Merrill's Point of View
Nanatiling nakatakip ang kamay niya sa bibig ko hanggang sa tumango ako. Unti-unti niyang inalis ang kamay niya. Kumakabog na ang dibdib ko habang papalapit ang mga kalalakihan sa labas sa pag-check sa lahat ng mga cubicle. Nasa bandang dulo kami at nang makita ko ang anino ng isa sa kanila sa tapat ng pinto ng cubicle kung nasaan kami ay agad akong sumigaw.
"Hoy! Ano'ng ginagawa ninyo? Mga m******s ba kayo ay dito n'yo pa naisip sa ospital maghanap ng mamanyakin?!"
"Boss, may tao!" pasigaw na anunsyo ng isa sa kanila.
"Buksan mo!" Nataranta ako sa naging sagot nito. Sinubukang buksan ng lalaki ang pinto ngunit hinawakan ko ang mismong lock sa loob upang hindi basta-basta mabuksan pero bigla nitong sinipa ang pinto dahilan para mabitawan ko ang lock nang bigla itong kumalabog.
"Siraulo ka ba?! Saklolo! Tulong! May mga manyak po rito! Tumawag po kayo ng pulis!" Pilit ko nilakasan ang pagsigaw ko upang maalarma ang mga ito. "Tulong!!"
"Bakit kayo nandito?" May nadinig akong boses ng babae. "Guard!" Tumawag ito ng g'wardya. Sa ika-lawang pagsigaw nito ay nakilala ko ang boses. "Guard!!!"
Sunod kong nadinig ang mga yabag ng paalis na mga lalaki. Mukhang natakot at sumibat na ang mga ito.
"Ma?"
"Merrill?" Nagkasabay pa kami ng pagtawag sa isa't-isa. Nagmadali akong lumabas. Nawala na isip ko ang lalaking na nasa loob pa ng cubicle.
"Sino ang mga 'yon? Bakit nandito sila? Sinaktan ka ba nila?" sunod-sunod nitong tanong sa akin nang yumakap ako nang mahigpit sa kaniya.
Walang pagsidhan ang takot sa dibdib ko. Buong akala ko'y tuluyan na nilang mabubuksan ang pinto. "Hindi ko po alam—"
"Pasensya na po at nadamay ang anak ninyo. Ako po ang hinahanap nila." Bigla na lamang sumulpot ang lalaking humila sa akin sa loob ng cubicle.
Paglingon ko sa kaniya, nakayuko ang kaniyang ulo pantay sa kaniyang likod habang nasa magkabilang gilid ang dalawang kamay. "Pasensya na po," ulit niya at nang iangat nito ang kaniyang ulo, halos malaglag ang panga ko sa gulat.
Sa dinami-dami ba naman ng tao na p'wedeng makita, bakit siya pa?
Hinatak ni Mama ang braso ko palapit sa kaniya. "S-sino siya, anak?" tanong niya sa akin.
Doon lamang ako natauhan. Hindi nila p'wedeng malaman kung sino sila pareho. "Hin—"
"Ako nga po pala si Keith. Tinulungan po ako ng anak ninyo na mapaalis ang mga taong humahabol sa akin kanina. Salamat din po at dumating kayo, nagawa n'yo po silang takutin." Hindi ko na nagawang masagot ang tanong ni Mama dahil bigla siyang sumabat. Ang bilis pang magsalita, halatang hanggang mga oras na 'yon ay kinakabahan pa siya.
"Naku! Wala iyon!" Pa-humble pa ang Nanay ko at pasimpleng hinampas ang braso na animo'y kinikilig.
"Sir?!" Napunta ang atensyon naming lahat nang may biglang sumigaw sa labas. Nagmamadali itong pumasok sa loob ng ladies' room at napahakbang kami ni Mama sa gilid nang makitang may kasama itong mga pulis.
"Mauna na po ako," paalam ni Keith sa amin at bago lumabas ng pinto at tumitig ito sa akin. Bahagya ako kinilabutan sa ipinukol niyang tingin.
"Ang g'wapong bata. Parang Korean actor anak. Di kaya artista 'yon? Pero magaling mag-Tagalog." Manghang-mangha ang Nanay ko. Kung alam lang niya kung sino 'yon ay baka bigla siyang mag-transform from pa-humble to amazona.
"Nasaan na po si Papa?" Iniba ko na lang ang usapan dahil tiyak akong kukulitin ako ng Nanay ko sa lalaking iyon.
"Dinala na sa isang k'warto ang Papa mo. Parating na raw si Dr. Serrano," sagot niya sa akin at niyaya ko na siyang puntahan si Papa.
Kumukulo ang dugo ko habang naglalakad kami ni Mama. Hindi maalis sa isip ko na nagawa kong tulungan ang lalaking iyon.
"Tingin mo anak, artista kaya iyon? O baka modelo?" Isa pa 'to si Mama, hindi maalis sa isip niya si Keith. Ang lakas pa naman ng tama niya sa mga Korean actors dahil naimpluwensyahan ko siya sa panonood ng mga Korean dramas.
"Mukha naman pong ordinaryong tao lang. Baka turista ho rito," pagsisinungaling ko kahit alam na alam ko ang pagkatao ng lalaking 'yon.
"Napaano kaya siya at nandito sa ospital? Pero parang hindi siya ordinaryo e. Nakita mo ba 'yong sumundo sa kaniya? Tinawag siyang Sir." Napahilamos na lang ako ng mukha ko. Ang kulit kasi ni Mama.
Nang nakasakay na kami sa elevator saka lang naalala ng Nanay ko ang dahilan kung bakit niya ako hinanap. "Nga pala, anak, may dumating kang message. Hindi ko alam nasa bag ko pala ang cellphone mo kaya binalikan kita." Inabot niya sa akin ang cellphone ko at agad kong in-unlock. Isang email ang dumating galing sa HR ng J.O. Group. Bigla tuloy akong kinabahan. Mabuti na lang at nakasagad sa low ang brightness ng cellphone ko kaya hindi agad makikita ng taong nasa tabi ko ang anumang nasa screen pero sadyang mausisa ang Mama ko at lumapit sa'kin.
Mabilis kong ini-swipe pataas ang screen para maitago ang sender ng email. Alam kong hindi rin niya mababasa dahil maliliit ang letra at wala siyang suot na salamin pero mabuti na rin ang mag-ingat.
Habang binabasa ko laman ng email, napapangiti ako. Mukhang napansin ni Mama iyon kaya bigla itong nag-usyoso. "Ano 'yan, anak? Ano'ng sabi?"
Ibinaba ko na ang cellphone ko at nakangiting humarap sa kaniya. "Binigyan na po ako ng schedule para sa interview," sagot ko at sumabay sa pagpasok sa elevator nang magbukas na ito.
Nagningning ang mga mata ni Mama sa ibinalita kong iyon. "Wow naman! Magandang balita 'yan! Siguradong matutuwa ang Papa mo kapag nalaman niya," kaniyang bulalas dahilan para pagtinginan kami ng mga nakasakay sa elevator kaya kinalabit ko siya agad. "Kailan ka raw pupunta?" pahabol na tanong ni Mama.
"Wala pong sinabi pero ako raw po ang bahala. Sabihan ko lang daw po sila kung kailan ako available." Sandali akong natigilan. Nasa Pampanga naman ang kompanya nila. P'wede akong pumunta sa susunod na araw. Hindi naman ako matatagalan kaya p'wede akong pasikretong aalis.
Iyon nga lang, wala akong dalang maisusuot na damit. Hindi naman p'wedeng magpunta roon nang nakapantalon at t-shirt. Baka may ukay-ukay sa malapit. Maghahanap na lang ako at ipapa-laundry para mayroon akong maisuot.
Hindi na rin masama ang plano ko. Timing pang aksidente kaming nagkita ng apo ni Madam pero curious din ako kung bakit nandito siya sa ospital. Balita ko inatake raw sa puso si Madam at hanggang ngayon wala pang malay.
'Teka! Hindi kaya nandito rin naka-confine si Madam Janet?' Nanlaki ang mata ko sa bigla kong naisip. Malaking problema kapag nagkataon. Huwag lang sana itong magising at makasalubong pa si Papa dahil tiyak na makikilala niya ito.