PART 4

1533 Words
"Mychal, nasaan ka na?" "Nandito na ako, Dad. Nagpa-park na po ako," sagot ni Mychal sa daddy niya na tumawag. Pinaikot niya ang manibela. Totoong nagpa-park na nga talaga siya dahil naroon na siya sa restaurant kung saan sinabi ng kaniyang ama kung saan sila magkikita. May lunch date kasi sila ng kaniyang parents ngayong araw ng New Year dahil hindi sila nagkasama kagabi na New Year's Eve. Ngayon siya babawi sa mga magulang niya. "Hurry up, son. Ang mommy mo kasi galit na naman sa akin." "Po? Bakit ano’ng nangyari?" Pinatay niya agad ang makina at nagmadaling bumaba. "Dad, papasok na ako—" Hindi niya natapos ang sinasabi at hindi na rin nasagot ng ama ang tanong niya dahil nag-dial tone ang kabilang linya. Malamang pinatay na ng daddy niya ang tawag. "May nangyari ba?" usal niya sa sarili na biglang kinabahan. Binilisan na niya ang kilos. Patakbo niyang tinungo ang restaurant, subalit hindi pa siya nakakapasok ay isang babae ang biglang bumangga sa kaniya. "Sorry," sabi sa kaniya ng babaeng napakaganda at napaka-sexy. "It's okay," sabi niya na napatitig sa mala-anghel na mukha ng babae. "Excuse me." Umalis na agad ito nang hindi man lang tumingin sa kaniya. Gusto sana niyang i-approach ito pero halatang nagmamadali. Gusto niya sanang sundan pati dahil sa unang pagkakataon biglang kumabog na hindi mailarawan ang kaniyang puso para sa babae, pinigilan lang niya ang sarili dahil nang kikilos na sana siya ay nakatawag na ng taxi ang babae at sumakay. Wala siyang nagawa kundi ang ihatid na lang ito ng tingin. For the first time, nabighani siya sa isang babae sa ganoong kabilis. Mukhang totoo nga ang love at first sight. Nawala lang siya sa pagkatulala nang tumunog ulit ang phone na hawak niya. Ang daddy niya ulit ang tumatawag. "Yes, Dad?" "Son, wala na kami riyan sa restaurant ng mommy mo," sabi ng ama. "Po? Eh, nasaan na kayo?" "Pauwi na kasi galit na galit ang mommy mo sa 'kin. Umuwi ka na rin. Sinusundan ko ang taxing sinakyan ng mommy mo." Napakunot-noo si Mychal. "Ano po ba’ng nangyari?" tanong niya dahil New Year na New Year, eh, nag-aaway na naman ang mga magulang niya. "May isa kasing babae na sumira ng lahat. Basta I can't explain here, son. Umuwi ka na lang din at doon ko ipapaliwanag sa 'yo sa bahay. Help me convince your mom na hindi ko talaga kilala ang babaeng 'yon," lumong-lumo ang boses ng kaniyang dad. Napailing siya. Babae na naman? Babae na naman ang dahilan? Hindi na talaga nagbago ang kaniyang ama. Lagi na lang. Likas kasing babaero ang kaniyang dad. Gayunpaman ay mabuti itong ama sa kaniya. Bago siya bumalik sa kotse niya ay isang sulyap muna ang ginawa niya sa bandang tinunguhan ng taxing sinakyan ng babaeng bumangga sa kaniya. Sana lang ay makabanggaan niya ulit ang babaeng iyon para makilala niya. Tinamaan talaga siya, eh. Sa restaurant ay lumabas na rin sina Athan dahil tapos na sila kumain. Patungo sila na pamilya sa kotse nila nang may maalala si Yhannie. "Grabe 'yung babaeng 'yon kanina. Buti na lang at 'di ko siya kilala," sabi ni Yhannie habang pasakay na sila. Napaiwas ng tingin si Athan sa sinabing iyon ng asawa. Alam niyang si Ayu ang tinutukoy ni Yhannie kaya hindi siya nagkomento. Tinulungan na lang niya ang anak na si Nana na makasakay. Sa likod ito. Silang mag-asawa sa harap. "Kawawa naman 'yung matandang babae. Ang tatanda na nila pero niloloko pa rin siya ng asawa niya," kaso ay patuloy ni Yhannie sa pagsasalita tungkol do'n. "O-oo nga, eh," napilitan niyang sabi. "Ikaw, Hon? Baka may babae ka na rin, ha? Huwag na huwag kang magkakamali. Kilala mo akong magalit." Muntik nang mapaubo si Athan. Napalunok siya bago niya tiningnan ang asawa. "Magagawa ko pa ba 'yon, eh, ang ganda-ganda at ang bait-bait ng asawa ko?" Napangiti nang matamis si Yhannie. Nagbago agad ang timpla. Kinikilig pa rin siya kapag ganon ang sinasabi ni Athan sa kaniya. Palibhasa ay tiwalang-tiwala siya na hindi siya lulukuhin ng asawa. "Salamat, Hon, kasi mahal na mahal mo ako." "Syempre naman, honey ko." Kinuha ni Athan ang isang kamay ng asawa at hinalikan ito ng buong pagmamahal. Mahal naman talaga niya ang kaniyang asawa ngunit lalaki lang siya marupok at madaling matukso ng mga babae. "Uwi na tayo?" tapos ay tanong niya kay Yhannie sabay paandar sa ignition ng kotse. "Sige, para makapagpahinga tayo. Napagod tayo kagabi tapos ngayon na naman," sagot ng asawa. Pagkuwan ay tsinek ang anak nila sa likod. Napakagat-labi naman si Athan. Balak niya kasing umalis din mamaya para puntahan si Ayu. Hindi niya mapapalampas ang ginawang iyon kanina ng dalaga. Kailangan niya itong kausapin dahil hindi niya talaga iyon nagustuhan. Masyado siyang pinakaba ng babang iyon. "Ano’ng gusto mong ulam mamaya? Ipagluluto ko kayo ng anak natin?" sabi pa ni Yhannie na naglalambing. "Um, kayo kung ano gusto niyo ng anak natin? Kasi mahal aalis ako, eh," kinakabahan niyang sabi rin. Napatingin sa kaniya ang asawa. "Bakit? Eh, wala namang opisina ngayon, 'di ba? At saka bukas?" "Oo, Hon, kaya lang kasi may tumawag kanina na client. Urgent daw na makapag-usap kami mamaya kasi flight na raw niya bukas patungong China. Eh, matatagalan daw ang balik niya kaya need na naming mag-usap mamaya. Okay lang ba na saglitin ko?" "Is that so." Medyo lumungkot ang boses ni Yhannie. "Sorry, Hon, trabaho, eh. Pero kung ayaw mo ay okay lang." Ginagap niya ang isang kamay nito. "No. Okay lang, Hon. Sayang naman ang client," hindi niya inaasahan ay pagpayag ng asawa. Istrikta kasi masyado si Yhannie. Pahirapan kung magpaalam. "Kung importante 'yan ay sige lang. Para sa future ng anak natin kaya hindi ako magrereklamo. Basta siguraduhin mo lang na huwag kalokohan." Nakahinga nang maluwag si Athan. Buti na lang at tsamba na good mood ang asawa. SA KABILANG BANDA ay gulat na gulat si Vanya nang biglang dumating si Ayu sa bahay nila na bihis na bihis at sexy na sexy sa damit nito. Parang may dinaluhang bonggang okasyon ang kaniyang kaibigan. Pero nang magkuwento si Ayu tungkol sa ginawa nitong kalokohan kanina lang ay naitulak ng isang hintuturo ni Vanya ang noo nito. "Aray!" angal ni Ayu dahil bumaon konti ang kuko ni Vanya sa noo niya. Nakaingos na hinimas-himas niya ang noo. "’Yon lang nasaktan ka na?" "Masakit kaya." "Masakit? Talaga?" Pumanaywang si Vanya. "So, alam mo rin pa lang masaktan pero hindi mo naisip na alam ding masaktan ng mga taong pinaglaruan mo kanina lalo't may mga edad na." Napangiwi si Ayu. Heto na naman sila, humuhugot na naman si Vanya. "Alam mo ikaw bahala ka sa buhay mo kapag dumating na ang karma sa 'yo, ah?" "Grabe ka naman sa 'kin. Hindi ko naman nasaktan si Yhannie, ah? Tinakot ko lang si Athan para hindi niya ako binabalewala ng gano'n-gano'n na lang." "Eh, paano ‘yung mag-asawang matanda na dinamay mo? Hindi ka ba nagi-guilty?" Sa pagkakataong iyon ay natameme si Ayu. Gayunman, natawa rin ilang saglit lang dahil ang totoo kapag naiisip niya iyon ay natatawa talaga siya kaysa ang ma-guilty. "Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa 'yo. Wala ka na bang konsensiya talaga?" "Ano’ng akala mo sa'kin? Bato?" "Eh, bakit ginawa mo iyon? Paano kung ngayon nakahalata na si Yhannie? 'Di kawawa rin ngayon yung tao?" "Hindi naman siguro." "Paano kung oo? Hindi ka man lang nag-iisip." "Eh..." Napakamot si Ayu sa ulo. "Ah, basta kasalanan ni Athan dahil inichapwera niya ako. Hindi ko iyon magagawa kung hindi niya pinasama ang loob ko." "So, ano’ng napala mo? Natakot ba si Athan sa ginawa mo?" Totoong natameme na talaga siya. Hindi niya masagot si Vanya dahil parang wala ngang nangyari. Ni hindi man lang siya sinundan ni Athan. "Hulaan ko. Walang nangyari ‘no? Na pinili pa rin ng Athan na iyon na manatili sa pamilya niya?" Inirapan niya ito. "’Yan ang sinasabi ko sa 'yo. Ihanda mo sarili mo dahil for sure galit iyon sa 'yo ngayon. Pinalala mo lang ang sitwasyon niyo." "Oo na," sabi na lang niya para magtigil na ito dahil nasasaktan na siya. Tama kasi ito. Naisip na niya kanina pa na galit sa kaniya si Athan. Pero ano’ng magagawa niya? Mahal niya talaga si Athan, kaya nga nagagawa niya ang mga bagay na iyon para ipakita na kaya niyang gawin ang lahat kapag tinarantado siya. Saglit na binalot sila ng katahimikan na magkaibigan. Nagkakatinginan lang sila. Mayamaya'y pinukaw sila ng biglang tawag sa cellphone ni Ayu. At ganoon na lamang ang tuwa niya nang makita niyang si Athan ang tumatawag. "Si Athan," tuwang imporma niya kay Vanya na may pagmamalaki. Sabi nga ba niya at gagana ang ginawa niya. Taas-noo niyang sinagot ang tawag sa harap ni Vanya. Masamang tingin lang naman sa kaniya ang kaibigan na napahalukipkip. "Hello," kunwa'y galit ang boses niya. Kahit ang totoo ay gusto niyang magtatalon sa tuwa. Alam na niya kasi ang sasabihin ni Athan. At tama siya nang magsalita nga ito sa kabilang linya "Where are you? Umuwi ka na. Mag-usap tayo." Nagdiwang ang puso ni Ayu. Kahit galit si Athan ay wala siyang pake. Ang mahalaga ay makakasama niya ulit ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD