3rd Person POV
SA SIMBAHAN malapit sa Clift Royal Beach Resort ang ikatlong pagkikita nina Sam at Renzo.
Muling umupo si Sam matapos siyang lumuhod at nanalangin sa altar pagkuwan ay naramdaman niya ang mainit na hangin na dumadapo sa kaniyang tenga.
“Kanina pa nakatitig si Renzo sa’yo, Miss Samantha,” bulong ng katulong nito na si Yaya Sally habang palihim na tinuturo ng hinlalaki ang kamay nito sa direksyon ni Renzo na nasa likuran nila.
“Hayaan mo na nga muna siya, Yaya Sally.” Mabilis na tumayo si Sam mula sa kaniyang kinauupuan at tumalikod upang harapin si Renzo ngunit hindi niya iyon nasumpungan.
“Wala naman pala si Renzo, Yaya Sally. Halikana…” mabilis na hinablot ni Sam ang kamay ng katulong niya mula sa kaniyang likuran, “…at baka ma-late pa ako sa office—” napahinto ang dalaga nang may kakaiba sa kamay ni Yaya Sally.
Ang laki naman yata ng kamay ni yaya?
Hinarap iyon ni Sam at mabilis niyang binitawan ang kamay nang makita niya ang lalaking nagpapatibok ng kaniyang puso.
“I heard you were looking for me, Miss Samantha?” matamis na ngiti ang binigay ni Renzo kay Sam kaya naman nanigas sa kinatatayuan ang dalaga dahilan ng pagsara ng mga bibig niya.
Mga ilang segundo ay may humila sa braso ni Sam kaya bumalik sa huwisyo ang dalaga, “Late na tayo, Miss Samantha,” malakas na wika ni Yaya Sally upang marinig ng binata iyon.
Pagkalabas ng simbahan ay humugot nang malalim na hininga si Sam at dahan-dahang nilabas ang hangin ngunit dama niya pa rin ang lakas na kabog ng puso niya.
“You saved me, Yaya Sally. Thank you,” aniya habang nakapatong ang kamay sa dibdib niya.
“Alam mo Miss Samantha, halata ka eh,” natatawang wika ng katulong nito sa kaniya.
Napadilat ng mga mata si Sam dahil sa sinabi nito.
“Talaga Yaya Sally?”
“Hindi mo alam kung paano mo itago ang nararamdaman ng puso mo…” nilapat ng katulong ang daliri niya sa gitna ng dibdib ng dalaga, “…para sa kaniya.”
Huminto ng paglakad si Sam matapos niya marinig ang sinabi nito.
“May alam ka bang paraan upang mapigilan ang nararamdaman ko sa kaniya?” tanong niya kay Yaya Sally.
“Kailanman ay hindi natin mapipigilan ang damdaming iyon, Miss Samantha. At lalong lalo na hindi natin kayang kontrolin ang puso natin,” sagot nito sa kaniya.
“Pero ito lang ang masasabi ko sa’yo Miss Samantha, hayaan mo muna ang sarili mo na maramdaman mo iyon. Subukan mong kumilos nang natural kapag nakikita at nakakasama mo siya. Alamin mo rin kung pareho kayo ng nararamdaman para sa isa’t isa at kung magkagayon, siyasatin mo ang taong iyon kung gaano ka niya kamahal at kung gaano ka niya pinahahalagaan. Dahil sa panahong ito, kung sino pa ang mas nagmamahal ay iyon pa ang madalas na naiiwan,” dagdag nito at muli silang nagtungo papuntang opisina.
Tatlumpung taon ang agwat nina Sam at Yaya Sally kaya tinuring na rin ng dalaga na pangalawang ina ang katulong dahil kasama na niya ito simulang namulat siya sa mundo. Kung tutuusin ay mas close pa nga sila ng katulong niya kaysa sa sarili niyang ina.
***
“We’ll call you Miss Fuentes kapag nakapag-down na kami for reservation. Maganda ang resort niyo at sigurado akong magugustuhan ito ng lola namin dahil napaka-memorable sa kaniya ang lugar na ito,” maligayang salaysay ng babaeng kliyente ni Sam.
Out of curiosity ay nagtanong ang dalaga kung bakit nasabi iyon ng kliyente sa kaniya.
“Do you mind Miss Cynthia if puwede kong malaman bakit gano’n ka memorable ng lola niyo ang resort na ito?” tanong ni Sam sa kanila at tinanggal ang suot niyang salamin mula sa kaniyang mga mata.
Ngumiti ang kliyente kay Sam dahil sa kuryusidad ng dalaga. Lumapit si Miss Cynthia sa bintana ng venue at sinundan ni Sam ang kliyente. Malakas na hangin ang sumalubong sa kanila nang buksan niya ang bintana. Tanaw nila mula sa venue ang palubog na araw na ang ilaw nito ay nagbibigay liwanag sa dagat at kitang-kita ang nakakaakit na pulang ulap.
“Nakita mo iyong parang cliff diving area?” turo ng kliyente sa kaniya.
Napadilat si Sam nang makita niya muli ang lugar na tinuro ni Miss Cynthia, dahil sa lugar na iyon nagsimulang tumibok ang puso ni Sam.
“Doon sila unang nagkakilala ng lolo ko, pitumpu’t limang taon na ang nakalipas,” ngiting wika nito sa kaniya.
Napahinto si Sam dahil hindi niya akalain na nangyari rin iyon sa kaniya no’ng unang nakilala niya si Renzo.
“Limang taon na rin ang nagdaan nang namayapa na si lolo. Sa sobrang pagdadalamhati ni lola ay madalang na lang niya kami kinakausap hanggang sa nagka-Alzheimer’s disease siya. Kaya napagpasyahan namin na dito sa resort na lang gaganapin ang ika-isang daang kaarawan niya at nagbabakasakaling maalala niya pa kami.” Pinahid ni Miss Cynthia ang mga namumuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata matapos niyang ikuwento ang nangyari sa lola niya.
Humarap si Sam sa kliyente niya at hinawakan ang braso nito.
“Sigurado akong matutuwa ang lola mo pag dito gaganapin ang event at maalala na niya kayo,” ngiting sabi ni Sam upang gumaan ang loob ng kaniyang kliyente.
Habang nag-uusap sila ay biglang dumating ang isang babaeng staff ng resort at mukhang malayo ang tinakbo nito dahil naghahabol hininga nang dumating ito sa harap niya.
Napahawak ng dalawang tuhod ang babae bago magsalita.
“Miss Samantha,” habol hininga nitong sambit sa pangalan ng dalaga.
Napawi ang ngiti sa mga labi ni Sam nang biglang pumasok sa isip niya na baka muling may nangyaring masama sa ama niya.
“Ang daddy mo—”
Hindi pa natapos magsalita ang staff ay biglang nagpaalam si Sam sa kaniyang kliyente at mabilis na tumakbo papuntang opisina ng daddy niya.
Pagdating niya sa labas ng opisina ay nakita niya ang isang van ng ambulansya. May kung anong lakas na kabog ng dibdib ang naramdaman niya kasabay ng pagtayo ng kaniyang mga balahibo nang makita niyang binuhat ng stretcher ang daddy niya papasok sa ambulansya.
Lumapit siya sa van at pumasok upang tingnan ang lagay ng kaniyang ama. Nakita niya ang mommy niyang nakaupo katabi ng daddy niya.
“Inatake ulit sa puso ang daddy mo, anak,” mangiyak-ngiyak na wika ng ina niya.
Limang taong may sakit na coronary artery disease ang daddy ni Sam at nangangamba siya na baka mas lalong lumala ang kalagayan ng kaniyang ama dahil no’ng nakaraang buwan lang ang huling atake nito sa puso. Pinasabihan na rin ito ng doctor na kailangan nang operahan ang baradong ugat ngunit mas inuna nito ang negosyo kaysa sa kalusugan.
Biglang pumasok ang nars sa loob ng ambulansya.
“Tanong ko lang po pangalan ni sir?” tanong ng babaeng nars habang dala ang itim na clipboard.
“Gabriel Fuentes is his name.” Mabilis na sagot ni Caroline Fuentes na ina ni Sam.
Pinababa ng sasakyan si Sam dahil isang lang ang maaaring pumasok at samahan ang pasyente. Pagkaalis ng sasakyan ay biglang tumulo ang mga luha ni Sam.
“Please be strong dad,” usal niya sa kaniyang sarili habang pinagmamasadan ang palayong ambulansya.
“Sam!” Napalingon siya nang marinig ang pamiliar na boses sa likod niya.
Nabigla ang dalaga sa nakita niya kaya kaagad na pinahid ng kaniyang palad ang luhaang mga mata. Inayos niya rin ang kaniyang sarili bago siya magsalita .
“Ano ginagawa mo rito, Renzo?” tanong nito sa binatang kararating lang at napansin niyang humahangos ng hininga ito dahil sa katatakbo.
“Are you okay?” hingal na tanong nito kay Sam.
Hindi maipinta sa puso ng dalaga ang naramdaman niya dahil sa pag-aalala ni Renzo sa kaniya.