It was a normal day to work for Jarra. Kagat-kagat niya ang labi habang naglalakad patawid para sa sakayan. Napangiwi na lang siya habang nakikipagsabayan sa mga nagmamadaling mga tao.
Ito ang ayaw niya talaga pag umaga at papunta siya ng center, e. Nakaka-stress ang mga tao sa paligid niya na kagaya niya ay nagmamadali rin. Sobrang higpit nang kapit niya sa kanyang tote bag habang nakikipagtakbuhan sa mga tao.
'Kainis! Napapawisan na agad ako hindi pa man ako nakakarating sa center! Hay nako, Jarra!'
Napailing na lang siya habang nakikipagsiksikan sa jeep. Napabuga lang siya ng hininga nang sa wakas ay makaupo na siya. Panay ang pagpapakalma niya sa sarili habang pinupuno ng tao ang buong jeep. Pinapaypayan din niya ang kanyang sarili para hindi naman siya maging haggard agad pagkarating sa center.
Tiningnan niya ang kanyang orasan sa bisig. Hindi pa naman siya mali-late. May iilang minuto pa siya bago ang time in niya. Maaga pa rin naman pero mataas na ang sikat ng araw at halos lahat ng mga tao ay papunta na sa mga trabaho. Ang malala pa sa sakayan niya ay dagsaan talaga ng mga tao tapos malapit pa sa isang intersection kaya mas lalong naging masikip at marami ang mga tao. Naramdaman niya pa ang pag-vibrate ng kanyang cell phone sa loob ng tote bag niya pero hinayaan niya na lang muna iyon at ayaw niya namang mag-cell phone sa jeep at baka mahablutan pa siya.
Nakatingin lang siya labas habang umaandar ang jeep. Nang bahagya silang huminto sa tapat ng cafe sa may eskinita ng kanilang tinutuluyan ay napaismid na lang siya. Naalala na naman niya iyong lalaking nakaiwan ng wallet nito na sinauli na nga niya, sinungitan pa siya. Kanina nga nadaanan din niya ang firm nito. Sa inis, pati building inirapan niya. Kumukulo kasi ang dugo niya sa pakikitungo nito noong nagsauli siya ng wallet. Ni hindi nga nagpasalamat, ha! Ang galing lang naman talaga!
Ipinilig niya ang ulo.
‘Hay nako, Jarra, ‘wag mo nang isipin ang mokong na iyon at maba-badtrip ka lang leshe siya!’
“Para po!” agad na sabi niya nang dumaan na ang sinasakyang dyip sa center. Mabilis siyang bumaba ng sasakyan at saka pumasok na agad sa center.
“Magandang umaga, Ma’am!” bati ng security guard sa kanya. Nginitian niya lang ito at tinanguan.
“Magandang umaga rin po!” Dire-diretso ang kanyang lakad hanggang sa kanilang locker. Inilagay niya lang muna ang kanyang mga gamit doon bago siya dumiretso sa kanyang post.
“Morning, Jars!” bati ni Talia sa kanya at sinabayan pa siya nito sa paglalakad.
Nginitian niya lang ito. “Kararating mo lang?” tanong niya rito. Tumango naman ito.
“May chika pala ako doon sa Ward 204, sis.”
“O, ano naman?” Kumunot ang kanyang noo.
“Kagabi may alulong na naman daw! Kaloka! Buti nga hindi nagising iyong mga matanda. Ang chika ni Marian sa akin, nagra-rounds daw sila tapos narinig nila, sis! Kaloka! As in iyon iyong sinasabi nila na naririnig ng mga nurse sa gabi! Sis katakot! Next shift ko pa naman sa susunod na araw, gabi! Paano na?”
Isang irap ang ginawad ni Jarra sa kanyang kasama. Napailing pa siya rito.
“Mas tinatakot mo lang ang sarili mo sa pag-iisip mo nang ganyan. Inayos niya ang charts na hawak niya. Sumimangot lang si Talia sa kanila.
Nginisihan niya lang ito at saka umiling ulit. Naghiwalay lang sila nang makarating na siya sa ward niya.
“See ya, sis.” Kinawayan niya lang si Talia at pumasok na sa loob.
“Asan apo ko?”
“Ewan ko sa’yo. Bat ako hinahanapan mo?”
Iyon ang bumungad kay Jarra pagkapasok niya. Agad siyang ngumiti at lumapit sa dalawang matandang babae.
“Good morning po, Lola Karie at Lola Amor.” Agad na nagsilingunan ang dalawa sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ng matandang may mataas na buhok. Lumapit pa ito sa kanya. “Apo?” hindi makapaniwalang sabi nito sa kanya at sinapo pa ang kanyang kanang pisngi.
Saglit siyang napatitig sa matanda. Lumunok siya bago tuluyang ngumiti. Hinawakan niya ang braso nito.
“Upo na po muna tayo sa kama? Gamot time na,” ngiting sabi niya. Umaliwalas ang mukha ng matanda.
“Uy ganda pala ng apo mo!” sabi pa ng matandang kausap nito kanina. Huminga siya nang malalim at binalingan din ito.
“Halina rin po kayo. Inom muna tayong gamot,”aniya.
Sumunod naman ang dalawa sa kanya. Pinaupo niya ito sa mga sarili nitong kama tapos ay hinanda muna niya ang mga gamot nito. She couldn’t help but look at the two old ladies as they took their medicines. Inilibot niya pa ang tingin sa buong ward at nakita niya ang iba pang mga matatanda na may kani-kanilang mga mundo. Ang iba ay nakaupo lang sa kama at tahimik lang habang ang iba naman ay mga mga ginagawa. May ibang naglalaro pa at may ibang panay ang lakad. Mabuti nga at walang nagwawala ngayon.
They say the brain is the most fragile organ of the body. Isang ugat lang, maaaring ikamatay mo na o ikawala mo sa sarili. It holds the person’s self. It holds and commands the other organs. Once ito na ang naapektuhan, most of the time, wala na talagang cure. Minsan hinihintay na lang kung anong magiging tadhana ng tao.
Jarra couldn’t help but wonder about the families of their patients here. Ano kaya ang nararamdaman ng mga ito? Bakit nila piniling ipaalaga sa kanila ang mga kamag-anak. She’s sure naman na kahit paano ay may mga pamilya ang mga pasyente nila rito. Are they incapable of taking care of them? These old people are fathers, mothers, etc. Nasaan kaya ang mga anak nila? Bakit nga ba siya nagtatanong, e, kung siya nga rin piniling ipadala ang lola niya rito nang magka- alzhiemers ito.
In her defense, she did want to take care of her grandmother, and she can do that while working here. Ayaw niya rin kasi itong iwan sa mga magulang dahil matatanda na rin ang mga ito. Her grandmother will always have a special place in her heart dahil ito ang tumayong magulang niya noong nasa abroad pa ang kanyang Mama at Papa.
She sighed and smiled at the two old ladies again.
“Teka, alis na ikaw?” parang batang tanong ng matandang inakala siyang apo. Hinawakan pa siya nito sa braso. Ngumiti lang siya rito at tinapik ang balikat nito.
“Bigyan ko lang po sila.” Tinuro niya ang iba. “Sharing is caring po, di ba?”
Ngumisi ang matanda at napapalakpak pa. “Oo nga! Ang bait mo!”
Ngumiti lang ulit siya at tinanguan na ang dalawa bago pumunta sa iba pang mga pasyente. This is her routine everyday. Noong buhay pa ang kanyang lola, palagi siyang tumatambay sa ward nito tuwing breaktime niya. Ngayong wala na ito, halos hindi niya madala ang sarili niya roon. Nakipagpalit na nga lang siya ng floor sa mga kasama. Parang ang lungkot lang kasi sa kanyang pakiramdam sa tuwing pumapasok siya sa ward na iyon at naaalala niya ang mga masasayang araw niya roon kasama ang kanyang lola. Mabuti na lang at naiintindihan ng mga kasama niya at pinayagan din siya eventually.
Bumuntong-hininga siya.
After niyang mag-rounds at magpainom ng gamot ay inasikaso niya naman ang mga paperwork na dapat niyang trabahuin. Nang dumating ang tanghalian ay bumili lang siya ng pagkain at sa station niya na lang kumain. She was doing some paper works nang biglang mag-ring ang kanyang cell phone. Kunot na napatingin pa siya roon.
Mama calling…
Takang kinuha niya iyon at saka sinagot.
“Mama? Napatawag po kayo?” takang tanong niya.
Narinig niya ang agad na pagbuntong-hininga ng ina sa kabila.
“Iyan talaga agad ang bungad mo? Hindi ba pwedeng nangangamusta lang?” sabi pa nito pabalik. Hindi siya nagsalita. Sa huli ay bumuga siya ng hininga at saka umayos ng upo.
Sumandal muna siya sa likod ng kanyang upuan at itinabi muna ang mga papel sa kanyang lamesa.
“Okay lang ako, Ma. Kayo riyan?” aniya rito.
“Hmm. Okay ka lang ba talaga? Nako, Jarra, kilala kita, ha. Ang tigas tigas ng ulo mo kasi, e. Pwede ka naman kasing magbakasyon. At pwede ka rin namang umuwi rito sa Isabela. Wala na ang lola mo. Wala ka nang dahilan para mag-stay diyan.”
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at napahawak na lang sa kanyang sentido.
“Ma, please, akala ko ba napag-usapan na natin ito? Pumayag na kayo, di ba?”
“Oo nga, pero ang sabi ni Talia sa akin, malungkot at depress ka pa rin daw tingnan. Anak naman kasi, bumalik ka agad sa trabaho, e. Bakit ba ayaw mong magpahinga muna?”
“Paano ang pag-aaral ni Carlo?”
“Anak, sa SUC nag-aaral ang kapatid mo at may ipon pa naman kami para sa kanya. Jarra naman.”
Nakagat niya na lang ang labi at minasahe ang kanyang noo. Her mother just won’t drop this topic. Akala niya ay okay na sa mga ito na dito bumalik na agad siya sa trabaho kasi iyon naman ang sabi nila noong libing. Tapos ilang weeks pagkatapos noon ay panay ang text at tawag ng Mama niya sa kanya kung di na ba raw talaga mababago ang isipan niya. Ay ewan na lang talaga niya. Her mother is the most indecisive person she has ever met. Sobrang bilis magbago ng isip nito na para bang hindi na natatandaan kung anong pinagkasunduan nila.
“Ma, please just give this up. Okay ako sa trabaho ko rito. And yes, I am still moving on pero kaya ko ito. Promise, hindi ko pinababayaan ang sarili ko. Please.” Dumiin ang pagkakagat niya sa kanyang labi. Alam niyang hindi na nakatakas sa boses niya ang pagkainis.
Naiintindihan niya naman ang ina kaso lang talaga nagiging pushy ito madalas na ikinasasakit ng ulo niya. She’s a grown up. She can already decide on her own. She appreciate the gesture and the guidance, but she’s really fixed with her decision now. Ayaw niya lang talagang nagiging pushy na ito masyado at mas lalong hindi siya nakakpag-concentrate sa mga ginagawa niya.
Humugot siya ng hininga at umayos ng upo. “Sige na, Ma. I still have a lot of work to do. Ingat kayo riyan. I’ll call you this weekend,” sabi niya na lang. Hindi na niya ito hinintay na sumagot at binaba na lang ang tawag. Ni-off niya na lang ang cell phone at parang kabute pa naman ang Mama niya. She needs to focus. She knows her condition, and she’s not denying the fact na malungkot at wala siyang gana talaga dahil sa pagkamatay ng lola niya, but she’s also trying her best to be okay na rin. Hindi siya sanay na bini-baby at ayaw niya nang ganoon. Gusto niyang makarecover nang siya lang at iyon ang ginagawa niya ngayon. Sana lang maintindihan ng Mama niya iyon.
****
Ipinilig na lang ni Jarra ang ulo habang papunta sa Cafe na nasa malapit lang ng boarding house nila. Sumakit yata ang ulo niya sa pangungulit ng ina kanina tapos hindi pa talaga siya nito tinantanan sa text. Gusto niya lang munang magkape.
“Isang iced macchiato, please. Take out,” aniya sa cashier. Itinukod niya ang kanyang kamay sa counter habang hinihintay ang order niya. Tunog nang tunog ang cell phone niya sa mga messages ni Talia. Nag-bar kasi ang magaling niyang kaibigan at nagbibilin ito. Inis sya rito sa mga pinagkukwento nito sa Mama niya kaya di niya pinapansin.
“Here, Ma’am.”
“Thanks.” Tipid siyang ngumiti at saka kinuha iyong kape.
Mabilis siyang umalis doon at palakad na palabas nang mapaungot na lang siya sa urat sa text ni Talia. Tumawag pa ang loka.
“Ano?” inis na tanong niya saka mabilis na naglakad.
“Grabe naman, sis! Sorry na talaga. Baka hindi mo ako papasukin mamaya, e. Sorry na, please.” Napairap siya. Nai-imagine niya ang pagpapa-cute ng magaling niyang kaibigan. “Sorry na. Di na ako chi-chika kay Tita. Please paano na lang noong mga sinampay ko. Palagay na lang sa kwarto please na sis. Pagagalitan na naman ako.”
Muli siyang umirap dito. Tumigil siya at saktong paglabas naman niya sa cafe. “Oo nga.”
“Yey! Thank you, sis!”
Umiling siya at binaba na in ang tawag. Inilagay niya ang kanyang cell phone sa tote bag at saka nagsimula nang maglakad nang bigla na lang siyang mabangga sa kung ano dahilan kung bakit siya bahagyang napaatras.
Malutong siyang napamura na lang dahil sa lakas ng pagkakatulak sa kanya.
“s**t. Sorry, miss.”
Agad siyang nag-angat ng tingin para tingnan ang nakabangga at ganoon na lamang ang kanyang pagtaas-kilay nang makilala ito. Napasinghap pa siya rito. Iyong antipatiko pero shunga na abogadong kinaiinisan niya noong isang araw.
“Huh. Ikaw na naman,” tanging sambit niya bago umayos ng tayo at ipinagkuros ang kanyang mga braso. Tinitigan niya lang ito. Saglit na tinitigan pa siya nito at kinunutan ng noo na para bang inaalala kung sino siya.
“Oh. It’s you,” sambit nito na parang nahihiya pa. Napaismid siya. Akala niya nga susungitan na naman siya nito at ready naman siyang magsungit din nang bumuntong-hininga ito at tipid na ngumiti sa kanya.
“Sorry...for last time as well,” sabi nito at agad na nag-iwas ng tingin. Mas nangunot ang kanyang noo rito. Nakita niya pa itong nagkamot ng batok. Bumuga siya ng hininga at ipinilig na lang ang ulo.
Napaungot pa siya nang mag-ring na naman ang kanyang cell phone. Pagkatingin niya roon ay napailing na lang siya nang makita ang pangalan ng Mama niya. Bumuga siya ng hininga.
“I’m really so-”
Hindi na niya narinig pa ang sinabi ng lalaki dahil nag-walk out na siya roon. Wala siya sa mood makipagsagutan na naman.
‘Ang saya naman ng araw na ito. Tsk.’