Nakahiga na ako upang matulog pero hindi pa rin mawala ang ngiti na nasa aking labi. Masaya lang talaga ako! At iyon din siguro ang dahilan kung bakit napanaginipan ko si Dao Ming Si, ang leader ng F4 sa Meteor Garden na pinapalabas ng ABS-CBN. Sa aking panaginip hindi si Shan Cai ang love interest ni Dao Ming Si kundi ako. Mangyayari na sana ang pinakahihintay naming kiss sa ilalim ng meteor shower nang biglang umeksina si Omar.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig at kaagad na bumangon nang makita ko sa aking isipan ang pagmumukha ni Omar Alvarez. Nanatili akong nakaupo sa aking kama at tulala. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano ka delikado ang ginawa namin ni Omar.
Nang umalis kasi ako ng bahay papunta sa JS Prom namin, buong-buo pa ang aking p********e pero nang ako'y umuwi, wasak na ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at nagdarasal na sana ay panaginip lang ang lahat. Hindi kasi mawala sa isip ko ang pangamba na baka mabuntis ako? Baka atakihin si Tatay o baka tagain ako ni Nanay.
"Anna? Gising ka na ba?"
Narinig ko ang boses ng inay sa labas ng aking silid pero hindi ako sumagot. Nagtalo ang aking isipan kung sasabihin ko sa aking mga magulang ang nangyari o ilihim na lang. Sinapo ko ang aking ulo at pinagalitan ang aking sarili.
Ilang weeks lang kaming nagkamabutihan ni Omar at ibinigay ko na sa kanya ang lahat, agad-agad. Isa akong malaking hipokrita kung sasabihin kong hindi ko pinagsisihan ang nangyari kagabi. I had a chance to say no to him....but I didn't!
"Ana! Tanghaling tapat na, hindi ka pa rin ba babangon? Aba'y, nilalamok na si Eugenio sa kahihintay sayo!" Bahagyang tumaas ang boses ng inay habang panay ang pagkatok sa pintuan ng aking silid.
Bakit narito ang lalaki? Ngayon pa ba nito naisipang pansinin ako gayung huli na ang lahat? Ayaw ko pa sanang lumabas dahil natakot akong baka malaman nilang isinurender ko na ang aking bandila kagabi. Hindi kaya sila makahalata?
Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin at naglagay ng konting polbo sa mukha bago lumabas upang harapin si Eugene. Pagbaba ko, naabutan ko ang lalaki na kausap ang aking ama. Kinabahan ako dahil baka kung ano ang pinagsasabi nito kay Tatay.
"Eugene, ba't ka narito?" Napansin kong nakabihis pa rin ito ng formal, katulad kahapon. Saan naman kaya ang lakad ng Eugene?
"Good morning, Anna. Anyayahan sana kitang magsimba," sabi ng lalaki.
Tiningnan ko ang oras sa suot kong relo. Forty-five minutes na lang at magsisimula na ang last mass kapag linggo. "Pasensya ka na pero-"
"Huwag kang mag-alala kasi nagpaalam na ako sa itay mo at pumayag na siya," nakangiti niyang sabi sa akin na para bang sigurado ito na papayag ako.
Tumaas ang aking kilay sa narinig. "Tay, kakausapin ko lang ho si Eugene."
"O sige, nak. Doon na kayo mag-usap sa tambayan at nang makaupo ng maayos itong si Eugene, kanina pa kasi 'yan nakatayo sa paghihintay sayo."
Nauna na akong naglakad patungo sa open gazebo na gawa sa kawayan - ang aming tambayan tuwing hapon.Pagdating ko sa tambayan, hindi ko na hinintay pang maupo si Eugene at kinausap ko na siya kaagad. "Eugene, gusto kong malaman mo na hindi ko nagustuhan ang ginagawa mo ngayon," sinita ko siya.
"Dahil ba kay Omar?"
Hindi ko nagustuhan ang kanyang tono nang banggitin ang pangalan ni Omar. Bakit ba kasi ang init ng dugo nito kay Omar eh hindi naman siya inaano. "Walang kinalaman si Omar dito, Eugene."
"Talaga? Simula nang maging close kayong dalawa, hindi mo na ako pinapansin!" Galit nitong sabi.
"Hoy, Eugenio, kilabutan ka nga sa mga pinagsasabi mo! Baka nakalimutan mo na ikaw ang naunang nagtaksil sa pagkakaibigan natin. Nakalimutan mo na ba?" Sinumbatan ko siya.
"Iba pa rin 'yon Anna. Hindi ka bagay kay Omar kaya lumayo ka na sa kanya hangga't maaga pa," binalaan niya ako.
"Shut up! At kanino naman ako nababagay, aber?" Hindi nakasagot si Eugene sa aking tanong. "Mabuti pa ay pumunta ka na ng simbahan dahil wala naman akong balak na magsimba ngayon." Kinuha ko ang isang rubber band na namataan ko sa tambayan at itinali sa aking buhok. Hindi pa kasi ako naligo kaya nainitan ako. Matapos kong i-ponytail ang aking buhok, muli kong hinarap si Eugene at sinabihan na wala itong mapapala sa akin ngayon.
"Ano yan?" He asked me while pointing his finger at the left side of my neck.
"Ha?" nagtaka ako dahil wala naman akong naramdaman na gumagapang sa aking leeg.
"Lumapit ka nga akin," sabi nito sa nag-uutos na boses pero hindi ako natinag sa aking kinatatayuan dahil wala naman itong karapatan na utos-utosan ako.
Bukod sa aking mga magulang, tanging si Omar lamang ang pwedeng mag-utos sa akin. "Ayoko nga," sabi ko sa kanya. Ngunit imbes na tumigil na ito sa pangungulit, si Eugene na mismo ang lumapit sa akin at hinawakan ng magaspang nitong kamay ang aking leeg.
"Chikinini? Sinong gumawa sayo nito? Si Omar, ano?" sunod-sunod ang mga tanong ni Eugene sa akin pero hindi ko naman siya sinagot.
Nataranta ako dahil alam ko kung ano ang chikinini. Tinampal ko ang kamay ni Eugene na nasa aking leeg at dumistansya ako sa kanya. Malalaman kaya ng lalaki ang tungkol sa nangyari kagabi?
"E-eugene...," tinawag ko ang kanyang pangalan pero hindi ko alam kung ano ba dapat ang sasabihin ko sa kanya. "Ano k-kasi...hmmm -"
"Anna, hindi ako makapaniwala na gagawin mo ang bagay na 'yon. Hindi ka naman dating ganyan," inakusahan niya ako na easy girl at madaling bumigay.
"Mahal ko siya," nagdahilan ako.
"Mahal? Sigurado ka ba na mahal ka din niya?" Dahil sa tanong ni Eugene,biglang umusbong sa aking puso ang pagdududa. Mahal nga ba talaga ako ni Omar? Pero sinabi niya sa akin kagabi na mahal din niya ako kaya muling lumakas ang aking loob at nawala ang munting pagdududa.
"Pwede ba Eugene, huwag ka na lang makialam sa personal kong buhay. Kung umasta ka, parang tayo ang may relasyon!" Pinagalitan ko siya.
"Sabi ko na nga ba at may relasyon na talaga kayong dalawa!"
"Bakit ba interesado ka sa buhay ko?" Kanina pa talaga ako naiinis kay Eugene. Naku, kung hindi lang kami magkapitbahay, natitiyak kong makakatikim na ito ng suntok mula sa akin.
"Because I like you," pahayag niya.
Wee? Hindi nga? Bakit ngayon pa? "You're too late, Eugene. Pasensya na," tinapat ko siya para huwag nang umasa pa. Nakakaloka. May gusto naman pala siya sa akin, bakit kasi nagpapakipot pa ito dati?
"Maghihintay ako," sabi nito.
"Don't. Huwag mong sayangin ang oras mo sa kahihintay Eugene kasi hindi na magbabago pa ang aking nararamdaman para kay Omar ngayon." Masyadong unfair kay Eugene kung paaasahin ko siya sa wala. Dapat ay mag-focus na lang ito kay Paula.
"Anna," narinig kong tinawag niya ako pero hindi ko na siya nilingon at bumalik na ako sa bahay.