“Hindi ka nagdadala sa bahay ng babae? Baka sa ibang lugar mo dinadala,” aniya na binawi ang braso niyang hawak nito at nilampasan ito. “Tami naman,” habol ni KG sa kaniya. “Mukha ba akong hindi mapakali sa isang babae lang?” Mariin niyang nakagat ang ibabang-labi. Tinanggal na niya sa ulo ang tuwalya at isinampay sa towel holder sa may banyo. “Ano ba’ng malay ko?” aniya na hindi tinapunan ng tingin si KG na naghihintay sa kaniya sa labas ng banyo. Hinila siya nito sa kamay at mahigpit na niyakap. “Wala namang iba, eh. Tigilan mo ‘yong pag-iisip ng ganoon. Lumipas man ‘yong dalawang taon, iniwan mo ako, pero hindi ibig sabihin noon na kailangan kong humanap ng iba na ipapalit sa puwesto mo.” Pinigilan ni Tami na gumanti ng yakap sa kaniyang asawa. Ang mga mata niya’y muli na namang nam

