... JUKE’S POV …
“I didn’t expect you to still come home here after that mess you did again,” sabi ng tinig ni Sophia na narinig ko pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto ng master’s bedroom namin.
I scanned the room and saw her there on her leather brown recliner. Prenteng nakaupo siya roon habang pinapaikot ang yelo sa wine glass. As usual umiinom ang magaling kong asawa, and I can say na tipsy na siya dahil sa namumula niyang mukha.
“Wala bang paparazi sa labas? Or gusto mo lang talaga na magpasikat para bukas ay laman ka na naman ng balita?” aniya pa na hindi tumitingin sa akin. Pinapanood niya ang yelong kanyang nilalaro-laro.
“I’m tired,” sabi ko lang, trying to keep my voice even.
“Tired of what? Ang gumawa ng kahihiyan sa pamilya natin?” tuya niya. Ang tingin niya pa rin ay sa iniinom niyang alak.
Bumuntong hininga ako bago ko maingat na isinara ang pinto ng kuwarto namin. Pagkatapos ay nagtanggal ako ng botones habang papunta sa walk in closet naming mag-asawa. Paraan ko na rin para maiwasan siya. I have no intention of answering or talking to her. Bukas na lang kami mag-uusap kapag matino na ang isip niya -- kapag magkaroon pa ako ng pagkakataon.
Sophia and I have been married for five years. At hanggang ngayon ay tanong ko pa rin sa aking isipan kung ano ang nakain ko noon at pumayag ako na pakasalan siya. Malinaw naman kasi na hindi dahil sa mahal ko siya. Sa totoo lang ay noon ko pa kinakapa ang damdamin ko para sa kanya pero wala talaga. I couldn't feel even the slightest bit of love for her, lalo na ngayon at ganito na ang mga asal niya. Lagi nang mainit ang ulo niya, nagger at puros pagdududa ang alam. Mabait lang kapag may camera sa kanyang harapan at mga tao.
“Doon pa talaga sa Cebu?! Really?!”
Natigil ako saglit sa pag-a-unbutton ng aking polo sa narinig ko. Heto na kasi, start na ng heavy drama. Kulang na lang ay ang tagasigaw ng action na may hawak ng clapperboard.
“Hindi ka na nahiya!” Kasabay ng galit na tinig ni Sophia ay ang tunog ng wine glass na ibinalibag sa pader. Kung bomba siya ay masasabi ko na natanggalan na siya ng safety pin kaya sumabog na. “Hindi na kayo nahiya ng kabet mo! How dare you, Juke!”
My teeth gritted as I close my eyes.
“Hindi mo naisip ang kahihiyan ko! Ang kahihiyan ng pamilya ko!” bulyaw pa sa akin ni Sophia.
Kaysa ang patulan siya ay nagpasiya ako na itinuloy pa rin ang pagbibihis ko. Umakto ako na wala akong naririnig.
“Itong sasabihin ko sa’yo, that woman will not last long! I will kill her! I will drag her in hell if I found her!”
Awtomatiko na naging mabalasik ang mga mata ko pagkarinig ko sa sinabi niyang iyon. Tiim bagang na nilinga ko siya at kinalaban ang mga nagbabaga niyang mga tingin sa akin. Mukha na tuloy siyang mangkukulam dahil sa hitsura niyang galit-galit at sa suot niyang black gown. Iyon pa ang suot niya kahapon noong nagpa-press interview siya. I am wondering now if ilang bote na ng alak ang nainom niya.
“Magpaalam ka na sa kanya dahil oras na mahanap ko ang lungga kung saan mo siya tinatago ay hindi ako magdadalawang isip na paslangin siya!” babala pa niya.
“She's innocent. She is also just a victim here,” napilitan ko na sabi kahit na hindi ko naman kailangang sabihin sana ang mga bagay na iyon. Hindi ko kilala ang babaeng nasa ospital ngayon at binabantayan ni Neil. Kung tutuusin ay wala akong pakialam sana kung ano ang gustong gawin sa kanya ni Sophia. Nga lang kasi ay naramdaman ko na naman ang pagkahabag para sa babaeng iyon. I feel guilty dahil wala siyang kinalaman sa gusot ng buhay ko pero heto at nanganganib na ang buhay niya. Nakaligtas nga siya sa aksidente pero dito kay Sophia ay hindi ko alam kung makakaligtas siya.
“Nagising kami parehas na walang maalala sa nangyari. We had no freaking idea how we ended up together in my car. God knows mag-isa lang ako sa kotse bago ang aksidente. Kung paano napadpad ang babaeng iyon sa tabi ko ay hindi ko alam,” I added.
Malalaki ang hakbang na nilapitan ako ni Sophia. Nagulantang na lang ako nang isang malakas na sampal ang pinakawalan niya at tumawawa sa pinsgi ko. Napabaling talaga ang mukha ko at hindi ko naigalaw agad. Natulala ako saglit.
“How dare you lie to me!” gigil na gigil na duro niya sa akin. Dinig na dinig ko pa ang malalakas na paghinga niya gawa ng pigil na pigil niyang galit sa akin. “Hindi ko na ito mapapalampas, Juke! Sobra na ang kahihiyang ginagawa mo sa akin! Kung akala mo magiging masaya ka pa rin sa babaeng iyon, pwes, nagkakamali ka!”
Bago pa man ako mapagsalita ay nakapag-walk out na si Sophia. Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at hinayaan ko na lang. Mainam nga na umalis na siya dahil kung hindi na ako makapagtimpi ay mapatulan ko na siya. Pasalamat siya at may respeto pa ako sa mga magulang niya. Sila na lang kasi ang iniisip ko kaya hindi ko nagagawang saktan kahit sa salita ang magaling kong asawa. Idagdag pa na may takot din ako kina mama at papa. Hindi basta-bastang tao ang mga biyenan ko. Isang kuto lamang ako sa kanila kung tutuusin. Kayang-kaya nila akong tirisin anytime na gugustuhin nila para sa unica hija nila na si Sophia. Isama na rin ang kadahilanang isa sila sa may pinakalamalaking shares sa TV Network na kinabibilangan ko ngayon. Isang pagkakamali ko lang ay katapusan ko na.
Hinimas-himas ko na lang ang aking panga nang tumahimik ang kuwarto. Napapaisip ako ng malalim, hindi ko na alam kung paano lulusutan ito sa ngayon. Dalawang endorser ko na raw ang nag-back out daw dahil sa issue sabi ng manager ko. Tinatanggal na raw nila akong ambassador nila dahil hindi na raw maitatanggi pa na may kabet nga ako.
Ilang beses na nasipa ko ang enclosure ng walk in cabinet nang wala sa oras. Kulang na lang ay umusok na talaga ang ilong ko sa sobrang inis, at mas marami ang inis para sa aking sarili. Ang tanga-tanga ko para gawin ang bagay na iyon. Darn it!
“Sorry, Sir.” Nang bigla ay narinig ko na tinig.
Isang kasambahay ang nalingunan ko. Bumwelta agad siya. Malamang nakita niya kung paano ko ibinuhos ang galit ko sa enclosure.
“Aiza, akin na lang ‘yan,” kako sa kanya bago siya makaalis. Napansin ko kasi agad na may hawak siya na alak. Siguro inutusan ito ni Sophia kanina.
“Po?” Nag-alangan siya.
“Ilapag mo sa lamesa,” utos ko.
“S-sige p0.” Kiming tumalima siya. Nakita niya ang basag na baso pero iyon man ay alangan niyang pulutin or linisin. Tahimik na lang siya na umalis.
Nilapitan ko ang imported na alak. Wala nang baso-baso na tinungga ko iyon. Napangiwi ako sa tapang.
“Sana kasing tapang kita,” pagkuwa’y kako sa alak. Syempre hindi agad ako natamaan. Nababaliw na malamang ako.
Umupo ako sa kinauupuan kanina si Sophia. Hanggang sa hindi ko namalayan ay iniisip ko na ang babaeng nasa hospital. Ang mataray na babaeng iyon. Sana lang talaga ay tanggapin na niya ang offer ko para kahit paano ay mabawasan ang mga problemang ito. Ang paglayo niya ang siyang tanging makakabawas sa mga nagkakabuhol-buhol na problema ko gawa ng lintik na aksidente na iyon.
Alam ko wala siyang ginawa, wala siyang kasalanan sa nangyari, gayunman ay hindi makakatulong iyon para sa kanyang buhay kung sakaling gagawin nga ni Sophia ang banta kanina. Delikado ang buhay ng babaeng iyon kung makikipagmatigasan siya.
“Neil, how is she? What did she say? What was her decision?” tanong ko kay Neil nang hindi ko napigilan ang sarili ko na kumustahin ang dalawa. Namalayan ko na lamang na kausap ko na phone ang aking abogado.
Earlier, before I was released from the hospital, I made sure the woman was safe. Sinabihan ko talaga si Neil na bantayan ang babae. Siya na ang bahala kako at gawin niya ang lahat ng makakaya niya para mapatahimik ang babaeng iyon.
“Huwag kang mag-alala dahil mukhang bumibigay na siya,” Neil replied after a few seconds. Natagalan siya na sumagot dahil lumabas pa yata sa kuwarto ng babae.
“Good then,” sabi ko na natuwa konti. “Pero hangga’t hindi sure ay ikaw na muna ang bahala sa kanya. Do not leave her. At paki-remind ang hospital sa naging kasunduan namin.”
“Bakit? Nagkatotoo ba ang hinala natin na gustong gawin ni Sophia?”
Buntong hininga ang itinugon at alam ko na naunawaan na iyon ni Neil.
“Kawawa naman si Kai kung gano’n,” aniya na puno ng guilt ang tinig.
“Nangyari na ang nangyari. Aksidente iyon kaya wala tayong magagawa. At least tinutulungan pa rin naman natin siya. As long as Sophia can't find her, she's safe.”
“Yeah, you’re right. Pero hanggang kailan kaya na maitatago natin siya?”
Hindi ako nakasagot kasi ay hindi ko rin alam. Isa lang ang sulosyon niyon, iyon ang magpakalayo-layo si Kai Suarez. Either magtungo siya sa ibang bansa or in a distant province.
“At saka si Lu---“
“Ayoko muna siyang mapag-usapan,” pagpuputol ko sa sasabihin sana ni Neil. Mas nahihirapan kasi ang aking kalooban. Iyong feeling na ginawa mo ang lahat pero wala pa ring naging saysay kaya ang sakit.
“Sorry,” sabi na lamang niya.
Nang natapos ang pag-uusap namin ay itinuloy ko ang pag-iinom. Hanggang sa naisip ko na buksan ang flat screen TV upang magkaroon ng ingay ang paligid ko at matigil na ang kung anu-anong pumapasok sa isip ko na mga bagay-bagay. Wala pa ang issue na ito sa mga napagdaanan ko sa buhay. Hindi ako naging magaling na actor kung hindi ko kayang laruin ang mga emosyon ko.
"Actress na si Lucyle Alviar, hindi na itutuloy ang ginagawang movie para sa MMFF dahil sa isang aksidente sa shooting noong nakaraang linggo,” pagbabalita ng isang sikat na anchor na siyang umagaw bigla sa aking atensyon. “Ayon sa actress ay masama ang loob niya na iwanan ang napakalaking project na ipinagkatiwala sa kanya, pero dahil sa epekto ng aksidente na iyon na siyang ikinabale ng kanyang kanang tuhod ay kailangan niyang magtungo sa ibang bansa upang ipagamot ito.”
Sa narinig ko ay lalong nakusot ang mukha ko. Gani-gani kong naibato ang hawak kong bote ng alak sa TV nang na-focus ang mukha ni Lucyle roon. Damn her!…..