ANG gwapong mukha ni Lucas ang aking nabungaran pagkababa ng salamin ng bintana ng kotse. Wari ko ay aalpas ang puso ko sa sobrang kaba pagkakita sa kaniya.
"Hi," bati niya.
Hindi ko malaman kung ngingiti at babati rin o tatakbo na lang palayo at magtatago. Kagagaling ko lang kasi sa pagtitinda at tiyak na ang dungis-dungis ko. Medyo pawisan din ako dahil kanina pa naglalakad sa init. Sa oras na iyon, tirik pa rin ang araw, pero manaka-naka ang pag-ambon.
Tinaasan niya ako ng mga kilay nang hindi man lang ako kumibo. Nakakahiya ang hitsura ko, pero sa kabila noon ay hindi ko rin maitago sa sarili ko ang tuwa na makita si Lucas. Isang linggo akong nasabik sa kaniya tapos ay rito pala kami magkikita.
Lumunok ako. "L-Lucas... Ikaw pala." At isang ninenerbiyos na ngiti ang gumuhit sa mukha ko.
"Saan ka pupunta?"
"S-sa bahay. Pauwi na. Nag-deliver lang ako ng kakanin sa patahian sa bayan." Sinikap kong maging natural sa pakikipag-usap. Baka sa kakatulala ko ay mabuking pa niya ako na may crush sa kaniya.
"Gano'n ba? Sumabay ka na, ihahatid na kita."
"A-ah, ay hindi na!" maagap na tanggi ko. "Makakaabala pa ako sa'yo. Ang dumi-dumi ko pati. H'wag na lang, salamat."
"Jessie."
Natigilan ako nang masalubong ang mga mata niya. Ang pinakabilog noon ay hindi kulay itim. Naghahalong gray at mapusyaw na asul. Makapal ang kaniyang mga pilik-mata. Isinusumpa ko, si Lucas pa lang ang may pinakamagandang pares ng mga mata na nakita ko sa talambuhay ko. Sa tingin pa lang niya, wari ko ay kinakausap na niya ako. Nag-aanyaya. Nanghahalina.
"Get in the car. H'wag ka nang mahiya."
Hindi ako nakasagot. Para na akong nahipnotismo sa mga sumunod na sandali. Wala na akong ibang narinig kundi ang kalmadong utos niya na sumakay na ako para maihatid niya.
"Hindi ko akalain na magkikita tayo dito. Saan nga palang punta mo?"
"May dinaanan lang akong kakilala. Mabuti nga na nagawi ako rito at nakita ka. Saan ka ba nagtinda ng mga kakanin?"
"Diyan na sa may patahian malapit sa istasyon ng pulis."
"I see. Lagi mo bang ginagawa ito kapag wala kang pasok sa university?"
"Oo, ganoon nga. Ito na kasi 'yong pinakatulong ko kay Mamang sa hanapbuhay niya. Na-busy na kasi ako ngayon sa pag-aaral."
"That's nice. Pero wala ka bang dalang payong? Naglalakad ka sa gitna ng init at ambon. Gusto mong magkasakit?"
"Sanay na ako sa init. Halata naman siguro sa kulay ng balat ko. Hindi ko nga lang alam na aambon din. Kakaiba kasi ngayon ang panahon. Ang sabi pa ng matatanda kapag daw tirik ang araw at umaambon, may ikinakasal na tikbalang. Naniniwala ka ba roon?"
Tawa lang ang naging sagot ni Lucas. Nakakahiya. Nagsisi agad ako na nabanggit ko pa ang tungkol sa kwentong-bayan na iyon. Siguro ay dahil wala naman akong mabuksan na ibang topic kaya kung ano-ano na lang ang sinasabi ko. Paano ba naman, hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako na kasama ko siya at nakasakay na naman ako sa sasakyan niya.
Maya-maya ay tumunog ang cellphone ni Lucas. Dinampot niya iyon at bahagya akong nilingon. "Sasagutin ko lang."
Tumango ako at tumingin na muna sa labas ng bintana. Narinig ko ang mga sinasabi ni Lucas sa kausap.
"Dad... Alin doon?.... Sa farmhouse?... Ngayon na ba?... Okay, okay! Yes, Dad, papunta na ako."
Ibinaba niya ang cellphone. Wala naman akong balak magtanong dahil baka personal ang pinag-usapan nila ng marahil ay tatay niya dahil tinawag niyang 'dad', subalit si Lucas mismo ang nagsabi ng tungkol sa tawag na tinanggap.
"Kailangan kong dumaan sa farmhouse, Jessie. May pinapakuha sa akin doon ang tatay ko."
Nakadama ako ng pagkadismaya, pero sinikap kong huwag ipahalata. Ngumiti ako. "Gano'n ba? Sige, ibaba mo na lang ako d'yan sa tabi."
"Umaambon pa rin."
"Ayos lang. Hindi naman ako mababasa niyan."
Hindi siya sumagot. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa daan at wari ko ay pinag-isipan ang sinabi ko.
"Ganito. Sumama ka na lang sa akin."
Natilihan ako saglit. "H-ha?"
"Malapit na naman tayo sa farmhouse. Hindi rin tayo magtatagal. Pipick-up-in ko lang ang dokumentong pinapakuha ni Dad sa office niya at pagkatapos, ihahatid na rin kita sa inyo at saka naman ako didiretso ng uwi sa bahay. Okay lang?"
Lumunok muna ako ng laway at saka tipid na ngumiti. Sa isip ko ay nakahanda na akong tumanggi, pero natagpuan ko ang sarili ko na tumatango sa alok ni Lucas.
"Good," nakangiting sagot niya.
Hindi nga kalayuan ng sinasabing farmhouse. Pero nasa katabing bayan na iyon ng San Miguel at paglampas namin ng arko ay dagli lang kaming lumiko ng daan at natanaw ko na ang malawak na lupain na natatamnan ng hindi mabilang na mga puno ng saging. Sa kabilang banda ay pulos puno ng niyog ang makikita.
Binagtas namin ang mahaba at sementadong kalsada. Napakaganda ng paligid. Kung hindi siguro sa makulimlim na mga ulap ay napakaaliwalas tingnan ng hilera ng mga puno ng saging at niyog. Kilala ang lalawigan namin sa pinakamalaking mag-export ng mga saging sa ibang bansa, pero hindi ko alam na isa ang pamilya nina Lucas sa mga nagmamay-ari ng malalaking taniman ng saging.
Maya-maya ay natanaw ko sa mataas na bahagi ng lupain ang isang bahay. Iyon na marahil ang farmhouse nina Lucas. Moderno ang kayarian niyaon na nababakuran ng puting gate. Mula sa labas ay kita na ang maganda at maluwang na bakuran ng farmhouse. Sa tabi noon ay malalawak na bakanteng lote.
Ilang beses na bumusina si Lucas pagparada namin sa tapat mismo ng gate. Naghintay kami ng taong magbubukas, subalit nakailang busina na ulit siya ay wala pa ring lumabas. Nagkatinginan kami.
"Baka hindi lang ako naririnig." Kinuha ni Lucas ang cellphone niya at may tinawagan. Maya-maya ay may kausap na siya. "Where are you? Hindi mo ba naririnig ang busina ko?... Oo, nandito ako ngayon sa labas ng farmhouse. Hurry up! Pagbuksan mo- What?! Holysh*t!"
Mukhang hindi niya nagustuhan ang sagot ng kausap kaya hindi napigilang magmura. Agad siyang tumingin sa akin para humingi ng paumanhin.
"Sorry...'Yong kausap ko iyon," paliwanag niya. Tumango naman ako. Itinuloy niya ang pakikipag-usap sa nasa cellphone.
"All right. Ano nga bang magagawa ko? Ako nang bahala. Sige na!"
Itinago niya ulit ang cellphone. Nagbuga siya ng hangin at nagtanggal ng seat belt. Nilingon niya ako. "Bubuksan ko lang ang gate. Wait for me here."
Naghintay nga ako sa loob ng kotse habang binubuksan naman ni Lucas ang gate. Kontentong pinapanood ko lang siya. Nakita ko sa kilos niya na nahihirapan siya sa simpleng pagbubukas ng tarangkahan. Naiintindihan ko naman dahil may ibang taong gumagawa noon para sa kanila.
"Lucas!" di-napigilang bulalas ko. Ang kabilang gate na lang kasi ang bubuksan niya nang bigla namang bumuhos ang malakas na ulan. Nakatanaw ako sa kaniya mula sa loob ng kotse at pinapanood ang mabilis na pagkabasa niya..
"Lucas, sumilong ka!" tawag ko na duda ako kung naririnig ba niya. Imbes kasi na tumakbo pabalik sa kotse ay nagpatuloy lang si Lucas sa ginagawa.
Hindi na ako napakali sa kinauupuan kaya nagdesisyon akong sundan si Lucas. Salamat na lang at natuto na akong magbukas ng pinto noon kaya nang makalabas ay tumakbo ako at sumugod na rin ako sa ulan para payungan siya ng dala kong bilao. Nakita niya ang ginawa ko at halatang hindi niya iyon nagustuhan.
"What are you doing here? Ang sabi ko doon ka lang sa kotse!"
"Wala ka kasing payong!" katwiran ko. "Basang-basa ka na!" Sa tangkad naman ni Lucas ay nahirapan akong protektahan siya ng munti kong bilao laban sa malalaking patak ng ulan.
"Yeah, right! At dalawa na tayong basa ngayon." Sinundan niya iyon ng dismayadong iling.
Hindi ko na lang siya pinakinggan. Nang mabuksan nang husto ang gate ay hinawakan na ako ni Lucas sa kamay at tinakbo namin pareho ang pabalik ng kotse. Dali-dali kaming sumakay. Kinuha niya ang bilao ko at inihagis sa likurang upuan. Doon ko naman naisip ang kapalpakang ginawa ko.
"Naku po! Sorry, Lucas, nabasa ko ang upuan ng kotse mo!"
"Ano bang sinasabi mo? Mas nag-alala ka pa sa upuan ng kotse kaysa sa sarili mo. Look at yourself. Gusto mo ba talagang magkasakit? Dapat hinayaan mong ako na lang ang maulanan."
"N-nag... alala kasi ako sa'yo..."
Hindi siya sumagot. Nilingon niya lang ako kaya naaninag ko ang anino ng ngiti sa mga labi niya bago niya muling pinatakbo ang kotse papasok ng bakuran.
Mistula kaming mga basang sisiw nang bumaba ng sasakyan matapos na iparada ni Lucas ang kotse sa harapan ng bahay.
"Halika sa loob. Magpatuyo muna tayo ng mga damit. Iwan mo na muna diyan ang mga dala mo," tukoy niya sa aking bayong at bilao.
Saka ko naramdaman ang ginaw kung kailan nasa loob na kami ng farmhouse. Niyayakap ko ang sarili ko nang magsalita si Lucas mula sa likuran.
"Hubarin mo ang mga basang damit mo. You can use the bathroom para makapagbanlaw."
Napaawang ang mga labi ko. Malinaw kong narinig ang mga sinabi ni Lucas, pero hindi ko naiwasang mapatulala na wari ba ay wala akong naintindihan. Napansin naman agad niya iyon. At mukhang alam din niya kung saan galing ang pag-aalangan ko.
"Jessie, patutuyuin ko lang ang mga damit natin bago tayo umalis. We can't stay like this. Lalo ka na. Galing ka sa initan kanina, baka magkasakit ka. Come on. Pumasok ka na sa banyo. May tuwalaya na roon. Ihahanap lang kita sa closet ng pwede mong maisuot."