NAPABALIKWAS SI MELANNIE mula sa malalim na pagkakatulog. Natagpuan niya ang sarili sa loob ng tent. Nagtataka niyang sinapo ang kaniyang ulo at inalala ang nangyari. Nawalan siya ng malay sa mga bisig ni Dashiell. Pero nasaan siya ngayon? Anong ginagawa niya rito sa loob ng tent? Kaagad na nakaramdam ng takot si Melannie kaya dali-dali siyang lumabas ng tent at halos mahulog ang panga niya nang bumungad sa kaniya ang napakagandang tanawin. Mula sa kinatatayuan niya, tanaw na tanaw ni Melannie ang ibaba ng bundok, at halos wala siyang ibang makita kundi ang mga puno. Niyakap din siya ng malamig at sariwang hangin ng sandaling iyon samantalang ang araw naman ay unti-unti nang lumulubog. Malapad ang ngiti sa mga labi ni Melannie habang tinatanaw ang makalaglag-pangang tanawin sa kapaligira