TINURUAN ako ni Lotty paano rin gamitin ang ibang features ng peysbuk at missinger. Tuwang-tuwa ako na may bago akong natutunan.
"Inday!"
"Ay, mamaya na lang, ha!" nagmamadali ako at tumayo na. Binuhat si Honey at lumabas sa pinto. Nakapameywang na si Ate Lotty at iritado. Sinundan niya ng tingin ang cellphone na hawak ko. Tinatago ko pa naman sa likod ni Honey kaya lang nakita niya na. Wala pa naman kasi akong bulsa. Sa taranta ko hindi ko na nalagay sa gilid ng shorts ko o dibdib ko.
"Eh, kaya naman pala hindi ka nakakahugas ng plato. Puro ka chismis! Kanino galing 'yang cellphone mo?"
Singlakas ng megaphone 'yong boses niya. Pinagtitinginan tuloy kami ng kapitbahay. Hindi ako makasagot at namumula ang mukha dahil sa kahihiyan. Habang papasok ng bahay sinisigawan niya pa ako na parang ang laki-laki ng kasalanan ko. Kapag sumagot ako, pagagalitan pa rin niya ako.
"Hindi ka sasagot?" galit niyang sabi.
"Pinahiram lang po 'to ni Lotty. Extra lang niya pero babalik ko din po kapag kailangan niya na," sabi ko habang inaalog-alog si Honey dahil umiiyak na.
"Talaga? Patingin nga!" aniya at nilahad ang kamay.
Tinitigan ko lang 'yon. Nagdadalawang-isip kung ibibigay sa kanya dahil baka mamaya kunin niya tapos ibenta. Kinabahan ako bigla.
"Hindi mo ibibigay?" asik niya at ito na ang kumuha sa kamay ko.
"Tita! Kasi hiram ko nga lang kasi 'yan," mangiyak-ngiyak kong sabi. Abala na ito sa pagsipat ng mumurahin kong cellphone.
"Oo, nga! Sabi ko titignan ko lang. Ba't ang damot mo, porket may cellphone ka lang? O, sa'yo na! Ang pangit! Tigil-tigilan mo kaka-cellphone mo at ang dumi ng bahay! Malilintikan ka sa akin sa susunod. Ipapakain ko 'yan sa'yo, tignan mo," banta niya sa akin.
Tumango lang ako at nilapag muna si Honey. Kinuha din siya ni Tita dahil maghuhugas na ako ng plato. Paano ko gagawin lahat ako lang mag-isa. Tapos may bantay akong bata. Minsan kakalinis ko lang, malingat lang ng kaunti may dumi na agad. May hugasin na. Tambak na ang labahan. Wala silang pakialam.
Ilang beses nagpapalit si Marisol ng damit, ganoon din si Mary. Si Mara gusto bagong punda palagi pati tuwalya. Lahat ng 'yon ako gumagawa. Naawa na lang ang kapitbahay sa akin pero hanggang doon lang. May iba din naman gusto na inaalila ako. Naiinis sila sa akin kahit wala akong ginagawang masama.
"Psst! Inday! Halika, dali! Wala naman sila 'di ba? Umalis?" tanong ni Lotty sa akin ng sumunod na araw.
Tumango ako at tinapos muna ang pagwalis bago ko siya nilapitan. Lumabas ako ng bahay.
"Bakit?"
"Sa bahay ka muna. Tapos ka naman yata sa gawain mo. Wala akong kasama. Umalis din sila Mama. Natatakot ako para kasing may multo sa amin. Nakakarinig ako ng yabag ng paa sa gabi!"
Kumunot ang noo ko at napailing.
"Sa panunuod mo lang 'yan. Wala naman noong andon ako."
"Basta sumama ka na lang. Mamaya ka na bumalik sa inyo," yakag niya at hinawakan na ko sa braso.
"Baka masita ako ni Tita kapag wala ako sa bahay."
"Hindi 'yan! Iniwan ka nga nila samantalang kakain sila sa labas. Nanalo lang sa sabong kumain na sa Jollibee hindi ka sinama. Sama ng ugali," reklamo ni Lotty.
Tahimik lang ako at walang sinabi pero may parte sa puso ko na malungkot at nasasaktan dahil hindi pamilya ang tingin nila sa akin kundi alila.
"Marami ka ng friends sa Pesybuk? Nakita ko nasa 100 na. Ang ganda mo kasi, eh. Kaya pagkita sa profile pic mo in-add ko agad."
"Hindi ko naman kilala 'yon. In-accept ko lang para hindi malungkot ang pesybuk ko. Marami na kayong friends doon 'di ba?"
"Oo! Pero gusto ko foreigner." Humagikgik ito.
Wala akong naintindihan sa sinabi niya.
"Napakainosente mo naman! Foreigner para maiahon sa hirap. Para makapunta ng ibang bansa. Mas maganda kasi ang dolyar daw kaysa sa peso."
Tumango na lang ako kahit wala pa rin akong naintindihan. Nakaupo na kami sa sofa nila at nanunuod na ng dramarama sa hapon.
"Ay, may nakita ako nag-add sa akin parang foreigner din siya. Kaya lang pinoy naman ang pangalan. Sabi mo kasi maraming manloloko ngayon. Mga poser. Kaya hindi ko pinapansin."
"Patingin nga!" ani ni Lotty kaya pinakita ko sa kanya ang lalaking nag-add sa akin.
"Samuel Buenaventura? Huy! Mukhang mayaman 'to. Tignan mo sa profile pic. Kaya lang naka-private. Accept mo dali! Accept para makita natin 'yong profile niya."
"Huh?" lito kong tanong pero sinunod ko na lang din siya.
"Kitams! Mayaman nga! May sasakyan, laging naalis! Landiin mo 'to, inday! Single ka naman. Malay mo 'yan na makakapag-ahon sa'yo sa hirap!" Niyugyog niya ako sa balikat.
"Huh? Ayoko nga! Hindi ako ganyan. Ayoko mag-chat. Hayaan mo na 'yan!" sabi ko sabay kuha ng cellphone sa kanya.
Sumimangot si Lotty.
"Bahala ka diyan. Mabubulok ang ganda mo sa impyernong bahay niyo. Kung ako sa'yo hahanap ako ng lalaki na susuporta sa akin at aalisin ako sa bahay na 'yan. Nakakasuka ang mga ugali ng mga tao doon. Ako na nga lang naawa sa'yo, eh."
"Hayaan mo na. Baka magbago din sila," sabi ko at tinutok na lang ang mga mata sa TV screen.
"Tss. Hanggang tumanda ka ganyan din sila. Hindi na 'yan magbabago. Bahala ka nga."
Kumalabog nag puso ko ng makita ko sa Messenger ang mukha ng lalaking sinasabi ni Lotty. Iyong in-accept ko kanina sa Pesybuk.
Nag-message siya! Siya unang nag-message!
Samuel Buenaventura: Thanks for accepting me.
Nahigit ko ang aking hininga ng mabasa iyon. Mag-re-reply ba ako? Anong sasabihin ko?
Pakiramdam ko mali 'yong gagawin ko. Parang pangit na kumausap ako ng hindi ko kilala pero umaalingawngaw ang boses ni Lotty sa isip ko. Friends lang. P'wede naman siguro. Friendly chat.
Me: Okay
Mabuti na lang wala silang lahat. Kung hindi, hindi ako makaka-chat ng ganito. Masisita ako kapag hawak ko cellphone na naman.
Samuel Buenaventura: Ang sungit mo pala. Saan ka sa Tondo?
Umawang ang bibig ko. Tinatanong niya na kung taga saan ako. Anong sasabihin ko? Sasabihin ko ba ang totoo? Ituloy ko kaya ang sinasabi ni Lotty. Gusto ko na din umalis dito. Napapagod na ko. Gusto ko ng lalaking magmamahal sa akin ng totoo. Iyong iaalis ako dito sa lugar na 'to.