Point of view
- Angelica Sandoval -
Ang Belmonte University ay isa sa malalaking unibersidad sa pilipinas. Masasabi kong mga mayayaman at elite student ang mga nandito.
Ang unibersidad ay may iba't ibang baitang sa pag-aaral. Mayroon itong: Elementary, Junior High, Senior High, at college.
Kasalukuyan akong nakabilang sa Senior-High student. Na-late ako ng isang taon sa pag-aaral dahil na rin sa nararanasan kong pambu-bully noon sa public school na aking pinag-aralan.
Dahil sa trauma, hindi ko alam kung paano ko pa maibabalik ang aking isip sa pag-aaral. Ngunit ang lahat ng iyon ay tapos na. Ang lahat ng iyon ay binaon ko na sa nakaraan. Natuto na akong maging matatag ngayon, ngunit sana, hindi ko muling maranasan ang sakit na naramdaman ko noon.
Aminado naman ako na tampulan ako ng katatawanan ng aking mga kaeskwela. Marami ang lumalayo sa akin at hindi ninanais na maging kaibigan ko dahil sa aking mukha.
Makapal ang talukap ng aking mga mata na animoy namamaga. Ang aking ilong ay hindi matangos at may kalaparan, tipikal para sa isang pilipino. Ang aking labi ay full lips na aminado naman akong makapal. At ang aking kilay ay tila parang buhay mo, magulo. Charot!
Isa pa sa kinaiinisan ko sa aking mukha ay ang aking baba na talaga namang may kahabaan. Sige, alam ko naman talaga na hindi ako maganda. Kung tawagin ako noon ay halimaw. Ngunit naniniwala ako na ang kagandahan ay hindi nakikita sa panglabas na anyo, kung hindi nasa kabutihan ng puso.
***
Sinimulan kong ihakbang ang aking paa papasok sa gate ng Belmonte University.
Mapapansin na ako lang ang naglalakad sa mga estudyanteng nandito, dahil lahat sila ay nakakotse, ngunit kahit ganoon, hindi naman ako nakaramdam ng kahit anong inggit.
Maaliwalas at maganda ang paligid ng eskwelahan na ito. May mga nakahilerang puno sa magkabilang gilid ng kalsada na iyong daraanan. Kapag dumiretso ka naman nang tingin makikita mo ang isang malaking rebulto ni Rizal.
Upang makarating sa iba't ibang gusali, kakailanganin mong sumakay sa E-Jeep upang makatungo sa lugar na nais mong puntahan. Ganito kalaki ang unibersidad na aking pinasukan. Isang unibersidad na pinapangarap ng karamihan at hindi lahat ay pinapalang makapasok, kaya hindi ko sasayangin ang pagpapa-aral sa akin ni mommy.
Upang i-welcome ang mga bagong estudyante sa Belmonte University, tinawagan kaming lahat upang magtungo sa auditorium para sa welcome ceremony.
Agad naman akong nagtungo doon at humanap ng aking mauupuan. Nagsimulang magsalita ang mga professor at faculty members. Isa-isa silang nagpakilala. Hanggang sa isang pamilyar na mukha ang nagsimulang humakbang sa malaking entablado ng auditorium na ito.
Nanlaki ang aking mga mata nang malaman kong siya pala ang may-ari ng buong unibersidad – si Sir Homer Monteverde, iyong lalaking naka-engkwentro namin ni mommy.
Agad akong napayuko dahil sa kaba na baka ako ay makita niya. Ngunit matapos magsalita, agad din siyang umalis.
Nakahinga naman ako nang maluwag nang mawala siya sa aking paningin.
Nang matapos ang welcome ceremony, sinabihan kaming magtungo na sa kanya-kanya naming room. Tiningnan ko ang registration paper ko. Elite Building. Section A. Room 305 ang sa akin.
Ang ibig sabihin ng numerong 3 ay pangatlong palapag ng gusali na nagngangalang Elite.
Sinimulan kong lumakad. At dahil ang gusaling Elite ay nasa kabila pa, naghintay ako ng E-jeep upang doon sumakay. Nang ito ay dumating.
"Good morning po," pagbati ko sa driver.
Pinili kong umupo sa dulo ng upuan sa may tabi ng hawakan. Hanggang sa maya-maya lang, nagdagsaan ang mga estudyanteng sumasakay sa E-jeep. Napapansin ko rin ang panay nilang paglingon sa akin at sa tuwing tinitingnan nila ako, nagbubulungan sila saka impit na tumatawa.
Naramdaman ko ang hiya sa aking puso, kaya marahan kong niyuko ang aking ulo. Hindi naman ako t*anga para hindi malaman kung bakit sila natatawa.
"Excuse me, pwede ba ako rito?"
Muli kong naitaas ang aking ulo nang makarinig ako ng isang mahinhing tinig ng babae. At nang makita ko ang mukha ng babaeng ito, tila nakakita ako ng isang anghel na bumaba sa langit.
May maputi at makinis siyang kutis. Manipis ang labi at may maamong mukha. Isa lang ang masasabi ko sa kanyang hitsura, napakaganda niya.
"Mis?"
Naputol ang aking iniisip nang muli siyang magsalita, noon ko lang napansin na bakante na pala ang tabi ng aking kinauupuan.
"S-Sige lang, u-upo ka lang, mis," nauutal kong wika dahil sa nararamdaman kong hiya.
"Bago ka rin ba rito?" panimula niya.
"O-Oo," tugon ko.
"Same pala tayo." Isang maganda at matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mukha at dahil doon napangiti rin ako sa kanya. Mukha siyang mabait at iba sa mga babae na kasama namin dito sa e-jeep. "Ako nga pala si Alice," wika niya sabay lahad ng kanyang palad sa aking harapan.
Nanginginig ang aking kamay at may alinlangan ko itong tinanggap.
"A-Ako si Angelica Sandoval," tugon ko.
Hindi ko akalain na magiging magaan ang aking loob sa babaeng iyon. Sa buong minuto ng byahe namin sa e-jeep, hindi ako nakaramdam ng pagkabagot.
Mabait siya at ngayon pa lang, nais ko na siyang maging kaibigan. At dahil mapaglaro ang tadhana, sino ang mag-aakala na si Alice at ako ay magkaeskewla?
Masaya ako dahil nagkaroon agad ako ng kakilala sa loob ng classroom.
***
Nagpatuloy kami sa kwentuhan ni Alice habang nasa loob ng classroom. Dahil unang araw ng klase, lahat ng estudyante ay maingay at kanya-kanyang nagpapakilala sa isa't isa. Ngunit isang pagsigaw ang kumuha sa aming atensyon.
"Nandito na siya!" sigaw ng isang lalaki na aming classmate.
Tila may dumaang anghel sa paligid. Nagsimulang tumahimik at lahat ay nakatutok sa entrada ng aming classroom, nag-aabang kung sino ang tinutukoy ng lalaking iyon.
Maya-maya lang, isang hakbang ng paa ang aming nakita. Dalawang babae ang pumasok sa pinto ng aming classroom.
Parehong maganda ang kanilang mukha, ngunit mataray at maangas ang dating nila. At sa tingin ko, parehong may pagkakikay ang dalawa dahil sa kanilang pananamit.
Nang tuluyan na silang makapasok, tumayo sila sa unahan habang nasa kanilang likod ang blackboard.
Hanggang sa marinig naming muli ang isang paghakbang na nagmumula sa pinto ng classroom.
"Si Ms. Patricia," bulong ni Alice, dahilan upang mapalingon ako sa kanya.
Marahan akong lumapit sa kinaroroonan nya dahil kalapit ko lang ang kanyang upuan.
"Sino si Patricia?" pabulong kong tanong.
"Siya ang anak na babae ng may-ari ng school na ito, si Sir Homer Monteverde."
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang bagay na kanyang sinabi.
"Wow!" sabay-sabay ang pagsinghap ng mga estudyante na aming kasama nang tuluyan naming makita ang kanyang pagpasok.
Muli akong napalingon sa babaeng ngayon ay kapapasok lang sa aming classroom.
Pakiramdam ko ay nakakita ako ng isang prinsesa mula sa fairytale. Full bangs ang kanyang buhok. Mahaba ito at nakapaikot na kulot ang dulo. Manipis at ayos na ayos ang kanyang kilay. Maging ang labi nito ay mamula-mula at manipis.
Tila isang babae sa isang libro ang nakatayo sa aming harapan. napakagandang nilalang, dahilan upang mapatulala ang mga tao.
"Good morning, eyeryone. Ako si Patricia Monteverde. You can call me Patty," saad niya sa amin, saka nagbigay ng isang matamis na ngiti.
Mas mukha siyang mabait kaysa sa kanyang mga kasama. Sa tingin ko, mas bagay sa kanya ang pangalang Angel dahil sa mala anghel niyang mukha. Hindi gaya sa tulad kong mukhang halimaw.
***
Nang matapos ang klase, nagtungo kami ni Alice sa isang icecream shop na nasa canteen, saka kami nagtungo sa bench na nasa ilalim ng puno.
Panay ang aming kwentuhan at kung kung saan-saan nakarating ang aming usapan. Tanging tawanan lang ang pumapagitan sa aming dalawa. Pakiramdam ko, ngayon lang ako nagkaroon ng isang kasama na masasabi kong kaibigan.
"Sandali lang, kukuha ako ng tubig," pagpaalam ko kay Alice matapos ang aming pagtawa.
Ngunit sa aking pagtayo, hindi ko akalain na parating pala ang babaeng si Patty. Naglalakad ito kasama ang dalawa niyang kaibigan.
"Ouch!" wika ni Patty.
Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto kong naidikit ko ang hawak kong ice-cream sa suot niyang vest.
Tila huminto ang mundo dahil sa nangyari. Maging si Alice ay malakas na napasinghap nang masaksihan ang aking nagawa.
Nagsimulang tumibok nang mabilis ang aking puso dahil sa kaba na aking nararamdaman.
"Oh my gosh!..." saad ng isang kasama ni Patty.
"S-Sorry," wika ko.
Nagbabakasakali na mapatawad niya ako sa aking nagawa. Hindi ko matingnan nang diretso ang kanyang mukha. Pakiramdam ko ay nanliliit ako dahil sa nangyari.
Nakuha rin namin ang atensyon ng mga estudyante, dahil ang lahat ng ito ay nakatingin sa aming kinaroroonan.
"It's okay," narinig kong wika ni Patty.
Dahil sa kanyang sinabi, agad akong napatingin sa kanyang mukha na may pagtataka. Inakala kong kagagalitan niya ako at sisigawan, ngunit nagkamali ako.
Isang matamis na ngiti ang binigay niya sa akin.
"Are you okay?" nag-aalala niyang tanong. "Sa susunod mag-iingat ka, ha?" paalala niya sa akin.
Nagsimula siyang lumakad na animoy walang nangyari. Sinundan ko lang siya ng tingin at halos hindi makapaniwala.
Tulala akong bumalik sa pagkakaupo habang hinahabol ng tingin ang kanyang likod.
"Grabe, hindi lang siya mukhang anghel, ugaling anghel din siya," wika ko.
Tumango-tango naman si Alice sa akin bilang pagsang-ayon.
***
Point of view
- Patricia Monteverde -
"I can't believe na hinayaan mo lang na makalagpas ang ginawa ng pangit na 'yon sa mamahalin mong damit, Patty?" saad ng aking kasama.
Kasalukuyan kaming nasa loob ng washroom dahil nililinis ko ang aking mukha. Marahan kong tinanggal ang vest na suot ko sa aking katawan.
"Yeah, right! Pat. Kung ako roon, I will make tapon the ice-cream on her vest also," wika ng isa pa.
"Sino ba ang nagsabi sa inyong pinalagpas ko ang ginawa niyang iyon?" tugon ko sa kanilang dalawa.
Gamit ang aking daliri, hinawakan ko ang vest saka ito tinapon sa malapit na basurahan. Isang matalas na tingin ang aking ginawa sa salamin na nasa aming harapan, saka nagbigay ng ngiti.
"Sisiguraduhin kong pagsisisihan niya ang pagpasok sa Belmonte University," mariin kong wika.
***
Nang matapos ang araw na iyon, isang limousine ang sumundo sa akin sa tapat ng gusali ng Belmonte University. Kasama nito ng apat na pulis na magsisilbing bantay sa aking daraanan.
Ganito ako kaespesyal. Bilang nag-iisang anak at heredera ng mga Monteverde, kailangan akong makauwi nang ligtas.
Nagsimulang magtinginan ang mga estudyante sa aking kinaroroonan. Isang magandang ngiti ang aking ginawa sabay hawi sa aking buhok.
Pangarap ng halos lahat ng estudyante ang aking buhay. Karamihan sa kanila ay nangangarap na makatapak sa karangyaang tinatamasa ko.
Well, hindi ko naman sila masisisi.
Sabay sa paghakbang ng aking paa ay ang pagdampi ng hangin na sumasayaw sa aking buhok, saka ako lumakad na animoy puso patungo sa sasakyan na sa akin ay naghihintay.
Sa pagpasok ko sa loob, agad kong binuksan ang aking laptop at nagsimulang mag-scroll sa social media account ko.
"Good day po, ma'am," pagbati sa akin ng driver.
Kumunot ang aking noo at tinapunan niya ng matalas na tingin.
"Bago ka lang sa trabaho, ano?" iritable kong tanong.
"O-Opo."
"Pwes, know my rule. Ayoko nang kinakausap ako ng isang tagamaneho lang. Next, huwag mo akong kauusapin kapag kaharap ko ang aking laptop, naiintindihan mo?" sunod-sunod kong paalala.
"S-Sorry po, ma'am," takot niyang tugon.
Nagpaikot lang ako ng mata, saka muling binalik ang atensyon sa laptop na nasa aking harapan.
Nakaka-irita, sana man lang sinasabi ni Daddy sa akin kung nagpapalit siya ng driver, wika ko sa isip.
Nagsimula siyang magmaneho at sa paglipas ng oras, nakarating na rin kami sa mansion ng Monteverde.
Marahan kong nilapat ang aking paa palabas sa kotse. Ang mga katulong ay hindi magkandaugaga sa pag-aasikaso sa akin. Lahat sila ay lumapit sa aking kinaroroonan at kinuha ang aking mga gamit na dala ko sa eskwela.
Sa pagpasok ko sa loob, natanaw kong nakabukas ang pinto ng study room ni Daddy. Napangiti ako dahil alam kong nandito siya. Hindi kasi niya ako madalas kausapin at lagi itong abala sa trabaho.
Ngunit nang papasok pa lang ako sa kanyang silid, tila natunogan naman niya ang aking pagdating.
"Patty, not now. I'm busy. Umakyat ka na sa kwarto mo," malamig niyang sabi.
Mariin ko namang naikuyom ang aking kamay nang marinig ang bagay na iyon, saka sinimulang ihakbang ang aking paa patungo sa aking silid.
Kailan ba siya nagkaroon ng oras para sa akin? Wala kailanman, hindi ba?