Tahimik ang bahay nang buksan ko ang pinto. Napakatahimik. Parang hindi ito ang bahay na kinalakihan ko. Parang hindi ito ang tahanang araw-araw na napupuno ng boses ni Mama.
Wala ang mahinang pag-awit niya habang nagluluto. Wala ang kanyang paalala na huwag akong magpapalipas ng gutom. Wala ang kanyang presensya na matagal ko nang itinuturing na normal.
At ngayon, saka ko lang napagtanto kung gaano kalungkot ang isang bahay kapag wala ang taong nagbibigay rito ng buhay.
Mahigpit kong kinagat ang aking ibabang labi habang naglalakad patungo sa aming silid.
Kailangan kong kumuha ng mga damit ni Mama. Hindi pa siya maaaring umuwi mula sa ospital. Pagbukas ko ng lumang aparador, agad akong sinalubong ng pamilyar niyang amoy.
At iyon ang tuluyang nagpaguho sa matitibay kong pader. Nanginig ang aking mga kamay habang isa-isang kinukuha ang kanyang mga damit. Huminto ako nang makita ko ang paborito niyang bestida.
Iyong madalas niyang isuot tuwing may espesyal na okasyon. Dahan-dahan ko iyong hinawakan. At sa hindi ko namalayang dahilan, mahigpit ko iyong niyakap sa aking dibdib.
Parang kapag niyakap ko nang sapat ang damit na iyon ay mawawala ang sakit na bumabalot sa puso ko.
Ngunit hindi nangyari iyon. Sa halip, tuluyan akong napahagulhol.
Napaupo ako sa gilid ng kama habang mahigpit na yakap ang damit ni Mama. Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha ko. Hindi ko na alam kung ilang beses akong umiyak mula kahapon.
Pero sa bawat pagpatak ng luha, hindi nababawasan ang bigat na nararamdaman ko.
Cancer. May cancer si Mama. Kahit ilang beses kong ulitin iyon sa isip ko, hindi ko pa rin matanggap. Parang isang bangungot na ayaw matapos. Paano kung lumala ang sakit niya? Paano kung—
Naputol ang aking pag-iisip nang marinig ko ang pagbukas ng pinto.
"Ava?"
Agad kong nakilala ang boses. Si Myline.
Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha ngunit huli na. Nakita na niya ang namumugto kong mga mata.
Nakita na niya ang basag kong anyo. Dahan-dahan siyang lumapit at umupo sa tabi ko.
Wala muna siyang sinabi. Parang alam niyang kailangan ko munang ilabas ang lahat ng sakit na kinikimkim ko.
"Kumusta si Tita?" mahinahon niyang tanong matapos ang ilang sandali.
Muli akong napaiyak. May mga pagkakataong sapat na ang isang simpleng tanong upang muling mabuksan ang sugat na pilit mong tinatakpan.
"May cancer si Mama."
Nakita ko ang pagkagulat sa kanyang mukha.
"Ano?"
"Stage one lung cancer."
Natahimik siya. Ako naman ay napayuko.
"May pag-asa pa naman daw..." halos pabulong kong sabi. "Pero kailangan niya ng chemotherapy."
Napahawak ako sa aking noo. Pakiramdam ko ay sasabog ang ulo ko sa dami ng iniisip.
"Napakalaki ng kailangan naming pera, Myline."
Basag na basag ang boses ko.
"Hindi ko alam kung saan ako kukuha."
Hindi ko na napigilan ang paghikbi.
"Paano ko siya mapapagamot? Paano ko siya maililigtas?"
Pakiramdam ko ay unti-unti na akong nilalamon ng kawalan ng pag-asa. Buong buhay ko ay nagsumikap ako. Nagtrabaho ako nang marangal. Hindi ako nanghingi ng tulong kahit kanino.
Ngunit ngayo, Ngayon ay wala akong magawa kundi amining hindi ko kayang labanan ito nang mag-isa.
Tahimik na nakinig si Myline. Pagkatapos ay marahan niyang hinawakan ang aking kamay.
"Ava."
Napatingin ako sa kanya.
"Huwag kang susuko."
Napatawa ako nang mapait.
"Paano? Wala naman akong pera."
"Pero may gobyerno."
Napakurap ako. "Huh?"
"Pwede kang humingi ng medical assistance."
Unti-unting napawi ang aking pagkalito. Nagpatuloy siya.
"May mga opisina ng mga congressman, mayor, governor, senador. May mga programa silang tumutulong sa mga pasyente."
Napatitig ako sa kanya. Parang may maliit na ilaw na biglang sumindi sa gitna ng madilim na silid.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko agad naisip iyon.
"Sa tingin mo... matutulungan nila ako?"
"Siyempre." Buo ang kumpiyansa sa kanyang boses.
"Subukan mo."
At sa unang pagkakataon mula nang marinig ko ang diagnosis ni Mama, Naramdaman kong may pag-asa pa pala.
Maliit. Mahina. Ngunit sapat para hindi ako tuluyang mawalan ng lakas. Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha. Kailangan kong lumaban. Para kay Mama.
Para sa babaeng buong buhay na lumaban para sa akin.
"Myline..."
"Ano iyon?"
Mahigpit kong hinawakan ang kanyang kamay.
"Bukas, pwede mo bang bantayan muna si Mama sa ospital?"
Wala akong ibang mapagkakatiwalaan kundi siya.
"Pupuntahan ko lahat ng pwedeng lapitan. Kahit saan. Kahit gaano kahaba ang pila."
Basta makahanap lamang ako ng paraan upang mapagamot si Mama. Hindi ako titigil. Hindi ako susuko.
Ngumiti si Myline at marahang pinisil ang aking kamay.
"Ako na ang bahala kay Tita."
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko. Hindi dahil sa lungkot. Kundi dahil sa pasasalamat.
Dahil sa gitna ng pinakamadilim na yugto ng buhay ko, may taong handang tumayo sa tabi ko.
At nang gabing iyon, habang yakap ko ang mga damit ni Mama, pinangako ko sa sarili ko ang isang bagay.
Gagawin ko ang lahat. Lahat. Kahit kumatok sa bawat pintuan sa lungsod, gagawin ko. Hindi ko hahayaang talunin ng sakit ang mama ko nang hindi man lang ako lumalaban.
Pagod na pagod akong umupo sa plastik na upuan sa labas ng ospital. Masakit ang mga paa. Masakit ang ulo.
At higit sa lahat, pagod na katawan dahil sa maghapon na pila.
Nang makita ko si Myline na naglalakad palabas ng silid ni Mama, pilit akong ngumiti. Ngunit alam kong hindi iyon umabot sa mga mata ko.
"Ano'ng nangyari?" agad niyang tanong.
Ibinuka ko ang aking palad. Naroon ang ilang sobre at mga papel na ibinigay ng iba't ibang opisina na nilapitan ko buong maghapon.
"Sampung libo."
Natahimik si Myline.
Mapait akong napangiti. "Sampung libo lang."
Napayuko ako. Buong araw akong pumila.
Buong araw akong naglakad sa ilalim ng init ng araw.
Buong araw akong nagmakaawa at nagpaliwanag ng sitwasyon ni Mama. Ngunit sa huli, iyon lamang ang nakaya nilang ibigay.
At hindi ko naman sila masisisi. Marami ring nangangailangan. Marami ring may sakit. Marami ring lumalaban. Kaya hinahati-hati nila ang tulong na mayroon sila.
Ngunit kahit naiintindihan ko iyon...Hindi pa rin nito nababawasan ang aking problema.
"Kulang pa rin," bulong ko. Biglang namuo ang mga luha sa aking mga mata.
"Kulang na kulang pa rin."Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tahimik akong umiyak.
Pakiramdam ko ay tumatakbo ako nang tumatakbo ngunit hindi man lang ako nakakalapit sa aking patutunguhan.
Paano ko mababayaran ang chemotherapy?Paano ko ililigtas si Mama sa sakit niya? Nang makabawi ako nang kaunti, napatingin ako kay Myline.
"Myline..."
"Hm?"
"May alam ka bang trabaho?"
Napakunot-noo siya. "Anong trabaho?"
"Kahit ano." Napalunok ako.
"Kahit dalawang trabaho pa ang pasukan ko. Kahit anong hirap.Kahit may magpautang sa akin na may interes. Papatulan ko."
Basta makakuha lamang ako ng pera. Basta mapagamot ko si Mama. Ngunit dahan-dahang umiling si Myline.
"Wala akong alam." Parang muli na namang bumigat ang mundo ko.
⸻
Lumipas ang tatlong araw. Sa wakas ay nakalabas na ng ospital si Mama. Ngunit hindi dahil magaling na siya.
Kundi dahil kailangan naming ipagpatuloy ang gamutan bilang outpatient habang inaayos ang susunod na mga proseso.
Habang inaalalayan ko siyang makaupo sa aming kama, pilit siyang ngumiti sa akin. Ngunit kitang-kita ko ang panghihina sa kanyang mga mata.
At bawat sandaling nakikita ko iyon, parang mas lalo akong dinudurog ng konsensya. Dahil alam kong may kailangan kaming gawin. At wala pa rin akong sapat na pera.
Nang makatulog si Mama nang hapong iyon, lumabas ako ng bahay upang makahinga. Ngunit paglabas ko pa lamang ay nakita ko na si Myline. Parang kanina pa siya naghihintay.
"Ava."
Napatingin ako sa kanya.
"Bakit?"
"Tara."
"Saan?"
"May sasabihin lang ako."
May kung anong kakaiba sa kanyang boses.
Tahimik.Seryoso. Parang ayaw niyang may makarinig.
Sinundan ko siya hanggang sa isang bahagi ng kalsada na halos walang dumaraan. Tanging hangin lamang ang maririnig.
Huminto siya at lumingon sa akin. Ilang segundo siyang tila nag-atubili. Pagkatapos ay nagsalita.
"Ava..."
Napakunot-noo ako.
"Hm?"
"Gusto mo ba talagang magkapera?"
Napatawa ako nang mapait. Pakiramdam ko ay napakalinaw ng sagot sa tanong na iyon.
"Siyempre naman. Kahit sino naman siguro."
Hindi siya ngumiti. At doon ako kinabahan.
May kakaiba. Nagkatinginan kami nang ilang sandali bago siya muling nagsalita.
"May kakilala ako."
Napakunot lalo ang noo ko. "Kilala?"
"Nagrerecruit ng mga babae."
Bigla akong natigilan. At habang nagpapatuloy siya sa pagsasalita, unti-unting lumamig ang buo kong katawan.
"Ino-offer nila sa mayayamang negosyante."
Nanlaki ang aking mga mata. "Myline..."
"Malaki ang bayad."
Parang may bumara sa aking lalamunan. Lalo pa nang marinig ko ang kasunod niyang sinabi.
"Mas malaki pa raw kapag wala pang karanasan ang babae."
Hindi ko na siya pinatapos. Mabilis akong umiling.
"Hindi." Matigas ang boses ko.
"Pero Ava—"
"Hindi." Napaatras ako.
Hindi dahil galit ako sa kanya.
Kundi dahil hindi ko matanggap ang direksyong tinatahak ng usapan. May sakit si Mama. Kailangan namin ng pera. Desperado ako, Oo. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay ibebenta ko ang sarili ko.
"Hindi ko kaya iyon."Nanginginig ang boses ko ngunit buo ang aking desisyon. "Marami pang paraan."
"Ava, malaking pera ang—"
"Marami pang paraan!" ulit ko.
Mas malakas. Mas mariin. Tahimik na napatitig sa akin si Myline. Samantalang ako ay pilit na kinakalma ang mabilis na t***k ng aking puso. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari bukas.
Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera. Hindi ko alam kung paano ko ililigtas si Mama. Ngunit isang bagay ang alam ko. Hindi ko hahayaang itulak ako ng desperasyon sa isang bagay na pagsisisihan ko habang-buhay.