"Zaekah, ano 'tong nakarating sa akin na napatawag ka raw sa Principal's Office?"
Natigilan ako sa pagsubo ng pagkain nang marinig ko iyon mula kay Tatay.
"Really? What happened, Zaekah?" Si Nanay naman iyon.
Nag-angat ako ng mukha. Lahat sila ay nakatingin na pala sa akin, pati na si Kuya Zyrus.
Nagkibit-balikat ako. Hindi pa ba sila sanay?
"As usual. Pinagkatuwaan na naman ang katabaan ko..."
Nakita kong napabuntonghininga si Nanay. Napailing naman si Tatay.
"Mag-reduce ka na kasi," iyan naman ang komento ni Kuya Zy, kaya binigyan ko siya ng matalim na irap.
Binalingan ko si Tatay.
"Don't worry, Tatay. Ipinagtanggol naman ako ng classmate ko. Kami ni Duchess," sabi ko, para hindi na magalit, at the same time ay mag-alala si Tatay.
"Yeah, I heard."
Napangiti naman ako nang maalala ko si Phoenix, at kung paano niya ako ipagtanggol kanina sa grupo nila Maxwell.
"Mag-reduce ka na nga kasi. Grabe ka kasi kumain." Si Kuya uli.
Pinaningkitan ko ng tingin si Kuya. "May problema ka ba sa akin, Kuya?"
Ibinaba ni Kuya ang hawak niyang kubyertos sa gilid ng plato niya.
"Ang akin lang, Zaekah... dalaga ka na. Hindi na tugma sa edad mo 'yang katawan mo. Dati nung elementary ka pa, cute kang tingnan na mataba, pero ngayon..."
Bumaling ako kay Tatay.
"Tatay, si Kuya, oh..."
"Pinagsasabihan ka lang ng Kuya mo." Si Nanay ang sumagot.
"Tama naman siya, dalaga ka na. Hindi ko naman sinabing magpa-sexy ka nang bongga. Magpaka-healthy ka lang. Baka mamaya, hindi mo alam may sakit ka na pala, hindi mo pa alam. Traydor ang sakit sa puso. Di ba nga, iyon ang kinamatay ng Nanay ko, ng Lola n'yo."
Napanguso ako, at saka kumutsara ng pagkain mula sa plato ko. Halos ganun dun naman ang sinasabi sa akin ni Duchess.
"Ang sarap mo kasing magluto, 'Nay..."
"Nasisi pa ko." Tumirik pa ang mga mata ni Nanay, kaya bahagya akong natawa.
"Hayaan n'yo nga si Zaekah. Bakit n'yo ba pinapakialaman pati ang pagkain niya. Sa gusto niyang kumain eh, bakit n'yo ba pinipigilan?" kalmado lang na sita ni Tatay kina Nanay at Kuya Zyrus.
"Chad??"
Nilingon ni Tatay si Nanay.
"Babe... maganda pa rin naman ang anak mo, kahit malaman siya. Cute nga, eh."
Tinaasan siya ng kilay ni Nanay.
"If I know... kaya ganyan ka mag-isip, kasi hindi ka mamomroblema sa mga boys na pwedeng umaligid sa anak mo."
Nag-iwas ng tingin si Tatay, na parang nasukol siya ni Nanay. Nakita kong pinipigil naman ni Kuya ang ngiti niya.
"At bakit naman 'yan ang naisip mo na iniisip ko? Hindi 'noh... ang gusto ko lang ma-enjoy ni Zaekah kung ano ang mga gusto niyang gawin. Kung gusto niyang mag-enjoy sa pagkain, eh di mag-enjoy lang siya. Huwag tayong killjoy sa mga gusto niya," mahabang litanya ni Tatay.
"And so, okay lang sa iyo na binu-bully 'yang anak mo? Niloloko ng mga walang pinag-aralang mga lalaki. Hanggang kailan naman merong magtatanggol na malapit sa kanya. Ano 'yun? Tuwing kailangan niya ng tagapagtanggol, lilipad ka papunta sa anak mo? Si Superman ka?" sagot naman ni Nanay sa litanya ni Tatay.
Lihim akong napangiti. Sino kaya ang mananalo sa dalawang ito?
"'Go, Nanay! I support you!" pagkampi naman ni Kuya Zyrus.
Sumubo si Tatay, at saka umiiling na tumimgin kay Kuya Zyrus.
"Kahit kailan naman, hindi mo ako kinampihan. Laging ang Nanay mo ang kinakampihan mo."
Natawa naman si Kuya. "Hala! Si Tatay... may ganun?" sabi sa kanya ni Kuya Zyrus.
"Malamang, ako ang kampihan niyan. Mas matagal ko 'yang nakasama, kaysa sa iyo," pagsang-ayon naman ni Nanay.
Lihim akong natuwa, nawala sa akin ang atensiyon nila. Sinamantala ko iyon, at binirahan ko ng subo.
Umikot ang mga mata ni Tatay. "Babe, lagi mo na lang 'yan sinasabi sa akin..."
"Totoo naman kasi, 'Tay..." pagsang-ayon naman ni Kuya kay Tatay.
"Aba, malay ko bang ang tindi ng kamandag ko, at nakapagtanim agad ako ng punla sa Nanay mo! At guwapo pa!" may pagmamalaki pa sa boses ni Tatay.
Nabigla si Nanay sa sinabi ni Tatay.
"Chad! Iyang bibig mo! Kahit kailan ka!"
Natawa naman kami ni Kuya Zy. Hindi kaila sa aming dalawa kung paano nagsimula ang love story nila Nanay at Tatay. Strangers na na-love-at-first-sight? Mga estranghero sa isa't isa na pinagtagpo, at nagkatuluyan.
"Ano 'yung bibig ko, babe?" tila nanunuksong tanong ni Tatay kay Nanay.
Umirap muna si Nanay, bago sumagot.
"Minsan matabil, kadalasan bulgar!" sagot sa kanya ni Nanay, na ikinatawa naman ni Tatay.
Sige lang, magkatuwaan kayo diyan... kakain lang ako dito. Kaya nga habang nag-aasaran sila Nanay at Tatay, at nakikinig naman si Kuya Zyrus sa kanila, binanatan ko ang mga pagkain sa mesa.
Naririnig ko pa ang tawanan nilang tatlo, habang panay naman ang sandok at subo ko ng pagkain. Naka-ready na ako tusukin ang huling piraso ng Lechong Kawali sa bandehado, nang marinig kong tinawag nila ang pangalan ko.
"Zaekah!"
"Zaekah Marie?"
"Princess!"
Natigil ako sa balak kong gawin. Nabitin pa tuloy ang kamay ko sa ere. Ngumunguyang napatingin ako sa kanilang tatlo.
"What?" kalmado kong tanong sa kanila.
Frustrated na nakatingin sa akin si Kuya Zy. Malalim itong humugot ng hininga.
"Tsk! Baby Zae... naubos mo lang naman lahat ng pagkain sa mesa..."
Nginitian ko lang si Kuya Zyrus. Pagkatapos ay binalingan ko si Nanay, na nagbibigay ng babala ang tingin, at si Tatay na may tingin sa akin na hindi makapaniwala.
Nginitian ko rin silang dalawa, at saka nag-peace sign. "Sorry..."
KANINA pa ako hindi makatulog. Naaalala ko kasi si Phoenix. Kanina ko pa naiisip iyong pagtatanggol niya sa amin ni Duchess, kahit pa ganun lang ang katawan niya. Pakiramdam ko tuloy, lalong nadagdagan ang nararamdaman kong paghanga sa kanya. Kanina pa ako dilat, at nakatitig lang sa kisame ng kuwarto ko.
Bakit ba kasi ang lakas ng hatak sa akin ni Phoenix? Kakaiba ang facial feature niya. Parang may iba siyang lahi. Parang Arab. Gustong-gusto ko 'yung bilugan niyang mga mata, na lalong gumanda dahil malalantik niyang mga pilikmata, na binagayan ng makakapal niyang mga kilay. Ang kanyang ilong ay hindi mo naman masasabing hindi matangos, pero hindi rin naman pango. Hindi nga lang pointed na katulad ng sa akin. Idagdag pa ang maalon niyang buhok.
Mariin akong pumikit, at pilit inalis sa isip ko ang imahe ni Phoenix. Kailangan ko nang makatulog, at may pasok pa ako bukas. Ako pa naman ang nakatokang sumundo kay Duchess bukas.
Nawala nga ang imahe ng mukha ni Phoenix sa isip ko, pero iyong eksena naman kahapon ng pambu-bully at pagtatanggol sa akin ni Phoenix ang naglaro sa isip ko.
Naisip ko si Maxwell. Guwapo sana naman iyong lalaking 'yun. Maganda pa ang katawan. Pero natatakpan kasi ng pangit niyang ugali ang kaguwapuhan at kamatsohan niya. Ang bali-balita dati sa school ay anak si Maxwell ng isang executive sa isang sikat na TV network. Hmp! Siguro, hindi siya mahal ng mga magulang niya, kaya ganun kapangit ang ugali niya!
Hindi ko tuloy maiwasang hindi ipagkumpara ang mga katawan nila Maxwell at Phoenix. Kasi naman... bakit nga pa ang payatot ni Phoenix? Wala ba siyang makain sa kanila? Wala bang sustansiya ang mga kinakain niya? Bigla kong naisip, hindi ko nga pala siya nakikita kapag oras ng recess namin. Ni minsan ay hindi ko siya nakitang kumakain kapag recess. Siguro, kung iyong katawan ni Phoenix ay katulad ng tikas ng katawan ni Maxwell, mas malakas siguro ang appeal niya!
TUNOG ng cellphone ang gumising sa akin. Naririnig ko ang ringtone ko, pero hindi ko maidilat ang mga mata ko. Palibhasa, kulag na kulang ako sa tulog.
Hindi ko na mabilang kung nakaka-ilang ring na ba 'yung phone ko nang sa wakas ay magawa kong idilat ang mga mata ko. Naniningkit ang mga mata na kinuha ko ang phone ko sa bedside table. Pilit kong sinilip ang screen kung sino ang tumatawag.
Duchess Babe calling...
OMG! Tanghali na ba? Ano'ng oras na ba?
"Hello, babe? Tanghali na ba? Ano'ng oras na? Pambihira si Nanay, hindi ako ginising."
["Um, babe... halatang-halatang napuyat ka kagabi. Ano'ng oras ka ba natulog? Don't panic. Maaga pa. Kaya pa. Huwag kang magmadali."]
"Sorry. Akala ko late na tayo. Bakit ka pala tumawag?"
["Babe, kaya ako tumawag kasi hindi na muna ako papasok. Para hindi ka na dumaan dito sa amin."]
"Bakit?"
["Mataas na naman ang BP ni Mother. Imo-monitor ko muna. Hindi rin naman ako matatahimik sa school nito, eh. Kapag bumaba na agad, hahabol ako mamaya sa afternoon class natin."]
"Ah, okay... akala ko talaga late na tayo."
Hindi ko napigilan ang mapahikab nang malakas.
["Ano ba kasi'ng pinagkaabalahan mo kagabi, Zaekah Marie? May ka-chat ka ba?"]
"Ano? Wala! Hindi lang talaga ako makatulog kagabi. Naparami yata kain ko sa dinner."
Sinungaling ka, Zaekah Marie...
["Alam mo, babe... para ka rin itong si Mama, eh. Pareho kayong matigas ang ulo. Sabi nang hinay-hinay na sa pagkain."]
"Okay, fine. Sige na. Sige na. Susunod na po..."
["Talaga, babe? Susundin mo na ko?"]
"Eh, paano... nakukulili na ang tenga ko sa inyong tatlo nila Nanay at Kuya."
["Akala ko pa naman, nang dahil sa akin kaya mo gagawin 'yun"]
"Tatlo na nga kayo. Partida na nga, di ba?"
["Oh, sige na. Bumangon ka na. Baka naman mahiga ka pa uli, makatulog ka na naman."]
"Oo. Babangon na po. Titingin na rin ako sa ref ng pwede kong baunin. Wala ka eh, sa room na lang ako kakain ng lunch."
["Very good, babe! Oh, sige na."]
"Bye."
Inot-inot akong bumangon at bumaba ng kama ko. Ginawa ko na ang lahat ng ritwal ko sa umaga, nagbihis ng school uniform, at saka bitbit na ang bag na lumabas na ng kuwarto ko. Inilapag ko lang ang bag ko sa sofa, at saka tumuloy na sa dining. As usual, nandito na si Nanay, at busy na sa pagluluto.
"Good morning, Nanay!"
Nakangiting lumingon siya sa akin. "Good morning din, ganda. Upo na. Pababa na rin ang Kuya mo."
Kumunot ang noo ko. "Bakit si Kuya lang, 'Nay? Si Daddy hindi pupunta sa office?"
"Mamaya pa raw."
"Naku, 'Nay... baka naman masundan pa ako niyan, ha. Mapagkamalan pang anak ko 'yung bata," natatawa kong tukso kay Nanay.
Pinaningkitan ako ng mga mata ni Nanay, kaya lalo akong natawa.
"Tumigil ka nga diyan, Zaekah. Ang bata-bata mo pa, kung ano-anong naiisip mo? Ang isipin mo dapat, kung paano ka papayat..."
Inihilamos ko ang kamay ko sa mukha ko.
"'Nay naman... bakit sa pagpayat na naman napunta ang usapan?"
"Eh, kasi nga... panahon na talaga. Natuwa pa naman ako sa iyo nung bata ka, kasi idol mo si Star Miranda. Akala ko pa naman madadamitan kita ng mga gawa kong design, at magkakaroon ako ng model na anak. Eh, ngayon? Paano ka na magiging model niyan?"
"'Nay... ganun po talaga... saka ang sarap-sarap kumain, 'Nay! Lalo na kapag luto mo?"
"He! Binola mo pa ako. Hala! Eto..."
Binuksan ni Nanay ang ref, at saka may kinua mula doon sa loob. Nakita kong naglabas siya ng dalawang microwable tub, at saka dala-dala ang mga iyon na naglakad siya papunta sa akin. Inilapag niya sa ibabaw ng mesa iyong dalawang tub. Nakita kong parang puro fresh na gulay ang laman nung isa, samantalang mga karne naman ng baboy ang laman nung isa.
"Ano 'yan, 'Nay?" nagtatakang tanong ko.
"Vegetable Salad. Iyan ang kainin mo. Ibuhos mo na lang mamaya iyung sauce niya. Ihiniwalay ko muna para hindi malanta iyung mga gulay."
"'Nay?? Gumising ka pa talaga ng maaga para ihanda 'yan?"
"Yes, anak! Kaya... kainan mo 'yan. Kung hindi, magtatampo ako."
"'Nay..." pagrereklamo ko naman.
"Huwag ka nang magreklamo, hindi naman kita bibiglain. Eto..." Kinuha niya iyong isang tub, at saka inilapit sa akin.
"Meron ka namang meal. Binawasan ko nga lang ng rice mo. One cup 'yan."
Napalunok ako. "One cup, 'Nay? Hindi ako tatagal nun!"
Pinanlakihan ako ng mga mata ni Nanay.
"Pwes, kayanin mo. Dahil ilang araw pa, babawasan ko uli 'yang kanin mo."
"'Nay! Hindi mo ba ako mahal, 'Nay?
"Tigilan ako sa pagda-drama, at pumasok na. Starting today, sa ayaw at sa ayaw mo, dahil alam kong hindi mo gusto, start ka na ng diet. Period."
"At bawal kang bumili sa cafeteria. Tatawagan ko si Leslie. Pababantayan kita kung may binili ka dun," pahabol pa ni Nanay.
Si Tita Leslie ang in-charge sa school cafeteria. Kumare siya ni Nanay, dahil inaanak ni Nanay ang anak nito, so for sure, na kay Nanay ang loyalty ni Tita Leslie.
Muling kinuha ni Nanay iyong dalawang tub. Binuksan niya iyong isang kabinet, at saka inilagay iyong hawak niyang mga tub sa isang malinis na eco bag.
"Here. Enjoy your food later, Zaekah Marie," nakangiti pa niyang sabi sa akin nang iabot niya iyong eco bag na naglalaman ng baon ko. Hindi ko alam kung genuine ba iyong ngiti ni Nanay, o gusto lang niya akong asarin.
Napatingin ako sa eco bag.
Ang lungkot naman ng araw na 'to. Wala na nga si Duchess sa school mamaya. Wala pang appeal ang baon ko. Haaayyyy.... sad life....
~CJ1016