"Steff, tumakbo ka na!" sigaw ni Lena sa anak nang mahawakan nila ni Hanna ang gahamang si Alma. Nataranta ang bata. Urong sulong siya Nagdadalawang isip kung tama bang iwanan niya ang Mommy at Ate Hanna niya. Naiiyak na siya. "Sige na, Steff!" sigaw ng kanyang Ate Hanna. "Let me go! Idedemanda ko kayo!" piksi ni Alma. Pilit itong kumakawala sa pagkakahawak nina Lena at Hanna. Pinagtutulungan ito ng dalawa, kaya inis na inis na ito. "Sige na, Anak! Alis na!" madiing utos pa ni Lena kay Steffany. "No! Ibigay mo sa akin 'yan!" gigil na sigaw ni Alma sa bata. Na siyang ikinatakot ni Steffany. Napaurong siya. Mahigpit niyang niyakap si Raj sa dibdib. Naipahiga ng kanyang Mommy at Ate Hanna niya si Alma sa sahig. Hanggang sa maipaibabawan ito ni Hanna. Sumakay si Hanna sa tiyan ni Alma.