NAKATULALA si Sianna sa kaniyang silid habang nakaupo siya sa kama. Kahit bali-baliktarin man ang mundo, malinaw pa rin na naibigay niya sa ibang lalaki ang kaniyang iniingatang p********e.
At kahit anong iyak niya, hindi na iyon maibabalik pa.
Kaya heto siya ngayon, tulala sa kawalan.
Napaiktad siya nang mag-ingay ang ringtone ng kaniyang cellphone. Dahil napakatahimik sa loob ng kaniyang silid, kaya naman ang lakas ng impact ng ringtone niya.
Ang kaniyang ama ang tumatawag sa kaniya.
Dinampot niya ang kaniyang cellphone at huminga muna nang malalim bago iyon nagawang sagutin.
“Yes, ‘Pa?” agad niyang bungad na sinikap na ayusin ang boses.
“Umuwi ka ngayon dito sa bahay. Ngayon na,” matigas at galit niyong wika.
Kumunot ang kaniyang noo. “N-ngayon na po?” Pero wala siya sa mood umalis o magkikilos. Lalo na at hindi maayos ang kaniyang pakiramdam.
Stress na ang pakiramdam niya, mas lalo pang na-stress dahil sa mga sinapit niya.
“Narinig mo naman siguro ang sinabi ko. Bilisan mo.”
Magsasalita pa sana si Sianna nang pagpatayan na siya ng tawag ng kaniyang amang si Juancho.
Nakaligo na naman siya kanina nang dumating siya sa kaniyang condo unit kaya nagbihis na lamang siya. Iyong kumportable siyang gumalaw. Lalo na at masakit pa rin ang pagitan ng mga hita niya.
Nang makitang presentable na ang hitsura niya suot ang isang white dress, tipong naitago rin ng makeup ang stress niyang nararamdaman, ipinasya na niyang umalis.
Sa isang hindi kasikatan na subdivision nakatayo ang bahay ng kaniyang ama. Dalawang palapag iyon ngunit hindi malaking-malaki. Isang sasakyan lang din ang kasya sa may garahe kaya naman sa labas ng bakuran niya iginarahe ang kaniyang kotse.
Kung siya lamang ang masusunod ay ayaw niyang tatapak pa sa lugar na iyon. Pero ano ang magagawa niya? Para ngang galit na galit pa ang kaniyang ama at hindi niya maintindihan kung bakit?
Pagpasok na pagpasok pa lamang niya sa bahay na iyon ay sinalubong pa siya ng kaniyang ama ng isang malutong na sampal.
Daig pa niya ang animo nayanig ang buong mundo na kung hindi siya handa ay baka bumulagta na siya sa sahig. Mabuti na lamang at agad niyang naibalanse ang kaniyang katawan.
Tumiim ang kaniyang mga labi dahil sa tinamong malakas na sampal.
Talagang gusto na yatang putulin ng kaniyang ama ang pagiging anak niya rito. Kaunti na lamang talaga at bibingo na ito sa kaniya.
Nahawakan niya ang kaniyang pisngi na para bang nangapal pa ang pakiramdam. Puno ng pagtataka ang mga mata niya nang tingnang muli ang ama.
“B-bakit—”
“How dare you, Sianna? Ganiyan ba kitang pinalaki?!” singhal pa nito sa kaniya.
“A-ano ho ba ang kasalanan ko?”
“Ano?” gagad ng kaniyang madrasta na sumulpot galing sa kusina. “Rose!” tawag nito sa anak nito.
Napatingin si Sianna sa may hagdanan nang buhat sa taas niyon ay makitang bumaba si Rose.
Natigilan pa siya nang makitang may blackeye pa ito sa isa nitong mata. May kalmot din sa pisngi nito at pasa sa braso.
“Tingnan mo ang ginawa mo kay Rose!” bulyaw pa sa kaniya ni Emma. “Makatarungan ba ‘yan?”
Tumiim lalo ang mga labi niya. At sa halip na makaramdam ng ano mang takot ng mga sandaling iyon ay nakuha pa niyang tumawa nang sarkastiko.
“Ano ‘yan, Rose? Drama mo?”
Napaigik si Sianna nang walang habas na haklitin ni Emma ang kaniyang isang braso. Ang mga mata nito ay naniningkit habang nakatingin sa kaniya.
“Nakuha mo pang magsalita ng ganiyan? Matapos ng ginawa mo kay Rose?”
Marahas niyang binawi ang kaniyang braso at umatras palayo sa kaniyang madrasta na si Emma.
“Ikinuwento mo na ba sa kanila kung paano mo nakuha ‘yan, Rose?” baling pa niya sa kaniyang stepsister.
Lumapit si Rose sa kaniyang ama at kumapit sa kaliwang braso niyon na akala mo ay takot sa kaniya.
At ang anak ng tokwa, akala mo ay best actress na inapi ang hitsura. Gusto niyang masuka sa inaaksiyon ni Rose.
“Hindi mo matanggap na nagising na sa katotohanan si Wil kaya galit na galit mo akong binugbog nang makita mo akong nasa bahay niya,” wika pa ni Rose. “Nagalit ka dahil ako na ang mahal niya at hindi na ikaw. Ako na rin ang pakakasalan niya Sianna at hindi ikaw.”
Akala ba ni Rose ay iiyak siya dahil sa sinabi nitong iyon? Na maglulupasay siya dahil ito na ang pipiliin ni Wil at hindi na siya?
Hindi ba nito alam na ganoon lang din kadali na mawala ang amor niya kay Wil? Na hindi niya ito para habulin pa?
Na hindi na rin talaga matutuloy ang kasal nilang dalawa dahil siya ang unang umayaw?
Napatawa na naman siya nang mapakla. “Talaga? Then, congrats. Bagay na bagay naman kayong dalawa kung sakali man. Parehas na makati.”
“Ang bunganga mo, Sianna!” singhal ng kaniyang ama sa kaniya.
“Bakit? Hindi ho ba?”
Ngayon niya mas itatatak sa kaniyang isipan na talagang wala na siyang aasahan na isang ama. Mas nagpapakaama pa ito ngayon sa hindi naman totoo nitong anak. Paniwalang-paniwala rin ito sa mga drama ni Rose.
At siya? Para bang mas mukha pa siyang kontrabida sa bahay na iyon. At iyon ang isa sa pinakamasakit na katotohanan.
“Nasa pamamahay kita kaya matuto kang lumugar.”
“Sino ho ba ako sa buhay ninyo, ‘Pa? Bakit mas mukha akong sampid sa buhay mo kaysa riyan sa babaeng ahas na ‘yan?”
“Hindi ka ba talaga titigil?”
“Kayo ho ang nagpapunta sa akin dito sa pamamahay ninyo. Tapos ano? Para lamang pagalitan dahil mukhang kawawang-kawawa ‘yang babaeng ‘yan? Kung hindi ba naman ‘yan malandi na akala mo ay nauubusan ng lalaki sa mundo, magkakaganyan ba ‘yan?”
“Hindi mo ba talaga makuha na ako na ang mahal ni Wil at hindi na ikaw?” ani Rose na tumapang na rin ang mukha pero hindi lumalayo sa kaniyang ama. “Papa,” baling pa ni Rose sa kaniyang ama. “Magagalit po ba kayo kung ako na ang pakakasalan ni Wil? Nararapat lang naman po na ako ang piliin niya lalo na ngayon na nagdadalang tao ako.” Humawak pa si Rose sa tiyan nito. Kapagkuwan ay tumingin kay Sianna na para bang nang-iinsulto sa kaniya.
Buntis na si Rose? At si Wil ang ama?
Parang lalo siyang sinaksak sa kaniyang likuran. Kung ganoon, matagal na talagang mayroong namamagitan sa mga ito habang siya ay walang kaalam-alam.
“Nagulat ka ba?” uyam pa ni Rose kay Sianna.
“Kung buntis ka, anak,” ani Emma nang lapitan din si Rose. “Dapat lang na panagutan ka ni Wil. ‘Di ba, Juancho?”
Tumikhim ang kaniyang ama. “Papuntahin mo rito si Wil,” baling nito kay Rose.
Wala talaga siyang simpatya na makukuha mula sa mga ito.
Siya ang niloko, pero ang ama niya, para bang siya pa ang kontrabida. Sobrang nakakasama ng loob. May ganito pa palang klase ng isang ama.
Pinigilan ni Sianna ang mapaiyak sa harapan ng mga ito at ipakita ang nanghihina ng side niya.
Baka lalo lang siyang tawanan ni Rose.
Noon pa man, iba na ang dating sa kaniya ni Rose. Gusto talaga niyang isipin noon na mang-aagaw ito ng atensiyon at mga bagay na nasa kaniya.
Ang atensiyon ng kaniyang Papa Juancho ay malinaw na narito na. Ang kuwarto nga niya sa bahay na iyon ay ito na rin ang gumagamit. At ngayon, mas pinatunayan nito ang pagiging mang-aagaw nito dahil pati ang nobyo niya, nagawa nitong agawin ng wala siyang kamalay-malay.
Isang tingin pa sa mga ito bago wala ng paalam pa na nilisan niya ang bahay na iyon. Parang sinasakal doon ang kaniyang pakiramdam.
Napahinto lang siya sa paglabas sa may gate nang pigilan pa siya ni Rose sa kaniyang isang braso. At humabol pa talaga ito sa kaniya.
“How’s that, dear step sis?” maarte pa nitong wika.
Nang lingunin ito ni Sianna ay marahas niyang binawi ang kaniyang braso na hawak nito.
“How’s that?” gagad niya. “Nakakadiri ka.”
“Nakakadiri? O baka naman ngayon pa lang ay nanlulumo ka na dahil hindi na mapupunta sa iyo si Wil? Imagine, ginto na, naging bato pa. Saan ka makakahanap ngayon ng kasing yaman ni Wil na willing ibigay sa iyo ang lahat? Sa akin na siya ngayon, Sianna. Kawawa ka naman.”
Naningkit ang mga mata niya dahil sa sinabing iyon ni Rose.
“Ang sabihin mo, mukha kang pera. Sa ating dalawa, hindi ako ang nakakaawa, Rose. Kung ‘di ikaw. Masyado kang attention seeker. Mang-aagaw. Ahas. Lahat na ng puwedeng idikit sa pangalan mo. Akala mo, nakatisod ka na talaga ng ginto? Well, good luck sa iyo kung hindi mo dadanasin ang dinanas ko kay Wil. At least ako, kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. Eh, ikaw? Asa ka lang naman sa sarili kong ama.”
Kitang-kita ang pagtitimpi sa mukha ni Rose nang tuluyan itong talikuran ni Sianna.
Pero muli siyang napahinto sa paghakbang palayo rito at nilingon ito.
“Ilang babae kaya ang ikakama ni Wil kapag nagsawa na siya sa iyo? Galingan mo ang pagkakagapos kay Wil sa baywang mo. Baka makawala.”
“f**k you, Sianna!” galit na galit na bulyaw ni Rose.
Nakuha pa niya itong ngisian. Sa pamamagitan man lang niyon ay makaganti siya rito. Na wala rito ang huling halakhak para sa araw na iyon.