Noong unang masipat si Samantha ay nagdalawang isip pa siya kung ito nga ang nakita. Pero nang magawi ang tingin nito sa kinaroroonan ay doon lamang napagtantong siya nga talaga ang babaeng kanina pa nakita.
Tumiim lalo ang tingin nang magtapat ang kanilang paningin at nakita kung gaano hapitin ng lalaking kasama nito ang baywang nito.
"Babe, sige na sa Japanese restaurant na lang tayo?" ang malambing na tinig ng kasintahan at doon lamang naalalang kasama pala ito. Mabuti na lamang at napigil ang sariling huwag sugurin ang mga ito.
"Yeah, sure!" agad na tugon bago pa nito mahalatang naroroon ang asawa. Ngunit bago pa man sila nagtungo sa inuungot ng asawa ay mabilis na sinulyapan muna ang mga ito at nakitang natitigilan pa rin si Samantha. Batid kasi nitong huli niya ito sa pakikipagtagpo sa kasintahan nito. 'Ikaw rin naman!' sita ng isipan.
Buong akala ni Samantha ay pupuntahan sila ni Calix. Mabuti na lamang at nakitang paalis na ang mga ito.
"Bakit babe? May problema ba?" puna ni Gilbert nang mapansin nitong natitigilan siya.
"Wala naman babe, nanibago lang ako sa'yo pero masaya ako," aniya upang iligaw ito at hindi masyadong mag-isip. Doon ay nakitang ngumiti ito. Guwapo pa rin naman ito pero iba na talaga ang pakiramdam lalo na nang makasama si Calix. Hindi sila masyadong nag-uusap pero ang atraksyong nararamdaman para dito ay tila mas lumalim.
Tila naman naniwala ito dahil mas lalong tumamis ang pagkakangiti nito. "Let's go," muling yakag nito. Hindi na siya umangal pa nang hapitin pa lalo ang baywang nito.
Pagpasok sa restaurant na kakainan ay kitang-kita ang pares sa gilid na sweet na sweet at nagsusubuan pa. Tila may sumipang selos at kaba sa dibdib nang makitang nagbaling ng tingin si Calix sa direksyon nila kaya agad na hinila si Gilbert bago pa sila makita nito at isipin pang sinusundan ang mga ito.
Nang makarating sila sa mesang nilaan para sa kanila ay pasimpleng sinilip ang kinaroroonan ng mga ito. Nakitang masayang nag-uusap ang mga ito na tila ba walang mga problema. Bigla tuloy ay nainggit siya kay Geraldine ngunit nang maalala ang ginawang pag-amin ni Calix sa kaniya kagabi ay tila nabuhayan siya ng loob.
"Are you sure, you're okay?" matiim na tinig ni Gilbert ang nagpabalik sa kaniyang isipan.
"Ha?!" gulat na turan.
"See?!" giit nitong tumiim ang titig sa kaniya. "We are asking you, kung ano ang gusto mo?" anito at doon lamang napansin ang waiter na nasa tabi nito.
"Sorry, babe! Medyo napaparanoid yata ako. Ayaw ko lang na may makakita sa sabihin kila Mama at Papa?" katwiran.
"So, kinakahiya mo na ako ganoon?" gagad nito sabay hablot sa braso niya na tila nagbalik sa dating gawain nito.
"Ahemmm!" tikhim ng waiter dahilan upang bitawan siya nito.
"Can you just give me a sushi, yakitori with udon noodles, please," mabilis na turan sa waiter para makaalis na ito dahil mukhang hindi ito komportable sa tabi nila.
Nang umalis ito ay muli siyang hinawakan ni Gilbert sa braso. "I'm trying to be nice here, Samantha kaya huwag mo akong sagarin!" mahina pero madiing wika nito.
Nahintakutan siya pero mabilis na kinalma ito. "I know, sorry kung ganoon ang iniisip ko. Ayaw ko lang na pagbabawalan nila akong makita kang muli," aniya rito at doon ay naramdaman ang pagluwang ng hawak nito. 'Hold your temper,' paalala sa sarili dahil baka hindi mapigilan at parang bulkangsasabog din.
"Okay, akala ko kasi ay iniisip mo ang asawa mo?!" parinig nito na natumbok ang totoong dahilan kung bakit siya natutulala.
Sa sobrang kaba ay para siyang naiihi kaya agad na nagpaalam kay Gilbert. "CR lang ako," aniya. Lumingon ito at tila nananantiya ang tingin nito. "Iihi lang ako, sama ka ba?" dagdag pa dahil tila wala itong balak siyang pakawalan.
"Hindi na! Kaya mo naman na, hindi ba?" anito saka ngumisi. Sa loob-loob ay nainis tuloy siya.
"Okay," aniya saka tumayo. Mabilis ang mga paang tinalunton ang CR sa restaurant na iyon. Grabe ang kaba sa dibdib dahil hindi alam kung tama ba ang ginagawang pakikipaglaro kay Gilbert. Mabuti na lamang at wala gaanong tao kaya agad na nakagamit ng cubicle. Nang matapos ay hindi maiwasang mapatingin sa salamin at kita ang repleksyon. Tama nga sila, ibang-iba na siya. Ilang gabi na rin siyang hindi makatulog dahil sa damdamin sa asawa at kung ano ang gagawin kay Gilbert.
Matapos pakatitigan ang mukha ay lumabas na siya bago pa mahalata ni Gilbert na matagal siya ngunit laking gulat niya na makita si Calix sa labas ng banyo. Awtomatikong inisip kung nasa loob ba si Geraldine pero hindi makita.
Agad namang nagtama ang mga mata nila at parang nabasa na nito ang nasa isip. "I'm waiting for you?!" ngitngit na wika nito.
Eksaherada pang napahawak sa dibdib niya. "Ako, bakit?" aniya saka inihakbang ang paa palabas dahil nakakaabala na siya.
"Tinatanong mo talaga iyan sa akin? Anong ginagawa mo at kasama mo ang lalaking iyon?!" anito na bahagyang napataas dahilan upang mapalingon ang dalawang babaeng dumaan.
Ayaw sanang patulan pero nainis na rin siya. Ito rin naman ay nakikipagkita sa kasintahan nito. "Hey! Mukhang nakakalimutan mong usapan natin na walang pakialamanan sa relasyon ng isa't isa," paalala rito at nakita ang pagtaas ng kilay ni Calix.
"Hindi ba't sinabi ko ring hindi ako makikialam kahit sino pa ang i-date mo! Huwag lang ang lalaking iyon!" gigil ni Calix dahil talagang ang tigas yata ng ulo ni Samantha.
"Anong masama kay Gilbert, boyfriend ko siya kaya siya ang kasama ko!" giit niya dahil inis na inis na siya at aminin man niya o hindi ay nagseselos siya. Nagseselos siyang kasama nito si Geraldine.
"I'm warning you, Samantha! Stay awat from him o ako mismo ang gagawa ng paraan upang mapalayo ka sa lalaking iyon!" anito saka akmang hahakbang.
"Nooo!" aniya sa gulat na kinatigil nito at matiim na tumitig sa kaniya. "I mean, okay lalayo na ako," aniya rito bago pa nito sugurin si Gilbert. Ayaw niyang ma-trigger ang galit ni Gilbert dito at maging ito ay pagtangkaan nito.
Nagkatitigan sila at sa pagkakataong iyon ay determinado si Samantha na huwag na nitong pakialaman si Gilbert. Doon ay nakitang una itong nag-iwas ng tingin. "Okay, pero minsan pang pagbunatan ka ng kamay gaya nang pagsakmal niya sa braso mo ay baka hindi ko mapigilang sugurin siya," anito dahilan upang mapalunok siya. Ibig kasing sabihin noon na nakita sila nito at kita pa nito ang paghawak ni Gilbert sa kaniyang braso.
Napatungo na lamang siya sa narinig. Doon ay kitang lumakad na ito pabalik sa kasintahan nito. Habang siya naman ay tinalunton na ang daan patungo sa mesa nila ng kasintahan dahil baka mamaya ay maghinala na ito.
Inis na inis si Calix pero wala siyang magawa. Gusto niyang hilain si Samantha paalis sa lugar na iyon pero ayaw naman niyang iwan sa ere ang kasintahan lalo pa at tila may mabigat itong dinadala. Ramdam iyon sa mga taimtim nitong dasal kanina bagay na talagang bumabagabag sa kaniya.
Matamis ang ngiti ng kasintahan pagkabalik na tinugon din ng matamis na ngiti. "Babe, what do you think kung magbakasyon din tayo? I mean, sa beaches para mas peaceful," yakag nito na kinabigla.
Noon pa man ay matagal na inuungot iyon sa kasintahan pero palagi itong natanggi na keyso may hinahabol siyang deadline o may gagawin ito. Natahimik siya bagay na napansin ng kasintahan.
"Ay, oo nga pala," anito na lumungkot ang mukha. "May asawa kang binabantayan," parinig nito.
Pinisil niya ang kamay nito upang hindi na ito malungkot. "Sige ba? Saan mo gusto?" aniya rito upang hindi na ito malungkot o magtampo. Gagawan na lang niya ng paraan, baka papuntahin muna si Samantha sa magulang at sabihing may out of town siya.
"Talaga, babe?!" gilalas nito na kita ang pagkabuhay ng mga mata nito.
Tumango-tango siya ng bigla siyang yakapin nito. Bagay na agad na kinatingin sa direksyon nila Samantha at nagulat pa siya ng magsugpong ang kanilang mga mata. Nakatingin din pala ito sa kanila habang masayang nakayakap ang kasintahan sa kaniya na tila sila lamang ang naroroon.
Nakita ang pagtiim ng titig ni Samantha at bakas sa mukha ang isang pamilyar na tingin nito. Para itong galit at nagseselos.
'I hate this feeling!' buwisit na turan ni Samantha sa loob-loob nang mahuli pa siyang nakatingin ng asawa. Sino ba naman kasing maiinis kung makayakap ang babaeng kasama nito ay tila sila lang ang tao sa restaurant na iyon.
Mabuti na lamang at dumatin na ang kanilang pagkain at binaling na lamang doon ang buong atensyon. Halos mabulunan pa siya sa bilis ng subo niya. "Wait, babe! Mukhang gutom na gutom ka yata?!" natatawang tapik ni Gilbert sa likod niya matapos siyang painumin nito. Kung alam lang nito na kanina pa siya naiinis, hindi rito kundi kay Calix.
"Medyo babe, ngayon lang ulit kasi ako nakakain nito," kaila rito at kita ang pagsilay ng labi nito.
"Okay, sige lang babe. Kain lang nang kain para may lakas ka mamaya," anito na may kahulugan.
"What do you mean?!" mabilis na sabad sa nais nito.
Tumawa ito ng nakakaloko. "Don't tell me, until now ay hindi mo pa rin ako papupuntusin. Pwede naman akong sumimot ng tira ng iba," sarkastikong wika nito na nagbalik sa dating Gilbert.
Napataas ang kilay pero pilit hinamig ang sarili. Ayaw niyang magwala ito roon. Pakikibagayan niya hanggang makalabas sila roon. 'Bahala na!' aniya pa sa isipan at hindi alam kung papaano makakawala kay Gilbert.