Muli kong sinubukan magmulat ng mga mata. May nagsasabi sa likod ng isip ko na kailangan ko raw piliting labanan ang antok na iyon kung nais ko pang mabuhay dahil iyon na ang huling tyansa ko para ipagpatuloy ang misyong binigay sa akin. Hindi ko alam kung anong misyon. Isa lang naman ang alam ko, ang dalhin ang mensahe sa ibang kaharian sa nalalapit na pagsalakay ng Rock Valley.
Hirap akong magawa ang ibinubulong sa akin. Nahihirapan akong magmulat na para bang nagdikit na ang mga mata ko at kahit anong pilit ay hindi na iyon muling magbubukas. Matapos ng bulong ang pag-iyak naman ang narinig ko.
Ang iyak na iyon ay iyak ni Mama noong nasa opsital ako.
"Nakabalik na ba ako? Pagbukas ko ba ng mga matang ito ay sila na ang makikita ko?"
Tanong na wala namang magbibigay kasagutan. Gusto kong makita sila ulit, mayakap at masabi kung gaano ko sila kamahal.
"Ma! Pa!" sigaw ko ngunit kahit di ko sigurado kung maririnig ba nila ako. Para akong nakakulong sa isang madilim na kahon at walang kahit katiting na liwanag na nakakapasok sa loob.
Parang ang buhay ko noon. Laging nakatago, bawal lumabas, takot sa araw at maraming gusto na hindi ko pwedeng gawin.
"J-James? Jamesss!" tawag ng boses. Boses iyon ni Mama.
"Dumilat ka na! H'wag mong tapusin dito ang lahat kaya idilat mo ang mga matang iyan ngayon na bago pa mahuli ang lahat!" utos na sunod kong narinig ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na boses ni Mama.
"S-sino ka?"
Bahagya akong natakot. Para bang nasa loob din siya ng madilim na lugar na iyon. Ang boses niya ay tumatalbog sa kung saan-saan at hindi ko mahuli. Wala akong nakuhang sagot sa boses na huli ngunit nagpasya akong sundin ang sinabi niya.
Kailangan kong dumilat, dapat kong ipilit. baka tama ang boses na iyon na ang huli at kapag hindi ko nagawa ay baka hindi ko na magagawa pang makabalik sa mga magulang ko na baka hinihintay na 'ko ngayon.
Nagawa ko nga! Muli kong nakita ang parehong liwanag kanina na parang nagsasayaw na mapulang kulay. May init din akong naramdaman.
Pinihit ko ang ulo ko sa gawing kanan dahil doon galing ang init. Doon ko nalaman na may siga pala roon at ang apoy ang dahilan kung bakit parang sumasayaw ang liwanag sa paligid. Sa paggalaw kong iyon ay kumirot ang mga sugat ko sa buong katawan. May kirot din sa kaliwang mata ko na alam kong may black eye. Napahawak ako sa aking tiyan at may nakapang mamasa-masang bagay. Naisip ko agad na linta dahil malambot ngunit malapad.
Napabalikwas ako bigla at naalis ang telang pinangkumot sa akin. Naupo at yumuko upang makita kung tama ba ako ng hinala ngunit hindi naman pala linta iyon. Mabuti na lang at hindi, ngunit saan galing ang mga dahon?
Dinikdik na mga dahon at bulaklak ang nakatapal sa tiyan ko. Maging sa iba pang parte ng katawan kong may mga pasa at sugat maliit man o malaki ay mayroon din. Nakamamangha dahil ang nangingitim na mga pasa ay nagiging berde na at ang iba pa nga ay mapula na senyales na dumadaloy na nang maayos ang dugo na namuo dahil sa pagkakabugbog at lamog ng laman.
Umayos ako ng pagkakaupo. Napalingon sa paligid at nakitang napakadilim na pala nang mga oras na iyon. May pailan-ilan akong narinig na mga huni ng ibon at mga kulisap. May mga alitaptap pang nagkalat paisa-isa sa di kalayuan. Nakakatakot ang ibang tunog. Sana ay walang lobo na nasa paligid at bigla na lamang akong aatakihin rito.
Napahawak akong muli sa tiyan ko. Inayos ang mga naalis na tapal at pinulot ang mga nahulog dahil sa biglaan kong paggalaw. Nang muli kong tanawin ang siga ay nakita ko ng ilang pirasong isda na nakatuhog sa kahoy at binaon patayo sa lupa upang maihaw sa apoy. May kalakihan at halatang matataba ang mga iyon. Tumutulo pa ang katas na may kasamang natunaw nitong taba at kapag tumutulo sa apoy ay lumalagitik ang tunog.
Napalunok ako biglaan. Naglaway at sinara ang bibig kong nakaawang.
Pagkain! Mukhang masarap.
Nanunuyo ang lalamunan ko kanina ngunit nang makita ang isda ay parang awtomatikong naglaway ang bibig ko. Kaso naisip kong baka may nag-iwan lang sandali at babalikan. Baka iyong tumulong sa akin ang may-ari. Sumagi rin sa isip ko na baka iniwan talaga roon para sa akin para may makain ako paggising.
Nakakahiya naman na kainin ko kung hindi naman para sa akin iyan. Tinulungan na nga ako. Masyado na ‘kong abusado kapag ganoon.
Kaso mapanukso ang hangin.
Biglaan kasing humangin, tinangay nito ang mabangong amoy ng isda na nakadarang sa apoy. Kumalam ang tiyan ko nang dumaan sa ilong ko ang amoy niyon. Para akong baliw na hinabol pa ang amoy nang nakapikit at kahit nanghihina ang mga binti ay nagawa kong gumapang palapit sa mga inihaw na isda.
Parang pusa. Kulang na lang ngumiyaw.
Wala pa ‘kong matinong kain mula kahapon. Maawa naman kayo sa akin. Ayaw ko mang pakialaman ang mga isda ay hindi ko na kinaya ang gutom at takam na nararamdaman ko. Patawarin ako ng sinuman na dapat akong patawarin ngunit hindi ko na talaga kaya.
Hinugot ko na ang isang mula sa pagkakatusok sa lupa at sumalampak sa harap ng siga. Mahina naman na ang apoy kaya hindi na gaanong mainit sa malapit. Tinitigan ko muna ang matabang isda.
“Bakit ang lusog mo? Ano ang kinakain mo?” tanong ko sa inihaw na isda na akala mo ay sasagutin ako.
Epekto na yata ng gutom ngunit parang narinig ko siyang sumagot. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat.
“A-nong sabi mo?” tanong ko na may kasamang takot.
“Kainin mo na ‘yan sabi ko at hindi ka mabubusog kung tititigan mo lang,” sagot ng isda sa akin.
Napalunok na lang ako ng laway. Natakot dahil nagsasalita nga ang isda. Parang nawala bigla ang gutom ko. Hindi na lang ako kakain. Baka may prutas na makukuha sa malapit, iyon na lang kakainin ko.
Akmang ibabalik ko na sana sa pagkakatusok sa lupa nang may napansin akong bulto ng katawan na mula sa dilim. Lumapit pa ito sa aking kinaroroonan. Unang sumagi sa isip ko ay baka kawal mula sa Rock Valley at narito upang pugutan na ako ng ulo ngunit nang makalapit na ito nang tuluyan at matamaan ng liwanag mula sa siga ay tumambad sa akin ang isang bata. May kapayatan at kaliitan.
“S-sino ka?” Mahina kong tanong ngunit sapat upang marinig niya.
“Sino ka rin?” balik lang nitong tanong sa akin na may kasungitan ang tono ng boses.
“Ako ang unang nagtanong kaya sagutin mo muna,” matapang kong utos at tinuro ang hawak kong inihaw na isda na parang espada sa kaniya.
Nagagaya ko na ang mga tao rito. Puro turo ng espada.
Nilapag niya ang mga dala niyang mga tuyong kahoy sa lupa at dinagdagan ng mga gatong ang siga. Parang wala lang sa kaniya na may nakaturo sa kaniyang espada, este inihaw pala.
“Ibaba mo nga ‘yan. Para kang hibang,” utos nito sa akin na para bang nakikipag-usap sa mas bata sa kaniya. Kahit ganoon ay parang maamong tupa ko namang sinunod.
Lumuhod siya sa harapan ng ginatungan niyang siga at hinipan. Hindi niya tinigilan hanggang lumakas ang apoy. Nagawi ang abo at usok sa direksyon ko dahilan para ako ay mapaubo.
“Pasensya na,” anito nang huminto na sa ginagawa.
Pagkatapos niyon ay sumalampak siya sa tapat ko. Nasa pagitan lang namin ang apoy. Hinugot niya ang isa sa inihaw na isda sa lupa at matapos maalis ang parteng nangitim ay nag-umpisa na siyang kumain.
Nakatingin lang ako sa kaniya. Pinapanood ang bawat kilos niya. Puti rin ang
“Hindi ka ba kakain?” nagulat ako nang bigla siyang magtanong.
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya at sumagot, “Paano ako kakain? Baka mamaya ay may lason pala ito ay bigla na lang akong matuluyan dito.
Nahinto siya sa pagkain at tinignan ako nang matalim. Salubong ang kilay nang muli kong ibalik sa kaniya ang tingin ko.
“Nagpapatawa ka ba? Kung gusto kitang patayin kanina ko pa sana ginawa. Pinabayaan na sana kitang kinain ng mga malalaking langgam at ng mga mababangis na hayop dito. Kung ayaw mong kumain bahala ka,” nanggagalaiti nitong sabi.
May point naman siya. Biro ko lang naman iyon. Kakain na nga, ito na o.
Sinabayan ko na siya sa pagkain at hindi ko namalayan na nakadalawa na pala ako. Lima ang inihaw na isda at nang isa na lamang ang natitira ay nahiya akong kunin iyon at unahan siya.
“Kunin mo na. Busog na ‘ko,” wika nito.
Napangiti ang kalooban ko. Gutom pa kasi ako at habang kumakain kami ay nararamdaman ko ang unti-unting pagbalik ng lakas ko.
“Sino ka nga pala at bakit narito ka?” usisa ng bata at nakita ko ang mata niyang pinasadahan ako ng tingin.
May laman pa ang bibig ko kaya hindi agad ako nakasagot.
“Sa totoo lang ay mahabang kwento at hindi ko alam kung maniniwala ka sa akin,” sagot ko nang mailunok ang laman ng bibig ko.
“Ang ibig mo bang sabihin ay isa kang kriminal sa sagot mong iyan?” anito na wala man lang pakundangan.
Pansin kong medyo madilim ang pagkakatabas ng dila ng batang ito. Ang sarap tirisin. Kung hindi lang malaki ang utang na loob ko sa kaniya ay baka natiris ko nga talaga pero kalma lang.
“Teka muna, bakit ka nga pala nandito mag-isa sa gubat? Ilang taon ka na ba?”
“Ako ang unang nagtanong hindi ba? Bakit hindi mo muna sagutin ang katanungan ko bago mo ako tanungin?” Nakakairita nitong sagot.
Nakuuu! Talaga naman! James Rivera? Kalma lang, hooo!
“Sige sasagutin ko muna tanong mo pero mangangako ka bang sasagutin mo rin ang mga itatanong ko sa iyo nang maayos?”
“Oo naman, pangako! Wala sa lahi ng mga Amberflow ang bumabali ng kanilang salita,” sagot ng bata.
“Good,” sambit ko at napangiti.
“Anong good?”
“Ang ibig kong sabihin ay mabuti kung ganoon,” paglilinaw ko.
Pinauna ko na siyang magtanong, lahat naman ay sinasagot ko nang may katotohanan. Hindi lang ako sigurado kung totoo ang mga sagot niya. Ayon sa kaniya ay labinglimang taong gulang na raw siya. Ang pangalan niya ay Adrian Amberflow at naroon siya sa gubat upang mamasyal lamang. Nagkataong inabutan siya ng gabi roon dahil sa akin. Nang makita niya raw ako na nakahandusay sa lupa na halos wala ng buhay ay hindi niya ako magawang iwan. Kung ano raw ang dahilan ay hindi niya alam.
Habang nag-uusap kami ay napansin ko na kulay asul ang mga mata niya. Asul na asul gaya ng isang mata ko.
“Paano ka napadpad rito sa kagubatang ito?” kaniyang sunod na tanong.
“Tumakas ako mula sa bilangguan ng Rock Valley,” tugon ko.
Nakita ko ang gulat sa asul na mga mata niya.
“Isa ka nga kriminal kung ganoon! Tama nga ako!” bulalas nito.
“Hindi, gaya ng maraming mga bilanggo roon wala akong ginawang kasalanan kaya naman hindi ako at sila mga kriminal na matatawag. Napagkamalan lang akong espiya,”
“Espiya? Tagasaan ka ba para matawag na espiya?” naguguluhan na tanong nito.
Nawala na ang gulat sa mukha niya. Napalitan ng kuryosidad. Nang sabihin ko na wala akong kinabibilangang kaharian at hindi ako tagarito sa lugar nila ay mas lalo siyang naging interesadong magtanong ng kung ano-ano sa akin. Nahinto lang siya nang makaramdam ng antok at sinabihan na rin akong matulog upang tuluyan nang gumaling ang mga sugat ko.
Taga-Water Valley siya, baka maari niya akong matulungan na kausapin ang pinuno ng lugar na iyon o di kaya ay ihatid na lamang doon para mabalaan sila sa balak ng hari ng Rock Valley.