Kagaya ng sinabi niya, bago kami umuwi ay dumiretso muna kami sa mansiyon nila. Halos alas onse na ng gabi nang makarating kami doon. Pagkababa namin ng sasakyan at pagkapasok sa loob ay agad na dumiretso si Havoc sa ikalawang palapag para kunin ang mga gamit na sinasabi niya. Tulog na ang mga tao, maging sina Nanang Flor at Donya Guada, maliban sa isang kasambahay na naglalaba sa labas nang maabutan namin. Tinanong ko pa nga siya kung bakit gabi siyang naglalaba, ang sagot naman niya ay bukas pa sana ang trabahong iyon pero naisipan niyang gawin na ngayon dahil hindi pa naman siya inaantok. Napangiti ako kasi halata na sobrang sipag ng mga kasambahay nila, bukod doon ay napakabait pa. Pagkatapos ng mabilis na pag-uusap na iyon ay sumama naman ako kay Havoc papunta sa ikalawang palapag.