Chapter 10 Napapikit ng mariin si Athena ng marinig niya nanaman ang isang malakas na kulog habang walang tigil ang pag-ulan. Parang galit na galit ang langit sa pagsabog ng mga kulog at nasusundan pa iyon ng mga pag-ilaw ng mga kidlat. Mukhang may bagyo nga! Dahil wala naman siyang telebisyon o radyo man lang sa kanyang bahay ay hindi niya nalalaman ang mga binabalita. Dumedepende lang siya sa lakas ng ulan. Kapag walang tigil ang pag-ulan at ganito kalakas, pinapalagay niyang may bagyo na kapag ganoon. Sanay na siya sa ganito sa loob ng maraming taon. Ngunit sa tuwing may bagyo ay palagi siyang natatakot lalo na't nag-iisa lamang siya doon sa kanyang bahay Napapadasal nalang siya madalas na huwag sanang umapaw ang tubig mula sa dagat dahil natatakot siyang masira ang kanyang bahay.