halatang narinig ang mga ito ang sinabi ni Sol.
"Ako ho si Inspector Paolo Rosales," pakilala nito sa sarili, "at ito naman ang partner kong si Inspector Allan Dimayuga."
Isang alanganing hakbang ang ginawa niya sabay sinuyod ng tingin ang kabuuang itsura ng dalawa. Mukha ngang mga imbestigador. Pero sinong kumuha sa mga ito? Sinong gustong kumausap sa kaniya?
"Hinihintay na po kayo ni Miss Bridgette Solano."
Tumaas ang dalawa niyang kilay at sinundan ng tingin ang kausap. Inisang hilahan lang nito ang malaking pinto ng van. Nasilip niya ang loob ng sasakyan na malayo sa itsura ng isang ordinaryong van.
Humugot siya ng hangin at tuluyang lumapit sa gate. Binuksan niya iyon.
"Cruz, ano ka ba, h’'wag kang lumabas-"
"Okay lang, Ate Sol,” aniya sa kasambahay. “Kilala ko si Miss Bridgette. Siya 'yung tumulong sa akin nang maaksidente ako."
"Pero-"
"Hintayin mo na lang ako rito, Ate Sol. Pipilitin kong matapos agad ang usapan namin para makapunta ka na sa palengke."
Wala nang nagawa ang babae nang lumabas siya ng gate. Inilahad ni Inspector Rosales ang pintuan ng van sa kaniya.
"Dito lang po kami sa labas habang magkausap kayo ni Miss Solano. It's a video call, Ma'am, dahil nasa Germany po ngayon si Miss Solano."
“P-po?” gulat na wika niya at tumingin sa loob ng van. Hanggang Germany ay naalala pa siya ng assistant ni Don Marciano? Ano ang pakay nito?
Pagpasok niya ay ang nakangiting mukha ni Bridgette Solano ang sumalubong sa kaniya sa screen ng laptop. Nakapatong iyon sa mababa at bilog na mesita sa gitna ng dalawang leatherette na upuan. Bumalik ang kaba niya nang sumara ang pinto ng van.
"Hi, Cruz! How are you?"
Matipid siyang ngumiti rito. "Okay naman po. Maayos na po ang lagay ko."
"Good. Pasensiya ka na kung natakot ka sa mga inupahan kong Private Investigators. I had to hire them para alamin ang kalagayan mo after the accident. At nai-report nila sa akin na ngayon ka na lang ulit nakalabas ng bahay."
"Tama po. Kanina lang po ulit nakalabas..."
"And you're looking for a job, right?"
Natigilan siya at hindi agad nakasagot. Kahit ba sa pag-a-apply niya kanina ay sinundan siya ng mga imbestigador na kinuha nito? At hindi niya man lang nahalata o naramdaman?
“Bakit mo nga ba gustong mag-singer, Cruz?” matamang tanong ni Bridgette. “Sa nalaman ko ay nagkaroon ka ng office job pagka-graduate mo sa kolehiyo?”
Lalo na siyang natahimik sa tanong na iyon ng babae. Pakiwari niya ay hindi na niya iyon kailangang sagutin dahil alam na alam nito ang dahilan.
"Oh, anyway, hindi ko pahahabain ang usapan nating ito, Cruz. I called for you to offer you a job. Isang trabaho na sa tingin ko ay kayang-kaya mong gawin."
"B-bibigyan n’yo po ako ng trabaho?” ulit niya. “Nakakahiya naman po, Ma’am, tinulungan n’yo na ako tapos-"
"H'wag kang mahiya, Hija,” putol nito sa mga sasabihin pa niya. “Isa pa ay hindi sa akin kundi kay Senyor galing ang trabahong iaalok ko sa’yo."
Lalo siyang nagulat sa sinabi nito. Pangalan pa lang ng tanyag na Don ay kinakabahan na siya. Ngumiti si Bridgette.
"Actually, what I am offering you is not just a job. You'll be in for a mission, Cruzette."
“M-misyon? B-bakit… a-ako? Ma’am… baka… baka aman… hindi ko kayang gawin ‘yang sinasabi n’yo.” Abot-abot na ngayon ng kaba niya sa itinatakbo ng kanilang usapan.
"I believe in you, Hija. Alam kong kayang-kaya mo itong gawin. And don't worry dahil may kapalit naman ang gagawin mo. Hingin mo ang kahit ano. Bukod pa ang mga iyon sa talagang magiging sweldo mo sa oras na magtrabaho ka na. Kaya lang ay may ilang bagay kang kailangang isakripisyo habang ginagawa mo ang misyon na ito. At sasabihin ko na rin ang lahat ng iyon ngayon sa’yo."
“P-pero… hindi pa po ako pumapayag…”
Hindi niya maintindihan ang sari-saring damdaming umuusbong sa dibdib niya. Para siyang lumulutang na hindi niya maintindihan. Natatakot siya, pero kinakain din siya nang matinding curiosity. Nalilito siya, pero hindi niya maitago ang kakaibang interes para sa misyon na iyon.
"A-ano po bang misyon ‘yan, Ma’am? A-at ano pong isasakripisyo ko?"