Magdadalawang linggo na kami na hindi nagkikita ni Troy matapos ang araw na iyon na tinawagan siya ni Ivory. Maski ang mag-text ay hindi niya nagagawa nitong mga nakalipas na araw.
Ganito ang buhay ko. Kung hindi niya ako tatawagan o ite-text man lamang ay hindi rin puwede na ako mismo ang mauna na kokontak sa kanya. Kailangan namin mag-ingat dahil baka sumakto na kasama niya si Ivory kapag kontakin ko siya. At sigurado na malaking gulo ang mangyayari kapag nagkataon.
Mabuti na lamang din at naging abala kami ni Ashley sa mga kakailanganin para sa pagsisimula ng proyekto sa kumpanya nila Troy. Nitong mga nakalipas na araw ay si Trey ang malimit na nagte-text at tumatawag sa akin. Hindi ko naman iyon binibigyan ng malisya at iba pa na kahulugan dahil noon pa man ay magkaibigan na talaga kami. At bago pa kami magkakilala ni Troy ay ganito na ang samahan namin ni Trey. Naputol nga lamang iyon nang magpunta si Trey sa Amerika.
“Raven, what do you think?” Naputol ang pag-iisip ko nang tawagin ako ni Ashley upang ipakita ang ilang mga damit na napili niya na suotin ko.
“Don’t you think that’s too sexy, Ash?” Pagtatanong ko nang makita ang bestida na gusto niya ipasuot sa akin.
“Well, ang gusto ni Mr. Lorenzo, is something that can show off your curves. You have it so we have to flaunt it.” Napataas ang kilay ko sa tinuran ni Ashley. Si Mr. Lorenzo?
“Mr. Lorenzo?” tanong ko sa kanya.
“Trey Lorenzo. I’m talking about Trey Lorenzo, Raven.”
“I don’t know, Ash. Wala bang medyo less revealing diyan? Kausapin ko na lamang si Trey na pinapalitan ko ang mga damit.” Parang hindi naman kasi pang-restaurant commercial ang nais nila na ipasuot sa akin. Hay, si Trey talaga kahit kailan."
Habang patuloy na namimili si Ashley ay kinuha ko ang pagkakataon na iyon at agad na nagpaalam sa kanya, “Ikaw muna ang bahala riyan. Lalabas lang ako.”
“Saan ka?”
“Sa coffee shop lang sa tabi. Bibili lang ng kape.” sagot ko kay Ashley.
“Si Sandra na lang ang utusan mo, Raven.”
Napasimangot ako saka muli na nagsalita. “Ash, katabing-katabi lang ng boutique na ito ang coffee shop. Sandali lang ako. Kailangan ko rin ng sariwang hangin.”
Hindi ko na hinintay pa ang sagot ni Ashley at mabilis na ako na pumunta sa kabilang tindahan upang bumili ng maiinom.
Wala naman gaano na tao kaya mabilis lamang ako na nakabili.
Palabas na sana ako ngunit napahinto ako nang makita ang mga papasok sa loob ng coffee shop. Ang isa sa mga babae ay ang babae na kahit kailan ay ayaw ko na makita. Si Ivory Lorenzo.
Napasulyap din siya sa akin at matamis na ngumiti, “Hi, Raven, fancy seeing you here.” Wala akong nagawa kung hindi ang muli na magpanggap.
Bakit nga ba ako naging modelo at hindi na lamang nag-artista? Mukhang mas magaling ako umarte kaysa sa rumampa. Ang isa pang babae na kasama niya ay dumiretso na sa counter, habang si Ivory ay nanatili sa harapan ko.
“Hi, Mrs. Lorenzo.” bati ko sa kanya ng buong giliw. Kahit na ang aking puso ay para ng sinasaksak ng tawagin ko siya na Mrs. Lorenzo. Ako ang dapat na tawagin na Mrs. Lorenzo at hindi siya.
“Sino ang kasama mo?” Nagpalinga-linga pa siya sa paligid na animo hinahanap kung sino ang kasama ko ngayon.
“I’m with my agent, Mrs. Lorenzo. Nasa boutique lang siya sa kabila.”
“Oh, call me Ivory. Ikaw naman, para ka naman na iba pa. Buti nagkita tayo rito, Raven, I wanted to apologize.”
“Huh?” naguguluhan na tanong ko sa kanya.
“Last time, sa office. Hindi na kita nabati. at hindi na rin kita nakamusta. Si Troy kasi masyadong clingy, kauuwi niya lang kasi ng araw na iyon buhat sa conference kaya gano’n na lamang kung maglambing. Pero it’s nice to know na ikaw ang napili ni Trey na makapareha.”
Hindi ko alam ano ang mararamdaman ko. Hindi ko maintindihan bakit niya sinasabi sa akin ang mga bagay na ito. Pinapamukha ba niya sa akin ang relasyon niya sa asawa niya? May alam na ba siya sa relasyon namin ni Troy?
“Baby.” Pagkapasok na pagkapasok ni Troy sa coffee shop ay agad siya na lumapit kay Ivory at hinalikan sa labi ang asawa niya. Hindi ko alam kung napansin niya na ako ang kausap ng asawa niya dahil ang buong atensyon niya ay nasa babae lamang sa harapan ko simula nang pumasok siya rito.
“Babe, ano ka ba? Nakakahiya kay Raven ang clingy mo.” Malumanay na sagot naman ni Ivory na yumakap naman sa beywang ni Troy. Napatingin sa akin si Troy nang banggitin ni Ivory ang pangalan ko.
“Ah, Ms. De Ocampo.” tipid na sabi na lang ni Troy sa akin.
“Mr. Lorenzo, nice to see you. Well, nasa fitting kami ni Ashley for the project. Diyan lang sa kabilang boutique.” Ako na mismo ang nagbigay ng detalye sa kanya.
Kahit na alam ko na walang pakialam si Troy sa akin sa mga oras na ito dahil kasama niya si Ivory ay ginusto ko pa rin na malaman niya kung ano na ang nangyayari sa akin.
Tipid na tango lamang ang isinagot niya at ramdam ko na hindi siya komportable sa presensya ko. Nang makita ang reaksyon niya ay agad na rin ako na nagpaalam. Ayaw ko na makita na nahihirapan si Troy sa amin ni Ivory kaya ako na mismo ang lumalayo sa mga ganito na pagkakataon.
"I have to go, Mr. and Mrs. Lorenzo, baka naghihintay na rin si Ashley. It’s nice to see you both here.” Nag-iwan pa ako ng matatamis na ngiti bago lumabas ng coffee shop.
Pigil-pigil ko ang pagtulo ng mga luha sa mata ko. Bakit ba kasi ang tigas ng ulo mo, Raven? Dapat nakinig ka na lang kay Ashley at nag-utos na lamang sa PA, eh di sana hindi ka na naman luhaan ngayon.
Hay, Raven De Ocampo, kailan ka ba matututo? Kailan ka ba mapapagod na masaktan? Kotang-kota ka na ayaw mo pa rin tumigil? Umaasa ka pa rin! Sa tingin ko ay hindi ko kaya na mapagod at hindi ko kaya na sumuko kapag si Troy ang pinag-uusapan. Hindi ko siya kaya na ibigay kay Ivory. Baka ikamatay ko kung mawawala si Troy sa buhay ko.
Ang sabi nila kapag nagmamahal ka dapat ay maging handa ka na magsakripisyo. Hindi lahat ng pagmamahalan ay puno ng saya. Ang lahat ay dumaraan sa mga lubak na nagpapatatag sa isang relasyon. Pero paano ang relasyon namin ni Troy? May pag-asa pa ba na maaayos ito? May pag-asa pa ba na sa bandang huli ay maging akin siya?
Hindi ko alam kung paano ko kinaya ang mga sandali na kaharap ko ang aking mahal at ang aking karibal. Parang sinasaksak ang puso ko na makita kung gaano ang atensyon na ibinibigay ni Troy kay Ivory. At inggit na inggit ako sa kanya. Inggit na inggit ako dahil kahit na anong pilit ko nasa kanya ang tao na pinaka aasam-asam ko.
Wala akong magawa kung hindi ang patuloy na ngumiti sa kabila ng sakit na nararamdaman ko. Kailangan ko maging matatag, dahil iyon ang inaasahan sa akin ni Troy.
“Hey, sexy!” Agad ako na napangiti hindi pa man nakikita kung sino ang nagsalita na iyon. Kilalang-kilala ko na siya at buti na lamang ay narito siya upang kahit paano ay maibsan at makalimot ako kahit panandalian sa sakit na nararamdaman ko.
“Trey.”