Zeth
Ang Draco Kingdom ay isang kahariang na nasa timog silangang bahagi ng daigdig.
Ayon sa alamat nito, dito naninirahan ang mga lahi ng bampira at dati silang pinamumunuan ng isang reyna na pinagsisilbihan ni Hadi.
Ang mga lahi ng bampira ay isa sa malalakas na lahi ng buong kaharian na nasasakupan ng Peridious.
Kilala ang lahi ng mga ito sa pagiging rebelde dahil sa loob ng kanilang kaharian, nahahati pa sila sa dalawa: Ang grupo ng mga bampirang kumakain ng dugo ng tao at ang grupo ng mga bampirang kumakain ng dugo ng hayop.
Ayon sa kasaysayan, sadyang matitigas ang kanilang ulo at hindi sumusudon sa kagustuhan ng reyna, kaya ganoon na lang ang paghigpit sa mga lahi nila.
Hindi sila lumalabas sa umaga dahil ang sabi, nasusunog ang kanilang balat sa tuwing nasisinagan ng araw. Mabilis din ang kanilang pagtakbo at may kakaibang lakas ang kanilang katawan.
Sa totoo lang, wala pa akong nakakasalamuha na bampira ngunit ang kasabihan, kapag naka-engkwentro ka ng mga tulad nila, gawin mo ang lahat ng paraan upang hindi nila maibaon ang kanilan pangil sa iyong balat, dahil kung magkataon, magiging isa ka sa kanila.
Ito ang mga bagay na sabi-sabi ng mga tao kaya sa pagkakataong ito, kailangan naming mag-ingat.
***
Sa bawat paghampas ng pakpak ng malaking dragon na aming sinasakyan. Hindi ko maiwasang hindi tingnan ang lugar na aming kinaroroonan.
Nagsimulang dumilim ang paligid na animoy takipsilim Nagsimulang humalik ang liwanag ng buwan sa aming mga mata at sa pagkakataong ito, naramdaman ko ang malamig na hangin na dumadampi sa aking balat.
Nabalot ng katahimikan ang aming kinaroroonan. Bumagal din ang lipad ng dragon na aming sinasakyan, hudyat na maging siya ay natatakot din sa kahahantungan namin ngayon.
Ngunit nandito na kami at wala na itong atrasan.
Kahit ilang mababait na bampira lang ang sumapi sa amin ay ayos na, dahil kilalang malalakas ang kanilang mga lahi.
Nakita ko ang palingong-lingong ulo nina Pontus at Yani. Halata sa kanilang kinikilos na maging sila ay natatakot din sa lugar na aming kinaroroonan. Hindi ko sila masisisi, sa pagkakataong ito, mabangis ang aming makahaharap.
Maya-maya lang, nanlaki ang aming mga mata nang makakita ng isang taon na lumilipad sa himpapawid. Ngunit sa tingin ko ay isang malakas na pagtalon ang kanyang ginawa.
Tumakip siya sa buwan dahilan upang mapapungay ang aming mga mata dahil sa pagkasilaw.
Isang matalas na kuko ang mabilis na kumalmot sa kamay ni Pontus dahilan upang mabitiwan niya si Ifrit.
Nakita namin ang mukha ng bampirang sumugod sa amin. Nangninisik ang kanyang mga mata at ito ay kulay pula. Malaki ang kanyang mga pangil at matalas ang kuko. Tila nababaliw ang kanyang hitsura at hayok ito sa dugo.
"Pontus!" sigaw ko saka mabilis na nagtungo sa kanyang kinaroroonan.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, lahat kami ay nagulat nang tumalon si Ifrit sa dragon na aming sinasakyan.
"Ang hayop na iyon! Kakampi pa yata niya ang mga bampira!" galit na wika ni Pontus habang nakahawak sa kanyang kamay.
Agad namang nawala sa aming paningin ang bampira na sumugod sa amin kanina. Mukhang plano lang talaga nilang patakasin si Ifrit.
Dahil sa bilis ng mga pangyayari, halos hindi na namin namalayan ang malalang sugat na natamo ni Pontus. Mabuti na lang at walang kamantag ang kuko ng mga bampira at tanging pangil lang ang may kamandag sa kanila.
Agad akong lumapit kay Pontus at nag-aalalang humawak sa kanya.
Ngunit sa aking paglapit, galit niyang tinabig ang aking kamay.
"Kaya ko na ito. Kaya kong pagalingin ang sarili ko," iritable niyang wika.
Marahang nilapat ni Pontus ang kanyang kamay sa nasugatang bahagi ng kanyang katawan, saka lumabas ang isang butil ng tubig mula sa kanyang palad.
Sa pagpatak ng tubig sa palad niya, dahan-dahang naghilom ang sugat na natamo niya kanina.
"Maayos ka na ba?" tanong ko.
"Oo. Ngunit mas magiging maayos ako kung madudurog ko ang lalaking iyon!" galit na galit niyang wika. "At sa pagkakataong ito, hinding-hindi ko na siya hahayaan pang mabuhay!"
Tila ayaw nang kumalma ni Pontus dahil sa mga nangyari. Hindi ko siya masisisi, labis na ang ginawang gulo ni Ifrit at mukhang kahiy anong paliwanag ang aming gawin, hindi na namin siya mapapakiusapan.
Sinimulan kong lumingon sa paligid, muli kong nakita ang syudad ng mga bampira. Namangha ako sa lugar na ito dahil pareho siya sa mundo ng mga mortal. May mga gusali at may train. May malaking orasan at tila isa itong mayamang syudad.
Sa paglipas ng ilang minuto, unti-unti na kaming binaba sa syudad ng malaking dragon na aming sinasakyan.
Sinigurado ng dragon na ito na ibababa niya kami sa lahi ng mga bampira na kumakain ng dugo ng hayop dahil alam niya kung gaano kadelikado ang ibang lahi.
Mabuti na lang at matalino at mabait ang mga dragon sa mundo ng Peridious, maaasahan talaga sila sa mga ganitong bagay.
Sa paglapat ng aking paa sa sahig ng syudad, ramdam ng aking katawan ang malamig na hangin sa paligid. Halatang hindi nasisinagan ng araw ang lugar dahil sa malamig nitong temperatura.
Sinadya na kaya nilang takpan ang araw upang hindi sila masinagan?
"Maligayang pagdating mga alagad ng reyna." Mabilis kaming napalingon sa pinaggalingan ng tinig na iyon at tumambad sa aming harapan ang isang magandang babae. "Anong maipaglilingkod namin sa inyo, mga butihing ginoo?" muli niyang sambit.
"Nasaan si Ifrit Sun? Ilabas nyo siya at dudurugin ko ang hambog na 'yon!" galit na galit na sigaw ni Pontus.
"Pontus, 'wag kang magpadalos-dalos!" pagpigil sa kanya ni Yani.
Mariin namang kinuyom ni Pontus ang kanyang kamay. Mabuti at mayroon pa pala siyang taong sinusunod. Mahirap talaga kapag umandar na naman ang init ng kanyang ulo.
"Ifrit Sun?" Pag-iisip ng babaeng bampira na nasa aming harapan. "Ah, iyong lalaking kadarating lang sa kabilang lahi? Iyong lalaking nag-nanais maging imortal?"
Nanlaki ang aming mga mata dahil sa kanyang sinabi. Hindi kami makapaniwala na ninanais ni Ifrit na maging isang bampira, na maging dugong mortal.
Kung matupad ang bagay na kanyang ninanais, siguradong magwawagi ang masama dahil malakas ang kanyang kapangyarihan.
Siya ang may hawak sa elemento ng apoy at alam naming lahat ang kayang gawin ng kapangyarihan na iyon.
Kaya nitong sunugin ang isang buong kaharian sa isang pitil lang ng kanyang daliri, isang bagay na hindi namin maaaring hayaang mangyari.
"Sabihin mo, sino ang maaari naming makausap upang kami ang makahingi ng tulong," magalang kong pag-usap sa babae.
"Kaharap nyo na siya. Ako si Rea, ang reyna ng mga bampira," aniya.
Hindi ko akalain na ang reyna mismo ang sasalubong sa lugar na ito. Nakakapagduda dahil tila alam nila at inaasahan nila ang aming pagdating.
***
Alerto ang sarili nang lumakad kami patungo sa loob ng kastilyo ng mga bampira. Ramdam ko ang lakas ng pwersa na nakapaligid dito at ang malamig na hangin na tila nagmumula sa kanilang katawan.
Ito pala ang Draco kingdom. Hindi ko akalain na ganito kabigat ang awra sa lugar na ito.
Nang kami ay tuluyang makapasok sa kastilyo at makarating sa loob ng silid kung saan naroon ang mga trono ng hari at reyna, bumungad sa among harapan ang hari na may pulang mata.
"Sabihin nyo, anong maipaglilingkod namin, mga kawal ng peridious?" malalim na tinig na wika ng hari.
Hinakbang ko nang isa ang aking paa, saka yumuko at lumuhod sa kanyang harapan bilang pagpapakita ng respeto sa kanya.
"Kamahalan, hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman ang kumakalat na balita tungkol sa bagong Queen Regina," pagsasalaysay ko.
"Oo, narinig ko nga na may mortal na babae ang dumating sa ating mundo. Ano naman ang gagawin naming mga bampira tungkol dito?" tanong niya.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, kamahalan. Nais sana naming humingi ng tulong sa inyong lahi upang mailigtas siya."
"Mailigtas? Bakit?"
"Kasalukuyang nasa kamay ni Hadi ang mortal na reyna. At kung hindi natin siya maililigtas, maaaring maging katapusan na ito ng ating mundo."
Kunot ang noong tumingin sa akin ang hari, saka bumaling ng tingin sa kanyang asawa. Nagkibit-balikat naman ang reyna na animoy walang alam sa mga nangyayari. Muli namang bumalik ng tingin sa akin ang hari.
"Sinasabi mo bang ganoon lang kadaling nahuli ang reyna ng Peridious? Hindi ba nagtataglay siya ng kakaibang lakas?" nagtatakang tanong sa akin ng hari.
"Opo, kamahalan. Ngunit ang mortal na reyna ay pinanganak na walang kapangyarihan. Marahil, hindi naman lingid sa inyong kaalaman na hinati ng reyna ang elemento ng mundong ito bago siya mawala, kaya sa ngayon, kailangang makumpleto ng kasalukuyang reyna ang mga elemento na bubuong muli sa ating mythical creature."
Tumango-tango ang hari na animoy malalim na nag-iisip. Hindi ko alam kung sapat na ba ang aking sinabi sa kanya, ngunit umaasa ako na siya ay aking makumbinsi.
"Ang totoo, nais man kitang tulungan. May mga kawal kaming hindi na nais sumunod sa aking utos," wika niya na animoy nanghihinayang.
"A-Ano pong ibig nyong sabihin?"
"Sa kasalukuyan, isang problema rin ang kinahaharap ng aming kaharian. Maraming kawal ang nag-aklas at naniwala sa mga salita ng lalaking nagngangalang Ifrit Sun. Karamihan sa aming kawal ay mas piniling sama sa kanya at kumain ng dugo ng tao, isang mahigpit na bagay na pinagbabawal ko."
Nababakas ang lungkot sa mukha ng hari. Maging siya ay wala ring magawa sa nangyayaring sitwasyon ngayon.
"Huwag kayong mag-alala, kamahalan. Ako na ang bahala sa Ifrit na 'yon. Makita ko lang talaga siya, titirisin ko siya nang parang kuto!" galit at may gigil na wika ni Pontus, sabay sa pagpapalagutok ng kanyang mga daliri.
"Maraming salamat sa inyo, ngunit sa ngayon, wala talaga akong maibibigay na kawal sa inyo upang makatulong."
"Wala na ba kayong kakayahang lumaban, mahal na hari?" pagsingit ni Yani na ngayon ay humakbang papalapit sa aming kinaroroonan.
Natawa pa ang hari dahil sa kanyang sinabi bago ito tumugon.
"Minamaliit mo ba ang aking kakayahan?"
"Hindi po, ngunit kung nais nyo talagang maibalik ang balanse ng iyong kaharian, hindi kayo uupo lamang sa inyong trono at maghihintay."
Agad na nagbago ang ekspresyon sa mukha ng hari. Sumilay ang pagiging seryoso ng kanyang mukha na animoy natapakan ang kanyang pride dahil sa sinabi ni Yani.
Hanggang sa maya-maya lang, isang buntonghininga ang kanyang ginawa, saka pinag-intertwined ang mga daliri at tumingin sa amin.
"Rea, ihanda mo ang aking mga kailangan. Sa tingin ko ay panahon na upang kumilos ang hari na ito," aniya.
Sumilay naman ang ngiti sa aking labi nang mapagtantong tutulong sa amin ang hari upang mailigtas ang aming reyna at maayos ang kaniyang kaharian.
***
Upang kami ay panandaliang makapagpahinga, inanyayahan kami ng hari na manatili sandali sa kanyang kastilyo at doon magpahinga. Matapos iyon ay inayos namin ang lahat ng bagay na gagamitin para sa susuungin naming laban.
"Sa ngayon, nais kong sabihin na ang kahaharapin ninyong mga bampira ay hindi tulad ng ibang naiisip ninyo," panimula ng hari habang nakatingin siya sa amin.
Kasalukuyan kaming nasa labas ng kastilyo at handa nang magtungo sa gubat ng imortal kung saan sinasabing nandoon si Ifrit at ang kanyang mga alagad.
"Ang mga bampirang makakaharap natin ay mas malalakas na klase ng bampira, dahil hindi dugo ng hayop ang tumatakbo sa kanilang katawan, kung hindi dugo ng mga mortal," pagpapaliwanag niya sa amin. "Siguro, ayoko mang sabihin, ngunit sigurado ako na mas malakas na sila ngayon kaysa sa aking kapangyarihan. Matagal na akong hindi nakakatikim ng dugo ng tao at hindi na ganoon kapulido ang aking galaw, kaya sana, huwag nyong isipin na basta-basta lang ang ating kahaharapin."
"Opo, mahal na hari," tugon naming tatlo.
Maya-maya lang, marahang lumakad ang hari patungo sa kinaroroonan ng kanyang reyna. Maingat at marahang hinawakan ng hari ang kanyang pisngi at hinagkan ang kanyang noo.
"Rea, pangako. Babalik ako nang ligtas. At sa aking pagbabalik, magiging maayos na ang kaharian nating ito," mapait ang ngiting wika niya.
"May tiwala ako sa 'yo, Keith. Masiyado nang mahaba ang ating pinagdaanan upang makarating sa kung nasaan tayo ngayon," tugon ng reyna sa kanya.
Hinagkan ng hari ang kanyang noo at sa paglayo ng kanyang labi, isang ngiti ang sumilay sa kanilang pisngi.
Muling lumakad ang hari patungo sa aming kinaroroonan, saka kami sabay-sabay na tumango sa isa't isa bilang hudyat ng aming pag-alis.
"Ihanda nyo ang inyong sarili. Hindi biro ang ating kahaharapin."
Sabay-sabay kaming tumango at lumakad palabas ng lugar kung saan kami naroroon.