KINABAHAN si Margareta nang makita niya si Kenji na kasalo ni Zandro sa almusal. Kasama rin ng mga ito si Renn. Naiilang siyang lumapit ngunit hindi niya makita si Lowela para sana ito na ang maghatid ng kape ni Zandro. Kung hindi siya kikilos ay lalamig na ang kape at kagalitan pa siya ni Zandro.
Bumuntong-hininga siya bago lumakad palapit sa dining dala ang kape ni Zandro. Awtomatiko'y tumigil sa pag-uusap ang tatlo nang dumating siya. Ganoon din ang pagbaling ng tingin ni Kenji sa kanya nang saktong sipatin niya ito. Nginitian siya nito.
"Hi, Margareta!" bati sa kanya ni Kenji.
Hindi lamang siya umimik pagkatapos na maibigay kay Zandro ang kape nito.
"Magkakilala kayo?" manghang tanong ni Zandro kay Kenji.
"Kanina lang naman kami nagkita, sa slaughter," sagot ni Kenji.
Napatingin sa kanya si Zandro. Pilyo ang ngiti nito. "Kenji is a nice guy, Margareta. Kapatid siya ni Renn at matagal na naming business manager and consultant," sabi sa kanya ni Zandro.
Obvious na inirereto siya nito kay Kenji. Hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang sabihin. Sinipat lang niya si Kenji. Mukha naman itong mabait pero aywan niya bakit mailap ang puso niya rito. Pangiti-ngiti lamang si Kenji habang humihigop ng sour soup. Napansin naman niya ang mahayap na pagtitig sa kanya ni Renn.
"Dalaga pa si Margareta, Ken," wika ni Zandro.
Tumitig sa kanya si Kenji. "Good news," sabi lang ni Kenji.
Gusto nang umalis ni Margareta pero nahihiya siyang magpaalam sa mga ito. "Puwede mo ba akong ipagluto ng garlic rice, Margaret?" mamaya ay utos sa kanya ni Renn. Medyo mataray ang babae.
"Sige po. Excuse us." Nakahinga rin siya ng maluwag.
Pagdating sa kusina ay agad siyang nagluto ng garlic rice para kay Renn. Mabuti na lamang at dumating na si Lowela. Ito na ang naghatid ng order ni Renn. Pagkatapos ay naghahanda naman siya para sa lulutuin niya sa tanghali at maging ang uulamin ng mga tauhan ng Rancio.
Mahigit kumulang dalawang daan ang mga tauhan sa Rancio kasama na ang nasa slaughter. Iyon din ang unang pagkakataon na magluluto siya ng isang putahe na good for two hundred person o higit pa. Hindi siya sanay sa maramihang luto kaya nagpatulong siya kay Lowela sa paghihiwa ng mga rekado. Pork menudo ang nakatala sa menu na lulutuin niya para sa mga manggagawa. Para naman sa mga Del Fuego ay magluluto siya ng chicken curry at beef with mushroom.
Mabuti na lamang at hindi na siya ang maghahatid ng ulam ng mga manggagawa, katulad ng ginagawa ni Aleng Rowena. Ala-una na ng hapon siya nagkaroon ng oras para mananghalian. Mabuti na lang umalis ang mag-asawang Del Fuego. Kapag naroroon kasi ang mga ito sa mansiyon ay nagpapaluto pa ang mga ito ng meryenda. Ang mga tauhan naman ay nagmemeryenda lang ng tinapay.
Pagkatapos niyang kumain ay lumabas siya ng kusina at naglakad-lakad sa malawak na hardin sa gawing likuran ng mansiyon. Napahinto siya at kumubli sa likod ng dalawang puno ng palm tree nang mamataan niya si Zandro at Renn sa isang open cottage. Walang saplot ang mga ito sa katawan, nakaupo ang babae sa mga hita ng lalaki habang naghahalikan.
Mula sa kinaluklukan niya ay naririnig niya ang halinghing at daing ng babae na waring naliligayahan, ganoon din ang lalaki. Kinilabutan siya sa kanyang nakikita. Wala na bang natitirang kahihiyan ang mga ito sa katawan? Hindi man lang ba magawa ng mga ito sa kuwarto ang pagtatalik at doon pa sa lugar na nakikita ang mga ito? Hindi siya sanay sa ganoong senaryo. Ni kissing scene ay hindi niya matagalang tingnan. Nakaramdam siya ng disappointment kay Zandro dahil sa senaryong iyon. Mataas pa naman ang tingin niya rito.
May kung anong mabigat na bagay ang dumagan sa dibdib niya. Ngunit may kakaiba siyang napapansin sa sarili niya. Nakadama siya ng pagnanasa sa kanyang katawan. Nag-iinit ang mga kalamnan niya. Tila ramdam niya ang sensasyong nadarama ng dalawang nagtatalik. Subalit bago siya madarang sa pantasyang iyon ay ipinilig niya ang kanyang ulo. Saka niya na-realized na wala siyang karapatang husgahan ang dalawa. Nasa teretoryo nito si Zandro at may karapatan itong gawin ang gusto nito.
Lumakad na lamang siya palayo sa lugar na iyon. Pagdating niya sa bulwagan ay nagulat siya nang mamataan si Kenji na nakaupo sa sofa at naka-dikuwatro habang nagbabasa ng magazine. Dagling umupo nang maayos si Kenji nang mapansin siya.
"Hi! Wala ka na bang trabaho?" nakangiting tanong nito.
"Uh... nagpapahinga lang ako. Babalik na rin ako sa trabaho," aniya.
Tumayo si Kenji at humakbang palapit sa kanya. Ang mga kamay nito'y naipamulsa nito. Huminto ito isang dipa ang pagitan sa kanya. "Bakit mas pinili mong magluto? Mas maraming trabaho ang nababagay sa iyo," seryosong wika nito.
"Hindi rin naman ako makakapagtrabaho sa ibang lugar. Masaya naman ako sa trabaho ko rito."
"Ano ba ang natapos mo?"
"BS Psychology."
"Oh, sayang. Marami namang mga manpower agencies sa lugar na ito. Bakit hindi ka mag-apply?"
"Ayaw ng tita ko na ma-expose ako nang matagal sa maraming tao."
Nanlaki ang mga mata ni Kenji. "Why? That's so weird."
"Pinapahalagahan lang ng pamilya ko ang kaligtasan ko."
Hindi niya matitigan nang deretso sa mga mata si Kenji.
"Hindi ka ba puwedeng magkaroon ng boyfriend?" pagkuwan ay tanong nito.
"Puwede pero kailangan kong piliin ang lalaking magmamahal sa akin at handa akong iharap sa altar."
Tumawa nang pagak si Kenji. "Honestly, you're so weird. Ano ba ang tipo mo sa isang lalaki?" pagkuwan ay tanong nito.
"Iyong hindi ako lolokohin at sasaktan. 'Yong lalaking mabibigyan ako ng mga anak. At siyempre, 'yong lalaking mahal ko at mahal din ako." Tumingin siya sa mga mata ni Kenji. Unti-unti ay naglalaho ang pagkailang niya sa binata.
"Psychologist ka, magaling kang mangilatis ng tao. Kung perfectionist ka, hindi ka basta-basta makakatagpo ng lalaking makakasama mo habang buhay. You should be aware of new generation."
"Hindi ako perfectionist," giit niya.
"Okay. So, puwede ba tayo maging magkaibigan?"
Tumango siya. "Hanggang kaibigan lang," matatag na sabi niya.
"Hindi ako mangangako. Maganda ka, Margareta. You have everything, na gusto ng mga lalaki sa isang babae. Tulad mo, nagmula rin ako sa estriktong angkan. Japanese ang father ko at Spanish-Filipina ang mother ko. Pero hindi ko sila masyadong inintindi, hanggang sa mamatay sila pareho sa isang aksidente. Namuhay ako gamit ang sarili kong mga kamay at paa. Ang kapatid ko na si Renn ay lumaki sa puder ko. Ako ang nagtaguyod sa kanya. Naiintindihan kita at gusto kitang makilala nang lubusan kung bibigyan mo ako ng pagkakataon."
Matagal bago siya kumibo. "Hindi naman ako namimili ng kaibigan," aniya pagkuwan.
"So, let's be friend?" anito sabay alok ng kanang palad sa kanya.
Dinaup naman niya ang palad nito. Ngumiti siya. Mabilis gumaan ang loob niya sa binata.
"Kenji, akala ko nakaalis ka na," tinig ni Zandro buhat sa likuran nila.
Animo napaso na dagling bumitiw si Margareta sa kamay ni Kenji. Nagkasabay pa silang humarap kay Zandro. Boxer pants lamang ang suot ni Zandro at hantad ang matipunong pangangatawan nito.
"Hinintay ko pa ang report mula sa slaughter," tugon naman ni Kenji.
Paminsan-minsa ay sinisipat siya ni Zandro. "Nagmeryenda ka na ba?" pagkuwa ay tanong ni Zandro kay Kenji.
"Hindi naman ako nagugutom," ani Kenji.
"Kung may gusto kang kainin sabihin mo lang kay Margareta, ipagluluto ka niya."
Tumingin si Kenji kay Margareta. "Ayo'kong pagurin si Margareta. She needs some rest," anito.
Tumawa nang pagak si Zandro. "Trabaho niya iyon. Magbibihis lang ako, pare," anito saka sila iniwan.
"Ano po ba ang gusto n'yong meryenda?" pagkuwan ay tanong ni Margareta kay Kenji.
Hinarap naman siya nito. "Mas gustuhin ko pang titigan ka kaysa magmeryenda. Huwag mo nang pagurin ang sarili mo. Magpahinga ka," seryosong sabi nito.
"Trabaho ko naman na ipagluto kayo," aniya.
"Okay, pero sandwich lang okay na sa akin."
Ngumiti siya. "Ipaggagawa kita. Ano ang gusto mong drinks?"
"Kahit ano."
"Wala namang kahit anong inumin," pilyang sabi niya.
Ngumisi si Kenji. "Sana palagi kang ganyan. You're more beautiful while smiling."
Uminit ang mukha niya. "Babalik ako kaagad," aniya. Tinalikuran na niya ito.
Nagtitimpla pa lamang siya ng orange juice ay namataan na niya si Kenji na papalapit sa kanya. "Sana hinintay mo na lang ako," aniya.
Natigilan siya nang mapansin si Kenji na malagkit ang pagkakatitig sa kanya. Bigla na lamang siyang kinabahan. Napaatras siya nang halos yakapin na siya ni Kenji. Nahagip ng braso niya ang baso na may lamang juice. Kamuntik na iyong matapon ngunit mabilis naman iyong nasalo ni Kenji.
"¡Holla, Margareta!" bati nito.
Natigilan siya. "K-Kenji..."
Hindi niya magawang kumilos nang marahang haplusin nito ang makinis niyang pisngi. "Nalalapit na ang iyong kaarawan. Nalalapit na rin ang pag-alipin ng dilim sa liwanag," makahulugang wika nito. Pilyo ang ngiti nito.
Nang titigan niya ito sa mga mata ay napakislot siya nang masilip niya ang munting apoy roon. Inalipin siya ng hindi maipaliwanag na kaba. Paano nito nalaman ang tungkol sa kaarawan niya?
"Kuya Ken!" tinig ni Renn.
Kusa nang lumayo sa kanya si Kenji ngunit nag-iwan ito ng nakamamatay na ngiti. Pakiramdam niya'y hindi si Kenji ang kaharap niya.
Sinilip niya si Kenji na nasa sala at kausap si Renn. Nang makaalis na ang babae ay saka pa lamang niya inilabas ang meryenda ni Kenji. Inilapag niya sa center table ang meryenda nito.
"Thanks, Margaret. May gagawin ka pa ba? Baka puwede mo muna akong samahan dito," wika ni Kenji.
Tinitigan niya ito. Ibang-iba ang aura nito kumapara kanina. Napakagaan ng ngiti nito. "Uhm, alas-kuwatro na, maghahanda na ako ng lulutuin ko para mamayang gabi," sabi na lamang niya.
"Masyado pang maaga."
"Hindi ako puwedeng tumambay rito. Nasa oras pa kasi ako ng trabaho," aniya.
"Sige na nga. Salamat ulit."
"Walang anuman." Pagkuwa'y iniwan na niya ito.
Maya't-mayang sinisilip ni Margareta si Kenji habang naghahanda siya ng mga rekado para sa kanyang lulutuin. Abala na ang binata sa pagbabasa ng diyaryo habang pumapapak ng sandwich. Hindi pa rin humuhupa ang kaba niya. Hindi niya maintindihan ang nangyari kanina kay Kenji.
Ang mga diablo ay may kakayahang gamitin ang mga inosenteng katawan ng isang ordenaryong tao upang gawing instrumento. Sa paraang iyon ay mas madali silang makapag-ugnay sa mga tao. Ang ordenaryong tao na ginagawang kasangkapan ng mga diablo ay nagkakaroon ng split personality. Mapapansin ang pag-iiba ng ugali nila, maging sa pagkilos. Nakakagawa sila ng imposible at nagagawa nilang kontrolin ang apoy. Mag-iingat ka sa mga taong nakakasalamuha mo, baka isa sa kanila ang kasangkapan ng diablo.
Naalala na naman niya ang mga sinabi ng Lola niya noon. Gusto niyang pabulaanan ang sinasabi ng propisiya ngunit sadyang nagpapahiwatig na ito. Gusto niyang mabuhay nang normal katulad ng pangkaraniwang babae. Gusto niya ng kalayaan.
Nagsisimula na siyang magpalambot ng karneng baka na inilagay niya sa pressure cooker. Nang silipin niyang muli si Kenji ay wala na ito sa sala. Habang nagpapalambot ng karne ay lumabas siya ng kusina at naglakad-lakad sa malawak na bulwagan.
Pinagmamasdan niya ang mga kuwadradong larawan na nakasabit sa dingding. Mga larawan iyon ng mga magulang ni Zandro. Nang marinig niya ang ingay ng pressure cooker ay tumalima siya, ngunit bumalya siya sa matigas na bagay. Napaatras siya. Nanlalaki ang kanyang mga mata nang mamataan si Zandro na nakatayo sa harapan niya.
"Hindi uuwi ang parents ko. Kaming dalawa lamang ni Kenji ang maghahapunan mamaya," sabi nito.
"S-sige po. Babawasan ko na lang po ang lulutuin ko." Mabilis pa rin ang kabog ng dibdib niya.
"Bakit hindi ka na lang dito matulog mamaya?" tanong nito pagkuwan.
"Hindi po puwede. Kahit alas-dose ng gabi, uuwi ako sa bahay namin," aniya.
"Okay. Ipapahatid na lang kita sa driver ko mamaya."
"Huwag na po. May service naman po hanggang sa main gate."
"Huwag ka nang mahiya sa akin, Margareta. Kung nag-iingat ka sa iyong sarili, hindi ka dapat umuuwi mag-isa tuwing gabi," seryosong wika nito.
Hindi na lamang siya umimik.
"Gawin mo na ang dapat mong gawin. Huwag kang mag-apura sa pagluluto. Mga alas-siyete kami maghahapunan," anito.
"Opo."
Tumalima naman siya. Tinungo niya ang kusina at inagapan ang sumisigaw na pressure cooker.
ALAS-OTSO na ng gabi natapos sa trabaho si Margareta. Kumakain na ng hapunan si Zandro at Kenji. Inaantabayanan niyang matapos ang mga ito saka siya magpapaalam, ngunit tila mas mabilis pa ang kuwentuhan ng mga ito kisa sa pagsubo. Nahihiya naman siyang abalahin ang mga ito.
Nang tatlong minuto na ang nakakalipas ay naglakas-loob siya na lapitan ang mga ito. Natigil naman sa pag-uusap ang dalawa nang mapansin siya. "Uuwi ka na ba, Margareta?" tanong ni Zandro.
"Opo," sagot niya.
"Umuwi na pala si Mang Rick, nakalimutan ko siyang sabihan kanina na ihahatid ka. Sumakay ka na lang sa truck na lalabas mamayang alas-nuwebe," anito.
Nakadama siya ng inis. Pinaasa lamang siya nito. 'Di sana kanina pa siya nakaalis.
"Baka alas-onse na ang labas ng truck. Ako na lang ang maghahatid sa iyo, Margaret," apila naman ni Kenji.
Nabaling ang tingin ni Zandro kay Kenji. Tumabang ang ngiti nito. "Sigurado ka, Kenji? Akala ko ba may paperwork ka?" ani Zandro.
"Pagbalik ko na lang iyon gagawin," si Kenji.
Bigla na lamang kinabahan si Margareta nang malamang si Kenji ang maghahatid sa kanya. Baka kasi maulit ang biglang pagbabago ng kilos nito. Hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin niya.
"Baka magahol ka sa oras, Ken," ani Zandro.
"Okay lang. Kaysa naman mahirapan si Margareta sa pag-uwi."
"Bahala ka." Tinitigan siya ni Zandro.
"Hintayin mo na lang ako sa garahe, Margareta," pagkuwa'y sabi sa kanya ni Kenji.
"Salamat po," aniya. Dumeretso na lamang siya sa garahe.
Nahihirapan siyang madesisyon. Natatakot siya na baka mag-iiba na naman ang kilos ni Kenji kapag silang dalawa lang ang magkasama. Mas gugustuhin na lamang niya na mag-isa siyang uuwi. Bago pa man siya makapagpasya ay nariyan na si Kenji.
"Let's go, Margaret," ani Kenji. Binuksan na nito ang kotse nito.
"Ahm, hihintayin ko na lang siguro 'yong truck," bigla'y sabi niya.
"Bakit naman? Matatagalan pa iyong lalabas."
"Baka kasi nakakaabala na ako sa iyo."
"Come on, Margaret. Hindi ko ito ginagawa dahil gusto kong mapalapit sa iyo. Nag-aalala ako sa iyo. Gabing-gabi na. Baka mapaano ka pa sa daan."
Hindi na lamang siya umimik. Binuksan na nito ang pinto sa passenger seat. Pumasok na lamang siya. Pagkuwa'y umupo na sa harap ng manibela si Kenji at binuhay ang makena ng sasakyan. Taimtim siyang nagdarasal habang papaalis sila ng mansiyon.
"Inaantok ka na ba?" mamaya ay tanong ni Kenji nang tinatahak na nila ang daan palabas ng Rancio.
Iminulat niya ang kanyang mga mata. Naudlot ang pagdadasal niya.
"Medyo," sagot lamang niya. Nakatuon lamang ang paningin niya sa kalsada.
"Dapat kasi hindi ikaw ang nagluluto ng pagkain ng mga manggagawa. Dapat may lalaki kayong cook."
"Wala naman daw tumatagal na cook sa mga Del Fuego."
"Alam ko. Mababait naman ang mga Del Fuego, si Zandro lang naman ang maselan sa pagkain at estrikto sa mga tao."
Bigla naman niyang naalala si Renn at ang nakitang kaganapan kasama nito si Zandro kanina sa hardin.
"Asawa ba ni Zandro ang kapatid mong si Renn?" hindi natimping usisa niya.
"Magkasintahan pa lang sila. Pero nag-propose ng kasal si Zandro kay Renn one week ago. Hindi ko lang alam kung kailan ang kasal nila. Wala pa raw exact date," anito.
Ikakasal na pala siya.
May kung anong kumurot sa puso niya. Hindi niya mabigyan ng sapat na paliwanag ang nararamdaman niyang iyon. Ilang araw pa lamang niyang nakilala si Zandro, hindi siya makapaniwala na nahuhulog na kaagad ang loob niya sa lalaki. Hindi tama ang nararamdaman niya. Hindi niya ito dapat konsintihin.
Ilang buwan bago ang ika-dalawampu't-lima mong kaarawan ay darating ang lalaking magpapatibok sa iyong puso at darating din sa panahong iyon ang lalaking magmamahal sa iyo. Kailangan mong magdesisyon. Magpapakasal ka sa lalaking unang aalayan mo ng iyong pagka-birhen. Huwag mong pipigilan ang puso mo sakaling ito'y matutong umibig, Margareta...
Sumariwa na naman sa isip niya ang habilin ng kanyang lola noong ito'y nabubuhay pa.
"Gusto ko na ring maikasal si Renn at Zandro. Limang taon na silang magkasintahan. Pero minsan, hindi ko maiwasan na isiping maghihiwalay din sila. Mahal na mahal ng kapatid ko si Zandro. Minsan ko na ring natanong kay Zandro kung mahal pa ba niya si Renn. Ang sabi lang niya sa akin, pakakasalan niya si Renn para matigil na ang pagdududa ko. Anong pagkakaintindi mo sa sagot na iyon sa akin ni Zandro, Margareta?" seryosong wika ni Kenji.
Natitigan niya si Kenji. Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya.
"Sa palagay mo, pakakasalan ba niya si Renn dahil mahal niya ito?" muli'y tanong ni Kenji.
Noon lamang niya napagtanto na nagpapakitang-tao lang pala sa isa't-isa sina Zandro at Kenji.
"Hindi ko alam. Ayaw ko munang magsalita lalo na at hindi ko pa sila kilala nang lubusan," tugon lamang niya.
"Kilala ko si Zandro. Matagal na kaming magkaibigan. Alam ko kung ano ang babae sa buhay niya. Iniisip ko noon na hindi niya seseryosohin ang kapatid ko, pero nagtiwala na lang ako dahil napamahal na rin sa kanya si Renn. Alam ko'ng hindi ko mapipigil ang kapatid ko. Gusto ko siyang maging masaya."
"Hindi naman siguro pakakasalan ni Zandro si Renn kung hindi niya ito mahal," komento niya.
"Tama ka, pero hindi ko magawang magtiwala nang isang daang porsiyento kay Sandro. Ang totoo, bago ko nadiskobre na boyfriend na ni Renn si Zandro, inamin sa kin ni Zandro na hindi siya seryoso kay Renn at nagsimula sila sa fling. They just friends with benefits. At si Zandro, siya ang tipo ng lalaki na mahirap mapaibig ng babae. Hindi siya basta nagseseryoso at wala sa bokabolaryo niya ang pagpapakasal. Duda ko, napipilitan lang siyang pakasalan ang kapatid ko dahil sa reputasyon niya at pamilya. Maselan ang reputasyon ng pamilya niya. Ayaw ng pamilya niya na nakikilala si Zandro na babaero," kuwento ni Kenji.
Nawindang si Margareta. Hindi niya inaasahan ang impormasyong matuklasan niya tungkol kay Zandro.
"Kung gano'n bakit hinayaan mong makasal sa kanya ang kapatid mo?" aniya.
"Naawa ako kay Renn pero matigas ang ulo niya. Mahal talaga niya si Zandro at desisyon niya iyon. Wala akong magagawa."
"Paano kung tama ang naisip mo na hindi naman talaga mahal ni sir Zandro si Renn?"
"Kinompronta ko na si Zandro tungkol sa bagay na iyan pero wala akong nakuhang eksaktong sagot."
Bumuntong-hininga siya. At least naging aware siya. Pero hindi niya maintindihan bakit hindi niya magawang husgahan si Zandro.
Inihinto ni Kenji ang sasakyan sa tapat mismo ng bahay nila. Isang beses lamang niya binanggit ang address niya at natunton kaagad nito. "Magpahinga ka na," anito.
Nag-abala pa si Kenji na bumaba at pagbuksan siya ng pinto. "Salamat," aniya.
Tumingin siya sa bintana, sa kuwarto ng Tiya Mercedes niya. Nakasilip doon ang tiyahin niya.
"¡Buenas noches!" sabi ni Kenji.
"Gracias," sagot lamang niya.
Hinintay niyang makaalis si Kenji bago siya pumasok sa kabahayan.