Buwan ang nakalipas matapos ang pagsasagawa ng ritwal sa amin ni Magus at masasabi kong wala naman akong naging problema sa mga tao sa paligid ko maliban na lamang sa mga mga panaginip na gumigising sa akin sa kalagitnaan ng gabi. Kung hindi tungkol kay Loren iyon na bumabalik ay tungkol naman kay Magus na napag-alaman na ang katotohanan sa akin. Gayunpaman ay hindi ako nagpapaapekto ng sobra dahil baka tuluyan akong mabalisa. Sa nagdaang isang buwan ay lalo kong nakumpirma ang nararamdaman ko na tipong alam ko na sa aking sarili na hindi na ako makakaahon pa kung kaya naman ilang beses kong hinanap si Mr. Jarvis upang ipagbigay alam ang tungkol doon. Kahit pa alam kong hindi niya magugustuhan ang sasabihin ko, bilang nagdala sa akin sa kalagayan na ito ay nais kong malaman niya.