Point of view - Mikaela Sandoval - Ang mga buntonghininga na kanina ko pa ginagawa ay tila hindi na matapos. Hindi ko alam kung bakit halos buong araw na akong walang gana at tanging nasa isip ko lang ay ang lalaking iyon. Ako ang may gusto nito, hindi ba? Ako ang may nais na layuan niya ako at huwag kausapin, ngunit bakit pakiramdam ko, ako ang mas naaapektuhan? Bakit ganito? Marahan kong pinatong ang aking braso sa kahoy na lamesang kinaroroonan ko, saka ko niyuko ang aking ulo sa mga ito. Noong nakasalubong ko si Lenard at nakita ang malamig niyang mata, may kung anong bagay ang tila sumugat sa aking puso. Hindi ko alam kung bakit ganito ang aking nararamdaman, ngunit hindi ko ito gusto. Hindi ko gusto ang kung ano mang nangyayari sa akin. Masakit sa dibdib ang bagay na ito, sobra.