THERESA
"Aray!"
Nagulat ako nang biglang hawakan ng mahigpit ni Officer Ramos ang aking pulsuhan at hatakin niya ng malakas ang braso ko nang tapikin ko siya sa balikat. Lumapit kasi ako sa kaniya para sana gisingin siya at ibigay sa kaniya ang kumot at ang dala kong unan dahil mukha siyang kaawa-awa habang nakabaluktot na nakahiga sa kawayang sofa.
Nanlaki ang mga mata ko nang mawalan ng balanse ang paa ko at bumagsak ang katawan ko sa ibabaw niya, kaya hindi sinasadya na napasubsob ang mukha ko sa kaniyang dibdib.
"Attorney, anong—"
Nagulat rin ako sa nangyari, pero hindi niya natapos ang sasabihin dahil biglang tumama ang kamay ko sa kaniyang kanang pisngi.
"Bakit?” naguguluhan na tanong niya sa akin. “Masakit ang sampal mo, ha?"
Inirapan ko siya at mabilis na tumayo at umalis sa ibabaw niya.
“Kasalanan mo ‘yan. Hinatak mo kasi ako, kaya natumba ako at bumagsak sa ibabaw mo,” mataray na paninisi ko sa kaniya.
"I'm sorry, attorney. Hindi ko kasi alam na ikaw 'yan. Nagulat rin ako," paliwanag ni Officer Ramos.
Bumangon na rin siya at hinimas ng isang kamay ang nasaktan niyang pisngi.
"Malamig at nilalamok ka dito sa sala, kaya dinalhan kita ng kumot at unan. Mukha ka kasing kawawa dito, tapos ako ang gumagamit ng kama mo. Nagmalasakit lang naman ako, pero hindi ko alam na pipilipitin mo pala ang braso ko," nainis na sabi ko dahil hindi ko na paghandaan ang nangyari.
Lihim akong nahihiya sa naging resulta ng paglapit ko sa kaniya. Baka kung ano ang isipin ng pulis na kasama ko, kaya inunahan ko na. Mas madali kasing maging masungit kumpara sa magpaliwanag kung bakit nagdala ako ng kumot at unan para ibigay sa kaniya.
"Pasensya na talaga, attorney. Hindi ko sinasadya. Kung gising ako, hindi mangyayari 'yan."
Mukhang sincere naman ang paliwanag ng kaharap ko. Pormal ang kilos ko at nanatiling nakatayo sa gitna ng sala nang tumayo si Officer Ramos at lumapit sa switch ng ilaw at binuksan ito, kaya't nagliwanag ang paligid.
"Patingin," sabi niya sa akin, kaya nangunot ang noo ko.
"Nang alin?" maang na tanong ko sa kaniya.
"Nang braso mo," sagot ni Officer Ramos na lumapit sa akin.
Raspy pa ang tinig niya dahil bagong gising lang siya, pero bakit kakaiba ang epekto nito sa pandinig ko?
Dahan-dahan kong itinaas ang aking kaliwang braso. Hinawakan naman ito ng pulis na kaharap ko at sinuri kung nasaktan ako.
Ang awkward sa pakiramdam, lalo na at nararamdaman ko ang init ng kaniyang kamay habang nakahawak ito sa pulsuhan ko at tinitingnan kung may sugat at galos ba akong tinamo.
"Namumula ang braso mo, baka magka-pasa pa ito bukas," mahinang sabi ni Officer Ramos na para bang kinakausap lang ang sarili habang nakayuko.
“Ang sakit ng ginawa mo,” kunwari ay naiiyak na sabi ko sa kaniya.
Kahit may kadiliman, nakita ko ang paglambot ng kaniyang ekspresyon.
“Pasensya ka na, attorney,” hingin niya ng paumanhin. “Hindi ko sinasadya ang nangyari. Nagulat lang talaga ako nang hawakan mo ako, kaya bigla akong nagising.”
Tinanguan ko lang siya at hindi na nagsalita pa. Hindi ako mahina at wala lang sa akin ang nangyari. Balewala ito sa sakit na naranasan ko sa mga training ko sa base bago ako naging opisyal na miyembro ng organisasyon na kinabibilangan ko, pero kailangan kong umarte na nasaktan para isalba ang ego ko.
"Sandali, maupo ka muna, attorney."
Kinunutan ko siya ng noo.
"Bakit?"
"Kukuha lang ako ng baby oil para hindi magkaroon ng kapasa ang braso mo."
"Hindi na kailangan, okay lang ako. Matutulog na ako," seryosong sabi ko kay Officer Ramos.
Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya. Tumalikod na ako at malalaki ang hakbang na pumasok sa silid na tinutuluyan ko.
Tapos na ang drama ko at hindi na ako dapat magtagal sa labas. Nang makapasok, nahiga na ako nang patalikod sa pintuan at niyakap ang unan.
Kahit hirap akong matulog, pinilit kong muling makatulog, pero ang nakaiinis, gising na gising ang diwa ko. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga para mabaling ang atensyon ko sa iba, pero sa tuwing pipikit ako, mukha ng pulis na kasama ko ang nakikita ko.
Dahan-dahan akong bumangon at sumandal ang likod at ulo sa malamig at matigas na pader. Marahil ay namamahay ako. Tapos, awkward rin ang pakiramdam na may kasama akong lalaki sa isang bahay at estranghero pa sa akin, bagay na ngayon lang nangyari sa buong buhay ko dahil wala talaga akong pagpipilian.
Okay naman si Officer Ramos. Sa tingin ko, mukha naman siyang matinong pulis at hindi tulad ng mga salot sa lipunan na mga alagad ng batas na dapat ay nagtatanggol sa mga inaapi, pero sila pa ang unang gumagawa ng krimen.
Dahil hindi ako makatulog, kinuha ko ang aking cellphone at agad na nag-browse sa internet. Inabala ko na lang ang sarili ko sa pag-search ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa mayor na target ko. Nagsimula akong maghanap ng kahit anong impormasyon na magagamit ko laban sa taong pakay ko, kaya narito ako sa Zambales.
"Okay ka lang ba, attorney?"
Nagulat ako nang bigla na lang ay narinig kong nagtanong si Officer Ramos.
Mukhang gaya ko ay hindi na rin siya makatulog, at dahil tanging kurtina lang ang takip sa pintuan, ay hindi ko namalayan na nakatayo na pala siya doon at wala akong ideya kung gaano na katagal.
"O-oo naman," nauutal na sagot ko dahil nagulat talaga ako.
"Puwedeng pumasok?”
Gusto kong matawa sa tanong niya dahil bahay niya ito, pero sa akin siya nagtatanong, na para bang may karapatan akong hindi siya papasukin sa silid niya.
"Sure," tipid na sagot ko.
Nag-exit agad ako sa site na binuksan ko para sa safety purposes, at mabilis kong ini-off ang screen ng cellphone ko para hindi niya makita ang ginagawa ko dahil pulis ang kasama ko at ayaw kong magkaroon siya ng ideya sa ginagawa ko.
Sandaling na namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Tanging tunog ng malakas na ulan ang naririnig ko, kasabay ng dumadagundong at kumakabog na dibdib ko.
"Ah-"
"May-”
Pareho kaming natigilan nang sabay pa kaming nagsalita. Hindi komportable ang pakiramdam ko na may kasama akong estrangherong lalaki sa isang silid, pero nagkunwari akong hindi apektado sa epekto niya sa akin kahit katabi ko siya.
Honestly, hindi na ako virgin. I lost my virginity noong napunta ako sa prostitusyon. Isa iyon sa mga masakit na alaala ng nakaraan ko na ayaw ko nang balikan, kaya kahit minsan, wala akong sineryosong relasyon.
One-night stand, fling, and just pure pleasure, iyan lang ang gusto ko sa mga lalaking nakilala ko. Wala akong anumang espesyal na nararamdaman sa kanila, pero ngayon, hindi ko maunawaan kung bakit nakaramdam ako ng kakaibang damdamin sa pulis na nakilala ko dito sa probinsya.
"Pasensya ka na talaga sa nangyari kanina. Alerto lang ako at naalimpungatan ng naramdaman kong hinawakan mo ako," hinging paumanhin at sabi ni Officer Ramos.
"Sorry din kasi nasampal kita, officer."
Nagulat ako sa sarili ko dahil nagawa kong ibaba ang pride ko. Well, siguro ay genuine naman kasi ang kausap ko at alam ko sa sarili ko na sinadya ko ang ginawa ko, unlike him na naka-self-defense mode, kaya napilipit niya ang braso ko.
"Okay na ba tayo?" nakangiting tanong ng kaharap ko, kaya nangunot ang noo ko.
"Meaning?" nalilitong tanong ko habang napatingin kay Officer Ramos.
"Wala nang kaso ng harassment. Nagkapatawaran na tayong dalawa, kaya hindi na 'to aabot sa presinto, attorney."
Kahit alam kong biro lang 'yon, ay hindi ako tumawa. Tipid na tumango lang ako at tanging maikling "okay lang" ang sinagot ko.
"Ah, attorney, puwede ba kitang tawagin sa first name mo?” tila nahihiyang tanong niya sa akin.
“Masyado kasi tayong pormal kung mag-usap. Wala naman tayong hawak na kaso, kaya siguro naman, puwedeng pangalan na lang natin, gayong tayong dalawa lang naman ang magkasama dito sa bahay.”
"Sige," tipid na sagot ko.
Hangga't maaari kasi ay iniwasan ko talaga ang mahabang usapan. Mas mabuti na ang manahimik para sa mas kaunting pagkakamali, at iyan ang mga patakarang sinusunod ko sa trabaho at sa personal kong buhay.
"Salamat, Lara.”
Bahagyang tumaas ang kanang kilay ko dahil sa narinig kong sinabi ng kausap ko, pero naalala ko na ito nga pala ang alam niyang pangalan ko, kaya Lara ang tinawag niya sa akin.
Siguro ay nakikita niyang malamig ang pakikitungo ko sa kaniya, kaya siya na ang nagbukas ng usapan.
"Puwede bang Blake na lang ang itawag mo sa akin at huwag nang 'officer,' Lara?"
"Sige," maikling sagot ko, at pagkatapos ay muling namayani sa amin ang katahimikan.
Tanging ang malakas na ihip ng hangin at buhos ng ulan ang siyang naririnig naming dalawa sa apat na sulok ng silid ni Blake, habang sabay pa kaming nagkatinginan nang nagtama ang aming mga mata at napatitig sa isa't isa.