Alas singko pa lang ng umaga ay gising na ako kahit na hindi naman ako masyadong nakatulog kagabi. Hindi ako pinatulog ng mga nangyari. Pagkatapos no'ng pagtanggi sa akin ni Mishari ay hindi na kami muling nag-usap. Tumalikod nga siya sa akin no'ng matutulog na at kahit gusto kong yumakap sa kaniya, hindi ko ginawa. Pakiramdam ko nga kagabi ay ang layo-layo niya sa akin kahit na nakahiga lang kami sa iisang kama. Mabuti pa nga siya, nakatulog siya nang maayos, eh. Samantalang ako ay hindi ko man lang naranasanang managinip dahil mulat na mulat ako. Alam ko naman sa sarili ko na wala naman akong kasalanan, ngunit bakit gano'n siya? Natiis niya akong hindi yakapin buong magdamag. Hindi naman siya gano'n. Naiintindihan ko na galit siya o baka nasaktan pa, ngunit hindi ko naman ginusto iyon