Alona.
Hindi ko alam kung matatawa ba ako o matatakot habang nakaupo sa tabi ng lalaking ito. Pakiramdam ko kasi, isang maling galaw ko lang ay kaya niya akong baliin na parang palito ng posporo.
“Anong pangalan mo?” tanong niya habang umiikot ang hawak na baso ng alak sa kamay niya.
“Alona.”
“Age?”
“Eighteen years old.”
Muli siyang natawa. “Mukha kang mas bata, sabihin mo yung totoo, baka child abuse pa ang mangyari sa akin at sa kulungan ako pulutin.” tanong pa niya, hindi ko sigurado kung nagbibiro siya.
“Hindi po ako nagsisinungaling, maliit kasi akong babae kaya mukhang bata sa edad ko. Dagdagan pa ng makinis kong balat at maamong mukha. Kaya kahit madalas bastusin ng mga customer, mas marami pa rin ang gustong humipo kaysa manakit.” prangka kog sagot.
Hindi siya nagsalita ngunit hindi nakalampas sa mga mata ko ang pagkuyom ng kamay niya. Nagalit ba siya sa sinabi ko? Gusto kong tanungin kung may nasabi akong mali ngunit nakita kong bumaling siya sa kasama niya at nag-usap sila.
Kaya tumahimik na lang ako at pinagmamasdan na lang sila. Halatang mayaman ang mga ito. Hindi lang dahil sa mga gamit sa katawan na mukhang mamahalin, kundi mahahalata sa makinis nilang balat at palad na manipis. Nadama ko iyon kanina ng hawakan niya ako.
Ayon sa paraan ng pagsasalita mga professional sila. Ang pinag-uusapan din nila ay tungkol sa negosyo.
Hanggang doon lang ang nauunawaan ko at karamihan sa pinag-uusapan nila ay hindi ko na naiintindihan.
Nagsimula na akong makaramdam ng pagkainip, masyado silang tutok sa pinag-uusapan at parang nakalimutan na nila ako.
Ayaw ko naman tumayo at umalis, baka yung kalahating milyon na partial ay maging bato pa. Kaya pinaglaruan ko na lang ang dalawang kamay ko.
“Bakit mo kailangan ng isang milyon?” bigla niyang tanong.
Napakurap ako. “Ha? Ano po ang sabi mo?”
“Kanina, mabilis mong sinabi ang presyo mo. Mukhang desperada ka.”
Hindi agad ako nakasagot.
Ayokong sabihin ang totoong dahilan. Baka sa oras na malaman nilang may sakit ako, malamang umatras sila. Sino bang gugustuhing gumastos sa babaeng mamamatay na?
“Kailangan ko lang,” tipid kong sagot.
Tumitig siya sa akin na para bang binabasa ang laman ng isip ko. Nakakailang. Parang kahit hindi ako magsalita kaya niyang alamin pati nilalaman ng loob ko.
“Marunong ka bang uminom?”
“Oo.” Kahit ang totoo, hindi naman talaga.
Sinalinan niya ako ng alak at inabot sa akin ang baso. Nanginginig pa ang kamay ko nang tanggapin iyon.
“Relax, sweetyt,” bulong niya. “Hindi kita kakainin agad.”
Napangiwi ako sa sinabi niya ngunit pilit akong ngumiti. Trabaho ito at ginusto ko. Kailangan kong tiisin.
“Isang milyon, Alona, ang kailangan lang ma-satisfy siya. Kapag nakuha mo ’yon, may pag-asa ka pang mabuhay.” bulong ng isipan ko.
Sumimsim ako ng alak at agad napapikit nang maramdaman ang pait at init sa lalamunan ko. Halos mapaubo pa ako ngunit pinigilan ko. Ayokong malaman nilang nagsisinungaling ako. Kailangan panindigan ko ang salita ko na marunong akong uminom ng alak.
“Cute,” natatawa na sabi ng kasama niya.
“First time mo uminom?”
“Hindi no,” depensa ko agad kahit halatang nauutal ako.
Tumawa silang pareho at lalo silang naging gwapo sa paningin ko. Bwisit.
Maya-maya ay tumayo ang kasama niya at tinapik siya sa balikat. “Mauna na ako. Mukhang gusto mong mapag-isa kasama ang bago mong laruan.”
“Laruan… ako?” bulong ko habang nakaturo ang daliri sa aking sarili?
At parang may kung anong kumurot sa dibdib ko dahil sa salitang iyon. Ngunit nilunok ko na lang sapagkat iyon naman ang katotohanan. Hindi ako pwedeng maging maarte. Ginusto ko ito kaya dapat kong panindigan.
Pagkalabas ng lalaki ay tila mas lalong naging tahimik ang VIP room. Tanging mahinang paghinga niya ang maririnig.
“Lumapit ka.”
Dahan-dahan akong sumunod. Ngunit nang makalapit ako ay agad niya akong hinila paupo sa kandungan niya.
“Ah!”
Napahawak ako sa dibdib niya dahil sa gulat.
At ngayon ko lubos napagtanto ko kung gaano siya kalaki. Matigas din ang katawan niya, at amoy mamahaling pabango na humahalo sa alak.
“Kinakabahan ka?” tanong niya habang nakatingin diretso sa mga mata ko.
“O-Oo…”
“Good.”
Napakunot-noo ako. “Bakit good?”
“Mas gusto ko ’yong hindi mapagkunwari.”
Sa narinig ay bahagya akong napapikit, dahil may ibang parte sa akin ng pagkukunwari. Kagaya ng pag-inom ng alak, hindi naman talaga ako umiinom. Pati na ang tunay na dahilan kung bakit kailangan ko ng isang milyon.
Dahan-dahan niyang inangat ang kamay at hinawi ang ilang hibla ng buhok ko palayo sa mukha ko.
“Pretty face,” bulong niya. “Sayang kung mapupunta ka lang sa mga bastos at walang pera na customer.”
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinsulto.
“Makinig ka, Alona,” seryoso niyang sabi. “Kapag sumama ka sa akin ngayong gabi, hindi ka na babalik dito bilang escort na babae ng club na ’to.”
Nanlaki ang mga mata ko. “A-Anong ibig mo pong sabihin?”
Ngumiti siya… iyong ngiting parang may ibang kahulugan.
“From tonight onward… magiging akin ka.”
Biglang kumabog ang dibdib ko at parang biglang sumikip ang loob ng VIP room matapos kong marinig ang mga sinabi niya.
Maging akin ka.
Paulit-ulit iyong umalingawngaw sa isip ko habang nakatitig lang ako sa kanya. Hindi ko man lang alam ang pangalan niya, pero heto ako ngayon… nakaupo sa kandungan niya at nakikipagkasundo para ibenta ang sarili kong katawan.
Dahan-dahan kong kinagat ang ibabang labi ko upang pigilan ang panginginig.
Takot ako.
Sobrang takot.
Hindi ko alam kung anong klaseng lalaki siya. Hindi ko rin alam kung ano ang kayang gawin ng mga taong may kagaya niyang mayaman. At higit sa lahat… hindi ko alam kung hanggang saan ko kayang isuko ang sarili ko kapalit ng pagkakataong mabuhay.
“Bakit parang gusto mo nang umatras?” seryoso niyang tanong habang pinagmamasdan ang mukha ko.
“Ako…”
Napayuko ako.
Sa isip ko, gusto ko nang tumakbo palabas ng kwartong iyon. Gusto kong sabihing hindi ko kaya. Na hindi ko kayang ibenta ang sarili ko sa lalaking hindi ko man lang kilala.
Pero kasabay no’n, biglang bumigat pakiramdam ko nang maalala ang ospital. Ang lugar na ‘yon na tanging makapagsasalba sa buhay ko. Ganun din ang boses ng doktor na nagsasabing dalawang taon na lang ang itatagal ko.
Mahigpit kong kinuyom ang palad ko.
Ayokong mamatay.
Gaya ng simpleng pangarap na maranasang maging masaya. Kasi simula ng magkaisip ako puro bully, hirap at pasakit ang dinanas ko.
Lalo noong high school, karamihan sa mga kaklase ko ay inaalipusta ako. At totoo naman na kaya lang ako nakakapag-aral dahil matalino ako. Scholar kasi ako hanggang first year college, ngunit nang ma-diagnose akong may cancer nagpasya akong huminto na lang sa pag-aaral. At sa club na nga ako napadpad.
“Alona, hindi ka sumasagot?”
“Sorry po, umm… kapag sumama po ba ako sa ’yo…” mahina kong umpisa habang pilit siyang tinitingnan sa mata, “ibibigay mo ba talaga ang pera?”
Hindi siya agad sumagot. Kinuha muna niya ang sigarilyo sa mesa at saka ito sinindihan.
“Half a million mamaya.” Bumuga siya ng usok bago muling nagsalita. “The rest depends on you, kagaya ng sabi ko… kapag satisfied ako.”
Napalunok ako.
Malaking pera na ang kalahating milyon. Sapat na upang makapagsimula ako ng pagpapagamot. Ngunit kulang pa rin iyon para sa operasyon ko. Kailangan ko ang buong isang milyon.
At nakasalalay iyon sa pagsama ko sa kanya ngayong gabi.
“Anong pangalan mo?” lakas-loob kong tanong.
Bahagya siyang natawa. “Curious ka na agad?”
“Karapatan ko naman po sigurong malaman ang pangalan ng lalaking sasamahan ko.”
Sandali niya akong tinitigan bago siya bahagyang ngumisi.
“Rafael.”
Rafael.
Bagay sa kanya ang pangalan. Makapangyarihan… katulad ng presensya niya.
“Now tell me, Alona…” marahan niyang bulong habang dahan-dahang inaangat ang baba ko gamit ang daliri niya, “handa ka bang sumugal para sa buong isang milyon?”
Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko. Dahil alam kong sa oras na sumagot ako ng oo… wala nang atrasan.
Pumikit muna ako nang mariin bago marahang tumango.
“O-Oo…”
At mabilis niyang siniil ang labi ko.