Chapter 9
Huminga ako ng malalim nong tignan ko ang sarili kong replekyon sa full body na salamin. Sukat naman ‘yong unipormeng binigay nila sa ‘kin ngunit hindi ako sanay magsuot ng mga hapit sa katawan at sobrang haba na abot hanggang paanan. Hinayaan ko lang na bagsak ang kalahati ng buhok kong kulot sa may dibdib ko ang haba at bahagya kong inayos ang mga baby bangs na kulot. Wala pa akong balabal na katulad nila dahil sabi ni Hendrix binibigay daw ito sa oras na malaman kong saang bahay ako kabilang.
Iniisip ko nga kong totoo ba talagang kabilang ako rito, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala, paano kong hindi? Ipapatapon kaya uli nila ako sa dati kong mundo? Pero alam kong wala na akong babalikan do’n, ngayon lang ako nangamba ng ganito dahil alam kong hindi ko alam kong paano ako mag-uumpisa sa oras na bumalik ako ro’n.
Marami pang pinaalala si Hendrix kanina bago niya ako iwan. Baka sa susunod na araw ang paglilibot sa buong Linux dahil may gagawin pa siya pero babalikan niya ako bago maghapunan. Hinarap ko ang silid ko, simple lang ito ngunit mas maayos kumpara sa madalas kong natutulugan, malaki ang kama para sa isang taong katulad ko, may terrace, tanaw ang burol at bayan do’n. Maraming pinaliwanag si Hendrix na hindi ko gaanong naintindihan, makakalimutin ako at sa ibang bagay ako magaling katulad ng pakikipaglaban. Kaya tatanungin ko na lang siya sa susunod.
May maliit na kabinet na kasing taas ko na may mga gamit na at damit na kasya sa ‘kin. Lamesa at isang upuan. Lumabas ako sa terrace at tinanaw ang kabudukan sa di kalayuan. Nakita ko na naman ang madilim na parte at para bang palaging may bagyo ro’n. Napakaganda ng Avalon, para itong painting ngunit hindi perpekto dahil sa madilim na parte nito. Naalala ko ang sinabi ni Hendrix kanina bago niya ako iwan tungkol sa lugar.
Nong makapasok kami sa silid dumiretso agad ako sa bukas na pinto ng terrace, tinanaw ang lahat at dinama ang malamig na hangin. Natigilan ako nong makita ko ang makulimlim na kalangitan sa di kalayuan at naramdaman kong tumabi si Hendrix sa ‘kin.
“Anong lugar ‘yon?” Sabay nguso ko sa kabundukan na halos natatabunan ng madilim na kalangitan.
Huminga siya ng malalim, “ang Peridot.”
Napansin ko na kumikidlat pa ro’n, “madilim ba talaga ro’n? Ano bang meron do’n?”
Narinig ko siyang ngumisi, “hindi mo gugustuhing mapunta ro’n. Napakagulo ro’n sabi nila, halos lahat ng mga halimaw nakatira ro’n at pumapatay ng mga kapwa natin Onyx nakatira ro’n. Makakatungtong ka lang siguro ro’n kong sakaling may gawing masama ka sa Onyx at ipatapon ka rin do’n.”
Hindi ko alam kong bakit kinakabahan ako at tinataasan ako ng balahibo sa batok sa tuwing mapapasulyap ako sa kabundukan ng Peridot. Kaya bumalik na lang ako sa loob at sinara ang pinto ng terrace.
ILANG oras pa akong nagtagal at nagpahinga sa silid ko bago ako binalikan ni Hendrix. May mga ilang bagay pa siyang pinapaliwanag pero hindi naman ako masyadong nakikinig sa kanya dahil namamangha pa rin ako sa kakaibang mundong pinasok ko lalo na ang nakakalulang ganda ng Linux.
“…mas maganda kong sumama ka sa ‘kin pa minsan-minsan---nakikinig ka ba?”
Hinila ni ni Hendrix ng bahagya ang manggas ng long sleeve kong nakatupi hanggang siko kaya nakuha niya ang atensyon ko.
“Oo, ano ba ‘yon?”
Huminga siya ng malalim at para bang pinagpapasensyahan na lamang niya ako, “sabi ko mas maganda kong sumama ka sa ‘kin madalas lalo na’t wala kang gaanong kakilala rito.”
Tumango-tango na lang ako bilang pagsang-ayon, “ayos lang.”
Mukhang may sasabihin pa siya ngunit hindi na niya tinuloy. Tuluyan na kaming nakapasok sa loob ng bulwagan, pagkapasok namin hindi ko maiwasang mapatingala sa napakataas na kisame nito na gawa sa salamin kaya matatanaw mo sa labas ang madilim na kalangitan at nagningningan na bituin do’n. Napakaraming estudyante sa loob ng bulwagan, mahahabang upuan at lamesa. Sa bawat lamesa’y may nakahanda ng mga pagkain. Suot nila ang kanilang mga cloak na nagpapakita kong saang bahay sila kabilang.
Meron ding katulad kong walang suot na cloak at mukhang baguhan din. Niyaya ako ni Hendrix sa pinakamalapit sa unahan at wala pang gaanong nakaupo. Magkatabi kami at may dalawang babae sa unahan ko. Parehas silang walang cloak na suot katulad ko. Kapansin-pansin ang pulang buhok ng isa na nakatali, nakasimangot ito nong mapasulyap ako sa kanya, ang isa naman ay may pakpak na parang sa paru-paro, may mahahabang tenga at bahagyang singgit ang asul niyang mga mata at nagniningning ang kutis niya sa tuwing tumatama sa liwanag. Ngumiti naman ito sa ‘kin.
Nawala ang atensyon ko sa kanila nong tumahimik ang napakaingay na bulwagan nong pumasok ang mga nakahilerang estudyante papasok. Nakasuot sila ng kulay pilak na cloak, ngunit may iba’t ibang linya ng kulay sa bawat gilid ng cloak nila, maroon ang kay Bron bilang Agate at do’n ko lang napansin nong makalapit sila. Nakita ko si Bron sa unahan na parang sinusundan ng sampu pang estduyanteng nakasunod sa kanya. Napakaseryoso ng mga mukha nila. Sinundan ko sila hanggang sa makaupo sila sa ibabang bahagi ng animoy stage para sa kanila. Sumunod naman ang miyebro ng konseho at ilan pang kasapi ng Linux. Nasa pinakamataas na parte ng stage ang konseho at nasa pangalawang palapag nakaupo ang mga iba pang matataas na miyembro ng Linux.
Nang makaupo ang lahat, tumayo naman ang pinakalider ng konseho, si Albumem Stewart, hindi ko siya makakalimutan. Tumayo at bumaba siya sa harapan namin.
“Magandang gabi sa lahat at maligayang pagdating sa Linux lahat ng mga baguhan.” Bati niya sa lahat, “alam kong marami kayong katanungan, agam-agam sa mga sarili at may ilang natatakot sa bagong yugto ng kanilang buhay sa Linux. Ngunit ‘wag kayong mag-alala, marami kayong matututunan at malalaman habang narito kayo. Bago pa man kayo makalabas ng paraalan na ito alam naming handa na kayong kaharapin ang mundo lalo na’t nasasangkot sa suliranin ang Onyx…”
Nag-umpisang magbulong-bulungan ang mga estudyante.
“…ngunit hindi rin ninyo kailangan magamba, walang mangyayaring masama lalo na’t pinatitibay ng mga kawal ang pagbabantay sa boundary at pakikipaglaban sa mga halimaw na gustong manggugulo. Gagawa tayo ng paraan para hindi sila makapasok sa estado at kaharian natin. Ang masasabi ko lang ay malakas tayo at kaya nating talunin sila. Ano mang suliranin ang dumaan sa Onyx, mananalo tayo mula sa mga kalaban at matatalo natin sila. Mas magtatagumpay ang liwanag sa kadiliman.”
“Ngayong may mga baguhan tayo sa Linux at kailangan binyagan. Maaring pumila sa unahan para malaman natin ang bahay na kabibilangan ninyo.” Dagdag pa niya.
Biglang lumabas ang mga butler at katulong. May nilapag silang mumunting lamesa sa harapan ni Albumem, nakapatong sa lamesa na ‘yon ang punyal, mga puting pamunas at isang bowl na puno ng tubig. Sa likod niya nakatayo ang mga katulong na may mga hawak na lalagyan na puno ng mga iba’t ibang cloak.
“Kailangan lang ninyong sugatan ang sarili ninyong kanang palad gamit ang punyal at ipatak ang dugo ninyo sa tubig. Sa oras na ipakita ng tubig ang kulay nito na siyang makakapagsabi kong saang bahay kayo kabilang,” paliwanag pa niya.
Nakita ko na lang na isa-isa silang pumila sa harapan ng lamesa at sumunod ang dalawa kong kaharap na babae sa lamesa.
“Sige na, pumila ka na rin,” sabi sa ‘kin ni Hendrix.
Kinakabahan ako dahil iniisip ko na baka walang lumabas na kulay. Hindi na ako nagpumilit pa at tumayo. Nakipila na rin sa kanila. Habang nakapila kami, umuusad din ang pila at isa-isa nilang nalalaman kong saan sila kabilang. Sa oras na malaman nila inaabutan sila ng cloak na kulay na simbolo kong saang bahay sila kabilang.
Habang papalapit ako sa lamesa hindi nawawala ang kaba ko at mas lalo lang itong nadadagdagan. Ilang beses akong huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili ko. Hanggang sa ako na ang nakaharap sa lamesa at sa istriktong mukha ni albumem Stewart.
Tinaasan niya ako ng isang kilay, hindi na ako tumitig sa kanya at kinuha ang gintong punyal na nakapatong sa platito. Huminga ng malalim at hindi nagdalawang isip na sinugatan ko ang sarili ko sa palad. Naramdaman ko ang gumihit na hapdi sa ginawa kong sugat sa kanan kong palad at agad na lumabas ang sugat.
Nag-aalangan akong ipatak ang dugo ko sa sa tubig at nagulat na lang ako nong hilahin niya ang kamao ko. Napangiwi ako nong pisilin niya ‘yon at tuluyan ng pumatak ang dugo sa espesyal na tubig.
Titig na titig ako sa tubig habang hinihintay ang pagbabago ng tubig, nanatiling hawak niya ang kamao ko ngunit hindi ko inaasahan ang pagbabago ng tubig. Dahan-dahan itong naging kulay maroon. Nakahinga ako ng maluwag at para bang nabunutan ako ng tinik sa dibdib ko sa lumabas na resulta. Binitawan ni albumem ang kamao ko.
“Aga---”
Ngunit hindi niya naituloy ang kanyang sasabihin ng muli itong nagbago ang kulay ng tubig at sa pagkakataon nito, kayumanggi naman.
Nag-umpisa ang bulong-bulungan sa paligid, kosa akong napasulyap kay albumem Stewart na gulat na gulat sa ‘king nakatitig. Muli na naman akong kinabahan at hindi ko alam kong anong ibig sabihin nito.
“Agate at Hyalite?” Bulalas niya.