"SIGE na, mahal. Mauna ka na sa labas. May aayusin lang ako sandali," pagtataboy ni Michelle kay Noah habang nagsasara sila ng pizza parlor. "Okay, sige. Isasakay ko na muna ang bisikleta ko." Hinapit niya ito sa baywang at tinaniman ng halik sa bibig bago lumabas. Alas nuwebe pa lang ng gabi pero halos wala ng tao sa paligid. Mangilan-ngilan na lang ang nakikitang naglalakad at bumabiyaheng sasakyan. Ito ang naging epekto ng sunod-sunod na patayang naganap. Kahit ang mga taong-kalye ay nagsitaguan na rin sa kani-kanilang kariton o anumang lugar na mapagtataguan. Wala na ring makikitang mga babaeng nagtitinda ng laman na pakalat-kalat sa mga overpass at nag-aabang ng mga customer. Nakakaantok ang malamlam na liwanag na nagmumula sa bilog na buwan ngunit bahagyang nahahati dahil sa makap