KILALA ni Cruzette ang grupo ng videographer at photographer na kinuha ni Bridgette. Ang mga ito rin kasi ang nag-cover noon sa kasal ni Cayel. "Sabi ko naman sa'yo, Cruz," anang pinakamabiro sa team na si Meme. "Magkikita ulit tayo sa isang event. Hindi ko lang inakala na sa mismong kasal mo pala. Congrats!" Secluded ang bahaging iyon ng ilog ng San Carlos. Malalaki ang mga puno sa paligid at halos berde ang makikita mo sa kabuuan. At kahit 'di pa season ay summer ang naging tema ng kanilang pre-nup. Ilang shots ang kinuha sa kanila na nasa ibabaw ng pinakamalaking batong buhay sa ilog, nakahiga sa berde at malinis na damuhan, at nakatayo at nagtititigan lang sa pagitan ng mga matatayog na puno. Mayro'n din silang kuha na naglalaro sa ilalim ng falls, magkayakap sa gitna ng footbridge