Point of view
- Angelica Sandoval -
"Nabili mo bang lahat?"
"O-Oo."
"Very good."
"Simula ngayon, walang sino man ang makaaalam nito, ha?"
Tumango ako saka bumalik sa aking pagkakayuko. Matapos niyang kuhain ang mga pagkaing pinamili ko gamit ang sarili kong pera, agad na siyang umalis na tila walang nangyari.
Simula nang ma-corner ako ng babaeng ito, hindi niya ako tinantanan. Halos araw-araw inuubos niya ang dala kong pera. Kung minsan ay kulang pa ito sa mga bagay na kanyang pinabibili sa akin kaya inuutang ko na lang muna sa tindahan ang kulang sa binili ko.
Takot ako sa mga taong katulad niya. Takot ako sa mga taong halang ang kaluluwa at walang ibang alam kung hindi ang manghamak ng kapwa, ngunit anong magagawa ng takot ko? Wala naman hindi ba? Pero hindi ko alam kung paano ang lumaban sa kagaya niya, sa kagaya niyang malayo sa estado ng aking buhay.
Tumatawa pa ang babaeng iyon kasama ang dalawa niyang alipores habang palayo sa aking kinaroroonan. Mariin kong kinuyom ang aking kamay habang tinatanaw ang kanilang paglayo.
Maya-maya lang, isang maalat na luha ang nagsimulang gumapang sa aking mga mata.
Ito na naman tayo, Angel. Simula na naman ng ating paghihirap. Simula na naman ng impyerno kong buhay.
Kahit nakararanas na naman ako ng pam-bu-bully sa school, pinili ko pa ring ngumiti at maging positibo. Nag-aral pa rin akong mabuti kahit minsan ay nakararamdam ako ng pagkahilo. Halos hindi na rin kasi ako kumakain sa tanghalian dahil ubos na ang baon kong pera. Sapat lang din kasi ang halaga na hinihingi ko kay mommy dahil ayoko namang mahirapan siya na tustusan ang araw-araw kong baon.
Ngunit ang baong pera na iyon ay kinukuha pa nina Macki, Jane, at Reina – sila iyong tatlong babae na nagpapahirap sa buhay ko ngayon.
***
Dumating ang oras ng vacant period namin. Dahil ayokong maamoy ang masasarap na pagkain sa canteen, nagtungo ako sa isang bench sa likod ng building namin. Uminom muna ako ng tubig sa isang drinking fountain upang maibsan ang aking gutom.
Si Alice naman ay hindi pumasok sa araw na ito, dahil may mahalagang bagay raw siyang aasikasuhin, kaya talagang mag-isa lang ako ngayon.
Niyuko ko ang aking ulo sa lamesa ng bench kung saan ako naroroon. Ramdam ko ang sunod-sunod na pagkulo ng aking tiyan dala na rin ng matinding gutom. Pakiramdam ko rin ay umiikot ang aking paningin at gumagaan ang aking ulo.
Hindi ko na yata kaya, wika ko sa sarili.
"Hi, Mis. Bago ka ba rito?" Isang tinig ng lalaki ang aking narinig. Pinilit kong i-angat ang aking ulo, ngunit nang tingnan ko ang kanyang mukha, tila nanlabo ang aking paningin at hindi ko maaninag kung sino siya. "Hala, Mis! Namumutla ka," muli niyang wika.
Hanggang sa maya-maya lang, nakaramdam ako ng matinding pagkahilo at pagbigat ng talukap ng aking mga mata. Biglang bumagsak ang aking ulo at tuluyan akong nawalan ng malay sa harap ng lalaking hindi ko kakilala.
***
Isang amoy ng hamburger ang gumising sa aking diwa. Lalong kumulo ang aking tiyan nang malanghap ko ang bagay na iyon.
Noon ko lang napagtanto na may malambot na bagay ang nasa aking likod at tila nakahiga ako sa isang kama.
Marahan kong minulat ang aking mata. At sa pag-ikot ng aking paningin, nakita ko ang isang lalaki sa aking tabi. Nakaupo siya sa silya sa gilid ng kama na aking kinahihigaan.
Agad akong napaupo nang makita kong nasa clinic ako.
"Sandali, 'wag ka munang tumayo, nanghihina ka pa," saad ng lalaki na aking kasama.
Kunot ang aking noo nang tingnan ko siya.
"Anong ginagawa ko rito?" tanong ko sa kanya.
"Hinimatay ka kanina kaya dinala kita rito sa clinic," wika niya. Nagulat ako nang i-abot niya sa akin ang hamburger na kanyang hawak. "Heto kainin mo," muli niyang saad.
Mariin akong napalunok nang sabihin niya ang bagay na iyon. Hindi ko maiwasang hindi maglaway sa amoy ng pagkain na iyon. Nais ko mang tumanggi, nakahihiya naman ako dahil naririnig niya ang pagkulo ng aking tiyan.
Marahan kong tinanggap ang pagkain na kanyang binigay.
"S-Salamat," nahihiya kong sabi sa kanya.
Isang matamis na ngiti naman ang binigay niya sa akin, saka nangalumbaba sa aking harapan.
Halos manliit ako dahil sa kanyang pagtitig. Lalo na nang mapansin ko kung gaano kagwapo ang kanyang mukha.
Lumingon ako sa ibang direksyon, saka pilit na tinatakpan ang aking bibig habang kumakain.
Grabe! Ang sarap, parang ngayon lang ulit ako nakakain, wika ko sa sarili na animoy nasa langit.
"Ako nga pala si Prince Chester Alimond. Pero tawagin mo na lang akong Prince," panimula niya. "Sa susunod huwag kang magpapalipas ng gutom, masama iyan," muli niyang sabi.
Matapos akong lumunok at uminom ng tubig. Tila busog na ako dahil sa mga payo at paalala niya.
"Ako si Angelica Sandoval. Salamat sa pagtulong mo sa akin," wika ko sa kanya.
Ramdam ko ang mabait na awra sa lalaking ito. Maamo at gwapo ang kanyang mukha. Mukhang malambot ang may kulay niyang buhok. Tila dark yellow ang kulay nito ngunit bumagay naman sa kanya, nagmukha siyang idol sa ibang bansa.
"Paano, aalis na ako?" muli niyang saad na nagpaputol sa aking iniisip.
"S-Sige," tugon ko.
Maya-maya lang, naramdaman ko ang mainit niyang palad sa aking ulo nang hawakan niya ito.
"Mag-iingat ka palagi," muli niyang paalala.
Natulala naman ako sa kanyang nakangiting labi at magandang mukha. Marahan siyang tumayo saka lumakad palabas sa clinic na kinaroroonan namin.
Naramdaman ko ang pag-init ng aking mukha at tila bumilis ang t***k ng aking puso na animoy kinakabahan.
Bakit kaya nagsusulputan ang mababait na lalaki sa paligid? Hindi lang iyon, plus factor na gwapo pa sila, bulong ko sa sarili.
Nang maramdaman kong maayos na ang aking pakiramdam, sinimulan kong tumayo at nilapat ang aking talampakan sa sahig. Nilingon ko pa ang aking paningin sa clinic.
Nasaan kaya ang nurse dito?
Nagkibitbalikat na lang ako nang mapagtanto kong walang tao sa paligid. Hanggang sa maya-maya lang, halos tumalon ang aking balikat nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cell phone.
Sa pagkuha ko nito mula sa aking bulsa, nagsimula na namang umakyat ang kaba sa aking puso nang mabasa ko ang pangalan ni Macki.
Kailan ba matatapos ang paghihirap na ito? wika ko sa sarili.
***
"Anong sinasabi mong wala ka nang pera?" inis na wika sa akin ni Macky.
"Inubos ko na kasi kanina sa pinabili mo sa akin," tugon ko habang nakayuko.
Muli kaming nagkita ni Macky rito sa likod ng school kung saan niya lagi akong kino-corner.
"Eh, 'di humanap ka ng paraan kung paano ka magkakapera, problema ko pa ba iyon?" iritable niyang wika. "Ilabas mo ang wallet mo, patingin ako."
"P-Pero."
"Ilabas mo sabi, eh!" sigaw niya saka inamba ang kamay na isasampal sa akin.
Mariin akong napapikit dahil sa kanyang balak gawin. Ilang segundo ang lumipas ngunit walang dumapong sampal sa aking pisngi.
"P-Prince?"
Mabilis kong minulat ang aking mga mata nang marinig ang pangalang binanggit ni Macky.
"Sabi ko na nga ba, eh. Kayo na naman ang promotor nito," galit na wika ni Prince.
Ang kamay niya ay nakahawak sa braso ni Macky. Pinigilan pala ni Prince ang balak nitong pagsampal sa akin.
"H-Hindi, kasi ano," nauutal na wika ni Macky na animoy hindi mahanap ang sasabihin.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang matalas na tingin na ginawa ni Prince sa tatlong babae na nasa aming harapan. Takot na takot naman ang mga ito at tila tuta na nag-takbuhan palayo sa aming kinaroroonan.
"Ayos ka lang ba?" wika sa akin ni Prince nang humarap siya sa akin at hinawakan ang aking balikat.
"Paano mo nalamang nandito ako?" tanong ko.
"Sinundan kita. Siguro, instinct ko na rin." Sabay ngiti niya at pagkindat sa akin. Tila muli na namang uminit ang aking pisngi nang makita ko ang ngiti sa labi niyang iyon. At hindi ko malaman kung saan nanggagaling ang mabilis na pagtibok ng aking puso. "Ayos ka lang ba? Tulala ka," saad niya sa akin sabay silid sa aking mukha.
"O-Oo, ayos lang ako. Salamat ulit," nauutal kong tugon sa kanya sabay iwas ko ng tingin.
"Wag kang mag-alala, hindi ka na guguluhin ng mga iyon, Okay?"
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin sa bagay na iyon. At tila nag-iwan ito ng palaisipan sa akin.
Hanggang sa sumapit ang kinabukasan, noon ko lang nalaman ang ibig sabihin ng kanyang sinabi.
Kumalat ang usap-usapan tungkol sa mga babaeng iyon sa aming campus. Nalaman ko na lang na pinatalsik sila sa aming unibersidad dahil marami pala ang kanilang binu-bully, hindi lang ako.
Noon ko lang din nalaman na si Prince pala ay member ng school guidance committee, kaya noong nahuli niya ang pam-bu-bully sa akin, agad niya itong nagawan ng aksyon.
Tila nakahinga naman ako nang maluwag nang malaman ang balitang iyon. Sa wakas ay makapag-aaral na ako nang maayos.
"Kumusta ka na, Angel? Sorry, ha. Hindi ko alam na ganoon na pala ang dinadanas mo," wika sa akin ni Alice na ngayon ay nasa aking tabi rito sa loob ng aming classroom.
"Okay lang, Alice. Ayoko rin naman na may makaalam ng pinagdaraanan kong iyon," wika ko. "Ikaw, kumusta na ba iyong pinagkakaabalahan mo?"
Kumunot ang aking noo nang makita ko ang lungkot sa mukha ni Alice.
"May Problema ba, Alice?" tanong ko.
"May aaminin sana ako sa 'yo, Angel. Sasabihin ko mamaya."
Nabalot naman ng halohalong tanong ang aking isip dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko alam ngunit, tila nababahala ako sa bagay na iyon at tila hindi na ako makapaghintay ng mamaya. Pero kailangan kong respetuhin ang kanyang desisyon.
***
Sa paglipas ng oras, nagtungo kami ni Alice sa likod ng campus kung saan wala masiyadong tao.
"Ha? Buntis ka?!"
"Shhh... hinaan mo ang boses mo, please."
Agad kong tinakpan ang aking bibig nang mapansin kong halos lumakas ang bagay na aking nasabi.
"Sorry," wika ko saka kumalma.
Nagsimulang yumuko si Alice at nababakas sa kanyang mukha ang kalungkutan.
"Hindi ko ito gusto, Angel," pagsimula ni Alice. Mabilis na pumatak ang kanyang luha nang sabihin niya ang bagay na iyon. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin upang maibsan ang kanyang nararamdaman, dahil maging ako ay nagulat sa kanyang balita. Alam kong may nobyo siya ngunit hindi ko akalain na aabot sila sa ganitong pubto. "Hindi ko na siya makita. Bigla na lang niya akong b-in-lock sa sss. Anong gagawin ko, Angel?"
Lumakas ang kanyang pag-iyak. Agad akong lumapit sa kanya, saka niyakap siya nang mahigpit.
Hindi ko alam kung paano ko madadamayan ngayon ang aking kaibigan. Ang tangi ko lang magagawa ay ang ibigay sa kanya ang aking balikat upang siya ay may maluhaan.
***
Kinabukasan, halos hindi ako nakatulog kaiisip sa balitang iyon na sinabi sa akin ni Alice. Kung ako ang nasa kanyang kalagayan, hindi ko rin alam ang gagawin ko. Napakabata pa namin at alam kong hindi pa siya handa sa ganitong responsibilidad. Ngunit nandiyan na iyon at wala nang magagawa kung hindi ang tanggapin ang bata.
Bumangon ako sa aking higaan at sinimulang ayusin ang aking sarili, saka nagtungo sa bus station at pumasok sa school.
Tulad ng dati, animoy may car show sa paligid dahil sa nagdadatingang kotse ng mga estudyante. Unti-unti na rin akong nasasanay sa ganitong sitwasyon na ako lang ang naglalakad sa buong campus.
Nang tuluyan akong nakapasok, kumunot ang aking noo dahil sa mga estudyanteng nagkakagulo at nakatingin sa bulletin board.
May announcement ba? tanong ko sa sarili.
Dahil sa kuryosidad, naisipan kong lumapit sa bulletin board na iyon. Ngunit ilang hakbang pa lang ang aking nagagawa, tumingin isa-isa ang mga taong iyon sa akin at nahawi sa gitna na animoy dagat.
Anong nangyayari? pagtataka ko.
"Siya iyon, hindi ba?"
"Oo, siya nga. Anong klaseng kaibigan siya."
"Sa true!"
Ilan lang ang mga ito sa mga bagay na aking naririnig. Ngunit pinagpatuloy ko pa rin ang aking paglalakad. Hanggang sa makarating ako sa harapan ng bulletin board.
Nanlaki ang aking mata nang makita ang mga bagay na nakasulat doon.
Saan nanggaling ang lahat ng ito? H-Hindi totoo 'to.