HINDI NGA kumain si Strawberry kagaya ng sinabi nito. Bumili pa rin ng buko si Spencer para kung sakaling magbago ang isipan ng kanyang asawa ay may kakainin pa rin ito. Kahit nang maghapunan sila ay hindi napilit ni Spencer na kumain ang kanyang asawa. Ni hindi rin ginalaw ni Strawberry ang bukong binili ni Spencer. "Yaya, nakita niyo ba si Sweet?" tanong ni Spencer kay Yaya Belen dahil hindi niya makita ang kanyang asawa sa kahit saang sulok ng Mansiyon. Madami pa sana itong gagawin sa may library room kaya lang ay hindi siya mapakali sa tuwing maiisip niyang nagtatampo pa rin ang kanyang asawa. "Naku! Nasa likuran ng Mansiyon nakaupo sa may puno ng niyog. Kanina ko pa pinapapasok ayaw niya. Inakyat na nga ni Rupert ang niyog kaya lang ayaw niya 'yong kinuha ni Rupert." Sagot ng Yaya.