CRISCENTIA Puro tungkol sa kaarawan ni Aquilina ang naririnig ko. Ang lahat kong kamag-aral ay walang ibang bukambibig kung hindi ang kanilang kasabikan. Imbitado ang lahat, paniguradong nais ibida ni Aquilina ang kanilang yaman. "Criscentia! Magmadali ka, nalaman mo na ba ang balita?" maligalig na wika ni Carmela. Ano na naman itong sasabihin niya? Gagaya rin ba sa iba at ikukwento sa akin ang tungkol sa magaganap bukas ng gabi? Sawang-sawa na ako. Kulang na lang ay dumugo ang aking tainga dahil sa mga naririnig tungkol sa malanding Aquilina na iyon. Lumapit ito sa akin, inilingkis ang kanyang kamay sa aking braso. Kasalukuyan naming binabagtas ang pasilyo patungo sa aming silid-aralan. "Ano na naman iyan? Kung tungkol lang naman kay Rimas, tigilan mo ako, Carmela. Baka makatikim ka n