Tinitigan ko si Kent sa kama habang nakaupo ito at ang laptop nito ay nasa kaniyang kandungan. Mula nang dumating siya rito noong nagtalo kami ay hindi na ito umuwi sa condo niya. Pumapasok pa rin ito sa kaniyang trabaho pero diretso na ang uwi niya sa apartment na inuupahan ko. Nakapagtataka nga dahil hindi naman ito ganito. "Dalawang araw ka na rito, wala ka ba'ng planong umuwi sa condo mo?" tanong ko sa kaniya habang nagbibihis ako. Nagpatuloy ako sa aking ginagawa habang tinitingnan ko ang reaksyon niya sa repleksyon ng salamin. Para lang siyang walang narinig kaya inulit ko ang tanong ko pero gaya pa rin ng una kong tanong ay hindi pa rin ito tumutugon sa akin. Mula nang pumarito siya sa inuupahan ko ay dalawang araw na siyang hindi umuuwi. Dalawang araw na rin akong naghahanap n