HINDI MAIWASAN NI GINGER na magbalik-tanaw sa kamalasan niya nang araw na ’yon. Tatlong taon na rin naman ang nakalilipas nang magtagpo ang landas nila ng mga delos Santos.
Tandang-tanda pa ni Ginger nang mapagdesisyunan niyang subukan ang kapalaran sa siyudad. Tatlong oras ang byahe galing Pampanga papuntang Maynila. Alas-tres pa lamang ng umaga ay gising na siya. Minamabuti niyang makaalis nang maaga dahil maghahanap pa siya ng matitirahan after niyang sumipot sa agency na pinag-apply-an niya bilang yaya. Nag-apply siya online bilang nanny sa isang caregiver agency.
Bitbit ang ilang piraso ng damit at kaunting perang natira galing sa abuloy ng kaniyang Lola Ipang, lumuwas siya ng Maynila upang makipagsapalaran. Sa Maynila siya magsisimulang muli.
Iyon lang, hindi niya naman inaasahang kamalasan agad ang sasalubong sa kaniya sa lugar na iyon. Mangiyak-ngiyak si Ginger sa sinapit.
# # #
CAREGIVER AGENCY|THREE YEARS AGO
“ANO HO? KAILANGANG second year college para maging yaya?” Pinanghinaan ng loob si Giner. Malayo ang nilakbay niya para sa interview, pero heto, ligwak din lang pala siya. “Pati ba naman pagiging katulong, kailangan college level na?”
"I’m sorry, Ms. Valencia, but first year college lamang ang natapos mo.”
“Bakit naman kailangan pa ng degree? Eh, pag-aalaga lang naman ng bata o matanda ang in-apply-an kong trabaho.”
“I’m sorry but it’s our agency's protocol to only hire educated individuals,” wika ng babaeng nag-interview kay Ginger.
“Valedictorian ho ako noong high school at scholar sa college. Hindi ninyo na kailangan ipamukha sa akin na wala akong pinag-aralan. I am an educated individual. Your agency clearly states discrimination. You don’t need to repeat na kahit katulong ay hindi ako papasa. Salamat ho. Pasensya na sa abala.” Hinablot ni Ginger ang application form niya pati na rin ang kaniyang resume mula sa babae. Tinalikuran niya ito nang may sama ng loob.
‘Balang-araw ay magkakaahensiya rin ako, but I will treat all my applicants fairly. Mukha ka namang payaso sa kapal ng make-up mo!’ May pag-ismid pang nalalaman si Ginger. Eh, hindi niya naman na kaharap ang interviewer.
‘Siguro butas-butas ang mukha mo sa tigyawat kaya parang isang millimetro ang kapal ng foundation mo sa mukha.’ Nasanay na si Ginger na kausapin ang sarili. Madalas nga sabihin ng kaibigang si Juniper na matalino nga siya pero krung-krung naman.
Halos apat na oras siyang nakapila tapos denied lang pala siya. Worse? Hindi pa roon natatapos ang kamalasan ni Ginger noong araw na ‘yon. She was about to buy lunch nang mapansin niyang wala na siyang pera sa kaniyang wallet. Aksidenteng nahulog ang mga ito at ang natira ay lilimang daang piso! Paano na siya makahahanap nang matitirahan? Ni matinong pananghalian ay hindi niya kayang bilhin sa kakarampot na perang ‘yon.
Isang bote ng tubig na lang ang binili ni Ginger. Laman sa tiyan din iyon. Iinumin na niya sana ang tubig nang makita niya ang ’di gaanong katandaang babae na sapo ang dibdib at lalamunan nito.
She worriedly rushed to the woman. “’Nay, okay lang ho kayo?”
Tiningnan lang siya nito na tila ba nabibilaukan. Binuksan ni Ginger ang bote ng tubig at inabot sa matanda. “Inumin ninyo ho.” Hindi nagdalawang-isip ang matanda at nilagok ang tubig na sana’y pananghalian ni Ginger.
“Salamat, hija.”
“Okay na ho kayo?”
“Yes. I’m fine now. I choked with the cupcake. May whole nuts na bumara sa lalamunan ko. Mabuti na lamang at napadaan ka. You’re my angel. Maraming salamat.”
“Walang anuman ho. Mauna na ho ako sa inyo.”
Naglakad na si Ginger palayo sa matanda. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Wala na siyang ibang maisip kundi ang i-text ang kaibigang si Juniper at humingi ng tulong. Baka may kamag-anak o kaibigan itong maari niyang tulugan kahit ngayong gabi lang.
Inabot na si Ginger ng takipsilim ay wala pa ring Juniper na nag-reply sa kaniya. Minabuti niya na lang na magsimulang maglakad. Siguro ay papasok na lamang siya sa loob ng simbahan at doon magpapalipas ng gabi.
“Ay, paruparong walang mata!” sigaw ni Ginger nang bigla na lamang may bumisina sa tapat niya. Nagpatuloy si Ginger sa paglalakad nang bumisina ulit ang sasakyan. “Patiyanak ka! Ano bang problema mo?!”
“Hija, ba’t naglalakad ka mag-isa? Madilim na’t delakado rito.”
“Kayo ho pala. Pasensya na ho at kung ano-ano lumalabas sa bibig ko kapag ako’y nagigitla.”
“Wala ’yon. Bakit ka ba naglalakad?”
Tumulo ang luha sa mga mata ni Ginger. “Wala ho kasi akong mapuntahan. Minalas ho at naiwala ko ang kaunting perang dala ko. Hindi tuloy ako makabalik sa Pampanga. Kagagaling ko lang ho sa ahensiya nang makita ko kayo kanina. Nagbabaka-sakali akong makakuha ng trabaho rito sa Maynila, kaso kahit pala pagiging yaya ay kailangang college graduate na.”
“Oh, siya. Pumasok ka na sa sasakyan at umaambon na.”
“Ho?” Hindi agad naintindihan ni Ginger ang sinabi ng matanda.
“Pumasok ka na sa kotse at sa akin ka na magtatrabaho simula sa araw na ’to.”
“Ako ho? Magtatatrabaho sa inyo?”
“Pasok na. Ako pala si Almira delos Santos. Ipapakilala kita sa asawa kong si Iggy. Ignacio delos Santos. Hulog ka ng langit sa akin, hija. Kung hindi dahil sa ’yo, malamang ay pinaglalamayan na ako ngayon.”
“‘Wag ho kayong magsalita nang ganyan.” She obliged and entered the car. Umupo siya sa tabi ng matanda.
“Bueno. Magkano ba ang gusto mong sahod?”
“Sahod ho?”
“Oo, magtatrabaho ka sa akin bilang all around maid. Natural, may sahod ka.”
Hindi maisip ni Ginger kung ano ba ang isasagot niya. “Kayo na po bahala. Wala po akong alam sa mga pasahod.”
“Oh, siya. I’ll pay you ten thousand pesos sa tuwing a-kinse at katapusan ng buwan. Stay-in ka kaya libre ang lahat. Ikukuha na rin kita ng medical insurance.”
“Kahit ’wag na ho. Kailangan ko lang po nang matutuluyan.”
“Dahil dinugtungan mo ang buhay ko, pag-aaralin kita. Naka-graduate ka ba ng high school man lang?”
Hindi si Ginger umimik. Naaliw siya sa dinaraanan nilang malalaking building at mga ilaw. Ibang-iba ang Maynila sa Pampanga. Maingay. Mausok. Mabaho. Samantalang sa probinsiya, tahimik at mga alitaptap lamang ang kumikinang tuwing gabi.
“Nakikinig ka ba, hija? Ano palang pangalan mo?”
“Virginia Valencia. Ginger for short at your service, Madam,” biglang masiglang sagot ni Ginger. Nagmukha tuloy siyang kulang-kulang. Hindi kasi maproseso ng utak niya kung gaano siya kapalad ngayong araw. Kanina lamang ay para na siyang sinakluban ng langit at lupa.
“Bueno, Ginger, nandito na tayo. Dalhin mo na ang lahat nang pinamili ko sa loob.”
Nanlaki ang mata ni Ginger sa nakita sa compartment ng kotse ni Almira. Punong-puno iyon ng mga branded na paper bags. ‘Ganoon ba sila mamili? Buong store na yata ang pinakyaw’
Punong-puno at ’di magkamayaw si Ginger sa dami ng paper bags na hawak-hawak niya. Namangha siya sa sobrang laki ng bahay. ‘Dios ko. Kaya ko ba ’tong linisan?’
“May bakanteng kuwarto sa taas, iyong nasa kaliwa ng hagdan. ’Yon ang magiging kuwarto mo. Marunong ka bang magluto?”
“Opo, marunong po.”
“Maglaba? Maglinis, at mag-alaga ng mga halaman? Marunong ka ba niyon?”
Grabe naman ’to! All around nga. Akala ni Ginger ay kasambahay lamang siya pati pala pagiging hardinera ay kasama sa trabaho niya.