Ilang araw matapos magkaroon ng paa at makalakad si Yue ay kumalat na agad ang balitang ito sa buong Tsunaria.
"Mabuti naman at may paa na si Yue, sa wakas ay mawawala na rin ang salot dito sa karagatan," ang salita ng isang matadang sirena, hindi ito nakaligtas sa pandinig ni Seres.
"Anong sinabi mo? Hindi salot at lalong hindi malas si Yue! Itigil niyo na ang panininisi sa kanya!" ang pagtatanggol nito sa kanyang anak. "Bakit ganyan kayo? Sa halip na magtulungan tayo ay bakit nagagawa nating siraan ang isa't isa?" dagdag pa niya.
"Inay, huwag ka na makipag-away, wala rin naman tayong magagawa dahil sarado na ang kanilang pag iisip. Gagawin ko na lamang ang misyon upang matapos na ang lahat ng ito," sagot ni Yue, hinawakan niya ang kamay ng ina at lumayo na lamang sila sa mapanghusgang mata ng kanilang mga kalahi.
"Minsan ay kinakailangan rin nating lumaban para hindi tayo inaapi. Kung tutuloy ka sa iyong misyon ay dapat matuto kang ipagtanggol ang iyong sarili, maliwanag ba?" tanong ni Seres kay Yue.
Ngumiti ang binata, "kaya kong ipagtanggol ang aking sarili, wala kang dapat ipag alala sa akin inay. Magiging maayos rin ang lahat para sa atin."
"Kung talagang iyan na ang desisyon mo at hindi na magbabago ito ay nais kong ituro sa iyo ang mga bagay na dapat mong malaman pagtungtong mo sa lupa. Ang ating pag-aaral ay magsisimula bukas, handa ka na ba?" tanong ni Seres.
"Handa na ako inay, salamat sa suporta," tugon ni Yue at niyakap niya ng mahigpit ang kanyang ina.
At iyon ang set up, nagsimulang ituro ni Seres kay Yue ang lahat ng kaalaman niya tungkol sa itaas ng lupa. Matatandaan na ilang taon ring tumira at nakisalamuha si Seres sa mundo ng tao bago siya mabigo sa pag ibig at magdesisyon na bumalik na lamang sa karagatan. Sa halos ilang taong iyon ay marami na siyang natutunan sa lupaing iyon. Kaya magiging malaking tulong ito kay Yue.
Ang kanilang pagsasanay ay magaganap sa isla ng Karikit kung saan siya natutong maglakad. Ngayon ay pareho silang nakatayo ni Seres sa lupa, hawak niya ang isang malaking kahon na kinuha niya mula sa kweba ng isla. Nakakatuwa ang itsura ni Yue dahil nakasuot lamang ito ng balabal sa kanyang katawan, habang si Seres ay nakasuot ng lumang bestida.
"Ang kahon na ito naglalaman ng ilang mahahalagang gamit ko doon sa ibabaw ng lupa. Dito ko ito itinago sa Isla ng Karikit kasama ng mga gamit ng iyong yuRyoung ina at ilang gamit ng iyong ama,” ang paliwanag ni Seres.
"Nagtutungo rin ba ang aking ina sa lupa?"tanong ni Yue.
"Oo naman, siguro ay dalawa o tatlong beses ko siyang isinama doon. Tuwang tuwa ang iyong ina noon, hanggang ngayon ay naalala ko pa rin ang kanyang magandang ngiti. Sa tingin ko ay panahon na rin upang matutunan mo ang uri ng pamumuhay doon. Handa ka na ba?" tanong ni Seres.
Tumango si Yue at ngumiti, "Handa na ako, excited na akong matutunan ang lahat ng ito."
"Ang pinaka una mong dapat na matutunan ay ang pagsusuot ng damit. Ito ang pinakaimportante bagay sa ibabaw ng lupa. Ang isang tao ay hindi lumalakad ng nakahubo't hubad. Katulad ng sinasabi ko sa iyo, ang ibang tao ay masama at malisyoso, madumi ang kanilang mga pag iisip, maaari ka nilang saktan o abusuhin kapag naglakad ka ng nakahubo o walang saplot sa katawan. Kaya't importante ito sa lahat ng bagay," ang panimula ni Seres at ipinakita niya kay Yue ang kanyang mga damit doon sa ibabaw ng lupa. Labis niya itong iningatan kaya't hanggang ngayon ay maayos pa rin ang condition. Mabuti na lamang at may damit din ang kanyang ama sa kahon, ito ang kanyang ginamit.
“Kamukhang kamukha ka ng iyong ama, ganyang ganya ang itsura niya kapag siya ay nakadamit,” ang nakangiting wika ni Seres.
“Talaga inay? Sana ay magkita kami ni ama sa itaas ng lupa,” ang sagot ni Yue.
Ito ang pinakaunang bagay na itinuro ni Seres kay Yue, ang tamang paraan ng pagsusuot ng damit. Ipinaliwanag rin niya sa binata na hindi siya maaaring magpakita ng hubad na katawan sa kahit na kanino doon sa ibabaw ng lupa dahil masama ito. Ang mga tao ay malisyoso at madumi ang pag iisip. Maaari siyang mapahamak kung gagawin niya ito.
Itinuro rin ni Seres kay Yue ang maayos na paglalakad gamit ang tsinelas. "Ito ay isinusuot sa paa upang maprotektahan ang ating talampakan mula sa matitigas at matutulis na bagay na maaari nating matapakan. Pinoprotektahan din nito ang ating mga paa sa init at lamig ng panahon, subukan mong lumakad na suot ang tsinelas," dagdag ni Seres.
Lumakad si Yue suot ang damit at ang tsinelas. Mabilis itong natuto at ngayon ay para na siyang isang normal na lalaking nakatayo ng maayos. Sa kagwapuhan ni Yue ay nakatitiyak si Seres na pagkakaguluhan ito ng mga tao sa itaas ng lupa.
Napaka ekstra ordinaryon ng pisikal na anyo ng binata, ang kanyang mukha ay parang isang diyos na umahon sa karagatan. Makinis ang kanyang balat, maganda ang mata, ilong at labi. Bagay na bagay ito sa kanyang kulay itim na buhok.
Habang nakatayo si Yue sa dalampasigan at hinahangin ang kanyang kasuotan ay hindi maiwasang mapaluha si Seres dahil kahawig na kahawig niya ang kanyang mga magulang. At kung nabubuhay pa ang kanyang ina ay tiyak na matutuwa ito kapag nakita ang kagwapuhang taglay ng kanyang kaisa isang anak.
Sa paglipas ng mga araw ay nagtuloy tuloy pa rin ang pagtuturo ni Seres ng kaalaman kay Yue, ngayon ay itinuturo niya dito ang tamang paglilinis sa kaniyang katawan.
"Dahil wala ka na sa karagatan ay makakaramdam ka ng init at pagpapawis sa ibabaw ng lupa. Ang bawis ay nakakabaho ng katawan kinakailangan mong maglinis at maligo. Kailangan mo rin matuto ng mga pribadong gawain katulad ng pagdumi at pag ihi ng maayos," dagdag pa niya.
Dumaan si Yue sa intensive training, lahat ng ituro ng kanyang ina ay maigi niyang tinatandaan. Hindi nila alam kung anong klaseng misyon ang ipapagawa sa kanya ngunit mas mabuti na yung may kaunting kaalaman tungkol uri ng pamumuhay ng mga tao sa lupa, at upang hindi siya matulad sa mga sirena na umakyat sa ibabaw ng lupa na walang alam sa buhay.
"At isang mahalagang bagay pa ang dapat mong malaman, Yue," ang wika ni Seres, habang pareho silang nakaupo sa dalampasigan at nagpapahangin.
"Ano iyon, inay?"tanong ni Yue.
"Nais kong malaman mo na sa araw ay maaari kang magkaroon ng mga paa. Hindi ito mawawala kahit na mabasa pa iyong mga paa. Ngunit sa pagsapit ng paglubog ng araw sa kalangitan ay kailangan mong bumalik sa dagat dahil muling magbabalik ang iyong buntot," ang paalala ni Seres.
"Kung ganoon ay hindi pala permanente ang ating mga paa?"tanong ni Yue.
.
Umiling si Seres, "hindi, kaya nga ako nahuli diba? Halos ilang taon rin akong tumatakbo pabalik sa karagatan kapag sumasapit ang sunset. Mahirap maabutan ng pagiging sirena sa ibabaw ng lupa dahil tiyak na papatayin ka ng mga tao. Nakita mo naman siguro kung gaano ka nais hulihin ng mga mangingisda," paliwanag ni Seres.
Nag patuloy ang tanong ni Yue, "Bakit ba nila tayo hinuhuli? Ano bang kasalanan natin sa kanila?"
Napabuntong hininga si Seres, "Dahil ang ating mga buntot ay katumbas ng isang malaking kayaman. Ito ang dahilan kaya't hinahanap at hinuhuli nila tayo. Yue, mag iingat ka doon sa ibabaw ng lupa dahil ang mga tao doon ay masama pa kaysa sa iyong inaasahan.
******
The entire story can be read as PDF PREMIUM.
Please support the writer by purchasing for only 350ph full episodes (75.)
Payment via G-CASH
Please contact: 0995 078 9932/ 0967 237 0945