Aira
Biglang bumukas ang talukap ng aking mata.
Panaginip, na naman?
Bahagya akong umupo mula sa pagkakahiga, saka ko hinawakan ang aking dibdib upang damahin ang mabilis na t***k ng aking puso.
Sino kaya ang lalaking 'yon? At bakit ko siya napapanaginipan?
Lumingon ako sa direksyon ni ate Faria, natutulog pa siya. Kung ano ang posisyon namin sa aking panaginip, gano'n din ang position namin ngayon, ang pagkakaiba lang, nakasara ang bintana.
Matapos iyon, kahit medyo kinakabahan pa ako, bumalik akong muli sa pagtulog.
***
Pagsapit ng umaga, nag-ayos na kami ng sarili at nag-order ng kakainin.
"Magiging official student na kayo ng Wilson University, Aira, Faria," saad ni mommy habang nakangiti. "Mag-enjoy lang kayo sa pag-aaral, ha," dugtong niya.
Isa ang Wilson University sa tinitingalang unibersidad sa Pilipinas. Ang sabi nila, mayayamang tao lang daw ang nakapag-aaral sa school na iyon o 'di kaya'y mga academic scholar.
Hindi naman ganoon kayaman ang aming pamilya, pero masasabi kong may kaya kami. Isang lawyer si daddy at si mommy naman ay isang Doktor.
Madalas busy ang aking mga magulang dahil sa trabaho, pero mula nang mangyari ang insidenteng iyon. Mas nakatuon na ang kanilang atensyon sa aming magkapatid, lalo na sa akin.
"Opo, mommy," tugon ko, saka ngumiti pabalik. Sinubo ko ang bacon na nasa aking plato.
"Faria, nakuha mo na ba ang schedule ng klase mo?" tanong ni mommy.
"Madali na lang po iyon, mom," tugon ni ate.
Tumango lang si mommy sa kanya.
Aira
Bigla akong napalingon nang makarinig ako ng isang tinig. Isang tinig na kaboses ng babae sa panaginip ko.
Tumingin ako sa kaliwa at malayo naman ang mga tao mula sa lamesa naming at sa kanan naman ay ganoon din. Pero bakit parang ang lapit ng boses na narinig ko?
"May problema ba, Aira?" nagtatakang tanong sa akin ni daddy.
Tumingin ako sa kanya saka iniling ang aking ulo at ngumiti.
"Wala po, dad." Bumalik ako sa pagkain na parang walang nangyari.
***
Lumipas ang dalawang masayang araw. Kung saan-saan kami pumunta at sinulit ang bakasyon. Ngunit hindi nagtagal, kailangan na rin naming umuwi sa Manila.
Kaya sa huling gabi namin sa Banaue, sinulit namin ang buong araw at nang gabing iyon, niyaya ko si ate Faria na maglakad-lakad sa labas.
"Bilisan mo naman, ate!" sigaw ko habang kinakawayan siya.
"Ano ba naman 'yan, Aira. Inaantok na kaya ako," bugnot niyang sagot.
Tumawa ako sandali, saka lumingon sa aming paligid.
Napakaganda ng lugar na ito kahit sa gabi. Naglalakad kami ni ate sa gitna ng isang mahabang kalsada. At sa bawat gilid nito, may malalaking bulaklak na tila kasing laki ng tao. Ilang metro rin ang layo ng pagitan ng mga poste ng ilaw. Ang mga poste rito ay may hawig sa Jones Bridge, iyong sa may Manila.
"Saan ba tayo pupunta, Aira?" rinig kong sigaw ni ate.
"Dito lang, hindi naman tayo lalayo." Saka ako impit na tumawa na tila kinikilig. Masaya kasi ako dahil kasama ko ang ate ko.
Nauuna akong maglakad sa kanya habang siya naman ay sumusunod sa akin mula sa likuran. At nang mapagod na ako, naisipan ko na rin yayain si ate pabalik.
"Tara na nga, ate-"
Paglingon ko sa direksyon ni ate Faria sa aking likuran, nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang lalaki sa aking panaginip na nakatayo sa likuran niya.
Tila naparalisado ang aking katawan. Kitang-kita ko ang nangninisik na mata ng lalaking iyon. Nakatanggal ang kanyang hood, maayos naman ang kanyang buhok, matangos ang kanyang ilong at may malalim na mata, ngunit nakakatakot ito.
"Bakit ka-" Natigilan sa pagsasalita si ate Faria nang magsimulang gumalaw ang lalaki sa likuran niya, papalapit ito sa kanya.
Halohalong emosyon ang aking naramdaman nang makita ko ang dahan-dahang paglagay ng kanang palad ng lalaking iyon sa mata ng aking kapatid.
Tulad ko, tila paralisado rin ang katawan ni ate ngayon. Dahil kahit na natatakpan ang kanyang mata ng palad ng lalaking iyon, hindi siya gumagalaw.
Pinilit kong igalaw ang aking katawan upang tumakbo patungo sa kanilang direksyon. At sa wakas nagawa kong makagalaw.
Tila dahan-dahan ang mga pangyayari. Kahit na ako ay tumatakbo, parang ang bigat ng mga binti ko at napakabagal ng takbo ng paligid.
Hanggang sa isang itim na bilog ang tumakip kay ate at sa lalaking iyon.
"Ate Faria!" malakas kong sigaw, sabay sa pagtalsik sa hangin ng aking luha.
Nang maabot ko ang kanilang kinaroroonan, pati ako ay nasama sa loob ng itim na bilog na iyon.
Nagpaikot-ikot ang aking katawan na tila lumulutang sa kawalan. Pilit kong hinahanap si ate pero wala akong liwanag na makita.
Hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.
***
Isang mainit na likido ang bumabasa sa aking pisngi, tila napakalagkit nito.
Ramdam ko ang sakit ng aking katawan na tila galing ako sa malayong pagtakbo. Ngunit kahit ganoon, pinilit ko pa ring dinilat nang bahagya ang aking mata upang malaman kung ano ang bagay na tumutulo sa aking pisngi.
At sa pagmulat ng aking mata, tila lumundag palabas ng aking dibdib ang aking puso dahil sa nakita ko.
Isang napakalaking lobo ang nasa harapan ko. Ang ilong niya ay kasing laki ng aking ulo. At ang kanyang balahibo ay makapal at kulay itim.
Ano 'to? Nananaginip ba ako?